< Isaias 10 >
1 Sa aba nila na nagpapasiya ng mga likong pasiya, at ng mga manunulat na sumusulat ng mga kasuwailan:
Anong kapighatian ang nakalaan sa mga gumagawa nang hindi makatuwirang mga batas at hindi patas na mga tuntunin.
2 Upang iligaw sa kahatulan ang mapagkailangan, at upang alisin ang katuwiran ng dukha ng aking bayan, upang ang mga babaing bao ay maging kanilang samsam, at upang kanilang gawing kanilang huli ang mga ulila!
Pinagkaitan nila ng katarungan ang mga nangangailangan, ninakawan ng karapatan ang naghihirap kong bayan, ninanakawan ang mga balo, at binibiktima ang mga ulila sa ama!
3 At ano ang inyong gagawin sa araw ng pagdalaw, at sa kagibaan na manggagaling sa malayo? sa kanino kayo magsisitakas upang kayo'y tulungan? at saan ninyo iiwan ang inyong kaluwalhatian?
Ano ang gagawin mo sa araw ng paghuhukom kapag dumating na ang pagkawasak mula sa malayo? Kanino ka tatakbo para magkubli at ilalagak ang iyong kayamanan?
4 Sila'y magsisiyukod na gaya ng mga bilanggo, at mangabubuwal sa bunton ng mga patay. Sa lahat ng ito ang galit niya ay hindi napawi, kundi ang kaniyang kamay ay laging nakaunat.
Walang matitira, gagapang ka kasama ng mga bihag, o babagsak kasama ng mga napaslang. Sa lahat ng mga ito, hindi pa humuhupa ang galit ni Yahweh, pero nakataas pa rin ang kaniyang kamay para humampas.
5 Hoy, taga Asiria, na pamalo ng aking galit, siyang tungkod na kasangkapan ng aking pag-iinit.
Anong kapighatian ang nakalaan sa mga taga-Asiria, ang pamalo ng aking galit, ang pamalo ng aking poot!
6 Aking susuguin siya laban sa maruming bansa, at laban sa bayan na aking kinapopootan ay pagbibilinan ko siya, upang manamsam, at upang manunggab, at yapakan sila na parang putik ng mga lansangan.
Ipapadala ko siya laban sa isang mayabang na bansa at laban sa mga taong pasan ang nag-uumapaw kong poot. Inutusan ko siyang samsamin ang mga kayamanan, para kunin ang biktima, at para apakan sila tulad ng mga putik sa mga lansangan.
7 Gayon ma'y hindi niya inaakalang gayon, o iniisip mang gayon ng kaniyang puso; kundi ang nasa kaniyang puso ay manggiba, at manglipol ng mga bansa na hindi kakaunti.
Pero hindi ito ang kaniyang intensyon, o hindi niya inisip ang ganitong pamamaraan. Nasa kaniyang puso ang wasakin ang maraming bansa.
8 Sapagka't kaniyang sinasabi, Hindi baga ang aking mga pangulo ay hari silang lahat?
Dahil sinabi niya, “Hindi ba lahat ng aking mga prinsipe ay mga hari?
9 Hindi baga ang calno ay gaya ng Carchemis? hindi ba ang Hamath ay gaya ng Arphad? hindi ba ang Samaria ay gaya ng Damasco?
Hindi ba tulad ng Calno ang Carquemis? Hindi ba ang Hamat ay tulad ng Arpad? Hindi ba ang Samaria ay tulad ng Damasco?
10 Kung paanong nakasumpong ang aking kamay ng mga kaharian ng mga diosdiosan, na ang mga larawan nilang inanyuan ay mga higit ng dami kay sa Jerusalem at sa Samaria;
Gaya ng pagsakop ko sa mga paganong kaharian, na ang mga inukit na rebulto ay mas malaki kaysa sa Jerusalem at Samaria,
11 Hindi ko baga gagawing gayon sa Jerusalem at sa kaniyang mga diosdiosan, ang gaya ng ginawa ko sa Samaria at sa kaniyang mga diosdiosan?
tulad ng ginawa ko sa Samaria at sa mga walang kwenta niyang diyus-diyosan, hindi ko rin ba ito gagawin sa Jerusalem at sa kaniyang mga diyus-diyosan?”
12 Kaya't mangyayari, na pagka naisagawa ng Panginoon ang buo niyang gawain sa bundok ng Sion at sa Jerusalem, aking parurusahan ang kagagawan ng mapagmalaking loob na hari sa Asiria, at ang kaluwalhatian ng kaniyang mga mapagmataas na tingin.
Kapag natapos na ang ginagawa ng Diyos sa Bundok ng Sion at sa Jerusalem, siya ay magsasabi ng “paparusahan ko ang mga kayabangan na sinabi ng hari ng Asiria at kaniyang mapagmataas na hitsura.
