< Genesis 44 >

1 At kaniyang iniutos sa katiwala ng kaniyang bahay, na sinasabi, Punuin mo ng mga pagkain ang mga bayong ng mga lalaking ito, kung gaano ang kanilang madadala: at ilagay mo ang salapi ng bawa't isa sa labi ng kanikaniyang bayong.
Inatasan ni Jose ang katiwala ng kanyang bahay, sinabing, “Punuin mo ang sako ng mga lalaki ng pagkain, hangga't sa makakaya nilang buhatin, at ilagay ang bawat pera ng lalaki sa ibabaw ng kanyang sako.
2 At ilagay mo ang aking saro, ang sarong pilak, sa labi ng bayong ng bunso, at ang salapi ng kaniyang trigo. At ginawa niya ang ayon sa salita na sinalita ni Jose.
Ilagay ang aking baso, ang pilak na baso, sa ibabaw ng sako ng bunso, at ganoon din ang kanyang pera para sa butil.” Ginawa ng katiwala ang sinabi ni Jose.
3 At pagliliwanag ng kinaumagahan, ay pinapagpaalam ang mga lalake, sila at ang kanilang mga asno.
Nang nagbubukang-liwayway na, at ang mga lalaki ay pinaalis na, sila at ang kanilang mga asno.
4 Nang sila'y mangakalabas na sa bayan, at hindi pa sila nalalayo, ay sinabi ni Jose sa katiwala ng kaniyang bahay, Bumangon ka habulin mo ang mga lalake; at pagka sila'y iyong inabutan, ay sabihin mo sa kanila, Bakit iginanti ninyo ay kasamaan sa kabutihan?
Nang sila ay nakalabas sa lungsod subalit hindi pa nakakalayo, sinabi ni Jose sa kanyang katiwala, “Tumayo ka, sundan mo ang mga lalaki, at kung maabutan mo sila, sabihin mo sa kanila, 'Bakit ninyo sinuklian ng kasamaan ang kabutihan?
5 Hindi ba ang sarong ito ang iniinuman ng aking panginoon, at tunay na kaniyang ipinanghuhula? Kayo'y gumawa ng masama sa paggawa ng ganiyan.
Hindi ba ito ang baso mula sa iniinuman ng aking amo, at ang baso na ginagamit niya para sa kanyang panghuhula? Gumawa kayo ng masama, ang bagay na ito na inyong ginawa.”'
6 At kaniyang inabutan sila, at kaniyang sinalita sa kanila ang mga ito.
Naabutan sila ng katiwala at sinabi ang mga salitang ito sa kanila.
7 At kanilang sinabi sa kaniya, Bakit sinalita ng aking panginoon ang mga salitang ito? Huwag itulot ng Dios na gumawa ang iyong mga lingkod ng ganiyang bagay.
Sinabi nila sa kanya, “Bakit po sinasabi ng aking amo ang ganitong mga salita? Malayong gawin ng inyong mga lingkod ang bagay na iyan.
8 Narito, ang salapi na aming nasumpungan sa labi ng aming mga bayong ay aming isinauli sa iyo mula sa lupain ng Canaan: paano ngang kami ay magnanakaw sa bahay ng iyong panginoon ng pilak o ginto?
Tingnan ninyo, ang pera na nakita sa aming mga sako, ay muli naming dinala sa inyo sa labas ng lupain ng Canaan. Paano naman namin nanakawin mula sa tahanan ng inyong amo ang pilak o ginto?
9 Yaong kasumpungan sa iyong mga lingkod, ay mamatay, at pati kami ay magiging alipin ng aming panginoon.
Kung sinuman sa inyong lingkod ang makitaan, hayaan mo siyang mamatay, at kami rin ay magiging mga alipin ng aming amo.”
10 At kaniyang sinabi, Mangyari nga ang ayon sa inyong mga salita; yaong kasumpungan ay magiging aking alipin; at kayo'y mawawalan ng sala.
Sinabi ng katiwala, “Ngayon rin hayaang magkaganoon ayon sa iyong mga salita. Siya na mahanapan ng baso ay magiging alipin ko, at ang iyong mga kapatid ay mapapawalangsala.”
11 Nang magkagayo'y nagmadali sila, at ibinaba ng bawa't isa ang kaniyang bayong sa lupa, at binuksan ng bawa't isa ang kaniyang bayong.
At nagmamadali ang bawat lalaki at dinala ang kanilang sako pababa sa lupa, at binuksan ng bawat lalaki ang kanilang mga sako.
12 At kaniyang sinaliksik, na pinasimulan sa panganay at niwakasan sa bunso; at nasumpungan ang saro sa bayong ni Benjamin.
