< Isaias 1 >
1 Ang pangitain ni Isaias na anak ni Amoz, na nakita tungkol sa Juda at Jerusalem, sa mga kaarawan ni Uzias, ni Jotham, ni Ahaz, at ni Ezechias, na mga hari sa Juda.
2 Dinggin mo, Oh langit, at pakinggan mo, Oh lupa, sapagka't sinalita ng Panginoon: Ako'y nagalaga at nagpalaki ng mga bata, at sila'y nanganghimagsik laban sa akin.
3 Nakikilala ng baka ang kaniyang panginoon, at ng asno ang pasabsaban ng kaniyang panginoon: nguni't ang Israel ay hindi nakakakilala, ang bayan ko ay hindi gumugunita.
4 Ah bansang salarin, bayang napapasanan ng kasamaan, lahi ng mga manggagawa ng kasamaan, mga anak na nagsisigawa ng kalikuan: pinabayaan nila ang Panginoon, hinamak nila ang Banal ng Israel, sila'y nangapalayo na nagsiurong.
5 Bakit kayo'y hahampasin pa, na kayo'y manganghimagsik ng higit at higit? ang buong ulo ay masakit, at ang buong puso ay nanglulupaypay.
6 Mula sa talampakan ng paa hanggang sa ulo ay walang kagalingan; kundi mga sugat, at mga pasa, at nangagnananang sugat: hindi nangatikom, o nangatalian man, o nangapahiran man ng langis.
7 Ang inyong lupain ay giba; ang inyong mga bayan ay sunog ng apoy; ang inyong lupain ay nilalamon ng mga taga ibang lupa sa inyong harapan, at giba, na gaya ng iniwasak ng mga taga ibang lupa.
8 At ang anak na babae ng Sion ay naiwang parang balag sa isang ubasan, parang pahingahan sa halamanan ng mga pepino, parang bayang nakukubkob.
9 Kung hindi nagiwan sa atin ng napakakaunting labi ang Panginoon ng mga hukbo, naging gaya sana tayo ng Sodoma, naging gaya sana tayo ng Gomorra.
10 Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, ninyong mga pinuno ng Sodoma; mangakinig kayo sa kautusan ng ating Dios, kayong bayan ng Gomorra.
11 Sa anong kapararakan ang karamihan ng inyong mga hain sa akin? sabi ng Panginoon: ako'y puno ng mga handog na susunugin na mga lalaking tupa, at ng mataba sa mga hayop na pinataba; at ako'y hindi nalulugod sa dugo ng mga toro, o ng mga kordero o ng mga kambing na lalake.
12 Nang kayo'y magsidating na pakita sa harap ko, sinong humingi nito sa inyong kamay, upang inyong yapakan ang aking mga looban?
13 Huwag na kayong magdala ng mga walang kabuluhang alay; kamangyan ay karumaldumal sa akin; ang bagong buwan, at ang sabbath, ang tawag ng mga kapulungan, hindi ako makapagtitiis ng kasamaan at ng takdang pulong.
14 Ipinagdaramdam ng aking puso ang inyong mga bagong buwan at ang inyong mga takdang kapistahan: mga kabagabagan sa akin; ako'y pata ng pagdadala ng mga yaon.
15 At pagka inyong iginagawad ang inyong mga kamay, aking ikukubli ang aking mga mata sa inyo: oo, pagka kayo'y nagsisidalangin ng marami, hindi ko kayo didinggin: ang inyong mga kamay ay puno ng dugo.
16 Mangaghugas kayo, mangaglinis kayo; alisin ninyo ang kasamaan ng inyong mga gawa sa harap ng aking mga mata; mangaglikat kayo ng paggawa ng kasamaan:
17 Mangatuto kayong magsigawa ng mabuti; inyong hanapin ang kahatulan, inyong saklolohan ang napipighati, inyong hatulan ang ulila, ipagsanggalang ninyo ang babaing bao.
18 Magsiparito kayo ngayon, at tayo'y magkatuwiranan, sabi ng Panginoon: bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe; bagaman maging mapulang gaya ng matingkad na pula, ay magiging parang balahibo ng bagong paligong tupa,
19 Kung kayo'y magkusa at mangagmasunurin, kayo'y magsisikain ng buti ng lupain:
20 Nguni't kung kayo'y magsitanggi at manganghimagsik, kayo'y lilipulin ng tabak: sapagka't sinalita ng bibig ng Panginoon.
21 Ano't ang tapat na bayan ay naging tila patutot! noong una siya'y puspos ng kahatulan! katuwiran ay tumatahan sa kaniya, nguni't ngayo'y mga mamamatay tao.
22 Ang iyong pilak ay naging dumi, ang iyong alak ay nahaluan ng tubig.
23 Ang iyong mga pangulo ay mapanghimagsik, at mga kasama ng mga tulisan; bawa't isa'y umiibig ng mga suhol, at naghahangad ng mga kabayaran: hindi nila hinahatulan ang ulila, o pinararating man sa kanila ang usap ng babaing bao.
24 Kaya't sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, ng Makapangyarihan ng Israel, Ah kukuhang sulit ako sa aking mga kaalit, at manghihiganti ako sa aking mga kaaway.
25 At aking ibabalik ang aking kamay sa iyo, at aking lilinising lubos ang naging dumi mo, at aalisin ko ang iyong lahat na tingga:
26 At aking papananauliin ang iyong mga hukom na gaya ng una, at ang iyong mga kasangguni na gaya ng pasimula: pagkatapos ay tatawagin ka, Ang bayan ng katuwiran, ang tapat na bayan.
27 Ang Sion ay tutubusin ng kahatulan, at ng katuwiran ang kaniyang mga nahikayat.
28 Nguni't ang pagkalipol ng mga mananalangsang at ng mga makasalanan ay magkakapisan, at silang nagtatakuwil sa Panginoon ay mangalilipol.
29 Sapagka't kanilang ikahihiya ang mga encina na inyong ninasa, at kayo'y mangalilito dahil sa mga halamanan na inyong pinili.
30 Sapagka't kayo'y magiging parang encina na ang dahon ay nalalanta, at parang halamanan na walang tubig.
31 At ang malakas ay magiging parang taling estopa, at ang kaniyang gawa ay parang alipato; at kapuwa sila magliliyab, at walang papatay sa apoy.