< Genesis 30 >

1 At nang makita ni Raquel, na hindi siya nagkakaanak kay Jacob, ay nainggit si Raquel sa kaniyang kapatid; at sinabi kay Jacob, Bigyan mo ako ng anak, o kung hindi ay mamamatay ako!
Nang makita ni Raquel na wala siyang naging anak kay Jacob, si Raquel ay nainggit sa kanyang kapatid na babae. Sinabi niya kay Jacob, “Bigyan mo ako ng mga anak, o mamamatay ako.”
2 At nagningas ang galit ni Jacob laban kay Raquel; at nagsabi, Ako ba'y nasa kalagayan ng Dios, na nagkait sa iyo ng bunga ng bahay-bata?
Ang galit ni Jacob ay nagsiklab laban kay Raquel. Sinabi niya, “Nasa lugar ba ako ng Dios, na pumigil sa iyo na magkaanak?”
3 At sinabi niya, Narito ang aking alilang si Bilha, sumiping ka sa kaniya; upang manganak sa ibabaw ng aking mga tuhod, at magkaroon din naman ako ng anak sa pamamagitan niya.
Sinabi niya, “Tingnan mo, iyan ang aking lingkod na si Bilha. Sipingan mo siya para magkaroon siya ng mga anak sa aking mga tuhod, at ako ay magkakaroon ng mga anak sa pamamagitan niya.”
4 At ibinigay niyang asawa si Bilha na kaniyang alila: at sinipingan ni Jacob.
Kaya binigay niya ang kanyang lingkod na si Bilha bilang asawa at sinipingan siya ni Jacob.
5 At naglihi si Bilha, at nagkaanak kay Jacob, ng isang lalake.
Nagdalang-tao si Bilha at nagsilang ng anak na lalaki kay Jacob.
6 At sinabi ni Raquel, Hinatulan ako ng Dios, at dininig din naman ang aking tinig, at binigyan ako ng anak: kaya't pinanganlang Dan.
Sinabi ni Raquel, “Narinig ako ng Diyos. Tiyak na narinig niya ang aking tinig at binigyan ako ng isang anak. Kaya nga, pinangalanan niya itong Dan.
7 At si Bilhang alila ni Raquel ay naglihi uli at ipinanganak ang kaniyang ikalawang anak kay Jacob.
Si Bilha, ang lingkod ni Raquel, ay nagdalang-tao muli at nagsilang kay Jacob ng pangalawang anak.
8 At sinabi ni Raquel, Ako'y nakipagbaka ng malaking pakikipagbaka sa aking kapatid, at ako'y nanaig: at siya'y pinanganlang Nephtali.
Sinabi ni Raquel, “Sa matinding pakikipagbuno, nakipagbuno ako sa aking kapatid at ako ay nanaig.” Siya ay pinangalanan niyang Nephtali.
9 Nang makita ni Lea, na siya'y hindi na nanganganak, ay kinuha si Zilpa na kaniyang alila at ibinigay na asawa kay Jacob.
Nang nakita ni Lea na natigil na siya sa pagkakaroon ng anak, kinuha niya si Zilpa, ang kanyang lingkod, at ibinigay kay Jacob bilang asawa.
10 At si Zilpa na alila ni Lea ay nagkaanak ng isang lalake kay Jacob.
Si Zilpa, na lingkod ni Lea, ay nagsilang ng lalaki kay Jacob.
11 At sinabi ni Lea, Kapalaran! at pinanganlang Gad.
Sinabi ni Lea, “Ito ay napakapalad!” Kaya siya ay pinangalanan niyang Gad.
12 At ipinanganak ni Zilpa na alila ni Lea, ang kaniyang ikalawang anak kay Jacob.
Pagkatapos si Zilpa, lingkod ni Lea, ay nagsilang kay Jacob ng pangalawang anak.
13 At sinabi ni Lea, Mapalad ako! sapagka't tatawagin akong mapalad ng mga babae: at tinawag niya ang kaniyang pangalan na Aser.
Sinabi ni Lea, “Masaya ako! Dahil ang mga anak na babae ay tatawagin akong masaya.” Kaya siya ay pinangalanan niyang Asher.
14 At yumaon si Ruben nang panahon ng paggapas ng trigo, at nakasumpong ng mga mandragoras sa bukid, at dinala sa kaniyang inang kay Lea. Nang magkagayo'y sinabi ni Raquel kay Lea, Ipinamamanhik ko sa iyo na bigyan mo ako ng mga mandragoras ng iyong anak.
Pumunta si Ruben nang panahon ng pag-ani ang trigo at nakakita ng mga halaman ng mendreik. Dinala niya ito sa kanyang inang si Lea. Pagkatapos sinabi ni Raquel kay Lea, “Bigyan mo ako ilan sa mga halaman ng mendreik ng iyong anak.”
15 At kaniyang sinabi, Kakaunti pa bang bagay na iyong kinuha ang aking asawa? at ibig mo pa ring kunin ang mga mandragoras ng aking anak? At sinabi ni Raquel, Kaya't sisiping siya sa iyo ngayong gabi, dahil sa mga mandragoras ng iyong anak.
Sinabi ni Lea kay Raquel, “Maliit na bagay lang ba sa iyo na kinuha mo ang aking asawa? Ngayon gusto mo namang kunin din ang mga halaman ng mendreik ng aking anak?” Sinabi ni Raquel, “Matutulog siya kasama mo ngayong gabi, bilang kapalit sa mga halaman ng mendreik ng iyong anak.”
16 At si Jacob ay umuwing galing sa bukid ng hapon, at sinalubong siya ni Lea, at sa kaniya'y sinabi, Sa akin ka dapat sumiping; sapagka't tunay na ikaw ay aking inupahan ng mga mandragoras ng aking anak. At sumiping siya sa kaniya ng gabing yaon.
