< Hosea 2 >

1 Sabihin ninyo sa inyong mga kapatid na lalake, Ammi; at sa inyong mga kapatid na babae ay, Ruhama.
Sabihin ninyo sa inyong mga kapatid na lalaki, 'Aking mga tao!' at sa inyong mga kapatid na babae, 'Pinakitaan kayo ng habag.'”
2 Makipagtalo kayo sa inyong ina, makipagtalo kayo; sapagka't siya'y hindi ko asawa, ni ako man ay kaniyang asawa; at alisin niya ang kaniyang pagpapatutot sa kaniyang mukha, at ang kaniyang mga pangangalunya sa pagitan ng kaniyang mga suso;
Isakdal mo ang iyong ina, isakdal mo, sapagkat hindi ko siya asawa, at hindi rin niya ako asawa. Hayaan mong alisin niya ang kaniyang pagbebenta ng aliw mula sa kaniyang harapan, at ang kaniyang mga gawaing pangangalunya sa pagitan ng kaniyang mga suso.
3 Baka siya'y aking hubaran, at aking ilagay siya na gaya ng araw na siya'y ipanganak, at gawin ko siyang parang isang ilang, at ilagay ko siyang parang isang tuyong lupa, at patayin ko siya sa uhaw;
Kung hindi, huhubaran ko siya at ipapakita ang kaniyang kahubaran gaya sa araw ng kaniyang pagkasilang. Gagawin ko siyang tulad ng ilang, tulad ng isang tigang na lupa at papatayin ko siya sa uhaw.
4 Oo, sa kaniyang mga anak ay hindi ako magdadalang habag; sapagka't sila'y mga anak sa patutot.
Hindi ako mahahabag sa kaniyang mga anak, sapagkat sila ay mga anak sa pagbebenta ng aliw.
5 Sapagka't ang kanilang ina ay nagpatutot; siya na naglihi sa kanila ay gumawa ng kahiyahiya; sapagka't kaniyang sinabi, Ako'y susunod sa mga mangingibig sa akin, na nangagbibigay sa akin ng aking tinapay at ng aking tubig, ng aking lana at ng aking lino, ng langis ko at ng inumin ko.
Sapagkat ang kanilang ina ay naging babaing nagbebenta ng aliw, at siya na nagbuntis sa kanila ay gumawa ng kahiya-hiya. Sinabi niya, “Susundan ko ang aking mga mangingibig, sapagkat ibinibigay nila sa akin ang aking tinapay at tubig, ang aking lana at lino, ang aking langis at inumin.”
6 Kaya't, narito, aking babakuran ng mga tinik ang iyong daan, at ako'y gagawa ng bakod laban sa kaniya, na hindi niya, masusumpungan ang kaniyang mga landas.
Kaya gagawa ako ng bakod ng mga tinik upang harangan ang kaniyang daraanan. Gagawa ako ng pader laban sa kaniya upang hindi niya makita ang kaniyang daraanan.
7 At siya'y susunod sa mga mangingibig sa kaniya, nguni't hindi niya sila aabutan; at hahanapin niya sila, nguni't hindi niya sila masusumpungan; kung magkagayo'y sasabihin niya, Ako'y yayaon at babalik sa aking unang asawa; sapagka't naging mabuti sa akin kay sa ngayon.
Hahabulin niya ang kaniyang mga mangingibig, ngunit hindi niya sila maaabutan. Hahanapin niya sila, ngunit hindi niya sila matatagpuan. Pagkatapos, sasabihin niya, “Babalik ako sa aking unang asawa, sapagkat mas mabuti para sa akin noon kaysa ngayon.”
8 Sapagka't hindi niya naalaman na ako ang nagbigay sa kaniya ng trigo, at ng alak, at ng langis, at nagpaparami sa kaniya ng pilak at ginto, na kanilang ginamit kay Baal.
Sapagkat hindi niya nalamang ako ang nagbigay sa kaniya ng butil, ng bagong alak at ng langis, at ang nagbigay sa kaniya ng labis-labis na pilak at ginto, na ginamit naman nila para kay Baal.
9 Kaya't aking babawiin ang aking trigo sa panahon niyaon, at ang aking alak sa panahon niyaon, at aking aalisin ang aking lana at ang aking lino na sana'y tatakip sa kaniyang kahubaran.
Kaya babawiin ko ang kaniyang butil sa panahon ng anihan at ang aking bagong alak sa kapanahunan nito. Babawiin ko ang aking lana at lino na ginamit upang takpan ang kaniyang kahubaran.
10 At ngayo'y aking ililitaw ang kaniyang kahalayan sa paningin ng mga mangingibig sa kaniya, at walang magliligtas sa kaniya mula sa aking kamay.
Pagkatapos, huhubaran ko siya sa harapan ng kaniyang mga mangingibig, at walang magliligtas sa kaniya mula sa aking kamay.
11 Akin din namang papaglilikatin ang kaniyang mga kalayawan, ang kaniyang mga kapistahan, ang kaniyang mga bagong buwan, at ang kaniyang mga sabbath, at lahat ng kaniyang takdang kapulungan.
Patitigilin ko rin ang lahat ng kaniyang mga pagdiriwang—ang kaniyang mga pista, ang kaniyang mga pagdiriwang sa bagong buwan, ang kaniyang mga Araw ng Pamamahinga, at ang lahat ng kaniyang mga itinakdang kapistahan.
