< Isaias 3 >
1 Sapagka't, narito, ang Panginoon, ang Panginoon ng mga hukbo, ay nagaalis sa Jerusalem at sa Juda ng alalay at tungkod, ng buong alalay na tinapay at ng buong alalay na tubig;
2 Ng makapangyarihang lalake, at ng lalaking mangdidigma; ng hukom, at ng propeta, at ng manghuhula, at ng matanda;
3 Ng kapitan ng lilimang puin, at ng marangal na tao, at ng tagapayo, at ng bihasang manggagawa, at ng matalinong mangeenkanto.
4 At mga bata ang ilalagay kong maging kanilang mga pangulo, at mga sanggol ang magpupuno sa kanila.
5 At ang bayan ay mapipighati, bawa't isa'y ng iba, at bawa't isa'y ng kaniyang kapuwa: ang bata ay magpapalalo laban sa matanda at ang hamak laban sa marangal.
6 Pagka ang lalake ay hahawak sa kaniyang kapatid sa bahay ng kaniyang ama, na magsasabi: Ikaw ay may damit, ikaw ay maging aming pinuno, at ang pagkabagsak ito ay mapasa ilalim ng iyong kamay:
7 Sa araw na yaon ay manglalakas siya ng kaniyang tinig, na magsasabi, Hindi ako magiging tagapagpagaling; sapagka't sa aking bahay ay wala kahit tinapay o damit man; huwag ninyo akong gawing pinuno ng bayan.
8 Sapagka't ang Jerusalem ay giba, at ang Juda ay bagsak: sapagka't ang kanilang dila at ang kanilang mga gawa ay laban sa Panginoon, upang mungkahiin ang mga mata niyang maluwalhati.
9 Ang kanilang pagtatangi ng mga tao ay sumasaksi laban sa kanila; at kanilang ipinahahayag ang kanilang mga kasalanan na gaya ng Sodoma, hindi nila ikinukubli. Sa aba ng kanilang kaluluwa! sapagka't sila'y nagsiganti ng kasamaan sa kanilang sarili.
10 Sabihin ninyo sa matuwid, na ikabubuti niya: sapagka't sila'y magsisikain ng bunga ng kanilang mga gawa.
11 Sa aba ng masama! ikasasama niya: sapagka't ang kagantihan sa kaniyang mga kamay ay mabibigay sa kaniya.
12 Tungkol sa aking bayan, mga bata ang mga mamimighati sa kanila, at mga babae ang mangagpupuno sa kanila. Oh bayan ko, silang nagsisipatnubay sa iyo, mangagliligaw sa iyo, at sisira ng daan ng iyong mga landas.
13 Ang Panginoon ay tumayo upang magsanggalang, at tumayo upang humatol sa mga bayan.
14 Ang Panginoon ay hahatol sa mga matanda ng kaniyang bayan, at sa mga pangulo niyaon; Kayo ang nagkainan sa ubasan: ang samsam sa dukha ay nasa inyong mga bahay;
15 Anong ibig ninyong sabihin na inyong dinidikdik ang aking bayan, at inyong ginigiling ang mukha ng dukha? sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo.
16 Bukod dito'y sinabi ng Panginoon, Sapagka't ang mga anak na babae ng Sion ay mga mapagmataas, at nagsisilakad na mga may kapalaluan at mga matang nakairap, na nagsisilakad at nagsisikendeng habang nagsisiyaon, at nagpapakalatis ng kanilang mga paa:
17 Kaya't papaglalangibin ng Panginoon ang bao ng ulo ng mga anak na babae ng Sion, at huhubdan ng Panginoon ang kanilang mga lihim na bahagi.
18 Sa araw na yaon ay aalisin ng Panginoon ang kagayakan ng kanilang mga hiyas ng paa, at ang mga hiyas ng ulo, at ang mga pahiyas na may anyong kalahating buwan;
19 Ang mga hikaw, at ang mga pulsera, at ang mga lambong na pangmukha;
20 Ang mga laso ng buhok, at ang mga kuwintas sa bukong-bukong, at ang mga pamigkis, at ang mga sisidlan ng pabango, at ang mga amuleto;
21 Ang mga singsing, at ang mga hiyas na pang-ilong;
22 Ang mga damit na pamista, at ang mga balabal, at ang mga panleeg, at ang mga supot;
23 Ang mga maliit na salamin, at ang mainam na kayong lino, at ang mga turbante, at ang mga lambong.
24 At mangyayari na sa halip na mga mainam na especia ay kabulukan; at sa halip na pamigkis ay panali; at sa halip na buhok na ayos ay kakalbuhan; at sa halip na pamigkis na mainam ay pamigkis na kayong magaspang; hero sa halip ng kagandahan.
25 Ang iyong mga lalake ay mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak, at ang iyong mga makapangyarihan ay sa pakikipagdigma.
26 At ang kaniyang mga pintuang-bayan ay tataghoy at magsisitangis; at siya'y magiging giba at guho sa lupa.