< Job 13 >

1 Narito, nakita ang lahat na ito ng aking mata, ang aking tainga ay nakarinig at nakaunawa.
Tingnan mo, nakikita ko ang lahat; Nakikinig at nauunawaan ko ito.
2 Kung ano ang iyong nalalaman, ay nalalaman ko rin naman: hindi ako huli sa inyo.
Kung ano ang alam mo, alam ko rin; hindi ako mas mababa sa iyo.
3 Walang pagsalang ako'y magsasalita sa Makapangyarihan sa lahat, at nagnanasa akong makipagmatuwiranan sa Dios.
Gayunman, mas gugustuhin ko na lang na makipag-usap sa Makapangyarihan; aking hihilingin na makapagdahilan sa Diyos.
4 Nguni't kayo'y mapagkatha ng mga kabulaanan. Kayong lahat ay mga manggagamot na walang kabuluhan.
Pero inyong pinagtakpan ang katotohanan ng kasinungalingan; kayo ay manggagamot na walang silbi.
5 Mano nawa ay magsitahimik kayong lahat! At magiging inyong karunungan.
O, nais mo bang hawakang mabuti ang iyong kapayapaan! Iyon ang inyong karunungan.
6 Dinggin ninyo ngayon ang aking pangangatuwiran, at inyong dinggin ang mga pagsasanggalang ng aking mga labi.
Pakinggan mo ang aking mga paliwanag; pakinggan mo ang panawagan ng aking mga labi.
7 Kayo ba'y mangagsasalita ng kalikuan dahil sa Dios, at mangungusap ng karayaan dahil sa kaniya?
Magsasabi ka ba ng hindi matuwid sa Diyos, at magsasalita ka ba ng mapanlinlang sa kaniya?
8 Inyo bang lilingapin ang kaniyang pagka Dios? Inyo bang ipakikipagtalo ang Dios?
Dapat mo ba talagang ipakita ang kabaitan sa kaniya? Ginusto mo ba talagang makipagtalo sa hukuman bilang mga manananggol para sa Diyos?
9 Mabuti ba na kayo'y siyasatin niya? O kung paanong dinadaya ang isang tao ay inyo bang dadayain siya?
Makabubuti ba talaga sa iyo kung siya na hukom ay titingnan at suriin ka? O tulad ng ibang nangloloko ng iba, talaga bang magiging maling kinatawan sa kaniya sa hukuman?
10 Walang pagsalang sasawayin niya kayo, kung lihim na kayo'y tatangi ng pagkatao.
Siguradong susumbatan ka niya kung lihim mong ipapakita ang pagtatangi sa kaniya.
11 Hindi ba kayo tatakutin ng kaniyang karilagan, at ang gulat sa kaniya ay sasa inyo?
Hindi ka ba magawang matakot ng kaniyang kamahalan? Hindi ba babagsak ang pagkatakot niya sa iyo?
12 Ang inyong mga alaalang sabi ay kawikaang abo, ang inyong mga pagsasanggalang ay mga pagsasanggalang na putik.
Hindi malilimutang kasabihan mo ay kawikaan na gawa sa mga abo; ang mga panananggol mo ay panananggol na gawa sa putik.
13 Magsitahimik kayo, bayaan ninyo ako, na ako'y makapagsalita, at paratingin sa akin ang darating.
Manahimik ka muna, hayaan mo muna ako, para makapagsalita ako, dumating na kung anuman ang nararapat sa akin.
14 Bakit kakagatin ng aking mga ngipin ang aking laman, at aking ilalagay ang aking buhay sa aking kamay?
Kukunin ko ang sarili kong laman sa aking ngipin; kukunin ko ang aking buhay sa aking mga kamay.
15 Bagaman ako'y patayin niya, akin ding hihintayin siya: gayon ma'y aking aalalayan ang aking mga lakad sa harap niya.
Tingnan mo, kung papatayin niya ako, mawawalan ako ng pag-asa; gayon pa man, ipagtatanggol ko ang aking mga pamamaraan sa harapan mo.
