< Job 17 >

1 Ang aking diwa ay nanglulumo, ang aking mga kaarawan ay natatapos, ang libingan ay handa sa akin.
Ang aking espiritu ay naubos, at ang aking mga araw ay tapos na; handa na ang libingan para sa akin.
2 Tunay na may mga manunuya na kasama ako, at ang aking mata ay nananahan sa kanilang pamumungkahi.
Tunay nga na mayroong mangungutyang kasama ko; lagi ko dapat makita ang kanilang pagtatangka.
3 Magbigay ka ngayon ng sangla, panagutan mo ako ng iyong sarili; sinong magbubuhat ng mga kamay sa akin?
Ibigay ngayon ang isang pangako, maging isang tagapanagot para sa akin sa iyong sarili; sino pa roon ang tutulong sa akin?
4 Sapagka't iyong ikinubli ang kanilang puso sa pagunawa: kaya't hindi mo sila itataas.
Dahil sa iyo, O Diyos, iningatan mo ang kanilang mga puso na maunawaan ito; kaya, hindi mo sila maitatas nang higit sa akin.
5 Ang paglililo sa kaniyang mga kaibigan upang mahuli, ang mga mata nga ng kaniyang mga anak ay mangangalumata.
Siyang bumabatikos sa kaniyang mga kaibigan para sa isang gantimpala, sa mata ng kaniyang mga anak ay hindi magtatagumpay.
6 Nguni't ginawa rin niya akong kakutyaan ng bayan: at niluraan nila ako sa mukha.
Pero ginawa niya akong isang usap-usapan ng mga tao; dinuraan nila ang aking mukha.
7 Ang aking mata naman ay nanglalabo dahil sa kapanglawan. At ang madlang sangkap ko ay parang isang anino.
Malabo na rin ang aking mata dahil sa kalungkutan; payat na ang buong katawan ko gaya ng mga anino.
8 Mga matuwid na tao ay matitigilan nito, at ang walang sala ay babangon laban sa di banal.
Sinisindak nito ang mga matutuwid; ang inosente ay ginugulo ang kaniyang sarili laban sa taong hindi maka-diyos.
9 Gayon ma'y magpapatuloy ang matuwid ng kaniyang lakad, at ang may malinis na mga kamay ay lalakas ng lalakas.
Nag-iingat ang taong matuwid sa kaniyang landas; siyang may malinis na mga kamay ay lalakas nang lalakas.
10 Nguni't tungkol sa inyong lahat, magsiparito kayo ngayon uli; at hindi ako makakasumpong ng isang pantas sa gitna ninyo.
Pero para sa inyong lahat, halika ka ngayon; hindi ako makakakita ng matalinong tao sa kalagitnaan ninyo.
11 Ang aking mga kaarawan ay lumipas, ang aking mga panukala ay nangasira, sa makatuwid baga'y ang mga akala ng aking puso.
Lumipas na ang mga araw ko, tapos na ang mga plano ko, kahit ang mga kahilingan ng aking puso.
12 Kanilang ipinalit ang araw sa gabi: ang liwanag, wika nila, ay malapit sa kadiliman.
Ang mga taong ito, ang mga mangungutya, pinalitan ang gabi ng araw; ang liwanag, sinabi nila, malapit na sa kadiliman.
13 Kung aking hanapin ang Sheol na parang aking bahay; kung aking ilatag ang aking higaan sa kadiliman: (Sheol h7585)
Nang tumingin ako sa sheol bilang aking tahanan; mula nang lumaganap ang aking higaan sa kadiliman; (Sheol h7585)
14 Kung sinabi ko sa kapahamakan: ikaw ay aking ama: sa uod: ikaw ay aking ina, at aking kapatid na babae;
mula nang sinabi ko sa hukay, 'ikaw ang aking ama,' at sa uod, 'ikaw ang aking ina o aking kapatid na babae,'
15 Nasaan nga ang aking pagasa? At tungkol sa aking pagasa, sinong makakakita?
nasaan na ngayon ang aking pag-asa?, dahil sa aking pag-asa, sinong makakakita ng anuman?
16 Lulusong sa mga pangawan ng Sheol, pagtataglay ng kapahingahan sa alabok. (Sheol h7585)
Ang pag-asa ba ay bababa sa tarangkahan ng sheol kapag kami ay pumanaog sa alabok? (Sheol h7585)

< Job 17 >