Naghanap ang katiwala. Nagsimula siya sa pinaka-panganay at natapos sa bunso, at nahanap ang baso sa sako ni Benjamin.
13 Nang magkagayo'y kanilang hinapak ang kanilang mga suot, at pinasanan ng bawa't isa ang kaniyang asno, at nagsibalik sa bayan.
Pagkatapos pinunit nila ang kanilang mga damit. Nilagay ng bawat lalaki ang kanilang asno at bumalik sa lungsod.
14 At si Juda at ang kaniyang mga kapatid ay dumating sa bahay ni Jose at siya'y nandoon pa, at sila'y nangagpatirapa sa lupa sa harap niya.
Si Juda at ang kanyang mga kapatid ay pumunta sa tahanan ni Jose. Siya ay nanatili pa roon, at sila'y yumuko sa lupa sa harapan nito.
15 At sinabi sa kanila ni Jose, Anong gawa itong inyong ginawa? Hindi ba ninyo nalalaman na ang isang tao na gaya ko ay tunay na makahuhula?
Sinabi ni Jose sa kanila, “Ano itong ginagawa ninyo? Hindi ba ninyo alam na ang lalaking tulad ko ay bihasa sa panghuhula?”
16 At sinabi ni Juda: Anong aming sasabihin sa aming panginoon? anong aming sasalitain? o paanong kami ay magpapatotoo? Inilitaw ng Dios ang kasamaan ng iyong mga lingkod: narito, kami ay alipin ng aming panginoon, kami sampu niyaong kinasumpungan ng saro.
Sinabi ni Juda, “Ano ang maari naming sabihin sa inyo aming amo? O kaya, paano namin maipagtatanggol ang aming sarili? Nalaman ng Diyos ang kasalanan ng iyong mga lingkod. Tingnan ninyo, kami ay alipin na ng aming amo, kami at siyang nahanapan ng baso.”
17 At kaniyang sinabi, Huwag nawang itulot ng Dios na ako'y gumawa ng ganiyan; ang taong kinasumpungan ng saro, ay siyang magiging aking alipin; datapuwa't tungkol sa inyo ay pumaroon kayong payapa sa inyong ama.
Sinabi ni Jose, “Malayong gawin ko iyan. Ang lalaking nahanapan ng baso sa kanyang kamay, ang lalaking iyon rin ang magiging alipin ko, subalit ang mga iba ay makakauwi na ng mapayapa sa inyong ama.”
18 Nang magkagayo'y lumapit si Juda sa kaniya, at nagsabi, Oh panginoon ko, ipinamamanhik ko sa iyo na papagsalitain ang iyong lingkod, ng isang salita sa mga pakinig ng aking panginoon, at huwag nawang magalab ang iyong loob laban sa iyong lingkod; sapagka't ikaw ay parang si Faraon.
Pagkatapos lumapit si Juda sa kanya at sinabing, “Aking amo pakiusap, pahintulutan po ninyo akong makapagsalita sa pandinig ng aking amo, at huwag hayaang umapoy sa galit laban sa iyong alipin, sapagkat katulad ka ni Paraon.
19 Tinanong ng aking panginoon ang kaniyang mga lingkod, na sinasabi; Kayo ba'y mayroong ama o kapatid?
Ang aking amo ay nagtanong sa kanyang mga lingkod, sinasabing, 'Mayroon pa ba kayong ama o kapatid?
20 At aming sinabi sa aking panginoon, Kami ay may ama, isang matanda, at isang anak sa kaniyang katandaan, isang munting bata at ang kaniyang kapatid ay namatay, at siya lamang ang naiwan ng kaniyang ina, at minamahal siya ng kaniyang ama.
At sinabi namin sa aming amo, 'Mayroon kaming matandang ama, at anak niya sa kanyang katandaan, isang bunso. At patay na ang kanyang kuya, at siya ay nag-iisa na lamang na naiwan mula sa kanyang ina, at mahal na mahal siya ng kanyang ama.'
21 At sinabi mo sa iyong mga lingkod, Dalhin ninyo rito sa akin, upang mamasdan ko siya ng aking mga mata.
At sinabi mo sa iyong mga lingkod, 'Dalhin ninyo siya rito sa akin para makita ko siya.'
22 At aming sinabi sa aking panginoon, Hindi maiiwan ng bata ang kaniyang ama: sapagka't kung iiwan niya ang kaniyang ama, ay mamamatay ang ama niya.
At sinabi namin sa aming amo, 'Hindi kayang iwan ng bata ang kanyang ama. Sapagkat kung iiwan niya ang kaniyang ama ikamamatay ito ng kanyang ama.'
