< Isaias 56 >

1 Ganito ang sabi ng Panginoon, Kayo'y mangagingat ng kahatulan, at magsigawa ng katuwiran; sapagka't ang aking pagliligtas ay malapit nang darating, at ang aking katuwiran ay mahahayag.
Ito ang sinasabi ni Yahweh. “Sundin kung ano ang tama, gawin kung ano ang makatarungan; dahil malapit na ang aking pagliligtas, at ang aking katuwiran ay ibubunyag na.
2 Mapalad ang taong gumagawa nito, at ang anak ng tao na nanghahawak dito; na nangingilin ng sabbath upang huwag lapastanganin, at nagiingat ng kaniyang kamay sa paggawa ng anomang kasamaan.
Mapalad ang taong gumagawa nito, at sa sinumang mahigpit na humahawak dito. Sumusunod siya sa Araw ng Pamamahinga, hindi niya ito dinudungisan, at iniingatan ang kanyang kamay mula sa paggawa ng anumang kasamaan.”
3 At huwag ding magsalita ang taga ibang lupa, na nalakip sa Panginoon, na magsasabi, Tunay na ihihiwalay ako ng Panginoon sa kaniyang bayan; at huwag ding magsabi ang bating, Narito, ako'y punong kahoy na tuyo.
Huwag ninyong hayaan ang sinumang dayuhan na naging tagasunod ni Yahweh ang magsabi na, “Tiyak na ihihiwalay ako ni Yahweh mula sa kanyang bayan. “Huwag sasabihin ng isang eunuko na, “Tingnan mo, ako ay isang tuyot na puno.”
4 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga bating na nangingilin ng aking mga sabbath, at pumipili ng mga bagay na nakalulugod sa akin, at nagiingat ng aking tipan:
Dahil ito ang sinasabi ni Yahweh, “Sa mga eunuko na sumusunod sa aking mga Araw ng Pamamahinga at pumipili kung ano ang nakalulugod sa akin at mahigpit na pinanghahawakan ang aking tipan—
5 Sila'y bibigyan ko sa aking bahay at sa loob ng aking mga kuta, ng alaala at pangalan na maigi kay sa mga anak na lalake at babae; aking bibigyan sila ng walang hanggang pangalan, na hindi mapaparam.
Itatatag ko sa kanila sa loob aking tahanan at sa loob ng aking mga pader ang isang bantayog na mas mabuti kaysa pagkakaroon ng mga anak na lalaki at mga babae; bibigyan ko sila ng walang hanggang bantayog na hindi mapuputol.
6 Gayon din ang mga taga ibang lupa, na nakikilakip sa Panginoon, upang magsipangasiwa sa kaniya, at magsiibig sa pangalan ng Panginoon, upang magsipangasiwa sa kaniya, at magsiibig sa pangalan ng Panginoon, upang maging kaniyang mga lingkod, bawa't nangingilin ng sabbath upang huwag lapastangin, at nagiingat ng aking tipan;
Gayon din ang mga dayuhan na umanib kay Yahweh, para maglingkod sa kanya, at nagmamahal sa pangalan ni Yahweh, para sambahin siya, lahat na tumutupad sa Araw ng Pamamahinga at mga nag-iingat na dungisan ito, at mahigpit na pinanghahawakan ang aking tipan,
7 Sila ay dadalhin ko sa aking banal na bundok, at papagkakatuwain ko sila sa aking bahay na dalanginan: ang kanilang mga handog na susunugin at ang kanilang mga hain ay tatanggapin sa aking dambana; sapagka't ang aking bahay ay tatawaging bahay na panalanginan para sa lahat ng mga bayan.
dadalhin ko ang mga ito sa aking banal na bundok at gagawin ko silang maligaya sa aking bahay-dalanginan; ang kanilang mga handog na susunugin at kanilang mga alay ay tatanggapin sa aking altar. Dahil ang aking tahanan ay tatawagin na bahay dalanginan para sa lahat ng mga bansa,
8 Ang Panginoong Dios na pumipisan ng mga itinapon sa Israel ay nagsasabi, Magpipisan pa ako ng mga iba sa kaniya, bukod sa kaniyang sarili na nangapisan.
ito ang pahayag ng Panginoon na si Yahweh, na siyang nagtitipon sa mga taong pinabayaan sa Israel— titipunin ko pa rin ang iba para idagdag sa kanila.”
9 Kayong lahat na mga hayop sa parang, kayo'y magsiparitong lumamon, oo, kayong lahat na mga hayop sa gubat.
Lahat kayong mga ligaw na hayop sa parang, magsiparito kayo at lumamon, lahat kayong mga hayop sa kagubatan!
10 Ang kaniyang mga bantay ay mga bulag, silang lahat ay walang kaalaman; silang lahat ay mga piping aso, sila'y hindi makatahol; mapanaginipin, mapaghiga, maibigin sa pagidlip.
Lahat ng kanilang mga bantay ay mga bulag; hindi sila nakakaunawa; silang lahat ay mga asong pipi; sila ay hindi makatahol; nananaginip, nakahiga at mahilig matulog.
11 Oo, ang mga aso ay matatakaw, sila'y kailan man ay walang kabusugan; at ang mga ito ay mga pastor na hindi nangakakaunawa: sila'y nagsilikong lahat sa kanilang sariling daan na mula sa lahat ng dako, bawa't isa'y sa kaniyang pakinabang.
Ang mga aso ay matatakaw; hindi kailanman sila mabubusog; sila ay mga pastol na walang mabuting pasya; silang lahat ay bumaling sa kanilang sariling pamamaraan, bawat isa ay mapag-imbot sa hindi makatarungang pakinabang.
12 Kayo'y magsiparito, sabi nila, ako'y magdadala ng alak, at magpatid-uhaw tayo sa matapang na inumin; at bukas ay magiging gaya ng araw na ito, dakilang araw, na walang kapantay.
Halikayo, “sabi nila, uminom tayo ng alak at matapang na alak; bukas ay magiging tulad ng araw na ito, isang dakilang araw na hindi kayang sukatin.”

< Isaias 56 >