< Jeremias 8 >
1 Sa panahong yaon, sabi ng Panginoon, ay ilalabas nila ang mga buto ng mga hari sa Juda, at ang mga buto ng kaniyang mga prinsipe, at ang mga buto ng mga saserdote, at ang mga buto ng mga propeta, at ang mga buto ng mga nananahan sa Jerusalem, mula sa kanilang mga libingan;
Ito ang pahayag ni Yahweh, “Sa panahong iyon, ilalabas nila mula sa mga libingan ang mga buto ng mga hari ng Juda at ng mga opisyal nito, ang mga buto ng mga pari at ng mga propeta at ang mga buto ng mga naninirahan sa Jerusalem.
2 At kanilang ikakalat sa liwanag ng araw, at ng buwan, at ng lahat na natatanaw sa langit na kanilang inibig, at kanilang pinaglingkuran, at siya nilang sinundan, at siyang kanilang hinanap, at siyang kanilang sinamba: hindi mangapipisan, o mangalilibing man, sila'y magiging pinakasukal sa ibabaw ng lupa.
Pagkatapos, ikakalat nila ang mga ito sa liwanag ng araw, ng buwan at ng mga bituin sa kalangitan, ang mga bagay na ito sa langit na kanilang sinunod at pinaglingkuran, na kanilang nilapitan at hinanap at kanilang sinamba. Hindi na muling titipunin o ililibing ang mga buto. Magiging gaya sila ng dumi sa ibabaw ng lupa.
3 At ang kamatayan ay pipiliin na higit kay sa kabuhayan ng lahat ng naiwang nalabi rito sa masamang angkan, na nalabi sa lahat ng dako na aking pinagtabuyan sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
Sa bawat natitirang lugar kung saan ko sila ipinatapon, pipiliin nila ang kamatayan sa halip na buhay para sa kanilang mga sarili, ang lahat ng mga natitira pa mula sa masamang bansa na ito. Ito ang pahayag ni Yahweh ng mga hukbo.
4 Bukod dito'y sasabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon. Mangabubuwal baga ang mga tao, at hindi magsisibangon uli? maliligaw baga ang isa, at hindi babalik?
Kaya sabihin mo sa kanila, 'Ito ang sinasabi ni Yahweh, May tao bang nadapa at hindi bumangon? May tao bang naligaw at hindi sinubukang bumalik?
5 Bakit nga ang bayang ito na Jerusalem ay tumatalikod ng walang hanggang pagtalikod? sila'y nagsisihawak na mahigpit ng karayaan, sila'y nagsisitangging bumalik.
Bakit ang mga taong ito, ang Jerusalem, ay tumalikod ng walang hanggang pagtalikod? Nagpatuloy sila sa pagtataksil at tumangging magsisi.
6 Aking pinakinggan at narinig ko, nguni't hindi sila nagsalita ng matuwid: walang nagsisisi ng kaniyang kasamaan, na nagsasabi, Anong aking ginawa? bawa't isa'y lumilihis sa kaniyang lakad, gaya ng kabayo na dumadaluhong sa pagbabaka.
Binigyan ko sila ng pansin at pinakinggan ngunit hindi tama ang kanilang sinabi. Walang sinuman ang nagsisi sa kaniyang kasamaan, walang sinuman ang nagsabi, “Ano ang nagawa ko?” Pumupunta silang lahat kung saan nila nais, gaya ng kabayong pandigma na tumatakbo patungo sa labanan.
7 Oo, nalalaman ng ciguena sa himpapawid ang kaniyang mga takdang kapanahunan; at ang bato bato at ang langaylangayan at ang tagak ay nangagmamalas ng panahon ng pagdating ng mga yaon; nguni't hindi nalalaman ng aking bayan ang alituntunin ng Panginoon.
Kahit ang ibon sa langit, mga kalapati, mga layang-layang at ang mga tagak ay nalalaman ang mga tamang panahon. Pumupunta ang mga ito sa kanilang mga paglilipatan sa tamang panahon ngunit hindi alam ng aking mga tao ang mga atas ni Yahweh.
8 Paano ninyo sinasabi, Kami ay pantas, at ang kautusan ng Panginoon ay sumasaamin? Nguni't, narito, ang sinungaling na pangsulat ng mga escriba ay sumulat na may kasinungalingan.
Bakit sinasabi ninyo, “Marurunong kami! At nasa amin ang kautusan ni Yahweh?” Sa katunayan tingnan ninyo! Lumikha ng panlilinlang ang mapanlinlang na panulat ng mga eskriba.
9 Ang mga pantas ay nangapapahiya, sila'y nanganglulupaypay at nangahuhuli: narito, kanilang itinakuwil ang salita ng Panginoon: at anong uri ng karunungan ang nasa kanila?
Mapapahiya ang mga marurunong na tao. Nabigo sila at nabitag. Tingnan ninyo! Itinakwil nila ang salita ni Yahweh, kaya anong silbi ng kanilang karunungan?
10 Kaya't ibibigay ko ang kanilang mga asawa sa mga iba, at ang kanilang mga parang sa mga magaari sa mga yaon: sapagka't bawa't isa mula sa kaliitliitan hanggang sa kalakilakihan, ay ibinigay sa kasakiman; mula sa propeta hanggang sa saserdote bawa't isa'y gumagawang may kasinungalingan.
Ibibigay ko sa iba ang kanilang mga asawang babae at ang kanilang mga bukirin ay sa mga magmamay-ari ng mga iyon, sapagkat magmula sa pinakabata hanggang sa pinakadakila, napakasakim nilang lahat! Magmula sa propeta hanggang sa pari, lahat sila ay nagsasagawa ng panlilinlang.
