< Jeremias 48 >

1 Tungkol sa Moab. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Sa aba ng Nebo! sapagka't nalagay na sira; Chiriathaim ay nalagay sa kahihiyan, nasakop; ang Misgab ay nalagay sa kahihiyan at nabagsak.
Sinabi ito ni Yahweh ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel para sa Moab, “Kaawa-awa ang Nebo sapagkat winasak na ito. Ang Kiryataim ay nasakop na at hinamak. Ang kaniyang kutang tanggulan ay dinurog at naging kahihiyan.
2 Ang kapurihan ng Moab ay nawala; sa Hesbon ay nagsisikatha sila ng kasamaan laban sa kaniya: Magsiparito kayo, at ihiwalay natin siya sa pagkabansa. Ikaw, naman, Oh Madmena, madadala sa katahimikan; hahabulin ka ng tabak.
Nawala na ang karangalan ng Moab. Ang kanilang mga kaaway sa Hesbon ay may masamang balak laban sa kaniya. Sinabi nila, 'Halikayo at wasakin natin siya bilang isang bansa. Ang Madmena ay mawawala din— hahabulin kayo ng isang espada.'
3 Ang hugong ng hiyaw mula sa Horonaim, pananamsam at malaking kapahamakan!
Pakinggan ninyo! Isang tunog ng sumisigaw ang dumarating mula sa Horonaim kung saan may pagguho at malaking pagkawasak.
4 Ang Moab ay sira; ang kaniyang mga bata ay nagpadinig ng kanilang hibik.
Nawasak na ang Moab. Ipinarinig ng kaniyang mga anak ang kanilang pag-iyak.
5 Sapagka't sa ahunan sa Luhith ay magsisiahon sila na may laging pagiyak; sapagka't kanilang narinig sa lusungan sa Horonaim ang kapanglawan ng hiyaw ng pagkapahamak.
Umiiyak silang umakyat sa burol ng Luhit, sapagkat sa daanan pababa ng Horonaim, ang mga hiyawan ay naririnig dahil sa pagkawasak.
6 Magsitakas kayo, inyong iligtas ang inyong mga buhay, at kayo'y maging parang kugon sa ilang.
Tumakas na kayo! Iligtas ninyo ang inyong mga buhay at maging tulad ng mga puno ng juniper sa ilang.
7 Sapagka't yamang ikaw ay tumiwala sa iyong mga gawa at sa iyong mga kayamanan, ikaw man ay makukuha: at si Chemos ay papasok sa pagkabihag, ang kaniyang mga saserdote at ang kaniyang mga prinsipe na magkakasama.
Nang dahil sa tiwala ninyo sa inyong mga kaugalian at kayamanan, kayo ay masasakop. At si Quemos ay ilalayo at bibihagin kasama ng kaniyang mga pari at mga pinuno.
8 At ang manglilipol ay darating sa bawa't bayan, at walang bayan na makatatanan; ang libis naman ay nawawala, at ang kapatagan ay masisira; gaya ng sinalita ng Panginoon.
Sapagkat darating ang mga tagawasak sa bawat lungsod, walang lungsod ang makakatakas. Kaya ang lambak ay mamamatay at ang kapatagan ay mawawasak, gaya ng sinabi ni Yahweh.
9 Mangagbigay kayo ng mga pakpak sa Moab, upang siya'y makalipad makalabas: at ang kaniyang mga bayan ay masisira, na walang sinomang tatahan doon.
Bigyan ng pakpak ang Moab sapagkat tiyak na lilipad ito palayo. Ang kaniyang mga lungsod ay magiging isang kaparangan kung saan walang maninirahan sa kanila.
10 Sumpain nawa siya na gumagawa na walang bahala sa gawain ng Panginoon; at sumpain siya na naguurong ng kaniyang tabak sa dugo.
Sumpain nawa ang mga tamad sa paggawa ng mga gawain ni Yahweh! Isumpa nawa ang sinumang patuloy na ginagamit ang espada sa pagdanak ng dugo!
