< Isaias 28 >
1 Sa aba ng putong ng kapalaluan ng mga manglalasing sa Ephraim, at ng lipas na bulaklak ng kaniyang maluwalhating kagandahan, na nasa ulunan ng mainam na libis nila na nadaig ng alak!
Kaawaan ang ipinagyayabang na kwintas na bulaklak ng mga lasenggo ng Efraim at sa kumukupas na bulaklak ng kanyang maluwalhating kagandahan, na nasa tuktok ng masaganang lambak ng mga lango sa alak!
2 Narito, ang Panginoon ay may isang makapangyarihan at malakas na sugo parang bagyo ng granizo, na manggigibang bagyo, parang unos ng bumubugsong tubig na bumabaha, ay ibubuwal niya sa lupa sa pamamagitan ng malakas na kamay.
Masdan ninyo, may isang makapangyarihan at malakas na tao mula sa Panginoon; gaya ng isang ulan ng yelo, isang namiminsalang bagyo, gaya ng isang laganap na napakalakas na ulan. Papaluin niya ang daigdig ng kanyang kamay.
3 Ang putong ng kapalaluan ng mga manglalasing sa Ephraim ay mayayapakan ng paa:
Ang ipinagmamayabang na kwintas na bulaklak ng mga lasenggo ng Efraim ay tatapakan.
4 At ang lipas na bulaklak ng kaniyang maluwalhating kagandahan, na nasa ulunan ng mainam na libis, magiging gaya ng maagang hinog na bunga ng igos bago magtaginit; na kung nakikita ng tumitingin, samantalang na sa kaniyang kamay pa, kinakain na niya.
Ang kumukupas na bulaklak ng kanyang maluwalhating kagandahan, na nasa tuktok ng mayamang lambak, ay magiging gaya ng unang hinog na igos bago magtag-araw, na kapag nakita ito ng isang tao, habang ito ay nasa kamay pa lamang niya, nilulunok na niya ito.
5 Sa araw na yaon ay magiging putong ng kaluwalhatian ang Panginoon ng mga hukbo, at pinakadiadema ng kagandahan, sa nalabi sa kaniyang bayan;
Sa araw na iyon si Yahweh na pinuno ng mga hukbo ng mga anghel ay magiging isang magandang korona at isang putong ng kagandahan para sa mga natitira pa sa kanyang bayan,
6 At pinaka diwa ng kahatulan sa kaniya na nauupo sa kahatulan, at pinakalakas sa kanila na umuurong sa pakikipagbaka hanggang sa pintuang-daan.
isang espiritu ng katarungan para sa kanya na nakaupo sa paghuhukom, at lakas para sa mga nagpapaatras sa kanilang mga kaaway sa kanilang mga tarangkahan.
7 Gayon man ang mga ito ay gumigiray dahil sa alak, at dahil sa matapang na alak ay pahapayhapay; ang saserdote at ang propeta ay gumigiray dahil sa matapang na alak, sila'y nangasakmal ng alak, sila'y pahapayhapay dahil sa matapang na alak: sila'y nangamamali sa pangitain, sila'y nangatitisod sa paghatol.
Pero kahit na ang mga ito ay humahapay-hapay sa alak, at nagpapasuray-suray sa inuming matapang. Ang pari at ang propeta ay humahapay-hapay sa malakas na alak, at nalululon sila ng alak. Nagpapasuray-suray sila sa malakas na alak, nagsusuray-suray sa pangitain at humahapay-hapay sa pagpasya.
8 Sapagka't lahat ng mga dulang ay puno ng suka, at ng karumihan, na anopa't walang dakong malinis.
Tunay nga, lahat ng mesa ay natatakpan ng suka, kung kaya't walang malinis na lugar.
9 Kanino siya magtuturo ng kaalaman? at kanino niya ipatatalastas ang balita? silang nangalayo sa gatas, at nangahiwalay sa suso?
Kanino niya ituturo ang kaalaman, at kanino niya ipapaliwanag ang mensahe? Sa mga naawat na sa pagsuso sa ina o sa mga kakaawat pa lamang mula sa mga dibdib?
