< Jeremias 47 >
1 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias na propeta tungkol sa mga Filisteo, bago sinaktan ni Faraon ang Gaza.
Ito ang salita ni Yahweh na dumating kay propetang Jeremias tungkol sa mga Filisteo. Dumating ang salitang ito sa kaniya bago sinalakay ni Faraon ang Gaza.
2 Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, tubig ay umaahon mula sa hilagaan, at magiging baha, at aapawan ang lupain at ang lahat na nangaroon, ang bayan at ang nagsisitahan doon; at ang mga tao ay magsisihiyaw, at lahat ng mananahan sa lupain ay magsisitangis.
“Sinasabi ito ni Yahweh: Tingnan mo, tumataas ang maraming tubig sa hilaga. Magiging tulad ng umaapaw na ilog ang mga ito! Pagkatapos, aapaw ang mga ito sa lupain at sa lahat ng naroon, sa mga lungsod nito at sa mga naninirahan dito! Kaya sisisgaw ng tulong ang bawat isa, at tatangis ang lahat ng mga naninirahan sa lupain.
3 Sa ingay ng lagapak ng mga kuko ng kaniyang mga malakas, sa hagibis ng kaniyang mga karo, sa hugong ng kaniyang mga gulong, hindi nililingon ng mga magulang ang kanilang mga anak dahil sa kahinaan ng mga kamay;
Sa tunog ng malalakas na pagpadyak ng mga paa ng kanilang mga kabayo, sa dagundong ng kanilang mga karwahe at ingay ng kanilang mga gulong, hindi tutulungan ng mga ama ang kanilang mga anak dahil sa kanilang sariling kahinaan.
4 Dahil sa araw na dumarating upang lipulin ang lahat ng Filisteo, upang ihiwalay sa Tiro at Sidon, ang bawa't manunulongan na nalabi: sapagka't lilipulin ng Panginoon ang mga Filisteo, ang nalabi sa pulo ng Caphtor.
Sapagkat darating ang araw na wawasak sa lahat ng mga Filisteo, upang ihiwalay sa Tiro at Sidon ang bawat nakaligtas na nagnanais silang tulungan. Sapagkat winawasak ni Yahweh ang mga Filisteo, ang mga nalalabi mula sa pulo ng Caftor.
5 Kakalbuhan ay dumating sa Gaza; Ascalon ay napahamak, at ang nalabi sa kanilang libis: hanggang kailan magkukudlit ka?
Makakalbo ang Gaza. Sa Ashkelon naman, patatahimikin ang mga taong naiwan sa kanilang mga lambak. Gaano katagal ninyong susugatin ang inyong mga sarili sa pagluluksa?
6 Oh ikaw na tabak ng Panginoon, hanggang kailan di ka tatahimik? pumasok ka sa iyong kalooban; ikaw ay magpahinga, at tumahimik.
Kapighatian, ang espada ni Yahweh! Gaano katagal hanggang sa manahimik ka? Bumalik ka sa iyong kaluban! Tumigil ka at manahimik.
7 Paanong ikaw ay matatahimik dangang binigyan ka ng Panginoon ng bilin? laban sa Ascalon, at laban sa baybayin ng dagat ay doon niya itinakda.
Paano ka mananahimik, sapagkat inutusan ka ni Yahweh. Tinawag ka niya upang salakayin ang Ashkelon at laban sa mga kapatagan sa tabi ng dagat.”