16 Ito man ay magiging aking kaligtasan; sapagka't ang isang di banal ay hindi makahaharap sa kaniya.
Ito ang magiging dahilan ko para sa aking pagpapawalang-sala, hindi na ako pupunta sa harapan mo tulad ng isang taong walang diyos.
17 Pakinggan ninyong masikap ang aking pananalita, at ang aking pahayag ay sumainyong mga pakinig.
O Diyos, pakinggan ng mabuti ang aking sasabihin; hayaan mong madinig ng iyong mga tainga ang aking pagpapahayag.
18 Narito, ngayon, aking inayos ang aking usap; talastas ko na ako'y matuwid.
Tingnan mo ngayon, inilagay ko ang aking tanggulan sa ayos; Alam ko na ako ay inosente.
19 Sino ang makikipagtalo sa akin? Sapagka't ngayo'y tatahimik ako at malalagot ang aking hininga.
Sinong maaaring makipagtalo sa akin laban sa akin sa hukuman? Kung pupunta ka para gawin iyon, at kung mapapatunayan mong mali ako, kung gayon mananahimik at isusuko ko ang aking buhay.
20 Dalawang bagay lamang ang huwag mong gawin sa akin, kung magkagayo'y hindi ako magkukubli sa iyong mukha:
O Diyos, gumawa ka ng dalawang bagay para sa akin, at pagkatapos hindi ko na itatago ang aking sarili sa iyong mukha:
21 Iurong mo ng malayo ang iyong kamay sa akin; at huwag akong takutin ng pangingilabot sa iyo.
babawiin mo ang mapang-aping kamay mo, at huwag mong hayaan ang iyong mga paninindak para takutin ako.
22 Kung magkagayo'y tumawag ka, at ako'y sasagot; o papagsalitain mo ako, at sumagot ka sa akin.
Pagkatapos tatawag ka, at tutugon ako; O hayaan mong ako ay magsalita, at iyong tugunin.
23 Ilan ang aking mga kasamaan at mga kasalanan? Ipakilala mo sa akin ang aking pagsalangsang at ang aking kasalanan.
Ilan ang aking mga kasamaan at kasalanan? Hayaan mong malaman ko ang aking pagsuway at kasalanan.
24 Bakit ikinukubli mo ang iyong mukha, at inaari mo akong iyong kaaway?
Bakit mo itinatago ang iyong mukha sa akin at itinuturing mo akong tulad ng iyong kaaway?
25 Iyo bang pangingilabutin ang isang dahong pinapaspas ng hangin? At iyo bang hahabulin ang dayaming tuyo?
Uusigin mo ba ang isang tinangay na dahon? Hahabulin mo ba ang tuyong dayami?
26 Sapagka't ikaw ay sumusulat ng mga mabigat na bagay laban sa akin, at ipinamamana mo sa akin ang mga kasamaan ng aking kabataan:
Dahil sumulat ka ng mga mapapait na mga bagay laban sa akin; ipinamana mo sa akin ang mga kasamaan ng aking kabataan.
27 Iyo ring inilalagay ang aking mga paa sa pangawan, at pinupuna mo ang lahat kong landas: ikaw ay gumuguhit ng isang guhit sa palibot ng mga talampakan ng aking mga paa:
Inilagay mo rin ang aking paa sa mga kandadong kahoy; tinitingnan mong mabuti ang lahat ng aking mga landas; sinusuri mo ang lupa kung saan ang mga nilakaran ng talampakan ng aking paa
28 Bagaman ako'y parang bagay na bulok na natutunaw, na parang damit na kinain ng tanga.
bagaman tulad ako ng isang mabahong bagay na nabubulok, tulad ng isang damit na kinakain ng gamugamo.

< Job 13 >