11 Ang Moab na tiwasay mula sa kaniyang kabataan, at siya'y nagpahinga sa kaniyang mga latak, at hindi napagsalinsalin sa sisidlan at sisidlan, o pumasok man siya sa pagkabihag: kaya't ang kaniyang lasa ay nananatili sa kaniya, at ang kaniyang bango ay hindi nababago.
Naramdaman ng Moab na ligtas siya mula pa sa pagkabata. Katulad siya ng kaniyang alak na hindi pa naibuhos sa mga banga. Hindi siya nakaranas ng pagkabihag. Samakatuwid, ang lasa niya ay nanatiling masarap gaya ng dati, ang kaniyang linamnam ay hindi nagbago.
12 Kaya't narito, ang mga kaarawan ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking susuguin sa kanila ang mga mangbubuhos, at siya'y ibubuhos nila; at kanilang tutuyuin ang kaniyang mga sisidlan, at babasagin ang kanilang mga sisidlang lupa.
Kaya tingnan mo, ang mga araw ay paparating—ito ang pahayag ni Yahweh— paparating na ang panahon na ipadadala ko ang mga magpapatiwarik sa kaniya at ibubuhos ang lahat ng kaniyang palayok at babasagin ang kaniyang mga banga.
13 At ang Moab ay mapapahiya dahil kay Chemos, gaya ng sangbahayan ni Israel na napahiya dahil sa Beth-el na kanilang tiwala.
Pagkatapos, mapapahiya ang Moab kay Quemos, na gaya ng sambahayan ng Israel na napahiya sa Bethel na dahilan ng kanilang pagtitiwala.
14 Bakit ninyo sinasabi, Kami ay mga makapangyarihang lalake, at mga matapang na lalake na mangdidigma?
Paano ninyo masasabi, 'Kami ay mga kawal, mga makapangyarihang mandirigmang lalaki'?
15 Ang Moab ay nalalagay na sira, at ang kaniyang mga bayan ay mga sinampa, at ang kaniyang mga piling binata ay nagsibaba sa patayan, sabi ng Hari, na ang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo.
Mawawasak ang Moab at sasalakayin ang kanilang mga lungsod. Sapagkat ang mga makikisig na binata nito ay napunta na sa lugar ng patayan. Ito ang pahayag ng Hari! Yahweh ng mga hukbo ang kaniyang pangalan.
16 Ang kasakunaan ng Moab ay malapit nang darating, at ang kaniyang pagdadalamhati ay nagmamadali.
Ang kapahamakan ng Moab ay malapit ng mangyari, ang mga sakuna ay mabilis na darating.
17 Kayong lahat na nangasa palibot niya, panaghuyan ninyo siya, at ninyong lahat na nangakakakilala ng kaniyang pangalan; inyong sabihin, Bakit ang matibay na tukod ay nabali, ang magandang tungkod!
Kayong lahat na nasa paligid ng Moab, tumangis kayo. Kayong lahat na nakakaalam sa kaniyang katanyagan, isigaw ninyo ito, 'Kaawa-awa, ang matibay na tungkod at ang ikinararangal na pamalo ay nawasak na'.
18 Oh ikaw na anak na babae na tumatahan sa Dibon, bumaba ka na mula sa inyong kaluwalhatian, at umupo kang uhaw; sapagka't ang manglilipol ng Moab ay sumampa laban sa iyo, kaniyang giniba ang iyong mga katibayan.
Bumaba kayo mula sa inyong mga dakilang lugar at umupo kayo sa tuyong lupa, kayong mga babaeng anak na naninirahan sa Dibon. Sapagkat sinasalakay ka ng wawasak sa Moab, siya na sisira sa iyong mga matibay na tanggulan.
19 Oh nananahan sa Aroer, tumayo ka sa tabi ng daan, at manubok ka: itanong mo sa kaniya na tumatakas, at sa kaniya na tumatanan; iyong sabihin; Ano ang nangyari?
