< Isaias 62 >

1 Dahil sa Sion ay hindi ako tatahimik, at dahil sa Jerusalem ay hindi ako magpapahinga, hanggang sa ang kaniyang katuwiran ay lumitaw na parang ningning, at ang kaniyang kaligtasan ay parang ilawan na nagniningas.
Para sa kapakanan ng Sion ako ay hindi mananahimik, at para sa kapakanan ng Jerusalem ako ay hindi tatahimik, hanggang tuloy-tuloy nang magliwanag ang kaniyang katuwiran, at ang kaniyang kaligtasan tulad ng isang nag-aapoy na sulo.
2 At makikita ng mga bansa ang iyong katuwiran, at ng lahat na hari ang inyong kaluwalhatian; at ikaw ay tatawagin sa bagong pangalan, na ipangangalan ng bibig ng Panginoon.
Makikita ng mga bansa ang inyong katuwiran, at ang inyong kaluwalhatian ng lahat ng mga hari. Ikaw ay tatawagin sa isang bagong pangalan na si Yahweh ang pipili.
3 Ikaw naman ay magiging putong ng kagandahan sa kamay ng Panginoon, at diademang hari sa kamay ng iyong Dios.
Kayo rin ay magiging isang korona ng kagandahan sa kamay ni Yahweh, at isang turban ng pagkahari sa kamay ng inyong Diyos.
4 Hindi ka na tatawagin pang Pinabayaan; hindi na rin tatawagin pa ang iyong lupain na Giba: kundi ikaw ay tatawaging Hephzi-bah, at ang iyong lupain ay Beulah: sapagka't ang Panginoon ay nalulugod sa iyo, at ang iyong lupain ay tatangkilikin.
Hindi ka na kailanman tatawaging, “Pinabayaan”; ni ang inyong lupain ay kailanman tatawaging, “Malungkot.” Sa katunayan, kayo ay tatawaging “Ang aking kaluguran ay nasa kaniya,” at ang iyong lupain “May asawa,” dahil si Yahweh ay nasisiyahan sa inyo, at ang inyong lupain ay ikakasal.
5 Sapagka't kung paanong ang binata ay nakikipagtipan sa dalaga, gayon nakikipagtipan ang iyong mga anak na lalake sa iyo; at kung paanong ang kasintahang lalake ay nagagalak sa kasintahang babae, gayon magagalak ang Dios sa iyo.
Tulad ng isang lalake na ikinakasal sa isang babae, sa gayon kayo ay pakakasalan ng inyong mga anak na lalaki. Tulad ng isang lalaking ikakasal na nagagalak sa babaeng kaniyang pakakasalan, ang inyong Diyos ay magagalak sa inyo.
6 Ako'y naglagay ng mga bantay sa iyong mga kuta, Oh Jerusalem; sila'y hindi magsisitahimik kailan man sa araw o sa gabi: kayong mga mapagalaala sa Panginoon, huwag kayong mangagpahinga,
Ako ay naglagay ng mga bantay sa inyong mga pader, Jerusalem; sila ay hindi nananahimik araw at gabi. Ikaw na patuloy na nagpapaalala kay Yahweh, huwag tumigil sandali.
7 At huwag ninyong bigyan siya ng kapahingahan, hanggang sa siya'y matatag, at hanggang sa kaniyang gawing kapurihan sa lupa ang Jerusalem.
Huwag mo siyang papayagang magpahinga hanggang maitatag niya muli ang Jerusalem at gawin itong isang papuri sa daigdig.
8 Ang Panginoon ay sumumpa ng kaniyang kanang kamay, at ng bisig ng kaniyang kalakasan, Tunay na hindi na ako magbibigay ng iyong trigo na pinakapagkain sa iyong mga kaaway; at ang mga taga ibang lupa ay hindi magsisiinom ng iyong alak, na iyong pinagpagalan.
Si Yahweh ay nangako sa pamamagitan ng kaniyang kanang kamay at sa pamamagitan ng lakas ng kaniyang bisig, “Siguradong hindi ko na kailanman ibibigay ang inyong butil bilang pagkain para sa inyong mga kaaway. Ang mga dayuhan ay hindi iinom ng inyong bagong alak, na inyong pinagtrabahuhan.
9 Kundi silang nangagimbak niyaon ay magsisikain niyaon, at magsisipuri sa Panginoon; at silang nangagtipon niyaon ay magsisiinom niyaon sa mga looban ng aking santuario.
Dahil ang mga umaani ng butil ang kakain nito at magpupuri kay Yahweh, at ang mga pumipitas ng mga ubas ay iinom ng alak sa mga patyo ng aking banal na santuwaryo.”
10 Kayo'y magsidaan, kayo'y magsidaan sa mga pintuang-bayan; inyong ihanda ang lansangan ng bayan; inyong patagin; inyong patagin ang maluwang na lansangan; inyong pulutin ang mga bato; mangagtaas kayo ng watawat na ukol sa mga bayan.
Lumabas kayo, lumabas kayo sa mga tarangkahan! Ihanda ang daan para sa bayan! Itayo ito, itayo ang daanang-bayan! Alisin ang mga bato! Magtaas ng isang hudyat na bandera para sa mga bansa!
11 Narito, ang Panginoon ay nagtanyag hanggang sa wakas ng lupa, Inyong sabihin sa anak na babae ng Sion, Narito, ang iyong kaligtasan ay dumarating; narito, ang kaniyang kagantihan ay nasa kaniya, at ang kaniyang ganti ay nasa harap niya.
Pagmasdan ninyo, si Yahweh ay nagpapahayag sa dulo ng daigdig, “Sabihin sa anak na babae ng Sion: Pagmasdan mo, dumarating ang inyong Manunubos! Tingnan ninyo, dala niya ang kaniyang gantimpala,” at ang kaniyang pabuya ay mauuna sa kaniya.
12 At tatawagin nila sila Ang banal na bayan, Ang tinubos ng Panginoon: at ikaw ay tatawagin Hinanap, Bayang hindi pinabayaan.
Kayo ay tatawagin nilang, “Ang bayang banal; ang tinubos ni Yahweh,” at tatawagin kayong “Tanyag; isang lungsod na hindi pinabayaan.”

< Isaias 62 >