< Job 32 >

1 Sa gayo'y ang tatlong lalaking ito ay nagsitigil ng pagsagot kay Job, sapagka't siya'y matuwid sa kaniyang sariling paningin.
Kaya tumigil sa pagsagot kay Job ang tatlong mga lalaking ito dahil siya ay matuwid sa sarili niyang paningin.
2 Nang magkagayo'y nagalab ang poot ni Eliu, na anak ni Barachel na Bucita, na angkan ni Ram: laban kay Job ay nagalab ang kaniyang poot, sapagka't siya'y nagpapanggap na ganap kay sa Dios.
Pagkatapos sumiklab ang galit ni Elihu anak ni Baraquel, apo ni Bus ng pamilya ni Ram; sumiklab ito laban kay Job dahil binigyang katwiran niya ang kaniyang sarili sa halip na ang Diyos.
3 Laban din naman sa kaniyang tatlong kaibigan ay nagalab ang kaniyang poot, sapagka't sila'y hindi nakasumpong ng sagot, at gayon man ay nahatulan si Job.
Sumiklab din ang galit ni Elihu laban sa tatlo niyang mga kaibigan dahil wala silang nahanap na sagot kay Job, gayunman hinatulan nila si Job
4 Si Eliu nga ay naghintay upang magsalita kay Job, sapagka't sila'y matanda kay sa kaniya.
Ngayon naghintay si Elihu na makapagsalita kay Job dahil mas matanda sa kaniya ang tatlong ibang lalaki.
5 At nang makita ni Eliu na walang kasagutan sa bibig ng tatlong lalaking ito, ay nagalab ang kaniyang poot.
Pero, nang nakita ni Elihu na walang sagot sa bibig ng tatlong mga lalaking ito, sumiklab ang kaniyang galit.
6 At si Eliu na anak ni Barachel na Bucita ay sumagot at nagsabi, Ako'y bata, at kayo'y totoong matatanda; kaya't ako'y nagpakapigil at hindi ako nangahas magpatalastas sa inyo ng aking haka.
Pagkatapos nagsalita si Elihu na anak ni Baraquel, apo ni Bus at sinabi, “Bata pa ako, at kayo ay napakatanda na. Iyon ang kung bakit nagpigil ako at hindi nangahas na sabihin sa inyo ang aking palagay.
7 Aking sinabi, Ang mga kaarawan ang mangagsasalita, at ang karamihan ng mga taon ay mangagtuturo ng karunungan.
Sinabi ko, “Ang haba ng mga araw ay dapat magsalita; ang maraming mga taon ay dapat magturo ng karunungan.
8 Nguni't may espiritu sa tao, at ang hinga ng Makapangyarihan sa lahat ay nagbibigay sa kanila ng unawa.
Pero may espiritu sa isang tao; binibigyan siya ng pang-unawa ng hininga ng Makapangyarihan.
9 Hindi ang dakila ang siyang pantas, ni ang matanda man ang siyang nakakaunawa ng kahatulan.
Hindi lamang ang mga dakilang tao ang marunong, ni ang mga matatanda lamang ang nakakaunawa ng katarungan.
10 Kaya't aking sinabi, Dinggin ninyo ako; akin namang ipakikilala ang aking haka.
Dahil dito sinasabi ko sa inyo, “Dinggin ninyo ako; Sasabihin ko rin sa inyo ang aking kaalaman.'
11 Narito, aking hinintay ang inyong mga salita, aking dininig ang inyong mga pangangatuwiran, samantalang kayo'y naghahagilap ng masasabi.
Tingnan ninyo, naghintay ako para sa inyong mga salita; nakinig ako sa inyong mga pangangatuwiran habang iniisip ninyo tungkol sa ano ang sasabihin.
12 Oo, aking inulinig kayo, at, narito, walang isang makahikayat kay Job, o sa inyo'y may makasagot sa kaniyang mga salita.
Tunay nga, nakinig akong mabuti sa inyo, pero, tingnan ninyo, wala isa man sa inyo ang makakumbinsi kay Job o makatugon sa kaniyang mga salita.
13 Magbawa nga kayo, baka kayo'y magsabi, Kami ay nakasumpong ng karunungan; madadaig ng Dios siya, hindi ng tao;
Ingatan ninyong huwag sabihing, “Natagpuan namin ang karunungan! Kailangang daigin ng Diyos si Job; hindi ito magagawa ng tao lamang.
14 Sapagka't hindi itinukoy ang kaniyang mga salita sa akin; ni hindi ko sasagutin siya ng inyong mga pananalita.
Dahil hindi itinuon ni Job ang kaniyang mga salita laban sa akin, kaya hindi ko siya sasagutin gamit ang inyong mga salita.
15 Sila'y nangalito, sila'y hindi na nagsisagot pa; Sila'y walang salitang masabi,
Hindi makaimik ang tatlong mga lalaking ito; hindi na nila masagot si Job; ni isang salita ay wala na silang masabi.
16 At ako ba'y maghihintay, sapagka't sila'y hindi nangagsasalita, sapagka't sila'y nangakatigil, at hindi na nagsisisagot.
Dapat ba akong maghintay dahil hindi sila nagsasalita, dahil nakatayo sila doon nang tahimik at hindi na sumasagot?
17 Ako nama'y sasagot ng ganang akin, akin namang ipakikilala ang aking haka.
Hindi, sasagot din ako sa aking panig; sasabihin ko rin sa kanila ang aking nalalaman.
18 Sapagka't ako'y puspos ng mga salita; ang diwa na sumasaloob ko ay pumipigil sa akin,
Puno ako ng mga salita; itinutulak ako ng espiritung nasa akin.
19 Narito, ang aking dibdib ay parang alak na walang pahingahan: parang mga bagong sisidlang-balat na handa sa pagkahapak.
Tingnan ninyo, ang aking dibdib ay tulad ng nangangasim na alak na walang singawan; tulad ng bagong mga sisidlan ng alak, handa nang pumutok.
20 Ako'y magsasalita, upang ako'y maginhawahan: aking ibubuka ang aking mga labi at sasagot ako.
Magsasalita ako para ako ay maginhawahan; ibubuka ko ang aking mga labi at sasagot.
21 Huwag itulot sa akin na pakundanganan ko, isinasamo ko sa inyo, ang pagkatao ninoman; ni gumamit man sa kanino man ng mga pakunwaring papuring salita.
Hindi ako magpapakita ng pagtatangi; hindi rin ako magbibigay kaninuman ng titulo ng panggalang.
22 Sapagka't hindi ako marunong sumambit ng mga pakunwaring papuring salita; na kung dili ay madaling papanawin ako ng Maylalang sa akin.
Dahil hindi ko alam kung paano magbigay ng ganoong titulo; kung ginawa ko iyon, maaga akong kukunin ng aking Tagalikha.

< Job 32 >