< Jeremias 20 >
1 Napakinggan ni Pashur, na anak ni Immer, na saserdote, na siyang pangulong pinuno sa bahay ng Panginoon, si Jeremias na nanghuhula ng mga bagay na ito.
2 Nang magkagayo'y sinaktan ni Pashur si Jeremias na propeta, at inilagay siya sa pangawan na nasa lalong mataas na pintuang-bayan ng Benjamin, na nasa bahay ng Panginoon.
3 At nangyari, nang kinabukasan, na inilabas ni Pashur si Jeremias mula sa pangawan. Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias sa kaniya, Hindi tinawag ng Panginoon ang iyong pangalan na Pashur, kundi Magormissabib.
4 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, gagawin kitang kakilabutan sa iyong sarili, at sa lahat mong mga kaibigan; at sila'y mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak ng kanilang mga kaaway, at mamamasdan ng iyong mga mata: at ibibigay ko ang buong Juda sa kamay ng hari sa Babilonia, at kaniyang dadalhin sila na bihag sa Babilonia, at papatayin sila ng tabak.
5 Bukod dito ay ibibigay ko ang lahat na kayamanan ng bayang ito, at ang lahat na pakinabang nito, at ang lahat na mahalagang bagay nito, oo, ang lahat na kayamanan ng mga hari sa Juda ay ibibigay ko sa kamay ng kanilang mga kaaway; na magsisisamsam sa kanila, at magsisihuli sa kanila, at mangagdadala sa kanila sa Babilonia.
6 At ikaw Pashur, at ang lahat na tumatahan sa iyong bahay ay magsisipasok sa pagkabihag; at paroroon ka sa Babilonia, at doon ka mamamatay, at doon ka malilibing, ikaw, at ang lahat mong mga kaibigan, na iyong pinanghulaan na may kasinungalingan.
7 Oh Panginoon, iyong hinikayat ako, at ako'y nahikayat; ikaw ay lalong malakas kay sa akin, at nanaig ka: ako'y nagiging katatawanan lahat ng araw, bawa't isa'y tumutuya sa akin.
8 Sapagka't kung paano kadalas nagsasalita ako, humihiyaw ako; humihiyaw ako, Pangdadahas at paninira; sapagka't ang salita ng Panginoon ay naging kakutyaan sa akin, at kadustaan, lahat ng araw.
9 At kung aking sabihin, Hindi ko babanggitin siya, o magsasalita ng ano pa man sa kaniyang pangalan, mayroon nga sa aking puso na wari nagaalab na apoy na nakukulong sa aking mga buto, at ako'y pagod ng pagpipigil, at hindi makapagpigil.
10 Sapagka't aking narinig ang paninirang puri ng marami, kakilabutan sa lahat ng dako. Kayo'y mangagsumbong, at aming isusumbong siya, sabi ng lahat ng mga kasamasama kong kaibigan, na nagsisipaghintay ng aking pagkabagsak; marahil siya'y mahihikayat, at tayo'y mangananaig laban sa kaniya, at tayo'y mangakagaganti sa kaniya.
11 Nguni't ang Panginoon ay sumasaakin na parang makapangyarihan at kakilakilabot: kaya't ang mga manguusig sa akin ay mangatitisod, at sila'y hindi mangananaig; sila'y lubhang mangapapahiya, sapagka't sila'y hindi nagsisigawang may karunungan, ng walang hanggang kapintasan na hindi malilimutan.
12 Nguni't, Oh Panginoon ng mga hukbo, na tumatarok ng matuwid, at nakakakita ng mga pagiisip at ng puso, ipakita mo sa akin ang iyong panghihiganti sa kanila; sapagka't sa iyo ay inihayag ko ang aking usap.
13 Kayo'y magsiawit sa Panginoon, magsipuri kayo sa Panginoon; sapagka't kaniyang iniligtas ang kaluluwa ng mapagkailangan mula sa kamay ng mga manggagawa ng kasamaan.
14 Sumpain ang araw na kinapanganakan sa akin: huwag pagpalain ang araw na kinapanganakan sa akin ng aking ina.
15 Sumpain ang tao na nagdala ng balita sa aking ama, na nagsabi, Isang lalake ay ipinanganak sa iyo, na pinasaya siyang mainam.
16 At ang lalaking yaon ay maging gaya ng mga bayang giniba ng Panginoon, at hindi pinagsisihan: at makarinig nawa siya ng daing sa umaga, at hiyawan sa katanghaliang tapat;
17 Sapagka't hindi niya pinatay ako sa bahay-bata; at sa gayo'y naging libingan ko sana ang aking ina, at ang kaniyang bahay-bata, ay naging laging dakila sana.
18 Bakit nga ako'y nalabas sa bahay-bata upang makakita ng hirap at kapanglawan, upang ang aking mga araw ay manaw na may kahihiyan?