13 Sapagka't kaniyang sinabi, Aking ginawa ito sa kalakasan ng aking kamay at sa aking karunungan; sapagka't ako'y mabait: at aking binago ang mga hangganan ng mga tao, at ninakaw ko ang kanilang mga kayamanan, at parang matapang na lalake na ibinaba ko silang nangakaupo sa mga luklukan:
Dahil sinabi niya, “Sa pamamagitan ng aking lakas at katalinuhan kaya ko ito nagawa, at tinanggal ko ang mga hangganan ng mga tao. Ninakaw ko ang kanilang mga kayamanan, at tulad ng isang makapangyarihang tao winasak ko silang mga nakaupo sa mga trono.
14 At nasumpungan ng aking kamay na parang pugad ang mga kayamanan ng mga tao; at ako'y namulot sa buong lupa na parang namumulot ng mga itlog na napabayaan: at walang magkilos ng pakpak, o magbuka ng bibig o sumiyap.
Kinuha ng aking kamay, na tila mula sa isang pugad, ang kayamanan ng mga bansa, na parang kumukuha lang ng mga naiwang itlog, ganoon ko kinamkam ang buong mundo. Walang nagpagaspas ng kanilang pakpak o nagbukas sa kanilang bibig para humuni.”
15 Magmamapuri ba ang palakol laban sa nagpuputol niyaon? Nakapagmamalaki ba ang lagari laban sa humahawak niyaon? gaya ng kung ang pamalo ay makapagpapanginig sa kanila na nagtataas niyaon, o gaya ng kung ang tungkod ay magtataas sa tao na hindi kahoy.
Makakapagmayabang ba ang palakol sa taong gumagamit nito? Pupurihin ba ng lagari ang kaniyang sarili nang higit pa kaysa sa mamumutol na gumagamit nito? O kaya naman kaya bang iangat ng pamalo ang namamalo o ang pamalo ba ay kayang buhatin ang bumubuhat sa kaniya?
16 Kaya't pangangayayatin ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, ang kaniyang mga mataba; at sa ilalim ng kaniyang kaluwalhatian ay magkakaroon ng pagniningas na gaya ng ningas na apoy.
Kaya magpapadala ng pagkagutom ang Panginoong Yahweh ng mga hukbo sa kaniyang mga magigiting na mandirigma, at sa silong ng kaniyang kaluwalhatian ay may nagniningas na apoy.
17 At ang liwanag ng Israel ay magiging pinakaapoy, at ang kaniyang Banal ay pinakaliyab: at magniningas at susupukin ang kaniyang mga tinikan at mga dawag sa isang araw.
Ang liwanag ng Israel ay magiging isang apoy, at ang kaniyang Banal ay alab; tutupukin niya ang mga damo at mga tinik sa loob lang ng isang araw.
18 At kaniyang pupugnawin ang kaluwalhatian ng kaniyang gubat, at ng kaniyang pinakikinabangang bukid, ang kaluluwa at gayon din ang katawan: at magiging gaya ng kung nanglulupaypay ang may dala ng watawat.
Tutupukin ni Yahweh ang kaluwalhatian ng kaniyang kagubatan at ang kaniyang masaganang lupain, ang parehong kaluluwa at katawan, ito ay magiging tulad ng isang lalaking may sakit na unti-unting nawawalan ng buhay.
19 At ang nalabi sa mga punong kahoy ng kaniyang gubat ay mangangaunti, na anopat mabibilang ng bata.
Ang mga maiiwan na bahagi ng mga puno sa kaniyang kagubatan ay kakaunti lamang, na kaya itong bilangin ng isang bata.
20 At mangyayari sa araw na yaon, na ang nalabi sa Israel, at ang nangakatanan sa sangbahayan ni Jacob, hindi na titiwala pa uli sa kaniya na sumakit sa kanila; kundi titiwala sa Panginoon, sa Banal ng Israel, sa katotohanan.
Sa araw na iyon, ang mga naiwan sa Israel, ang pamilya ni Jacob na nakatakas, ay hindi na patuloy aasa sa sumakop sa kanila, bagkus kay Yahweh na sila aasa, Ang Banal ng Israel.
21 Isang nalabi ay manunumbalik, sa makatuwid baga'y ang nalabi sa Jacob, sa makapangyarihang Dios.
May mga naiwan kay Jacob ang babalik kay Yahweh.
22 Sapagka't bagaman ang iyong bayang Israel ay magiging parang buhangin sa dagat, ang isang nalabi lamang sa kanila ang manunumbalik: ang pagkalipol ay naipasiya, na magtataglay ng katuwiran.