12 At aking iwawasak ang kaniyang mga puno ng ubas, at ang kaniyang mga puno ng higos, na siya niyang sinasabi, Ang mga ito ang aking kaupahan na ibinigay sa akin ng mga mangingibig sa akin; at ang mga yao'y aking gagawing isang gubat, at kakanin ng mga hayop sa parang.
Wawasakin ko ang kaniyang mga puno ng ubas at ang kaniyang mga puno ng igos, na sinabi niya, “Ito ang mga kabayarang ibinigay sa akin ng aking mga mangingibig.” Gagawin kong gubat ang mga ito, at kakainin ng mga hayop sa parang ang mga ito.
13 At aking dadalawin sa kaniya ang mga kaarawan ng mga Baal, na siya niyang pinagsusunugan ng kamangyan, nang siya'y nagpaparanya ng kaniyang mga hikaw at kaniyang mga hiyas, at sumusunod sa mga mangingibig sa kaniya, at kinalilimutan ako, sabi ng Panginoon.
Paparusahan ko siya dahil sa mga araw ng pista ng mga Baal, nang nagsunog siya ng insenso sa kanila, nang pinalamutian niya ang kaniyang sarili ng kaniyang mga singsing at alahas, at sinundan niya ang kaniyang mga mangingibig at nilimot ako.” Ito ang pahayag ni Yahweh.
14 Kaya't, narito, akin siyang hihikayatin, at dadalhin siya sa ilang, at pagsasalitaan ko siyang may pagaliw.
Kaya susuyuin ko siya upang manumbalik. Dadalhin ko siya sa ilang at magiliw ko siyang kakausapin.
15 At ibibigay ko sa kaniya ang kaniyang mga ubasan mula roon, at ang libis ng Achor na pinakapintuan ng pagasa; at siya'y sasagot doon, gaya ng mga kaarawan ng kaniyang kabataan, at gaya ng araw na siya'y sumampa mula sa lupain ng Egipto.
Ibabalik ko sa kaniya ang kaniyang mga ubasan, at ang lambak ng Achor bilang pintuan ng pag-asa. Sasagot siya sa akin doon gaya ng ginawa niya sa panahon ng kaniyang kabataan, gaya sa panahon nang lumabas siya sa lupain ng Egipto.
16 At mangyayari sa araw na yaon, sabi ng Panginoon, na tatawagin mo akong Ishi, at hindi mo na ako tatawaging Baali.
“Mangyayari ito sa araw na iyon”—ito ang pahayag ni Yahweh—”na tatawagin mo akong, 'Aking asawa,' at hindi mo na ako tatawagin pang, 'Aking Baal.'
17 Sapagka't aking aalisin ang mga pangalan ng mga Baal sa kaniyang bibig, at siya'y hindi na babanggitin pa sa pamamagitan ng kanilang pangalan.
Sapagkat tatanggalin ko ang mga pangalan ng mga Baal mula sa kaniyang bibig, hindi na maaalala pa ang kanilang mga pangalan.”
18 At sa araw na yaon ay ipakikipagtipan ko sila sa mga hayop sa parang, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga bagay na nagsisiusad sa lupa: at aking babaliin ang busog at ang tabak, at patitigilin ko ang pagbabaka sa lupain, at akin silang pahihigaing tiwasay.
“Sa araw na iyon, gagawa ako ng kasunduan para sa kanila sa mga hayop sa parang, sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga bagay na gumagapang sa lupa. Paaalisin ko ang pana, ang espada, at ang digmaan mula sa lupain at pahihigain kita nang ligtas.
19 At ako'y magiging asawa mo magpakailan man; oo, magiging asawa mo ako sa katuwiran, at sa kahatulan, at sa kagandahang-loob, at sa mga kaawaan.
Ipapangako kong magiging asawa mo ako magpakailanman. Ipapangako kong magiging asawa mo ako sa katuwiran, sa katarungan, sa katapatan sa kasunduan at sa kahabagan.
20 Magiging asawa mo rin ako sa pagtatapat; at iyong makikilala ang Panginoon.
Ipapangako kong magiging asawa mo ako sa katapatan. At makikilala mo ako, si Yahweh.
21 At mangyayari sa araw na yaon, na ako'y sasagot, sabi ng Panginoon, ako'y sasagot sa langit, at sila'y magsisisagot sa lupa;
At sa araw na iyon, sasagot ako”—ito ang pahayag ni Yahweh. “Sasagutin ko ang mga langit at sasagutin ng mga ito ang lupa.
22 At ang lupa'y sasagot sa trigo, at sa alak, at sa langis; at sila'y magsisisagot sa Jezreel.
Sasagutin ng lupa ang butil, ang bagong alak at ang langis at sasagutin ng mga ito ang Jezreel.
23 At aking itatatag siya para sa akin sa lupa; at ako'y magdadalang habag sa kaniya na hindi nagtamo ng kahabagan; at aking sasabihin sa kanila na hindi ko bayan, Ikaw ay aking bayan; at siya'y magsasabi, Ikaw ay aking Dios.
Itatanim ko siya sa lupain para sa akin, at kahahabagan ko si Lo-ruhama. Sasabihin ko kay Lo-Ammi, 'Ikaw si Ammi Attah,' at sasabihin niya sa akin, 'Ikaw ang aking Diyos.'”

< Hosea 2 >