< Job 19 >
1 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at nagsabi,
Pagkatapos sumagot si Job at sinabi,
2 Hanggang kailan pahihirapan ninyo ang aking kaluluwa, at babagabagin ako ng mga salita?
“Hanggang kailan ninyo ako pahihirapan at babasagin ng pira-piraso na may mga salita?
3 Ng makasangpung ito ay pinulaan ninyo ako: kayo'y hindi nangapapahiya na nangagpapahirap sa akin.
Sampung beses ninyo na akong pinagsasabihan; hindi kayo nahihiya na pinagmamalupitan ninyo ako.
4 At kahima't ako'y magkamali, ang aking kamalian ay maiwan sa aking sarili.
Kung totoo nga na nagkasala ako, mananatiling panagutan ko ang aking pagkakamali.
5 Kung tunay na kayo'y magpapakalaki laban sa akin, at ipakikipagtalo laban sa akin ang kakutyaan ko:
Kung totoo nga na magmamalaki kayo laban sa akin at mapaniwala ang lahat ng mga tao na nagkasala ako,
6 Talastasin ninyo ngayon na inilugmok ako ng Dios, at inikid ako ng kaniyang silo.
kung gayon dapat alam ninyo na ginawan ako ng mali ng Diyos at nahuli ako sa kaniyang lambat.
7 Narito, ako'y humihiyaw dahil sa kamalian, nguni't hindi ako dinidinig; ako'y humihiyaw ng tulong, nguni't walang kahatulan.
Tingnan ninyo, sumisigaw ako na ginawan ako ng mali, pero hindi ako narinig; nanawagan ako ng tulong, pero walang katarungan.
8 Kaniyang pinadiran ang aking daan upang huwag akong makaraan, at naglagay ng kadiliman sa aking mga landas.
Pinaderan niya ang aking daanan para hindi ako makatawid, at pinadilim niya ang aking nilalakaran.
9 Hinubaran niya ako ng aking kaluwalhatian, at inalis ang putong sa aking ulo.
Hinubad niya ang aking karangalan, at kinuha niya ang korona mula sa ulo ko.
10 Kaniyang inilugmok ako sa bawa't dako, at ako'y nananaw: at ang aking pagasa ay binunot niyang parang punong kahoy.
Giniba niya ako sa bawat dako, at naglaho na ako; binunot niya ang aking mga pag-asa katulad ng isang puno.
11 Kaniya rin namang pinapagalab ang kaniyang pagiinit laban sa akin, at ibinilang niya ako sa kaniya na gaya ng isa sa kaniyang mga kaaway,
Pinasiklab din niya ang kaniyang galit laban sa akin; tinuturing niya ako bilang isa sa kaniyang mga kaaway.
12 Ang kaniyang mga hukbo ay dumarating na magkakasama, at ipinagpatuloy ang kanilang lakad laban sa akin, at kinubkob ang palibot ng aking tolda.
Nagtitipon ang mga hukbo niya, nagtayo sila ng tungtungan na panlusob laban sa akin at nagkampo sa paligid ng aking tolda.
13 Inilayo niya ang aking mga kapatid sa akin, at ang aking mga kakilala ay pawang nangiba sa akin.
Nilayo niya mula sa akin ang mga kapatid ko, nilayo niya ako mula sa aking mga kakilala.
14 Ang aking mga kamaganak ay nangagsilayo, at nilimot ako ng aking mga kasamasamang kaibigan.
Binigo ako ng aking mga kamag-anak; kinalimutan na ako ng malapit kong mga kaibigan.
15 Silang nagsisitahan sa aking bahay, at ang aking mga lingkod na babae, ay ibinibilang akong manunuluyan; ako'y naging kaiba sa kanilang paningin.
Ang mga taong minsang tumuloy sa bahay ko bilang panauhin pati na ang mga lingkod kong babae ay itinuring akong ibang tao; isa akong dayuhan sa paningin nila.