Kahit na ang iyong mamamayan, Israel, ay kasing dami ng mga buhangin sa dalampasigan, kakaunti lamang mula sa kanila ang babalik. Ang pagkawasak ay naitalaga na, ayon sa hinihingi ng nag-uumapaw na katuwiran.
23 Sapagka't ang kagibaan, at ang ipinasiya, gagawin ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, sa gitna ng buong lupa.
Dahil ipapatupad na ng Panginoong Yahweh ng mga hukbo, ang hatol na wasakin ang lupain.
24 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, Oh bayan kong tumatahan sa Sion, huwag kang matakot sa taga Asiria: bagaman ikaw ay sinaktan niya ng pamalo at nagtaas ng kaniyang tungkod laban sa iyo, ayon sa paraan ng Egipto.
Kaya sinabi ng Panginoong Yahweh ng mga hukbo, “Ang aking bayan na nakatira sa Sion ay hindi natatakot sa mga taga-Asiria. Hahampasin niya kayo ng kaniyang pamalo, at papaluin ng kaniyang tungkod, na tulad ng ginawa sa mga taga-Ehipto.
25 Sapagka't sangdali pa, at ang pagkagalit ay magaganap, at ang aking galit, sa kanilang ikamamatay.
Huwag kayong matakot sa kaniya, dahil sa konting sandali na lang ang aking galit sa inyo ay matatapos na, at itutuon ko naman sa kaniya ang aking galit na wawasak sa kaniya.”
26 At ibabangon ng Panginoon ng mga hukbo, ang kasakunaan laban sa kaniya, na gaya ng pagpatay sa Madian sa bato ng Oreb: at ang kaniyang panghampas ay malalagay sa dagat, at kaniyang itataas ng ayon sa paraan ng Egipto.
At hahampasin sila ni Yahweh ng mga hukbo ng latigo, tulad nang pagtalo niya sa Midian sa bato ng Oreb. Itataas niya ang kaniyang pamalo sa ibabaw ng dagat tulad nang ginawa niya sa Ehipto.
27 At mangyayari sa araw na yaon, na ang atang niya ay mahihiwalay sa iyong balikat, at ang kaniyang ipinasan sa iyong leeg, at ang ipinasan ay malalagpak dahil sa pinahiran.
Sa araw na iyon, ang mga pabigat ay aalisin sa inyong balikat at ang pamatok ay tatanggalin mula sa inyong mga leeg, at sisirain ang mga pamatok dahil malayo na ang inyong mga leeg mula rito.
28 Siya'y dumating sa Ajad, siya'y nagdaan sa Migron; sa Michmas inilalapag niya ang kaniyang mga daladalahan:
Tinahak ng mga kalaban ang Migron at dumating sa Aiat, at inilagak ang kanilang mga kagamitan sa Micmas.
29 Sila'y nangagdaraan sa landas; sila'y nagsituloy na nangagpahinga sa Geba: ang Rama ay nanginginig; ang Gabaa ni Saul ay tumakas.
Tinawid nila ang lambak at gumawa ng kuta sa Geba. Nanginig sa takot ang Ramah at ang Gibea ni Saul ay tumakas.
30 Humiyaw kang malakas ng iyong tinig, Oh anak na babae ng Galim! duminig ka, Oh Lais! Oh ikaw na kaawaawang Anathoth!
Sumigaw kayo nang malakas, mga dalaga ng Galim! Makinig kayo, Laisa! Kayong mga kaawa-awang Anatot!
31 Madmena ay palaboy; ang mga nananahan sa Gebim ay nagtitipon upang magsitakas.
Tumatakas ang Madmenah, at ang mga nananahan sa Gebim ay naghanap ng mapagkakanlungan.
32 Sa araw ding ito ay titigil siya sa Nob: kaniyang iniuunat ang kaniyang kamay sa bundok ng anak na babae ng Sion, na burol ng Jerusalem.
Ngayong araw mismo, titigil siya sa Nob at iuumang ang kaniyang kamao sa bundok ng anak ng Sion, sa bulubundukin ng Jerusalem.
33 Narito, puputulin ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, na kakilakilabot ang mga sanga: at ang mga mataas sa anyo ay ibubuwal, at ang mapagmataas ay ibababa.
Masdan, puputulin ng Panginoong Yahweh ng mga hukbo ang mga sanga ng puno sa isang kasindak-sindak na pagbagsak; ang mga matataas na puno ay puputulin, at ang mga matatayog ay babagsak.
34 At kaniyang puputulin ang mga siitan ng gubat sa pamamagitan ng bakal, at ang Libano ay mawawasak sa pamamagitan ng isang makapangyarihan.
puputulin niya ang kasukalan ng kagubatan gamit ang palakol, at ang tanyag na Lebanon ay babagsak.