< Hosea 8 >

1 Ilagay mo ang pakakak sa iyong bibig. Gaya ng isang aguila dumarating siya laban sa bahay ng Panginoon, sapagka't kanilang sinuway ang aking tipan, at nagsisalangsang laban sa aking kautusan.
“Maglagay ng isang trumpeta sa inyong mga labi. Paparating ang isang agila sa aking tahanan, si Yahweh. Nangyayari ito dahil sinuway ng mga tao ang aking kasunduan at naghimagsik laban sa aking kautusan.
2 Sila'y magsisidaing sa akin, Dios ko, kaming Israel ay nangakakakilala sa iyo.
Tumawag sila sa akin, 'Aking Diyos, kami sa Israel ay kilala ka.'
3 Itinakuwil ng Israel ang mabuti: hahabulin siya ng kaaway.
Ngunit tinatalikuran ng Israel kung ano ang mabuti, at tutugisin siya ng kaniyang kaaway.
4 Sila'y nangaglagay ng mga hari, nguni't hindi sa pamamagitan ko; sila'y nangaglagay ng mga prinsipe, at hindi ko nalaman: sa kanilang pilak at kanilang ginto ay nagsigawa sila ng diosdiosan, upang sila'y mangahiwalay.
Nagtalaga sila ng mga hari, ngunit hindi sa pamamagitan ko, gumawa sila ng mga prinsipe, ngunit hindi ko nalalaman. Sa pamamagitan ng kanilang mga pilak at ginto gumawa sila ng mga diyus-diyosan para sa kanilang mga sarili, ngunit ito ay nangyari upang sila ay mapapahamak.”
5 Kaniyang inihiwalay ang iyong guya, Oh Samaria; ang aking galit ay nagaalab laban sa kanila: hanggang kailan sila ay magiging mga musmos.
Sinabi ng propeta, “itinapon niya ang inyong guya, Samaria.” sinabi ni Yahweh, “Nagliliyab ang aking galit laban sa mga taong ito. Hanggang kailan sila mananatiling marumi?
6 Sapagka't mula sa Israel nanggaling ito; ito'y ginawa ng manggagawa, at ito'y hindi Dios; oo, ang guya ng Samaria ay magkakaputolputol.
Sapagkat nagmula ang diyus-diyosang ito sa Israel; ginawa ito ng manggagawa; hindi ito Diyos! Dudurugin ng pira-piraso ang guya ng Samaria.
7 Sapagka't sila'y nangagsasabog ng hangin, at sila'y magsisiani ng ipoipo: siya'y walang nakatayong trigo; ang uhay ay hindi maglalaman ng harina; at kung maglaman, ay lalamunin ng mga taga ibang lupa.
Sapagkat itinanim ng mga tao ang hangin at umani ng ipu-ipo. Ang nakatayong trigo ay walang mga uhay; hindi ito makapagbibigay ng harina. Kung mahihinog man ito, uubusin ito ng mga dayuhan.
8 Ang Israel ay nalamon: ngayo'y nasa gitna siya ng mga bansa na parang sisidlang hindi kinalulugdan.
Nilunok ang Israel, ngayon nagsinungaling sila sa mga bansa tulad ng walang pakinabang.
9 Sapagka't sila'y nagsiahon sa Asiria, na parang isang mailap na asno na nagiisa: ang Ephraim ay umupa ng mga mangingibig.
Sapagkat pumunta sila sa Asiria tulad ng mailap na asno na nag-iisa. Umupa ang Efraim ng mangingibig para sa kaniyang sarili.
10 Oo, bagaman sila'y umuupa sa gitna ng mga bansa, akin nga silang pipisanin ngayon; at sila'y mangagtitigil na kaunting panahon ng pagpapahid ng langis sa hari at mga prinsipe.
Kahit na umupa sila ng mangingibig sa mga bansa, muli ko silang titipunin. Sisimulan ko silang itatapon dahil sa pang-aapi ng hari at mga prinsipe.
11 Sapagka't ang Ephraim, ay nagparami ng mga dambana upang magkasala, ang mga dambana ay naging sa kaniyang ipagkakasala.
Sapagkat nagparami ng mga altar ang Efraim na alayan para sa kasalanan, subalit naging mga altar ang mga ito para makagawa ng mga kasalanan.
12 Sinulat ko para sa kaniya ang sangpung libong bagay ng aking kautusan; kanilang inaring parang katuwang bagay.
Maaari kong isulat ng sampung libong beses ang aking kautusan para sa kanila, ngunit titingnan lang nila ito tulad ng isang bagay na kakaiba sa kanila.
13 Tungkol sa mga hain na mga handog sa akin, sila'y nangaghahain ng karne, at kinakain nila; nguni't ang mga yaon ay hindi tinatanggap ng Panginoon; ngayo'y aalalahanin niya ang kanilang kasamaan, at dadalawin ang kanilang mga kasalanan; sila'y mangababalik sa Egipto.
Patungkol sa mga alay na mga handog sa akin, nag-alay sila ng karne at kinain ito, ngunit ako, si Yahweh, ay hindi tinatanggap ang mga ito. Ngayon alalahanin ko ang kanilang kasamaan at parurushan ang kanilang mga kasalanan. Babalik sila sa Egipto.
14 Sapagka't nilimot ng Israel ang May-lalang sa kaniya, at nagtayo ng mga palacio; at nagparami ang Juda ng mga bayang nakukutaan; nguni't magsusugo ako ng apoy sa kaniyang mga bayan, at susupukin ang mga kuta niyaon.
Kinalimutan ako ng Israel, ang kaniyang manlilikha at nagpatayo ng mga palasyo. Pinatibay ni Juda ang maraming mga lungsod, ngunit magpapadala ako ng apoy sa kaniyang mga lungsod at sisirain nito ang kaniyang mga kuta.

< Hosea 8 >