16 Aking tinatawag ang aking lingkod, at hindi ako sinasagot, bagaman sinasamo ko siya ng aking bibig.
Nananawagan ako sa aking lingkod, pero hindi niya ako tinutugon kahit na nagmamakaawa ako sa pamamagitan ng aking bibig.
17 Ang aking hininga ay iba sa aking asawa, at ang aking pamanhik sa mga anak ng tunay kong ina.
Nakasusulasok sa asawa ko ang aking paghinga; nakapandidiri ang aking panawagan sa sariling kong mga kapatid na lalaki at babae.
18 Pati ng mga bata ay humahamak sa akin; kung ako'y bumangon, sila'y nangagsasalita ng laban sa akin:
Kahit ang mga bata ay kinasusuklaman ako; kung babangon ako para magsalita, pinagsasalitaan nila ako.
19 Lahat ng aking mahal na kaibigan ay nangayayamot sa akin: at ang aking minamahal ay nagsipihit ng laban sa akin,
Kinamumuhian ako ng lahat ng aking mga kaibigan; tinalikuran ako ng lahat ng mga minamahal ko.
20 Ang aking buto ay dumidikit sa aking balat at sa aking laman, at ako'y nakatanan ng sukat sa balat ng aking mga ngipin.
Nakakapit ang mga buto ko sa aking balat at laman; buto't balat na lamang ang natitira sa akin.
21 Mahabag kayo sa akin, mahabag kayo sa akin, Oh kayong mga kaibigan ko; sapagka't kinilos ako ng kamay ng Dios,
Maawa kayo sa akin, maawa kayo sa akin, mga kaibigan ko, dahil hinawakan ako ng kamay ng Diyos. Bakit ninyo ako inaapi na parang kayo ang Diyos?
22 Bakit ninyo ako inuusig na gaya ng Dios. At hindi pa kayo nasisiyahan sa akin laman?
Bakit hindi pa kayo nasisiyahan sa pag-ubos ng laman ko?
23 Oh mangasulat nawa ngayon ang aking mga salita! Oh mangalagda nawa sa isang aklat!
O, sana ay maisulat na ngayon ang mga sinasabi ko! O, sana maitala sa aklat ang mga ito!
24 Ng isa nawang panulat na bakal at tingga, na mangaukit nawa sa bato magpakailan man!
O, sana ay magpakailanmang maiukit ito ng bakal na panulat at tingga sa isang bato!
25 Nguni't talastas ko na manunubos sa akin ay buhay, at siya'y tatayo sa lupa sa kahulihulihan:
Pero para sa akin, alam ko na nabubuhay ang aking Manunubos, at balang araw ay tatayo siya sa daigdig;
26 At pagkatapos na magibang ganito ang aking balat, gayon ma'y makikita ko ang Dios sa aking laman:
pagkatapos mawasak ang balat ko, iyon ay, ang aking katawan, saka makikita ko ang Diyos sa aking pangangatawan.
27 Siyang makikita ko ng sarili, at mamamasdan ng aking mga mata, at hindi ng iba. Ang aking puso ay natutunaw sa loob ko.
Makikita ko siya, ako mismo ang makakakita sa kaniya sa aking tabi; makikita siya ng aking mga mata, at hindi bilang isang dayuhan. Bibigay ang lamang-loob ko.
28 Kung inyong sabihin: paanong aming pag-uusigin siya? Dangang ang kadahilanan ay nasusumpungan sa akin;
Kung sinasabi ninyo, 'Paano natin siya pahihirapan! Nasa kaniya ang ugat ng kaniyang mga kaguluhan',
29 Mangatakot kayo sa tabak: sapagka't ang kapootan ang nagdadala ng mga parusa ng tabak, upang inyong malaman na may kahatulan.
matakot kayo sa espada, dahil ang poot ang nagdadala ng kaparusahan ng espada, para malaman ninyo na mayroong paghahatol.”