Tumayo kayo sa mga lansangan at magbantay, kayong mga tao na nakatira sa Aroer. Tanungin ninyo ang mga nagsisitakbuhan at nagsisitakas, sabihin ninyo, 'Ano ang nangyari?'
20 Ang Moab ay nalagay sa kahihiyan; sapagka't nagiba: kayo ay magsitangis at magsihiyaw; saysayin ninyo sa Arnon, na ang Moab ay nasira.
Ipinahiya na ang Moab, sapagkat dinurog na ito. Tumangis at tumaghoy. Sumigaw para sa tulong. Sabihin ito sa mga tao malapit sa Ilog ng Arnon na ang Moab ay winasak na.
21 At ang kahatulan ay dumating sa lupaing patag, sa Holon, at sa Jahzah, at sa Mephaath,
Dumating na ngayon ang kaparusahan sa maburol na lupain, sa Holon, Jaza at Mefaat,
22 At sa Dibon, at sa Nebo, at sa Beth-diblathaim,
sa Dibon, Nebo at Beth-Diblataim,
23 At sa Chiriathaim, at sa Beth-gamul, at sa Beth-meon;
sa Kiryataim, Bethgamul at Bethmeon,
24 At sa Cherioth, at sa Bosra, at sa lahat ng bayan ng lupain ng Moab, malayo o malapit.
sa Keriot at Bozra at sa lahat ng lungsod sa lupain ng Moab, sa mga pinakamalayo at pinakamalapit na mga lungsod.
25 Ang sungay ng Moab ay nahiwalay, at ang kaniyang bisig ay nabali, sabi ng Panginoon.
Ang sungay ng Moab ay sinibak na, ang kaniyang bisig ay nabali na. Ito ang pahayag ni Yahweh.
26 Languhin ninyo siya; sapagka't siya'y nagmalaki laban sa Panginoon: at ang Moab ay gugumon sa kaniyang suka, at siya man ay magiging kakutyaan.
Lasingin siya, sapagkat nagmayabang siya laban sa akin, akong si Yahweh. Ngayon ay ipinapalakpak ng Moab ang kaniyang mga kamay sa kahihiyan sa sarili niyang suka, kaya naging tampulan na rin siya ng katatawanan.
27 Sapagka't hindi baga naging kakutyaan ang Israel sa iyo? hindi baga siya nasumpungan sa gitna ng mga magnanakaw? sapagka't kung paanong kadalas sinasalita mo siya, gayon naguuga ka ng ulo.
Sapagkat, hindi ba naging tampulan ng katatawanan sa inyo ang Israel? Natagpuan ba siyang isa sa mga magnanakaw kaya umiiling kayo sa tuwing sinasabi ninyo ang tungkol sa kaniya?
28 Oh kayong mga nananahan sa Moab, inyong iwan ang mga bayan, at kayo'y magsitahan sa malaking bato; at maging gaya ng kalapati na nagpupugad sa mga tabi ng bunganga ng guwang.
Kayong mga naninirahan sa Moab, lisanin ninyo ang mga lungsod at magkampo kayo sa mga matarik na dalisdis. Maging tulad ng isang kalapati na nakapugad sa bunganga ng butas sa mga batuhan.
29 Aming nabalitaan ang kapalaluan ng Moab, na siya'y totoong palalo; ang kaniyang pagmamataas, at ang kaniyang pagpapalalo, at ang kaniyang kahambugan, at ang pagmamatigas ng kaniyang puso.
Narinig namin ang pagmamataas ng Moab, ang kaniyang kapalaluan, ang kaniyang kayabangan, ang kaniyang pagmamalaki, ang kaniyang pansariling kaluwalhatian, at ang kaniyang kahambugan sa kaniyang puso.
30 Talastas ko ang kaniyang poot ay walang mangyayari; sabi ng Panginoon, ang kaniyang paghahambog ay walang nangyari.
Ito ang pahayag ni Yahweh—alam ko mismo ang kaniyang mga mapanghamon na pananalitang walang pakinabang, tulad ng kaniyang mga gawa.
