< Jeremias 38 >
1 At narinig ni Sephatias na anak ni Mathan, at ni Gedalias na anak ni Pashur, at ni Jucal na anak ni Selemias, at ni Pasur na anak ni Melchias, ang mga salita na sinalita ni Jeremias sa buong bayan, na nagsasabi,
2 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang tumatahan sa bayang ito ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, sa pamamagitan ng kagutom, at sa pamamagitan ng salot; nguni't ang lumalabas sa mga Caldeo ay mabubuhay, at ang kaniyang buhay ay magiging sa kaniya'y pinakasamsam, at siya'y mabubuhay.
3 Ganito ang sabi ng Panginoon, Tunay na ang bayang ito ay mabibigay sa kamay ng hukbo ng hari sa Babilonia, at sasakupin niya.
4 Nang magkagayo'y sinabi ng mga prinsipe sa hari, Isinasamo namin sa iyo na ipapatay ang lalaking ito; yamang kaniyang pinahina ang mga kamay ng mga lalaking mangdidigma na nalalabi sa bayang ito, at ang mga kamay ng buong bayan, sa pagsasalita ng kaniyang mga salita sa kanila: sapagka't hindi hinahanap ng lalaking ito ang ikabubuti ng bayang ito, kundi ang ikapapahamak.
5 At sinabi ni Sedechias na hari, Narito, siya'y nasa inyong kamay; sapagka't hindi ang hari ang makagagawa ng anoman laban sa inyo.
6 Nang magkagayo'y sinunggaban nila si Jeremias, at inihagis siya sa hukay ni Malchias na anak ng hari, na nasa looban ng bantay: at kanilang inihugos si Jeremias sa pamamagitan ng mga lubid. At sa hukay ay walang tubig, kundi burak; at lumubog si Jeremias sa burak.
7 Nang marinig nga ni Ebed-melec na taga Etiopia, na bating na nasa bahay ng hari, na kanilang isinilid si Jeremias sa hukay; (na ang hari noo'y nakaupo sa pintuang-bayan ng Benjamin),
8 Si Ebed-melec ay lumabas sa bahay ng hari, at nagsalita sa hari, na nagsasabi,
9 Panginoon ko na hari, ang mga lalaking ito ay nagsigawa ng kasamaan sa lahat ng kanilang ginawa kay Jeremias na propeta, na kanilang isinilid sa hukay; at siya'y mamamatay sa dakong kaniyang kinaroonan dahil sa kagutom; sapagka't wala nang tinapay sa bayan.
10 Nang magkagayo'y nagutos ang hari kay Ebed-melec na taga Etiopia, na nagsasabi, Magsama ka mula rito ng tatlong pung lalake, at isampa mo si Jeremias na propeta mula sa hukay, bago siya mamatay.
11 Sa gayo'y nagsama ng mga lalake si Ebed-melec, at pumasok sa bahay ng hari, sa ilalim ng silid ng kayamanan, at kumuha mula roon ng mga basahan, at mga lumang damit, at kanilang ibinaba sa pamamagitan ng mga lubid sa hukay kay Jeremias.
12 At sinabi ni Ebed-melec na taga Etiopia kay Jeremias, Ilagay mo ngayon ang mga basahang ito at mga lumang damit sa iyong mga kilikili sa ibabaw ng mga lubid. At ginawang gayon ni Jeremias.
13 Sa gayo'y isinampa nila si Jeremias ng mga lubid, at itinaas siya mula sa hukay: at si Jeremias ay naiwan sa looban ng bantay.
14 Nang magkagayo'y nagsugo si Sedechias na hari, at ipinagsama si Jeremias na propeta sa ikatlong pasukan na nasa bahay ng Panginoon: at sinabi ng hari kay Jeremias, Magtatanong ako sa iyo ng isang bagay; huwag kang maglihim ng anoman sa akin.
15 Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias kay Sedechias, Kung saysayin ko sa iyo, hindi mo baga tunay na ipapapatay ako? at kung bigyan kita ng payo, hindi ka makikinig sa akin.
16 Sa gayo'y si Sedechias ay sumumpang lihim kay Jeremias, na nagsasabi, Buhay ang Panginoon na lumalang ng ating kaluluwa, hindi kita ipapapatay, o ibibigay man kita sa kamay ng mga lalaking ito na nagsisiusig ng iyong buhay.
17 Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias kay Sedechias, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Kung iyong lalabasin ang mga prinsipe ng hari sa Babilonia, mabubuhay ka nga, at ang bayang ito ay hindi masusunog ng apoy; at ikaw ay mabubuhay, at ang iyong sangbahayan:
18 Nguni't kung hindi mo lalabasin ang mga prinsipe ng hari sa Babilonia, mabibigay nga ang bayang ito sa kamay ng mga Caldeo, at kanilang susunugin ng apoy, at ikaw ay hindi makatatanan sa kanilang kamay.
19 At sinabi ni Sedechias na hari kay Jeremias, Ako'y natatakot sa mga Judio na kumampi sa mga Caldeo, baka ako'y ibigay nila sa kanilang kamay, at kanilang libakin ako.
20 Nguni't sinabi ni Jeremias, Hindi ka ibibigay nila. Isinasamo ko sa iyo, na talimahin mo ang tinig ng Panginoon, tungkol sa aking sinalita sa iyo: sa gayo'y ikabubuti mo, at ikaw ay mabubuhay.
21 Nguni't kung ikaw ay tumangging lumabas, ito ang salita na ipinakilala sa akin ng Panginoon,
22 Narito, lahat ng babae na naiwan sa bahay ng hari sa Juda ay malalabas sa mga prinsipe ng hari sa Babilonia, at ang mga babaing yaon ay mangagsasabi, Hinikayat ka ng iyong mga kasamasamang mga kaibigan, at nanaig sa iyo: ngayon ang iyong paa nga ay nalubog sa burak, at sila'y nagsitalikod.
23 At kanilang dadalhin ang lahat mong asawa at ang iyong mga anak sa mga Caldeo, at hindi ka makatatanan sa kanilang kamay, kundi ikaw ay mahuhuli ng kamay ng hari sa Babilonia: at iyong ipasusunog ng apoy ang bayang ito.
24 Nang magkagayo'y sinabi ni Sedechias kay Jeremias, Huwag maalaman ng tao ang mga salitang ito, at hindi ka mamamatay.
25 Nguni't kung mabalitaan ng mga prinsipe na ako'y nakipagsalitaan sa iyo, at sila'y magsiparito sa iyo, at mangagsabi sa iyo, Ipahayag mo sa amin ngayon kung ano ang iyong sinabi sa hari; huwag mong ikubli sa amin, at hindi ka namin ipapapatay; gayon din kung anong sinabi ng hari sa iyo:
26 Iyo ngang sasabihin sa kanila, Aking iniharap ang aking pamanhik sa harap ng hari, na huwag niya akong pabalikin sa bahay ni Jonathan, na mamatay roon.
27 Nang magkagayo'y dumating ang lahat na prinsipe kay Jeremias, at tinanong siya: at kaniyang isinaysay sa kanila ang ayon sa lahat ng salitang ito na iniutos ng hari. Sa gayo'y pinabayaan nilang magsalita siya; sapagka't ang bagay ay hindi nahalata.
28 Sa gayo'y tumahan si Jeremias sa looban ng bantay hanggang sa araw na masakop ang Jerusalem.