< Jeremias 40 >

1 Ang salita na dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon, pagkatapos na mapayaon siya mula sa Rama ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay, nang dalhin siya na siya'y natatanikalaan sa gitna ng lahat na bihag sa Jerusalem at sa Juda, na nadalang bihag sa Babilonia.
Ito ang salitang dumating kay Jeremias mula kay Yahweh pagkatapos siyang ipinadala mula sa Rama ni Nebuzaradan, na kapitan ng tagapagbantay ng hari. Na kung saan nadala na roon si Jeremias, at kung saan ginapos siya ng mga kadena. Kasama niya ang mga bihag sa Jerusalem at sa Juda na ipapatapon sa Babilonia.
2 At kinuha si Jeremias ng kapitan ng bantay, at nagsabi sa kaniya, Ang Panginoon mong Dios ay nagbadya ng kasamaang ito sa dakong ito;
Kinuha ng punong tagapagbantay si Jeremias at sinabi sa kaniya, “Si Yahweh na iyong Diyos ang nag-utos sa kapahamakang ito laban sa lugar na ito.
3 At pinapangyari, at ginawa ng Panginoon ayon sa kaniyang sinalita: sapagka't kayo'y nangagkasala laban sa Panginoon, at hindi nagsitalima ng kaniyang tinig, kaya't ang bagay na ito ay dumating sa inyo.
Kaya dinala ito ni Yahweh. Ginawa niya ang kaniyang iniutos, sapagkat kayong mga tao ay nagkasala laban sa kaniya at hindi sumunod sa kaniyang tinig. Kaya nangyari ang bagay na ito sa inyong mga tao.
4 At ngayon, narito, aking kinakalagan ka sa araw na ito ng mga tanikala na nangasa iyong kamay. Kung inaakala mong mabuti na sumama sa akin sa Babilonia, halina, at lilingapin kitang mabuti; nguni't kung inaakala mong masama na sumama sa akin sa Babilonia, tanggihan mo; narito, ang buong lupain ay nasa harap mo, kung saan inaakala mong mabuti at marapat sa iyo na pumaroon, doon ka pumaroon.
Ngunit tingnan mo ngayon! Pinakawalan kita sa araw na ito mula sa mga kadenang nasa iyong mga kamay. Kung mabuti sa iyong paningin na sumama sa akin sa Babilonia, halika, at aalagaan kita. Ngunit kung hindi mabuti sa iyong paningin ang sumama sa akin sa Babilonia, kung gayon huwag mong gawin. Tumingin ka sa lahat ng lupaing nasa iyong harapan. Pumunta ka kung saan mabuti at tama sa iyong paninging puntahan.”
5 Samantala ngang hindi pa siya bumabalik. Bumalik ka nga, sabi niya, kay Gedalias na anak ni Ahicam, na anak ni Saphan, na ginawang tagapamahala ng hari sa Babilonia sa mga bayan ng Juda, at tumahang kasama niya sa gitna ng bayan, o pumaroon ka kung saan mo inaakalang mabuting pumaroon. Sa gayo'y binigyan siya ng kapitan ng bantay ng pagkain at kaloob, at pinayaon siya.
Nang hindi sumagot si Jeremias, sinabi ni Nebuzaradan, “Pumunta ka kay Gedalias na anak ni Ahikam na anak naman ni Safan, na itinalaga ng hari ng Babilonia sa mga lungsod ng Juda. Manatili ka sa kaniya kasama ang mga tao o pumunta ka kung saanman ang mabuti sa iyong paninging puntahan.” Binigyan siya ng pinuno ng mga tagapagbantay ng hari ng pagkain at ng isang kaloob, at pinalaya siya.
6 Nang magkagayo'y naparoon si Jeremias kay Gedalias na anak ni Ahicam sa Mizpa, at tumahang kasama niya sa gitna ng bayan na naiwan sa lupain.
Kaya pumunta si Jeremias kay Gedalias na anak ni Ahikam, sa Mizpa. Nanatili siya sa kaniya kasama ang mga tao na naiwan sa lupain.
7 Nang mabalitaan nga ng lahat ng kapitan sa mga kawal na nangasa mga parang, sa makatuwid baga'y nila, at ng kanilang mga lalake na ginawang tagapamahala ng hari sa Babilonia si Gedalias na anak ni Ahicam sa lupain, at ipinagbilin sa kaniya ang mga lalake, at ang mga babae, at ang mga bata, at ang mga pinakadukha sa lupain, yaong hindi nangadalang bihag sa Babilonia;
Ngayon, narinig ng ilang mga pinuno ng mga kawal ng Juda na nasa kabukiran—sila at ng kanilang mga kalalakihan—na ginawang gobernador ng hari ng Babilonia sa lupain si Gedalias na anak ni Ahikam. Narinig din nila na itinalaga niya siyang mamahala sa mga kalalakihan, kababaihan at sa mga batang pinakamahirap na mga tao sa lupain, ang mga hindi binihag sa Babilonia.
8 Nagsiparoon nga sila kay Gedalias sa Mizpa, sa makatuwid baga'y si Ismael na anak ni Nethanias at si Johanan at si Jonathan na mga anak ni Carea, at si Seraias na anak ni Tanhumeth, at ang mga anak ni Ephi na Netophatita, at si Jezanias na anak ng Maachatita, sila, at ang kanilang mga lalake.