31 Kaya't aking tatangisan ang Moab; oo, ako'y hihiyaw dahil sa buong Moab: dahil sa mga tao ng Kir-heres ay magsisitangis sila.
Kaya hahagulhol ako ng pagtatangis para sa Moab at sisigaw ako sa pighati para sa lahat ng tao ng Moab. Mananaghoy ako para sa mga tao ng Kir-heres
32 Tatangis ako ng higit kay sa pagtangis ng Jazer dahil sa iyo, Oh puno ng ubas ng Sibma: ang iyong mga sanga ay nagsisidaan ng dagat, nagsisiabot hanggang sa dagat ng Jazer: sa iyong mga bungang taginit at sa iyong ani ay dumaluhong ang manglilipol.
Tatangis ako sa inyo ng higit sa pagtatangis ko sa Jazer, sa iyo na puno ng ubas ng Sibma! Ang iyong mga sanga ay lumampas sa Dagat na Asin at umabot hanggang sa Jazer. Nilusob ng mga tagawasak ang iyong mga bunga sa tag-araw at ang iyong alak.
33 At ang kasayahan at kagalakan ay naalis, sa mainam na bukid at sa lupain ng Moab; at aking pinatigil ang alak sa mga alilisan: walang yayapak na may hiyawan; ang paghihiyawan ay hindi magiging paghihiyawan.
Kaya ang pagdiriwang at pagsasaya ay kinuha na mula sa mga bungang-kahoy sa lupain ng Moab. Pinatigil ko na ang alak mula sa mga pigaan ng ubas. Hindi na sila yayapak ng may sigaw ng kasiyahan. Anumang sigaw ay hindi na magiging sigaw ng kasiyahan.
34 Mula sa hiniyawan ng Hesbon hanggang sa Eleale, hanggang sa Jajaz ay naglakas sila ng kanilang tinig, mula sa Zoar hanggang sa Horonaim, sa Eglat-selisiya: sapagka't ang tubig ng Nimrim man ay masisira.
Mula sa mga sigaw sa Hesbon hanggang sa Eleale, ang kanilang tunog ay narinig sa Jajaz, mula sa Zoar hanggang sa Horonaim at Eglat-selisiya, sapagkat kahit ang mga katubigan sa Nimrim ay natuyo na.
35 Bukod dito ay aking papaglilikatin sa Moab, sabi ng Panginoon, ang naghahandog sa mataas na dako, at nagsusunog ng kamangyan sa kaniyang mga dios.
Sapagkat tatapusin ko ang sinuman sa Moab na mag-aalay ng handog sa mga dambana at sa sinumang magsusunog ng insenso sa kaniyang mga diyos. Ito ang pahayag ni Yahweh.
36 Kaya't ang aking puso ay tumutunog na gaya ng plauta dahil sa Moab, at ang aking puso ay tumutunog na gaya ng plauta dahil sa mga lalake sa Kir-heres: kaya't ang kasaganaan na kaniyang tinangkilik ay napawi.
Kaya ang puso ko ay tumatangis para sa Moab na katulad ng isang plauta. Ang puso ko ay tumatangis na katulad ng mga plauta para sa mga tao ng Kir-Heres. Ang mga kayamanang natamo nila ay nawala na.
37 Sapagka't bawa't ulo ay kalbo, at bawa't balbas ay ginupit: sa lahat ng mga kamay ay may mga kudlit, at sa mga baywang ay may kayong magaspang.
Sapagkat ang bawat ulo ay kinalbo na, lahat ng balbas ay inahit na. May mga hiwa sa bawat kamay at ang telang magaspang ay nasa kanilang mga baywang.
38 Sa lahat ng mga bubungan ng Moab at sa mga lansangan niyaon ay may panaghoy saa't saan man; sapagka't aking binasag ang Moab na parang sisidlan na di kinalulugdan, sabi ng Panginoon.
Mayroong pagtatangis sa lahat ng dako, sa bawat bubungan sa Moab at sa kaniyang mga plasa. Sapagkat sinira ko ang Moab na gaya ng paso na walang may gusto. Ito ang mga pahayag ni Yahweh.
