< Job 28 >
1 Tunay na may mina na mayroong pilak, at dako na ukol sa ginto na kanilang pinagdadalisayan.
Tiyak na mayroong isang mina ng pilak, isang lugar kung saan dinadalisay nila ang ginto.
2 Bakal ay hinuhukay sa lupa, at tanso ay binububo mula sa bato.
Hinuhukay ang bakal mula sa lupa; tinutunaw ang tanso mula sa bato.
3 Ang tao'y naglalagay ng wakas sa kadiliman, at sumisiyasat hanggang sa kalayulayuang hangganan ng mga bato ng kadiliman at salimuot na kadiliman.
Nagtatakda ang tao ng wakas sa kadiliman at hinahanap sa pinakamalayong hangganan, ang mga bato sa karimlan at makapal na kadiliman.
4 Siya'y humuhukay ng malayo sa tinatahanan ng mga tao: nililimot ng paa na dumadaan nagbibitin doong malayo sa mga tao, sila'y umuugoy na paroo't parito.
Gumagawa siya ng isang hukay pangminahan malayo sa kung saan naninirahan ang mga tao, mga lugar na nalimutan ng kaninumang paa. Naglalambitin siya malayo sa ibang mga tao; pabalik-balik na umiindayog.
5 Tungkol sa lupa, mula rito'y nanggagaling ang tinapay: at sa ilalim ay wari tinutuklap ng apoy.
Tungkol sa lupa, mula kung saan nanggagaling ang tinapay, tinutupok ito sa ilalim na parang ng apoy.
6 Ang mga bato nito'y kinaroroonan ng mga zafiro. At ito'y may alabok na ginto.
Ang mga bato nito ay ang lugar kung saan matatagpuan ang mga safiro, at ang alabok nito ay naglalaman ng ginto.
7 Yaong landas na walang ibong mangdadagit ay nakakaalam. Ni nakita man ng mata ng falkon:
Walang ibong mahuhuli ang nakakaalam ng landas patungo rito, ni nakita ito ng mata ng palkon.
8 Hindi natungtungan ng mga palalong hayop, ni naraanan man ng mabangis na leon,
Hindi pa nalalakaran ang ganitong landas ng mga mapagmalaking hayop, ni dumaan na doon ang mabangis na leon.
9 Kaniyang inilalabas ang kaniyang kamay sa batong pingkian; binabaligtad ng mga ugat ang mga bundok.
Ipinapatong ng isang tao ang kaniyang kamay sa matigas na bato; itinataob niya ang mga bundok sa kanilang mga ugat.
10 Siya'y nagbabangbang sa gitna ng mga bato; at ang kaniyang mata ay nakakakita ng bawa't mahalagang bagay.
Bumubutas siya ng mga lagusan sa mga bato; nakikita ng kaniyang mata ang bawat mahahalagang bagay doon.
11 Kaniyang tinatalian ang mga lagaslas upang huwag umagos; at ang bagay na nakukubli ay inililitaw niya sa liwanag.
Ginagapos niya ang mga batis para hindi sila umaagos; anumang nakatago roon kaniyang dinadala sa liwanag.
12 Nguni't saan masusumpungan ang karunungan? At saan naroon ang dako ng pagkaunawa?
Saan kaya matatagpuan ang karunungan? Saan kaya ang lugar ng pang-unawa?
13 Hindi nalalaman ng tao ang halaga niyaon; ni nasusumpungan man sa lupain ng may buhay.
Hindi alam ng tao ang halaga nito; ni hindi ito natatagpuan sa lupain ng mga buhay.
14 Sinasabi ng kalaliman. Wala sa akin: at sinasabi ng dagat: Hindi sumasaakin.
Sinasabi ng malalim na mga tubig sa ilalim ng lupa, “Wala ito sa akin'; Sinasabi ng karagatan, “Wala ito sa akin.'
15 Hindi mabibili ng ginto, ni matitimbangan man ng pilak ang halaga niyaon.
Hindi ito matatamo kapalit ng ginto; ni hindi matitimbang ang pilak bilang presyo nito.
16 Hindi mahahalagahan ng ginto sa Ophir, ng mahalagang onix, o ng zafiro.
Hindi ito matutumbasan ng ginto ng Ofir, ng mahalagang oniks o safiro.
17 Ginto at salamin ay hindi maihahalintulad doon: ni maipagpapalit man sa mga hiyas na dalisay na ginto.
Ang halaga nito ay hindi matutumbasan ng ginto at kristal; ni hindi ito maipagpapalit sa mga alahas ng mainam na ginto.
18 Hindi mabibilang ang coral o ang cristal; Oo, ang halaga ng karunungan ay higit sa mga rubi.
Hindi karapat-dapat banggitin ang koral o haspe; tunay nga, ang presyo ng karunungan ay higit kaysa sa mga rubi.
19 Ang topacio sa Etiopia ay hindi maipapantay doon, ni mahahalagahan man ng dalisay na ginto.
Hindi ito matutumbasan ng topaz ng Etiopia; ni hindi ito mapapahalagahan sa purong ginto.
20 Saan nanggagaling nga ang karunungan? At saan naroon ang dako ng pagkaunawa?
Kung gayon, saan nga nagmumula ang karunungan? Saan ang lugar ng pang-unawa?
21 Palibhasa't nakukubli sa mga mata ng lahat na may buhay, at natatago sa mga ibon sa himpapawid.
Natatago ang karunungan mula sa mga mata ng lahat ng mga buhay na bagay at pinanatiling nakatago mula sa mga ibon ng mga kalangitan.
22 Ang kapahamakan at ang kamatayan ay nagsasabi, narinig namin ng aming mga pakinig ang bulungbulungan niyaon.
Sinasabi ng Pagkawasak at Kamatayan, 'Isa lamang sabi-sabi tungkol dito ang narinig ng aming mga tainga.'
23 Nauunawa ng Dios ang daan niyaon, at nalalaman niya ang dako niyaon.
Nauunawaan ng Diyos ang landas patungo rito; Alam niya ang lugar nito.
24 Sapagka't tumitingin siya hanggang sa mga wakas ng lupa, at nakikita ang silong ng buong langit;
Dahil tumitingin siya hanggang sa mga pinakadulo ng daigdig at nakikita lahat ng nasa ilalim ng mga kalangitan.
25 Upang bigyan ng timbang ang hangin; Oo, kaniyang tinatakal ang tubig sa takalan.
Sa nakaraan, ginawa niya ang pwersa ng hangin at binaha-bahagi ang mga tubig ayon sa sukat.
26 Nang siya'y gumawa ng pasiya sa ulan, at ng daan sa kidlat ng kulog:
Gumawa siya ng isang kautusan para sa ulan at isang landas para sa kidlat ng kulog.
27 Nang magkagayo'y nakita niya ito, at inihayag; kaniyang itinatag ito, oo, at siniyasat.
Pagkatapos nakita niya ang karunungan at ipinahayag ito; tunay nga, itinatag niya ito at sinuri niya ito.
28 At sa tao ay sinabi niya, Narito, ang pagkatakot sa Dios ay siyang karunungan; at ang paghiwalay sa kasamaan ay pagkaunawa.
Sa mga tao sinabi niya, 'Tingnan ninyo, ang takot sa Panginoon — iyan ang karunungan; ang lumayo sa kasamaan ay pang-unawa.”