11 At kanilang pinagaling ng kaunti ang sugat ng anak na babae ng aking bayan, na sinasabi, Kapayapaan, kapayapaan; gayon ma'y walang kapayapaan.
Sapagkat ginagamot nila ang bali ng anak na babae ng aking mga tao na para bang wala itong halaga. Sinabi nila, “Kapayapaan, Kapayapaan” ngunit walang kapayapaan.
12 Nangahiya baga sila nang sila'y gumawa ng kasuklamsuklam? hindi, hindi sila nangahiya sa anoman, ni nangamula man sila: kaya't sila'y mangabubuwal sa gitna niyaong nangabubuwal; sa panahon ng pagdalaw sa kanila ay mahahagis sila, sabi ng Panginoon.
Nahihiya ba sila kapag gumagawa sila ng mga kasuklam-suklam na gawain? Hindi sila nahihiya. Wala silang kapakumbabaan. Kaya babagsak sila sa panahon ng kanilang kaparusahan kasama ng mga bumagsak na. Ibabagsak sila, sabi ni Yahweh.
13 Aking lubos na lilipulin sila, sabi ng Panginoon: hindi magkakaroon ng mga ubas sa puno ng ubas, o ng mga higos man sa mga puno ng higos, at ang dahon ay malalanta; at ang mga bagay na aking naibigay sa kanila ay mapapawi sa kanila.
Ganap ko silang aalisin, ito ang pahayag ni Yahweh, hindi magkakaroon ng mga ubas sa puno ng ubas, ni magkakaroon ng mga igos sa mga puno ng igos. Sapagkat malalanta ang mga dahon at mawawala ang ibinigay ko sa kanila.
14 Bakit tayo'y nagsisitigil na nakaupo? kayo'y magkatipon, at tayo'y magsipasok sa mga bayang nakukutaan, at tayo'y magsitahimik doon; sapagka't tayo'y pinatahimik ng Panginoon nating Dios, at binigyan tayo ng inuming mapait upang inumin, sapagka't tayo'y nangagkasala laban sa Panginoon.
Bakit tayo nakaupo dito? Magsama-sama tayo, pumunta tayo sa mga matitibay na lungsod at magiging tahimik ang ating kamatayan doon. Sapagkat patatahimikin tayo ni Yahweh na ating Diyos. Paiinumin niya tayo ng lason yamang nagkasala tayo laban sa kaniya.
15 Tayo'y nangaghihintay ng kapayapaan, nguni't walang dumating na mabuti; at ng panahon ng kagalingan, at narito panglulupaypay!
Umaasa tayo para sa kapayapaan ngunit walang magiging mabuti. Umaasa tayo sa oras ng kagalingan, ngunit tingnan ninyo, magkakaroon ng kaguluhan.
16 Ang singasing ng kaniyang mga kabayo ay naririnig mula sa Dan: sa tinig ng halinghing ng kaniyang mga malakas ay nayayanig ang buong lupain; sapagka't sila'y nagsidating, at nilamon ang lupain at lahat ng naroon; ang bayan at yaong mga nagsisitahan doon.
Narinig mula sa Dan ang pagsinghal ng kaniyang mga kabayong lalaki. Nayayanig ang buong daigdig sa tunog ng halinghing ng kaniyang mga malalakas na kabayo. Sapagkat darating sila at kukunin ang lupain at ang kayamanan nito, ang lungsod at ang mga naninirahan dito.
17 Sapagka't, narito, ako'y magsusugo ng mga ahas, ng mga ulupong sa gitna ninyo, na hindi maeenkanto, at kakagatin nila kayo, sabi ng Panginoon.
Sapagkat tingnan ninyo, magpapadala ako sa inyo ng mga ahas, mga ulupong na hindi ninyo kayang paamuhin. Tutuklawin kayo ng mga ito, ito ang pahayag ni Yahweh.”
18 Oh kung ako'y makapagaaliw laban sa kapanglawan! ang puso ko ay nanglulupaypay.
Walang katapusan ang aking kalungkutan at nasasaktan ang aking puso.
19 Narito, ang tinig ng hiyaw ng anak na babae ng aking bayan na mula sa lupain na totoong malayo: Hindi baga ang Panginoon ay nasa Sion? hindi baga ang kaniyang Hari ay nandoon? Bakit minungkahi nila ako sa galit ng kanilang mga larawang inanyuan, at ng mga walang kabuluhan ng iba?
Pakinggan ninyo! Ang hiyaw ng anak na babae ng aking mga tao mula sa malayong lupain! Hindi ba nasa Zion si Yahweh? O hindi ba nasa kaniya ang kaniyang hari? Bakit kaya nila sinasaktan ang aking damdamin sa pamamagitan ng kanilang mga inukit na imahen at mga walang kabuluhang diyus-diyosan ng mga dayuhan?
20 Ang pagaani ay nakaraan, ang taginit ay lipas na, at tayo'y hindi ligtas.
Lumipas na ang anihan, tapos na ang tag-init. Ngunit hindi tayo naligtas.
21 Dahil sa sugat ng anak na babae ng aking bayan ay nasasakitan ako; ako'y luksa; ako'y natigilan.
Nasaktan ako dahil sa sakit na naramdaman ng anak na babae ng aking mga tao. Nagluksa ako dahil sa mga katakot-takot na bagay na nangyari sa kaniya, pinanghinaan ako ng loob.
22 Wala bagang balsamo sa Galaad? wala bagang manggagamot doon? bakit nga hindi gumaling ang anak na babae ng aking bayan?
Wala bang lunas sa Galaad? Wala bang manggagamot doon? Bakit hindi gumagaling ang anak ng aking mga tao?