39 Ano't nabagsak! ano't tumatangis! ano't ang Moab ay tumalikod na may kahihiyan! gayon magiging kakutyaan at kapanglupaypayan ang Moab sa lahat na nangasa palibot niya.
Paano ito nadurog! Paano sila humagulgol sa kanilang pananaghoy! Tumalikod ang Moab sa kahihiyan. Kaya ang Moab ay magiging tampulan ng panunukso at katatakutan sa lahat ng nakapalibot sa kaniya.
40 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, siya'y lilipad na parang aguila, at magbubuka ng kaniyang mga pakpak laban sa Moab.
Sapagkat ito ang sinasabi ni Yahweh, “Tingnan, ang mga kaaway ay darating na katulad ng lumilipad na agila, na nakaunat ang mga pakpak sa ibabaw ng Moab.
41 Ang Cherioth ay nasakop, at ang mga katibayan ay nasamsam, at ang puso ng mga makapangyarihang tao ng Moab sa araw na yaon ay magiging parang puso ng babae sa kaniyang pagdaramdam.
Ang Keriot ay nabihag at ang kaniyang mga matibay na tanggulan ay nasakop. Sapagkat sa araw na iyan, ang puso ng mga kawal ng Moab ay magiging katulad ng mga puso ng mga babaeng nanganganak.
42 Ang Moab ay masisira sa pagiging bayan, sapagka't siya'y nagmalaki laban sa Panginoon.
Kaya ang Moab ay mawawasak na tulad ng isang tao dahil sila ay nagmalaki laban sa akin, akong si Yahweh.
43 Pagkatakot, at hukay, at silo, ay sasa iyo, Oh nananahan sa Moab, sabi ng Panginoon.
Mga naninirahan sa Moab, darating sa inyo ang katatakutan at ang hukay at isang patibong. Ito ang pahayag ni Yahweh.
44 Siyang tumatakas sa pagkatakot ay mahuhulog sa hukay; at siyang umahon sa hukay ay mahuhuli ng silo: sapagka't dadalhin ko sa kaniya, sa Moab, ang taon ng pagdalaw sa kaniya, sabi ng Panginoon.
Ang sinumang tumakas dahil sa malaking takot ay mahuhulog sa hukay at sinumang aakyat palabas ng hukay ay mahuhuli sa patibong. Sapagkat ipadadala ko ang lahat ng ito sa taon ng aking paghihiganti laban sa kanila. Ito ang pahayag ni Yahweh.
45 Silang nagsisitakas ay nagsisitayong walang lakas sa ilalim ng Hesbon; sapagka't ang apoy ay lumabas sa Hesbon, at ang alab mula sa gitna ng Sihon, at pinugnaw ang tagiliran ng Moab, at ang bao ng ulo ng mga manggugulo.
Ang mga tumatakas ay tatayo sa anino ng Hesbon na walang anumang lakas, sapagkat magmumula ang sunog sa Hesbon, liliyab mula sa kalagitnaan ng Sihon. Lalamunin nito ang noo ng Moab at ang ibabaw ng mga ulo ng mga taong mayayabang.
46 Sa aba mo, Oh Moab! ang bayan ni Chemos ay nawala; sapagka't ang iyong mga anak na lalake ay nadalang bihag, at ang iyong mga anak na babae ay nasok sa pagkabihag.
Kaawa-awa ka, Moab! Ang mga tao ni Quemos ay nawasak na. Sapagkat ang iyong mga anak na lalaki ay kinuhang bihag at binihag ang iyong mga anak na babae.
47 Gayon ma'y ibabalik ko uli ang Moab na mula sa pagkabihag sa mga huling araw, sabi ng Panginoon. Hanggang dito ang kahatulan sa Moab.
Ngunit ibabalik ko ang kayamanan ng Moab sa mga huling araw. Ito ang pahayag ni Yahweh.” Dito nagtatapos ang paghuhukom sa Moab.

< Jeremias 48 >