< Genesis 43 >
1 At ang kagutom ay mahigpit sa lupain.
2 At nangyari, nang makain na nila ang trigong kanilang dinala mula sa Egipto, na sinabi sa kanila ng kanilang ama, Kayo'y pumaroong muli, ibili ninyo tayo ng kaunting pagkain.
3 At si Juda ay nagsalita sa kaniya, na sinasabi, Ipinahayag sa aming mahigpit ng lalaking yaon, na sinasabi, Hindi ninyo makikita ang aking mukha, maliban na ipagsama ninyo ang inyong kapatid.
4 Kung pasasamahin mo sa amin ang aming kapatid, ay bababa kami, at ibibili ka namin ng pagkain.
5 Datapuwa't kung hindi mo paparoroonin ay hindi kami bababa: sapagka't sinabi sa amin ng lalaking yaon, Hindi ninyo makikita ang aking mukha, malibang kasama ninyo ang inyong kapatid.
6 At sinabi ni Israel, Bakit ninyo ako ginawan ng masama, na inyong sinabi sa lalake na mayroon pa kayong ibang kapatid?
7 At kanilang sinabi, Tinanong kami ng buong siyasat, tungkol sa amin, at tungkol sa aming kamaganakan, na sinasabi, Buhay pa ba ang inyong ama? May iba pa ba kayong kapatid? At isinaysay namin sa kaniya ayon sa mga salitang ito: saan namin malalaman, kaniyang sasabihin, Ibababa ninyo rito ang inyong kapatid?
8 At sinabi ni Juda kay Israel na kaniyang ama. Pasamahin mo sa akin ang bata at kami ay magsisitindig at magsisiyaon; upang tayo'y mabuhay at huwag mamatay, kami, at ikaw, at gayon din ang aming mga bata.
9 Ako ang mananagot sa kaniya; sa aking kamay hahanapin mo siya; kung hindi ko ibalik sa iyo, at ilagay sa harap mo, ay pasanin ko ang sala magpakailan pa man:
10 Sapagka't kung hindi tayo nagluwat, ay nakapagbalik na kaming makalawa.
11 At sinabi sa kanila ng kanilang amang si Israel, Kung gayon, ngayo'y gawin ninyo ito: magdala kayo sa inyong bayong ng mga piling bunga ng lupain, at dalhan ninyo ang lalaking yaon ng kaloob, ng kaunting balsamo at kaunting pulot, pabango, at mirra, mga pile at almendras.
12 At magdala kayo ng ibayong halaga ng salapi sa inyong kamay; at ang salaping nabalik sa labi ng inyong mga bayong ay dalhin ninyong muli sa inyong kamay; marahil ay kalituhan:
13 Dalhin din ninyo ang inyong kapatid, at magtindig kayo at pumaroon kayong muli sa lalaking yaon.
14 At pagkalooban nawa kayo ng Dios na Makapangyarihan sa lahat ng kaawaan sa harap ng lalaking yaon, upang isauli sa inyo ang inyong isang kapatid at si Benjamin. At kung mawalan ako ng mga anak, ay mawalan ako.
15 At dinala ng mga lalake ang kaloob na yaon, at ibayong halaga ng salapi ang dinala sa kanilang kamay, at si Benjamin; at nagsipagtindig, at nagsibaba sa Egipto, at nagsiharap kay Jose.
16 At nang makita ni Jose si Benjamin na kasama nila, ay sinabi niya sa katiwala ng kaniyang bahay: Dalhin mo ang mga lalaking iyan sa bahay, at magpatay ka ng mga hayop, at ihanda mo; sapagka't ang mga lalaking iyan ay magsisipananghaling kasalo ko.
17 At ginawa ng lalake ang ayon sa iniutos sa kaniya ni Jose; at dinala ng katiwala ang mga lalaking yaon sa bahay ni Jose.
18 At ang mga lalake ay nangatakot, sapagka't sila'y dinala sa bahay ni Jose; kanilang sinabi: Dahil sa salaping isinauli sa ating mga bayong ng una, ay dinala tayo rito; upang hanapan tayo ng dahilan, at tayo'y ibagsak niya, at tayo'y ariin niyang mga alipin, at pati ng atin mga asno.
19 At sila'y nagsilapit sa katiwala ng bahay ni Jose, at kinausap nila sa pintuan ng bahay.
20 At sinabi nila, Oh panginoon ko, tunay na kami ay bumaba ng una na bumili ng pagkain:
21 At nangyari, nang dumating kami sa tuluyan, na binuksan namin ang aming mga bayong, at, narito, ang salapi ng bawa't isa sa amin ay nasa labi ng kanikaniyang bayong, ang salapi namin sa tunay na timbang: at aming muling dinala sa aming kamay.
22 At nagdala kami ng ibang salapi sa aming kamay upang ibili ng pagkain; hindi namin nalalaman kung sino ang naglagay ng aming salapi sa aming mga bayong.
23 At kaniyang sinabi, Mapayapa kayo; huwag kayong matakot, ang Dios ninyo at ang Dios ng inyong ama ang nagbigay sa inyo ng kayamanang natatago sa inyong mga bayong: tinanggap ko ang inyong salapi. At inilabas si Simeon sa kanila.
24 At dinala ng katiwala ang mga lalake sa bahay ni Jose, at sila'y binigyan ng tubig, at nangaghugas ng kanilang mga paa; at binigyan ng pagkain ang kanilang mga asno.
25 At kanilang inihanda ang kaloob sa pagdating ni Jose sa tanghali; sapagka't kanilang narinig na doon sila magsisikain ng tinapay.
26 At nang dumating si Jose sa bahay, ay dinala nila sa kaniya sa loob ng bahay, ang kaloob na nasa kanilang kamay, at sila'y nagpatirapa sa harap niya.
27 At sila'y kaniyang tinanong tungkol sa kanilang kalagayan, at sinabi, Wala bang sakit ang inyong ama, ang matanda na inyong sinalita? buhay pa ba?
28 At kanilang sinabi, Walang sakit ang iyong lingkod na aming ama, buhay pa. At sila'y nagsiyukod at nagsigalang.
29 At itiningin niya ang kaniyang mga mata, at nakita si Benjamin na kapatid niya, na anak ng kaniyang ina, at sinabi, Ito ba ang inyong kapatid na bunso, na inyong sinalita sa akin? At kaniyang sinabi, Pagpalain ka nawa ng Dios, anak ko.
30 At nagmadali si Jose; sapagka't nagniningas ang kaniyang loob dahil sa kaniyang kapatid: at humanap ng dakong maiiyakan; at pumasok sa kaniyang silid, at umiyak doon.
31 At siya'y naghilamos at lumabas; at nagpigil ng loob, at nagsabi, Maghain kayo ng tinapay.
32 At kanilang hinainan siyang bukod, at silang bukod, at ang mga Egipcio na kumakaing kasama niya ay bukod: sapagka't ang mga taga Egipcio ay hindi makakaing kasalo ng mga Hebreo; sapagka't kasuklamsuklam ito sa mga Egipcio.
33 At sila'y nagsiupo sa harap niya, ang panganay ayon sa kaniyang pagkapanganay, at ang bunso ayon sa kaniyang pagkabunso: at ang mga lalake ay nangamamangha na nagtitinginan.
34 At sila'y idinampot ni Jose sa harap niya ng mga ulam: datapuwa't ang ulam ni Benjamin ay humihigit kay sa mga bahagi ng alin man sa kanila ng makalima. At nangaginuman at nangakipagkatuwa sa kaniya.