< Isaias 16 >
1 Ipadadala ninyo ang mga kordero na ukol sa pinuno ng lupain mula sa Selah na nasa dakong ilang, hanggang sa bundok ng anak na babae ng Sion.
2 Sapagka't mangyayari, na gaya ng mga ibong nagsisigala, na gaya ng kalat na pugad, magiging gayon ang mga anak na babae ng Moab sa mga tawiran ng Arnon.
3 Magpayo ka, magsagawa ka ng kahatulan; iyong gawin ang iyong anino na gaya ng gabi sa gitna ng katanghaliang tapat: ikubli mo ang mga tapon; huwag mong ilitaw ang palaboy.
4 Patirahin mong kasama mo ang aking natapon; tungkol sa Moab, maging kanlungan ka niya sa mukha ng mananamsam: sapagka't ang mamimighati ay mauuwi sa wala, ang pagsamsam ay matitigil, ang mga mamimighati ay malilipol sa lupain.
5 At ang luklukan ay matatatag sa kagandahang-loob, at isa'y uupo roon sa katotohanan, sa tabernakulo ni David; na humahatol at humahanap ng kahatulan, at nagmamadaling nagsasagawa ng katuwiran.
6 Aming nabalitaan ang kapalaluan ng Moab, na siya'y totoong palalo; ang kaniyang kahambugan, at ang kaniyang kapalaluan, at ang kaniyang poot, ang kaniyang paghahambog ay nauuwi sa wala.
7 Kaya't aangal ang Moab dahil sa Moab, bawa't isa'y aangal: dahil sa mga binilong pasas ng Kirhareseth ay mananangis kayong lubha na nangamamanglaw.
8 Sapagka't ang mga bukid ng Hesbon ay nanghihina, at ang ubasan ng Sibma; sinira ng mga mahal na tao ng mga bansa ang mga piling pananim niyaon; sila'y nagsisapit hanggang sa Jazer, sila'y nagsilaboy sa ilang; ang kaniyang mga sanga ay nangalaladlad, sila'y nagsitawid sa dagat.
9 Kaya't iiyak ako ng iyak ng Jazer dahil sa puno ng ubas ng Sibma: aking didiligin ka ng aking mga luha, Oh Hesbon, at Eleale; sapagka't sa iyong mga bunga ng taginit at sa iyong pagaani, dumating ang hiyaw sa pakikipagbaka.
10 At ang kasayahan ay naalis, at ang kagalakan sa mainam na bukid; at sa mga ubasan ay hindi magkakaroon ng mga awitan, o masayang kaingay man: walang manyayapak na gagawa ng alak sa alakan; aking pinatigil ang awitan sa pagaani.
11 Kaya't ang aking tiyan ay tumutunog na parang alpa dahil sa Moab, at ang aking mga lamang-loob dahil sa Kir-hares.
12 At mangyayari, pagka ang Moab ay humarap, pagka siya'y napagod sa mataas na dako, at paroroon sa kaniyang santuario upang dumalangin, ay hindi siya mananaig.
13 Ito ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa Moab sa panahong nakaraan.
14 Nguni't ngayo'y nagsalita ang Panginoon, na nagsasabi, Sa loob ng tatlong taon, na gaya ng mga taon ng isang upahan, ay mawawalang kabuluhan ang kaluwalhatian ng Moab sangpu ng lahat niyang karamihan; at ang nalabi ay mangangaunti at walang halaga.