< Isaias 5 >
1 Paawitin ninyo ako sa aking pinakamamahal, ng awit ng aking minamahal tungkol sa kaniyang ubasan. Ang aking pinakamamahal ay may ubasan sa isang mainam na burol:
2 At kaniyang binangbangan ang palibot at inalis ang mga bato, at tinamnan ng piling puno ng ubas, at nagtayo ng isang moog sa gitna niyaon, at tinabasan din naman ng isang pisaan ng ubas: at kaniyang hinintay na magbunga ng ubas, at nagbunga ng ubas gubat.
3 At ngayon, Oh mga nananahan sa Jerusalem at mga tao sa Juda, hatulan ninyo, isinasamo ko sa inyo, ako at ang aking ubasan.
4 Ano pa ang magagawa ko sa aking ubasan na hindi ko nagawa? ano't nang aking hinihintay na magbubunga ng mga ubas, nagbunga ng ubas gubat?
5 At ngayo'y aking sasaysayin sa inyo ang gagawin ko sa aking ubasan: aking aalisin ang bakod na siit niyaon, at sasalantain; aking ibabagsak ang bakod niyaon at mayayapakan:
6 At aking pababayaang sira; hindi kakapunin o bubukirin man; kundi magsisitubo ay mga dawag at mga tinik: akin ding iuutos sa mga alapaap, na huwag nilang ulanan.
7 Sapagka't ang ubasan ng Panginoon ng mga hukbo ay ang sangbahayan ng Israel, at ang mga tao sa Juda ay ang kaniyang maligayang pananim: at siya'y naghihintay ng kahatulan, nguni't narito, kapighatian; ng katuwiran, nguni't narito, daing.
8 Sa aba nila, na nangaguugpong ng bahay sa bahay, na nangaglalagay ng bukid sa bukid hanggang sa mawalan ng pagitan, at kayo'y magsisitahang magisa sa gitna ng lupain!
9 Sa aking mga pakinig ay sinasabi ng Panginoon ng mga hukbo, Sa katotohana'y maraming bahay ang magigiba, malalaki at magaganda, na walang mananahan.
10 Sapagka't sangpung acre ng ubasan ay mangagbubunga ng isang bath, at isang homer na binhi ay magbubunga ng isang epa.
11 Sa aba nila na nagsisibangong maaga sa umaga, upang sila'y makasunod sa nakalalasing na inumin; na nagtatagal hanggang sa kalaliman ng gabi, hanggang sa magalab ang alak sa kanila!
12 At ang alpa at ang viola, ang pandareta at ang plauta, at ang alak, ay nangasa kanilang mga kapistahan: nguni't hindi nila pinakundanganan ang gawa ng Panginoon, o ginunita man nila ang gawa ng kaniyang mga kamay.
13 Kaya't ang aking bayan ay nasok sa pagkabihag, sa kasalatan sa kaalaman: at ang kanilang mararangal na tao ay nangagugutom, at ang kanilang karamihan ay nangahahandusay sa uhaw.
14 Kaya't pinalaki ng Sheol ang kaniyang nasa, at ibinuka ang kaniyang bibig ng walang sukat: at ang kanilang kaluwalhatian, at ang kanilang karamihan, at ang kanilang kahambugan, at ang nagagalak sa gitna nila ay bumaba roon. (Sheol )
15 At ang taong hamak ay pinayuyukod, at ang makapangyarihang tao ay pinapagpapakumbaba, at ang mga mata ng nagmamataas ay pinapagpapakumbaba:
16 Nguni't ang Panginoon ng mga hukbo ay nabunyi sa kahatulan, at ang Dios na Banal ay inaring banal sa katuwiran.
17 Kung magkagayo'y sasabsab ang mga kordero na gaya sa kanilang sabsaban, at ang mga sirang dako ng matataba ay kakanin ng mga palaboy.
18 Sa aba nila na nagsisihila ng kasamaan sa pamamagitan ng mga panali ng walang kabuluhan, at ng kasalanan na tila panali ng kariton:
19 Na nagsasabi, Magmaliksi siya, madaliin niya ang kaniyang gawa upang aming makita: at lumapit at dumating nawa ang payo ng Banal ng Israel upang aming maalaman!
20 Sa aba nila na nagsisitawag ng mabuti ay masama, at ng masama ay mabuti; na inaaring dilim ang liwanag, at liwanag ang dilim; na inaaring mapait ang matamis, at matamis ang mapait!
21 Sa aba nila na pantas sa kanilang sariling mga mata, at mabait sa kanilang sariling paningin!
22 Sa aba nila na malakas uminom ng alak, at mga taong malakas sa paghahalo ng matapang na inumin:
23 Na nagsisiaring ganap sa masama dahil sa suhol, at inaalis ang katuwiran sa matuwid!
24 Kaya't kung paanong ang liyab ng apoy ay pumupugnaw ng pinagputulan ng trigo, at kung paanong ang tuyong damo ay nasusupok sa alab, gayon magiging gaya ng kabulukan ang kanilang ugat, at ang kanilang bulaklak ay iilanglang na gaya ng alabok: sapagka't kanilang itinakuwil ang kautusan ng Panginoon ng mga hukbo, at hinamak ang salita ng Banal ng Israel.
25 Kaya't nagalab ang galit ng Panginoon laban sa kaniyang bayan, at iniunat niya ang kaniyang kamay laban sa kanila, at sinaktan sila, at ang mga burol ay nanginig, at ang kanilang mga bangkay ay naging dumi sa gitna ng mga lansangan. Sa lahat ng ito ay hindi napawi ang kaniyang galit, kundi laging nakaunat ang kaniyang kamay.
26 At siya'y magtataas ng watawat sa mga bansa mula sa malayo, at susutsutan sila mula sa wakas ng lupa: at, narito, sila'y darating na lubhang nagmamadali:
27 Walang mapapagod o matitisod man sa kanila; walang iidlip o matutulog man; ni hindi man kakalagin ang pamigkis ng kanilang mga balakang, o mapapatid man ang mga panali ng kanilang mga panyapak:
28 Na ang kanilang mga pana ay hasa, at lahat nilang busog ay nangakaakma; ang mga kuko ng kanilang mga kabayo ay maibibilang na parang pingkiang bato, at ang kanilang mga gulong ay parang ipoipo:
29 Ang kanilang angal ay magiging gaya ng sa leon, sila'y magsisiangal na gaya ng mga batang leon: oo, sila'y magsisiangal, at magsisipangal ng huli, at tatangayin, at walang magliligtas.
30 At ang mga yao'y magsisiangal laban sa kanila sa araw na yaon na gaya ng hugong ng dagat: at kung tingnan ang lupain, narito, kadiliman at kahirapan, at ang liwanag ay magdidilim sa mga ulap niyaon.