10 Sapagka't utos at utos: utos at utos; bilin at bilin, bilin at bilin; dito'y kaunti, doo'y kaunti.
Sapagkat ito ay utos pagkaraan ng utos, utos pagkaraan ng utos; panuntunan pagkaraan ng panuntunan, panuntunan pagkaraan ng panuntunan; kaunti dito, kaunti doon.
11 Hindi, kundi sa pamamagitan ng mga taong may ibang pangungusap at may iba't ibang wika ay sasalitain niya sa bayang ito.
Tunay nga, gamit ang mapanuyang mga labi at isang banyagang dila, magsasalita siya sa bayang ito.
12 Na kaniyang pinagsabihan, Ito ang kapahingahan, papagpahingahin ninyo siya na pagod; at ito ang kaginhawahan: gayon ma'y hindi nila pinakinggan.
Sa nakalipas sinabi niya sa kanila “Ito ang kapahingahan, bigyan ng kapahingahan ang siyang napapagod; at ito ang pagpapanariwa,” pero ayaw nilang makinig.
13 Kaya't ang salita ng Panginoon ay magiging sa kanila'y utos at utos, utos at utos; bilin at bilin, bilin at bilin; dito'y kaunti, doo'y kaunti; upang sila'y mangakayaon, at mangapahinga, at mangabalian, at mangasilo, at mangahuli.
Kaya ang salita ni Yahweh ay mapapasakanila, utos pagkaraan ng utos; panuntunan pagkaraan ng panuntunan, panuntunan pagkaraan ng panuntunan; kaunti dito, kaunti doon; nang sa gayon sumulong sila at mabuwal, at masaktan, mahulog sa bitag at mabihag.
14 Kaya't iyong dinggin ang salita ng Panginoon, ninyong mga mangduduwahaging tao, na nangagpupuno sa bayang ito na nasa Jerusalem:
Kaya makinig sa salita ni Yahweh, kayo na nangungutya, na namamahala sa bayang ito sa Jerusalem.
15 Sapagka't inyong sinabi, Tayo'y nakipagtipan sa kamatayan, at sa Sheol ay nakipagkasundo tayo; pagka ang mahigpit na kasakunaan ay dumaan, hindi darating sa atin; sapagka't ating ginawang pinakakanlungan natin ang mga kabulaanan, at sa ilalim ng kasinungalingan ay nangagkubli tayo, (Sheol )
Sinabi ninyo, “Nakipagtipan kami sa kamatayan; nakipagkasundo kami sa Sheol. Kaya kapag dumaan ang umaapaw na paghatol, hindi nito kami aabutan, sapagkat ginawa naming kanlungan ang isang kasinungalingan, at sa kabulaanan kami ay nagtago.” (Sheol )
16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, aking inilalagay sa Sion na pinakapatibayan ang isang bato, isang batong subok, isang mahalagang batong panulok na may matibay na patibayan: ang naniniwala ay hindi magmamadali.
Kaya sinasabi ni Yahweh, “Tingnan ninyo: Maglalagay ako ng isang pundasyong bato sa Sion, isang subok na bato, isang tanging panulukang bato, isang tiyak na pundasyon. Siya na naniniwala ay hindi mapapahiya.
17 At aking ilalagay na pinakapising panukat ang katuwiran, at pinakapabato ang kabanalan: at papalisin ng granizo ang kanlungan ng mga kabulaanan, at aapawan ng tubig ang taguang dako.
Gagawin kong panukat na kahoy ang katarungan, at panukat na hulog ang katuwiran. Tatangayin ng ulan na yelo ang tanggulan ng mga kasinungalingan, at tatabunan ng mga tubig baha ang taguan.
18 At ang inyong tipan sa kamatayan ay mawawalan ng kabuluhan, at ang iyong pakikipagkasundo sa Sheol ay hindi mamamalagi; pagka ang mahigpit na kasakunaan ay daraan, kayo nga'y ipapahamak niyaon. (Sheol )
Mawawalang bisa ang inyong tipan sa kamatayan, at ang kasunduan ninyo sa Sheol ay hindi magkakabisa. Kapag dumaan ang rumaragasang baha, tatabunan kayo nito. (Sheol )
19 Sa tuwing dadaan, tatangayin kayo; sapagka't tuwing umaga ay daraan, sa araw at sa gabi: at mangyayari na ang balita ay magiging kakilakilabot na matalastas.
