< Job 41 >

1 Mahuhuli mo ba ang buwaya ng isang bingwit? O mailalabas mo ba ang kaniyang dila ng isang panali?
Kaya mo bang palabasin ang leviatan gamit ang kawit sa pangingisda? O igapos ang mga panga niya gamit ang tali?
2 Makapaglalagay ka ba ng tali sa kaniyang ilong? O makabubutas sa kaniyang panga ng isang taga ng bingwit?
Kaya mo bang maglagay ng lubid sa ilong niya, o butasin ang panga niya gamit ang kawit?
3 Mamamanhik ba siya ng marami sa iyo? O magsasalita ba siya ng mga malumanay na salita sa iyo?
Magsusumamo ba siya sa iyo nang paulit-ulit? Magsasabi ba siya ng mga malumanay na salita sa iyo?
4 Makikipagtipan ba siya sa iyo, upang ariin mo siyang alipin magpakailan man?
Gagawa ba siya ng kasunduan sa iyo, na dapat mo siyang gawing alipin magpakailanman?
5 Makikipaglaro ka ba sa kaniya na gaya sa isang ibon? O iyong tatalian ba siya para sa iyong mga dalaga?
Makikipaglaro ka ba sa kaniya nang katulad sa ibon? Itatali mo ba siya para sa iyong mga aliping babae?
6 Makakalakal ba siya ng mga pulutong ng mangingisda? Mababahagi ba siya nila sa mga mangangalakal?
Tatawad ba ang mga pangkat ng mga mangingisda para sa kaniya? Hahatiin ba nila siya para makipagkalakalan sa mga mangangalakal?
7 Mahihiwa mo ba ang kaniyang balat ng sundang na bakal, o ang kaniyang ulo ng panaksak ng isda?
Kaya mo bang punuin ang tagiliran niya ng mga salapang o ang ulo niya ng mga sibat sa pangingisda?
8 Ipatong mo ang iyong kamay sa kaniya; alalahanin mo ang pagbabaka at huwag mo nang gawin.
Ilagay mo ang iyong kamay sa kaniya minsan lamang, at maaalala mo ang labanan at hindi na ito gagawin.
9 Narito, ang pagasa riyan ay walang kabuluhan: hindi ba malulugmok ang sinoman makita lamang yaon?
Tingnan mo, ang pag-asa ng sinumang ginagawa iyon ay kasinungalingan; hindi ba mapapatirapa sa lupa sa pagtingin lamang sa kaniya?
10 Walang malakas na makapangahas kumilos niyaon: sino ngang makatatayo sa harap ko?
Walang matapang na maglalakas-loob na pukawin ang leviatan; sino ngayon, ang makatatayo sa harap ko?
11 Sinong naunang nagbigay sa akin upang aking bayaran siya? Anomang nasa silong ng buong langit ay akin.
Sino ang unang nagbigay sa akin ng anumang bagay na dapat ko siyang bayaran pabalik? Anuman ang nasa ilalim ng buong kalangitan ay sa akin.
12 Hindi ako tatahimik tungkol sa kaniyang mga sangkap ng katawan, ni sa kaniya mang dakilang kapangyarihan, ni sa kaniya mang mainam na hugis.
Hindi ako mananahimik tungkol sa mga binti ng leviatan, maging ang tungkol sa kaniyang kalakasan, maging ang kaniyang kaaya-ayang anyo.
13 Sinong makapaglilitaw na karayagan ng kaniyang mga damit? Sinong makalalapit sa kaniyang magkasaping pangil?
Sino ang makatatanggal ng kaniyang panlabas na takip? Sino ang makapapasok sa kaniyang dobleng baluti?
14 Sinong makapagbubukas ng mga pinto ng kaniyang mukha? Sa palibot ng kaniyang ngipin ay kakilabutan.
Sino ang makapagbubukas ng mga pinto ng kaniyang mukha— napalilibutan ng kaniyang mga ngipin na kakila-kilabot?
15 Ang kaniyang mga matibay na palikpik ay kaniyang kapalaluan, nangagkakadikit na maigi na gaya sa isang tatak na mahigpit.
Ang kaniyang likod ay gawa sa mga hanay ng mga kalasag, magkakalapit na katulad ng saradong selyo.
16 Nagkakadikit sa isa't isa, na ang hangin ay hindi makaraan sa pagitan sa mga yaon.
Magkalapit sila sa isa't isa na walang hangin na nakapapasok sa gitna nila.
17 Sila'y nagkakasugpongan sa isa't isa; Nagkakalakip na magkasama, na hindi maihihiwalay.
Magkadugtong sila; magkadikit sila, para hindi sila mapaghihiwalay.