23 At iyong sinabi sa iyong mga lingkod, Hindi na ninyo makikita ang aking mukha, malibang inyong ipagsamang bumaba ang inyong kapatid na bunso.
At sinabi mo sa iyong mga lingkod, 'Kung hindi ninyo kasama pababa ang bunso ninyong kapatid, hindi na ninyo muli makikita ang aking mukha.'
24 At nangyari nang panhikin namin ang inyong lingkod na aking ama, ay aming isinaysay sa kaniya ang mga salita ng aking panginoon.
At nangyari nga nang kami ay nakabalik sa aking ama na iyong mga lingkod, isinalaysay namin sa kanya ang mga salita ng aming amo.
25 At sinabi ng aming ama, Pumaroon kayo uli, ibili ninyo tayo ng kaunting pagkain.
At sinabi ng aming ama, 'Umalis kayo muli, bumili kayo ng ilang makakain.'
26 At aming sinabi, Hindi kami makabababa: kung ang aming bunsong kapatid ay kasama namin ay bababa nga kami: sapagka't hindi namin makikita ang mukha ng lalaking yaon, malibang ang aming bunsong kapatid ay kasama namin.
At sinabi namin, 'Hindi na kami makabababa. Kung kasama namin ang aming nakababatang kapatid, kami ay makakaalis pababa, sapagkat hindi na kami hahayaan na makita pa muli ang mukha ng lalaki kung hindi namin kasama ang bunso naming kapatid.'
27 At sinabi ng iyong lingkod na aming ama sa amin, Inyong talastas na ang aking asawa ay nagkaanak sa akin ng dalawang lalake:
Sinabi ng aking ama na iyong lingkod, 'Alam ninyong dalawa lamang ang ipinanganak ng aking asawa.
28 At ang isa'y umalis sa akin, at aking sinabi, Tunay na siya'y nalapa; at hindi ko siya nakita mula noon.
At ang isa ay nawala mula sa akin at sinabi ko. “Talaga ngang siya ay nagkapira-piraso, at hindi ko na siya nakita mula noon.”
29 At kung inyong kunin pa ang isang ito sa akin, at may mangyaring sakuna sa kaniya, ay inyong ibababa ang aking uban sa Sheol na may kapanglawan. (Sheol h7585)
At kung kukunin rin ninyo itong isa sa akin at muling mapahamak, dadalhin ninyo ako sa katandaan na puno ng dalamhati sa kamatayan.' (Sheol h7585)
30 Ngayon nga'y kung ako'y dumating sa iyong lingkod na aking ama, at ang bata ay hindi namin kasama; sapagka't ang kaniyang buhay ay natatali sa buhay ng batang iyan;
Kaya ngayon, kung pupunta ako sa aking ama na inyong alipin, at hindi ko kasama ang bata, sapagkat ang kanyang buhay ay karugtong na ng buhay ng batang lalaki,
31 Ay mangyayari nga na pagka kaniyang nakitang ang bata ay di namin kasama, na mamamatay siya: at ibababa sa Sheol na may kapanglawan ng iyong mga lingkod ang mga uban ng iyong lingkod na aming ama. (Sheol h7585)
kapag ito ay nangyari, na hindi niya makita na kasama namin ang bata siguradong ikamamatay niya ito. At ang iyong alipin ay magiging dahilan ng pagdurusa ng ama ng iyong alipin sa kamatayan. (Sheol h7585)
32 Sapagka't ang iyong lingkod ang siyang nanagot sa bata sa aking ama, na nagsasabi: Kung hindi ko siya dalhin sa iyo, ay papasanin ko nga ang kasalanan sa aking ama magpakailan man.
Sapagkat ang iyong alipin ang katiyakan sa bata para sa aking ama at sinabi kong, 'Kung hindi ko madadala ang bata sa iyo, papasanin ko ang kasalanan magpakailanman sa aking ama.
33 Ngayon nga, ay ipahintulot mo na ang iyong lingkod, aking isinasamo sa iyo, ay maiwan na kahalili ng bata na pinakaalipin ng aking panginoon; at iyong ipahintulot na ang bata ay umahong kasama ng kaniyang mga kapatid.
Kaya ngayon, ako po ay nagmamakaawa hayaang manatili ang iyong lingkod sa halip na ang bata ang maging alipin ng aking amo, at hayaang makabalik ang bata kasama ng kanyang mga kapatid.
34 Sapagka't paanong paroroon ako sa aking ama, at ang bata'y di ko kasama? Baka aking makita pa ang sakunang sasapit sa aking ama.
Sapagkat paano ako makakabalik sa aking ama kung hindi ko kasama ang bata? Natatakot akong makita ang masamang mangyayari sa aking ama.”

< Genesis 44 >