Tuwing dumadaan ito, aanurin kayo nito, at tuwing umaga dadaan ito at sa araw at sa gabi ay darating ito. Kapag naunawaan ang mensahe, ito ay magdudulot ng matinding takot.
20 Sapagka't ang higaan ay lalong maikli na hindi maunatan ng tao; at ang kumot ay lalong makitid na hindi makabalot sa kaniya.
“Dahil napakaikli ng kama para makapag-unat ang isang tao, at napakakitid ng kumot para talukbungan niya ang kanyang sarili.”
21 Sapagka't ang Panginoon ay babangon na gaya sa bundok ng Perasim, siya'y napopoot na gaya sa libis ng Gabaon; upang kaniyang magawa ang kaniyang gawain, ang kaniyang kakaibang gawain, at papangyarihin ang kaniyang gawain, ang kaniyang kakaibang gawain.
Aakyat si Yahweh tulad ng sa Bundok ng Perazim; gigisingin niya ang kanyang sarili tulad ng sa lambak ng Gideon para gawin ang kanyang gawain, ang kanyang kakaibang trabaho, at isakatuparan ang kanyang kakaibang gawa.
22 Huwag nga kayong mapagtuya, baka ang mga panali sa inyo ay magsitibay: sapagka't ang paglipol na ipinasiya, narinig ko sa Panginoon, sa Panginoon ng mga hukbo, sa buong lupa.
Kaya ngayon huwag kayong mang-inis o ang mga gapos ninyo ay hihigpitan. Nakarinig ako mula sa Panginoon, Yahweh na pinuno ng mga hukbo ng mga anghel, isang kautusan ng pagkawasak sa daigdig.
23 Pakinggan ninyo, at dinggin ninyo ang aking tinig, inyong dinggin, at pakinggan ang aking pananalita.
Bigyan ninyo ng pansin at makinig sa aking tinig; bigyan ninyo ng masusing pansin at makinig sa aking mga salita.
24 Nag-aararo bagang lagi ang mang-aararo upang maghasik? Kaniya bagang laging binubungkal at dinudurog ang kaniyang lupa.
Ang magsasaka ba na buong araw nag-aararo para maghasik, ay nag-aararo lang ng lupa? Patuloy ba niyang binubungkal at sinusuyod ang bukid?
25 Pagka kaniyang napatag ang ibabaw niyaon hindi ba niya binibinhian ng eneldo, at ikinakalat ang binhing comino, at inihahanay ang trigo, at ang cebada sa takdang dako, at ang espelta sa hangganan niyaon?
Kapag naihanda na niya ang lupa, hindi ba niya ikinakalat ang buto ng anis, inihahasik ang linga, inilalagay ang trigo sa mga hanay at ang sebada sa tamang lugar, at ang espelta sa mga gilid nito?
26 Sapagka't itinuturong matuwid sa kaniya ng kaniyang Dios, at itinuturo sa kaniya:
Tinatagubilinan siya ng Diyos; tinuturuan niya siya nang may karunungan.
27 Sapagka't ang eneldo ay hindi ginigiik ng panggiik na matalas, o ang gulong man ng karo ay gugulong sa comino; kundi ang eneldo ay hinahampas ng tungkod, at ang comino ay ng pamalo.
Higit pa rito, ang linga ay hindi ginigiik gamit ang isang paragos, ni pinapagulungan ang linga ng gulong ruweda ng karitela; pero ang anis ay binabayo ng isang kahoy, at ang linga ng isang pamalo.
28 Ang trigong ginagawang tinapay ay ginigiling; sapagka't hindi laging magigiik: at bagaman pangalatin yaon ng gulong ng kaniyang karo at ng kaniyang mga kabayo, hindi niya ginigiling.
Ang butil ay ginigiling para sa tinapay pero hindi napakapino, at kahit na ikinakalat ito ng mga gulong ng kanyang karitela at ng kanyang mga kabayo, hindi ito dinudurog ng kanyang mga kabayo.
29 Gayon ma'y ito'y mula rin sa Panginoon ng mga hukbo, na kamanghamangha sa payo, at marilag sa karunungan.
Ito rin ay nanggagaling mula kay Yahweh na pinuno ng mga hukbo ng mga anghel, na kahanga-hanga sa pagpapayo at mahusay sa karunungan.