Kaya pumunta sila kay Gedalias sa Mizpa. Ang mga kalalakihang ito ay sina Ismael na anak ni Netanias; Johanan at Jonatan na mga anak ni Karea; Serias anak ni Tanhumet; ang mga anak nlalaki ni Efai na taga-Metofat; at si Jezanias na anak ng taga-Maaca—sila at ng kanilang mga kalalakihan.
9 At si Gedalias na anak ni Ahicam na anak ni Saphan, ay sumumpa sa kanila at sa kanilang mga lalake, na sinasabi, Huwag kayong mangatakot na magsipaglingkod sa mga Caldeo; kayo'y magsitahan sa lupain, at magsipaglingkod sa hari sa Babilonia, at ikabubuti ninyo.
Si Gedalias na anak ni Ahikam na anak ni Safan ay sumumpa sa kanila at sa kanilang mga kalalakihan, at sinabi sa kanila, “Huwag kayong matakot na maglingkod sa mga opisyal na mga Caldeo. Manirahan kayo sa lupain at paglingkuran ang hari ng Babilonia, at makakabuti ito sa inyo.
10 Tungkol sa akin, narito, ako'y tatahan sa Mizpa, upang tumayo sa harap ng mga Caldeo, na paririto sa atin: nguni't kayo, mangagpisan kayo ng alak at ng mga bunga sa taginit at ng langis, at inyong ilagay sa inyong mga sisidlan, at kayo'y magsitahan sa inyong mga bayan na inyong sinakop.
At tingnan ninyo, naninirahan ako sa Mizpa upang makipagkita sa mga Caldeo na dumating sa atin. Kaya mag-ani kayo ng mga alak, mga bunga sa tag-araw, at langis at ilagay ninyo sa inyong mga lalagyan. Manirahan kayo sa mga lungsod na inyong tinirahan.”
11 Gayon din nang mabalitaan ng lahat ng Judio na nangasa Moab, at sa gitna ng mga anak ni Ammon, at sa Edom, at ng nangasa lahat ng lupain, na ang hari sa Babilonia ay nagiwan ng labi sa Juda, at inilagay niya sa kanila si Gedalias na anak ni Ahicam, na anak ni Saphan:
At narinig ng lahat ng mga taga-Juda na nasa Moab, kasama ng mga tao ng Amon, at sa Edom, at sa bawat lupain na pinahintulutang manatili ng hari ng Babilonia ang nalalabi ng Juda, na itinalaga niya sa kanila si Gedalias na anak ni Ahikam na anak ni Sapan.
12 Lahat ng Judio nga ay nagsibalik na mula sa lahat ng dakong kinatabuyan sa kanila, at naparoon sa lupain ng Juda kay Gedalias, sa Mizpa, at nagpisan ng alak at ng mga bunga sa taginit na totoong marami.
Kaya bumalik sa bawat lugar ang lahat ng mga taga-Juda kung saan sila ikinalat. Bumalik sila sa lupain ng Juda, kay Gedalias sa Mizpa. Inaani nila ang alak at mga bunga sa tag-araw sa labis na kasaganaan.
13 Bukod dito'y si Johanan na anak ni Carea, at lahat na kapitan ng mga kawal na nangasa mga parang, ay nagsiparoon kay Gedalias sa Mizpa,
Pumunta kay Gedalias sa kabukiran ng Mizpa si Johanan na anak ni Karea at ang lahat ng mga pinuno ng hukbo.
14 At nangagsabi sa kaniya, Nalalaman mo baga na sinugo ni Baalis na hari ng mga anak ni Ammon si Ismael na anak ni Nethanias upang kunin ang iyong buhay? Nguni't si Gedalias na anak ni Ahicam ay hindi naniwala.
Sinabi nila sa kaniya, “Alam mo ba na ipinadala ni Baalis na hari ng mga tao ng Amon si Ismael na anak ni Netania upang patayin ka?” Ngunit hindi naniwala sa kanila si Gedalias na anak ni Ahikam.
15 Nang magkagayo'y si Johanan na anak ni Carea ay nagsalita ng lihim kay Gedalias sa Mizpa, na sinabi, Isinasamo ko sa iyo, na payaunin mo ako, at aking papatayin si Ismael na anak ni Nethanias, at walang lalaking makakaalam: bakit niya kikitilin ang iyong buhay, upang ang lahat na Judio na napipisan sa iyo ay mangalat, at malipol ang nalabi sa Juda?
Kaya nakipag-usap nang palihim si Johanan na anak ni Karea kay Gedalias sa Mizpa at sinabi, “Pahintulutan mo akong pumunta at patayin si Ismael na anak ni Netania. Hindi ako paghihinalaan ng sinuman. Bakit ka niya papatayin? Bakit pinahihintulutan mo na ang lahat ng mga taga Juda na tinipon mo ay maikalat at malipol ang mga nalalabi sa Juda?”
16 Nguni't sinabi ni Gedalias na anak ni Ahicam kay Johanan na anak ni Carea, Huwag mong gagawin ang bagay na ito; sapagka't ikaw ay nagsasalita ng kasinungalingan tungkol kay Israel.
Ngunit sinabi ni Gedalias na anak ni Ahikam kay Johanan na anak ni Karea, “Huwag mong gawin ang bagay na ito, sapagkat nagsasabi ka ng mga kasinungalingan tungkol kay Ismael.”

< Jeremias 40 >