< Jeremias 28 >
1 At nangyari, nang taon ding yaon sa pasimula ng paghahari ni Sedechias na hari sa Juda, sa ikaapat na taon, sa ikalimang buwan, na si Hananias na anak ni Azur na propeta, na taga Gabaon, ay nagsalita sa akin sa bahay ng Panginoon, sa harapan ng mga saserdote, at ng buong bayan, na nagsasabi,
2 Ganito ang sinasalita ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, na nagsasabi, Aking inalis ang pamatok ng hari sa Babilonia.
3 Sa loob ng dalawang buong taon ay dadalhin ko uli sa dakong ito, ang lahat na sisidlan ng bahay ng Panginoon, na dinala ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia mula sa dakong ito, at mga dinala sa Babilonia:
4 At aking dadalhin uli sa dakong ito si Jechonias na anak ni Joacim, na hari sa Juda, sangpu ng lahat na bihag sa Juda, na nangaparoon sa Babilonia, sabi ng Panginoon: sapagka't aking aalisin ang pamatok ng hari sa Babilonia.
5 Nang magkagayo'y nagsabi ang propeta Jeremias sa propeta Hananias sa harapan ng mga saserdote, at sa harapan ng buong bayan, na nakatayo sa bahay ng Panginoon,
6 Sinabi nga ng propeta Jeremias, Siya nawa: gawing gayon ng Panginoon: isagawa ng Panginoon ang iyong mga salita na iyong ipinanghula, na ibalik uli ang mga sisidlan ng bahay ng Panginoon, at silang lahat na bihag, mula sa Babilonia hanggang sa dakong ito.
7 Gayon ma'y dinggin mo ang mga salitang ito na sinasalita ko sa iyong mga pakinig, at sa mga pakinig ng buong bayan:
8 Ang mga naging propeta bago ako at bago ikaw nang una ay nanghula laban sa maraming lupain, at laban sa mga malaking kaharian, tungkol sa digma, at tungkol sa kasamaan, at tungkol sa salot.
9 Ang propeta, na nanghuhula ng tungkol sa kapayapaan, ay makikilala nga siyang propeta, na tunay na sinugo ng Panginoon siya, pagka ang salita ng propeta ay mangyayari.
10 Nang magkagayo'y kinuha ng propeta Hananias ang pamatok sa batok ng propeta Jeremias, at binali.
11 At si Hananias ay nagsalita sa harapan ng buong bayan, na nagsasabi: Ganito ang sabi ng Panginoon, Gayon ko rin babaliin ang pamatok ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia sa loob ng dalawang taong ganap sa batok ng lahat na bansa. At ang propeta Jeremias ay yumaon ng kaniyang lakad.
12 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias, pagkatapos na mabali ni Hananias ang pamatok sa batok ng propeta Jeremias, na nagsasabi,
13 Ikaw ay yumaon, at saysayin mo kay Hananias na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon: Iyong binali ang mga pamatok na kahoy, nguni't ginawa mo na kahalili ng mga yaon ay mga pamatok na bakal.
14 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Ako'y naglagay ng pamatok na bakal sa batok ng lahat na bansang ito, upang sila'y makapaglingkod kay Nabucodonosor na hari sa Babilonia; at sila'y mangaglilingkod sa kaniya: at ibinigay ko rin sa kaniya ang mga hayop sa parang.
15 Nang magkagayo'y sinabi ng propeta Jeremias kay Hananias na propeta, Dinggin mo ngayon, Hananias; hindi ka sinugo ng Panginoon; kundi iyong pinaasa ang bayang ito sa kasinungalingan.
16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ikaw ay aking palalayasin mula sa ibabaw ng lupa: mamamatay ka sa taong ito sapagka't ikaw ay nagsalita ng panghihimagsik laban sa Panginoon.
17 Sa gayo'y namatay si Hananias na propeta ng taon ding yaon sa ikapitong buwan.