< Mga Hebreo 1 >
1 Ang Dios, na nagsalita nang unang panahon sa ating mga magulang sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta,
2 Ay nagsalita sa atin sa mga huling araw na ito sa pamamagitan, ng kaniyang Anak, na siyang itinalaga na tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan naman niya'y ginawa ang sanglibutan; (aiōn )
3 Palibhasa'y siyang sinag ng kaniyang kaluwalhatian, at tunay na larawan ng kaniyang pagka-Dios, at umaalalay ng lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng salita ng kaniyang kapangyarihan, nang kaniyang magawa na ang paglilinis ng mga kasalanan, ay lumuklok sa kanan ng Karangalan sa kaitaasan;
4 Na naging lalong mabuti kay sa mga anghel, palibhasa'y nagmana ng lalong marilag na pangalan kay sa kanila.
5 Sapagka't kanino nga sa mga anghel sinabi niya kailan man, Ikaw ay aking Anak, Ikaw ay aking ipinanganak ngayon? at muli, Ako'y magiging kaniyang Ama, At siya'y magiging aking Anak?
6 At muli nang dinadala niya ang panganay sa sangkalupaan ay sinasabi, At sambahin siya ng lahat ng mga anghel ng Dios.
7 At sinasabi niya tungkol sa mga anghel, Yaong ginagawang mga anghel niya ang mga hangin, At ang kaniyang mga ministro ay ningas ng apoy:
8 Nguni't tungkol sa Anak ay sinasabi, Ang iyong luklukan, Oh Dios, ay magpakailan man; At ang setro ng katuwiran ay siyang setro ng iyong kaharian. (aiōn )
9 Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan mo ang kasamaan; Kaya't ang Dios, ang Dios mo, ay nagbuhos sa inyo, Ng langis ng kasayahang higit sa iyong mga kasamahan.
10 At, Ikaw, Panginoon, nang pasimula'y inilagay mo ang kinasasaligan ng lupa, At ang mga langit ay mga gawa ng iyong mga kamay:
11 Sila'y mangapapahamak; datapuwa't ikaw ay nananatili: At silang lahat ay mangalulumang gaya ng isang kasuutan;
12 At gaya ng isang balabal sila'y iyong bibilutin, At sila'y mapapalitang gaya ng kasuutan: Nguni't ikaw ay ikaw rin, At ang iyong mga taon ay di matatapos.
13 Nguni't kanino sa mga anghel sinabi niya kailan man, Lumuklok ka sa aking kanan, Hanggang sa ang iyong mga kaaway ay gawin kong tungtungan ng iyong mga paa?
14 Hindi baga silang lahat ay mga espiritung tagapaglingkod, na mga sinugo upang magsipaglingkod sa kapakinabangan ng mangagmamana ng kaligtasan?