< Jeremias 39 >
1 At nangyari nang masakop ang Jerusalem, (nang ikasiyam na taon ni Sedechias na hari sa Juda, sa ikasangpung buwan, dumating si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at ang kaniyang buong hukbo laban sa Jerusalem, at kinubkob;
2 Nang ikalabing isang taon ni Sedechias, nang ikaapat na buwan, nang ikasiyam na araw ng buwan, isang sira ay nagawa sa bayan),
3 Na ang lahat ng mga prinsipe ng hari sa Babilonia, ay nagsipasok, at nagsiupo sa gitnang pintuang-bayan, si Nergal-sarezer, si Samgar-nebo, si Sarsechim, si Rabsaris, si Nergal-sarezer, si Rab-mag, sangpu ng nalabi sa mga prinsipe ng hari sa Babilonia.
4 At nangyari, na nang makita sila ni Sedechias na hari, sa Juda at ng lahat na lalaking mangdidigma, ay nagsitakas nga sila, at nagsilabas sa bayan nang kinagabihan, sa daan ng halamanan ng hari, sa pintuang-bayan sa pagitan ng dalawang kuta; at siya'y lumabas sa daan ng Araba.
5 Nguni't hinabol sila ng hukbo ng mga Caldeo, at inabot si Sedechias sa mga kapatagan ng Jerico: at nang kanilang mahuli siya, isinampa nila siya kay Nabucodonosor na hari sa Babilonia sa Ribla, sa lupain ng Hamath, at kaniyang nilapatan siya ng kahatulan.
6 Nang magkagayo'y pinatay ng hari sa Babilonia ang mga anak ni Sedechias sa Ribla sa harap ng kaniyang mga mata; pinatay rin ng hari sa Babilonia ang lahat na mahal na tao sa Juda.
7 Bukod dito'y kaniyang binulag ang mga mata ni Sedechias, at inilagay siya sa pangawan, upang dalhin siya sa Babilonia.
8 At sinunog ng mga Caldeo ng apoy ang bahay ng hari, at ang mga bahay ng mga tao, at ibinagsak ang mga kuta ng Jerusalem.
9 Nang magkagayo'y dinalang bihag sa Babilonia ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay, ang nalabi sa mga tao na naiwan sa bayan, gayon din ang nagsilipat na nagsikampi sa kaniya, at ang nalabi sa bayan na naiwan.
10 Nguni't iniwan ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay ang mga dukha sa bayan, na walang tinatangkilik sa lupain ng Juda, at binigyan sila ng mga ubasan at ng mga bukid sa panahon ding yaon.
11 Si Nabucodonosor nga na hari sa Babilonia ay nagbilin kay Nabuzaradan na kapitan ng bantay ng tungkol kay Jeremias, na sinasabi;
12 Kunin mo siya, at ingatan mo siyang mabuti, at huwag mo siyang saktan; kundi gawin mo sa kaniya ang kaniyang sasabihin sa iyo.
13 Sa gayo'y nagsugo si Nabuzaradan na kapitan ng bantay, at si Nabusazban, si Rab-saris, at si Nergal-sareser, si Rab-mag, at lahat ng punong oficial ng hari sa Babilonia;
14 Sila'y nangagsugo, at kinuha si Jeremias sa looban ng bantay, at kanilang ipinagbilin siya kay Gedalias na anak ni Ahicam, na anak ni Saphan, na kaniyang iuwi siya. Sa gayo'y tumahan siya sa gitna ng bayan.
15 Ang salita nga ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, samantalang siya'y nakukulong sa looban ng bantay, na nagsasabi,
16 Ikaw ay yumaon, at magsalita kay Ebed-melec na taga Etiopia, na magsabi, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, aking dadalhin ang aking salita sa bayang ito sa ikasasama, at hindi sa ikabubuti; at mangatutupad sa harap mo sa araw na yaon.
17 Nguni't ililigtas kita sa araw na yaon, sabi ng Panginoon; at hindi ka mabibigay sa kamay ng mga lalake na iyong kinatatakutan.
18 Sapagka't tunay na ililigtas kita, at ikaw ay hindi ibubuwal ng tabak, kundi ang iyong buhay ay magiging pinakasamsam sa iyo; sapagka't iyong inilagak ang iyong tiwala sa akin, sabi ng Panginoon.