< Job 19 >
1 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at nagsabi,
2 Hanggang kailan pahihirapan ninyo ang aking kaluluwa, at babagabagin ako ng mga salita?
3 Ng makasangpung ito ay pinulaan ninyo ako: kayo'y hindi nangapapahiya na nangagpapahirap sa akin.
4 At kahima't ako'y magkamali, ang aking kamalian ay maiwan sa aking sarili.
5 Kung tunay na kayo'y magpapakalaki laban sa akin, at ipakikipagtalo laban sa akin ang kakutyaan ko:
6 Talastasin ninyo ngayon na inilugmok ako ng Dios, at inikid ako ng kaniyang silo.
7 Narito, ako'y humihiyaw dahil sa kamalian, nguni't hindi ako dinidinig; ako'y humihiyaw ng tulong, nguni't walang kahatulan.
8 Kaniyang pinadiran ang aking daan upang huwag akong makaraan, at naglagay ng kadiliman sa aking mga landas.
9 Hinubaran niya ako ng aking kaluwalhatian, at inalis ang putong sa aking ulo.
10 Kaniyang inilugmok ako sa bawa't dako, at ako'y nananaw: at ang aking pagasa ay binunot niyang parang punong kahoy.
11 Kaniya rin namang pinapagalab ang kaniyang pagiinit laban sa akin, at ibinilang niya ako sa kaniya na gaya ng isa sa kaniyang mga kaaway,
12 Ang kaniyang mga hukbo ay dumarating na magkakasama, at ipinagpatuloy ang kanilang lakad laban sa akin, at kinubkob ang palibot ng aking tolda.
13 Inilayo niya ang aking mga kapatid sa akin, at ang aking mga kakilala ay pawang nangiba sa akin.
14 Ang aking mga kamaganak ay nangagsilayo, at nilimot ako ng aking mga kasamasamang kaibigan.
15 Silang nagsisitahan sa aking bahay, at ang aking mga lingkod na babae, ay ibinibilang akong manunuluyan; ako'y naging kaiba sa kanilang paningin.
16 Aking tinatawag ang aking lingkod, at hindi ako sinasagot, bagaman sinasamo ko siya ng aking bibig.
17 Ang aking hininga ay iba sa aking asawa, at ang aking pamanhik sa mga anak ng tunay kong ina.
18 Pati ng mga bata ay humahamak sa akin; kung ako'y bumangon, sila'y nangagsasalita ng laban sa akin:
19 Lahat ng aking mahal na kaibigan ay nangayayamot sa akin: at ang aking minamahal ay nagsipihit ng laban sa akin,
20 Ang aking buto ay dumidikit sa aking balat at sa aking laman, at ako'y nakatanan ng sukat sa balat ng aking mga ngipin.
21 Mahabag kayo sa akin, mahabag kayo sa akin, Oh kayong mga kaibigan ko; sapagka't kinilos ako ng kamay ng Dios,
22 Bakit ninyo ako inuusig na gaya ng Dios. At hindi pa kayo nasisiyahan sa akin laman?
23 Oh mangasulat nawa ngayon ang aking mga salita! Oh mangalagda nawa sa isang aklat!
24 Ng isa nawang panulat na bakal at tingga, na mangaukit nawa sa bato magpakailan man!
25 Nguni't talastas ko na manunubos sa akin ay buhay, at siya'y tatayo sa lupa sa kahulihulihan:
26 At pagkatapos na magibang ganito ang aking balat, gayon ma'y makikita ko ang Dios sa aking laman:
27 Siyang makikita ko ng sarili, at mamamasdan ng aking mga mata, at hindi ng iba. Ang aking puso ay natutunaw sa loob ko.
28 Kung inyong sabihin: paanong aming pag-uusigin siya? Dangang ang kadahilanan ay nasusumpungan sa akin;
29 Mangatakot kayo sa tabak: sapagka't ang kapootan ang nagdadala ng mga parusa ng tabak, upang inyong malaman na may kahatulan.