18 Ang kanilang mga bahin ay kumikislap ng apoy, at ang kanilang mga mata ay gaya ng mga bukang liwayway kung umaga.
Kumikislap ang liwanag mula sa kaniyang pagsinghal; ang kaniyang mga mata ay tulad ng talukap ng bukang-liwayway.
19 Mula sa kaniyang bibig ay lumalabas ang nagliliyab na sulo, at mga alipatong apoy ay nagsisilabas.
Mula sa bibig niya ay mga nag-aapoy na sulo, ang mga kislap ng apoy ay nagtatalsikan.
20 Mula sa kaniyang mga butas ng ilong ay lumalabas ang usok, na gaya ng isang kumukulong talyasi at nagniningas na mga talahib.
Mula sa mga butas ng kaniyang ilong ay usok katulad ng kumukulong palayok sa apoy na pinaypayan para maging sobrang init.
21 Ang kaniyang hinga ay nagpapaningas ng mga baga, at isang alab ay lumalabas sa kaniyang bibig.
Ang kaniyang hininga ay sinisindihan ng mga uling para lumagablab; apoy ang lumalabas sa bibig niya.
22 Sa kaniyang leeg ay tumitira ang kalakasan, at ang kakilabutan ay sumasayaw sa harap niya.
Kalakasan ang nasa leeg niya, at sumasayaw ang takot sa harap niya.
23 Ang mga kaliskis ng kaniyang laman ay nangagkakadikitan; nangagtutumibay sa kaniya; hindi magagalaw.
Magkakadugtong ang mga tupi ng kaniyang laman; nakakapit sila sa kaniya; hindi sila magagalaw.
24 Ang kaniyang puso ay matatag na gaya ng isang bato; Oo, matatag na gaya ng batong pangibaba ng gilingan.
Ang kaniyang puso ay kasing tigas ng bato— sa katunayan, kasing tigas ng batong gilingan.
25 Pagka siya'y tumitindig ay natatakot ang makapangyarihan: dahil sa pagkagulat ay nangalilito sila.
Kapag tinataas niya ang kaniyang sarili, kahit ang mga diyos ay natatakot; dahil sa takot, umaatras sila.
26 Kung siya'y tagain ninoman ng tabak ay hindi tumatalab; ni ng sibat man, ng pana, ni ng matalas na tulis man.
Kung tatamaan siya ng espada, wala itong magagawa— at maging ang sibat, palaso at iba pang matulis na sandata.
27 Kaniyang ipinalalagay ang bakal na parang dayami, at ang tanso na parang lapok na kahoy.
Ang tingin niya sa bakal ay parang dayami, at sa tanso ay parang bulok na kahoy.
28 Hindi niya mapatakas ng palaso: ang mga batong panghilagpos ay nagiging sa kaniya'y parang pinagputulan ng trigo.
Hindi siya mapapatakbo ng palaso; sa kaniya ang mga bato ng tirador ay nagiging ipa.
29 Ang mga panakbat ay nangapapalagay na parang pinagputulan ng trigo: kaniyang tinatawanan ang galaw ng sibat.
Ang mga pamalo ay parang dayami; pinagtatawanan niya ang sumusuray na paglipad ng sibat.
30 Ang kaniyang mga sangkap sa ibaba ay gaya ng mga matulis na bibinga: lumalaganap na tila saksak sa banlik.
Ang kaniyang mga pambabang bahagi ay tulad ng mga matatalim na piraso ng basag na palayok; iniiwan niya ang malaking bakas sa putik na para siyang karetang giikan.
31 Kaniyang pinagpapakuluan ang kalaliman na parang palyok: kaniyang ginagawa ang dagat na parang pamahid.
Pinabubula niya ang kailaliman katulad ng kumukulong tubig sa palayok; ginagawa niya ang dagat na parang palayok ng pamahid.
32 Kaniyang pinasisilang ang landas sa likuran niya; aakalain ng sinoman na mauban ang kalaliman.
Pinakikinang niya ang landas na dinaanan niya; iisipin ng isang tao na ang kailaliman ay puti.
33 Sa ibabaw ng lupa ay walang gaya niya, na likhang walang takot.
Sa lupa ay walang makapapantay sa kaniya, na ginawa para mamuhay nang walang takot.
34 Kaniyang minamasdan ang bawa't mataas na bagay: siya'y hari sa lahat ng mga anak na palalo.
Nakikita niya ang lahat ng mayabang; siya ang hari ng lahat ng mga anak ng kayabangan.”

< Job 41 >