Nanggaling si Jacob sa kanyang sakahan kinagabihan. Lumabas si Lea para salubungin siya at sinabi, “Kailangan mong matulog kasama ko ngayong gabi, dahil inupahan kita sa pamamagitan ng mga halaman na mendreik ng aking anak.” Kaya natulog si Jacob kasama ni Lea nang gabing iyon.
17 At dininig ng Dios si Lea: at siya'y naglihi at kaniyang ipinanganak kay Jacob ang kaniyang ikalimang anak.
Dininig ng Diyos si Lea, at nagdalang tao siya at nagsilang ng ikalimang anak nila ni Jacob.
18 At sinabi ni Lea, Ibinigay sa akin ng Dios ang aking kaupahan, sapagka't ibinigay ko ang aking alila sa aking asawa: at kaniyang pinanganlang Issachar.
Sinabi ni Lea, “Ibinigay ng Diyos sa akin ang aking mga kabayaran, dahil ibinigay ko sa aking asawa ang aking babaeng lingkod.” Siya ay pinangalanan niyang Isacar.
19 At naglihi uli si Lea, at kaniyang ipinanganak ang kaniyang ikaanim na anak kay Jacob.
Muling nagdalang-tao si Lea at nagsilang kay Jacob ng ikaanim na anak.
20 At sinabi ni Lea, Binigyan ako ng Dios ng isang mabuting kaloob; ngayo'y makikisama na sa akin ang aking asawa, sapagka't nagkaanak ako sa kaniya ng anim na lalake: at kaniyang pinanganlang Zabulon.
Sinabi ni Lea, “Binigyan ako ng Diyos ng magandang regalo. Ngayon, pararangalan na ako ng aking asawa, dahil nagsilang ako ng anim na batang lalaki sa kanya.” Siya ay pinangalanan niyang Zebulon.
21 At pagkatapos ay nanganak siya ng babae, at kaniyang pinanganlang Dina.
Pagkatapos nagsilang siya ng batang babae at siya ay pinangalanan niyang Dina.
22 At naalala ng Dios si Raquel, at dininig ng Dios, at binuksan ang kaniyang bahay-bata.
Naalala ng Diyos si Raquel at dininig siya. Dinulot niya na siya ay mabuntis.
23 At siya'y naglihi at nanganak ng lalake; at kaniyang sinabi, Inalis ng Dios sa akin ang kakutyaan ko:
Nagdalang-tao siya at nagsilang ng isang anak na lalaki. Sinabi niya, “Inalis ng Diyos ang aking kahihiyan.”
24 At kaniyang tinawag ang pangalan niya na Jose, na sinasabi, Dagdagan pa ako ng Panginoon ng isang anak.
Siya ay pinangalanan niyang Jose, na nagsasabing, “Si Yahweh ay nagdagdag sa akin ng lalaking anak.”
25 At nangyari, nang maipanganak ni Raquel si Jose, na sinabi ni Jacob kay Laban, Papagpaalamin mo ako upang ako'y makaparoon sa aking dakong tinubuan at sa aking lupain.
Pagkatapos isilang ni Raquel si Jose, sinabi ni Jacob kay Laban, “Ipadala mo ako sa malayo, para ako ay makapunta sa sarili kong tahanan at sa aking bansa.
26 Ibigay mo sa akin ang aking mga asawa at ang aking mga anak, na siyang kadahilanan ng ipinaglingkod ko sa iyo, at papagpaalamin mo ako: sapagka't talastas mo ang paglilingkod na ipinaglingkod ko sa iyo.
Ibigay mo sa akin ang aking mga asawa at mga anak na dahilan ng aking paninilbihan sa iyo, at hayaan mo akong umalis dahil alam mo naman ang paglilingkod na ibinigay ko sa iyo.”
27 At sinabi sa kaniya ni Laban, Kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa harap ng iyong mga mata, matira ka: aking napagkilala, na pinagpala ako ng Panginoon dahil sa iyo.
Sinabi ni Laban sa kanya, “Kung nakahanap ako ng pabor sa iyong mga mata ngayon, maghintay ka muna, dahil nalaman ko sa aking pagdarasal na pinagpala ako ni Yahweh para sa iyong kapakanan.”
28 At kaniyang sinabi, Sabihin mo sa akin ang iyong kaupahan, at ibibigay ko sa iyo.
Pagkatapos sinabi niya, “Sabihin mo kung magkano ang iyong kabayaran at babayaran ko.”
29 At sinabi niya sa kaniya, Nalalaman mo kung paanong pinaglingkuran kita, at kung anong lagay ng iyong mga hayop dahil sa akin.
Sinabi ni Jacob sa kanya, “Alam mo kung paano ako nanilbihan sa iyo at alam mo kung paano lumago ang iyong mga hayop.
30 Sapagka't kakaunti ang tinatangkilik mo bago ako dumating, at naging isang karamihan; at pinagpala ka ng Panginoon saan man ako pumihit; at ngayo'y kailan naman ako maghahanda ng sa aking sariling bahay?
Dahil kakaunti lang ang mayroon ka bago ako dumating, at dumami ito nang dumami. Pinagpala ka ni Yahweh saan man ako nagtrabaho. Ngayon kailan naman ako maghahanda para sa aking sariling sambahayan?”
31 At sa kaniya'y sinabi, Anong ibibigay ko sa iyo? At sinabi ni Jacob, Huwag mo akong bigyan ng anoman: kung ito'y iyong gawin sa akin, ay muli kong papastulin at aalagaan ang iyong kawan.
Kaya sinabi ni Laban, “Ano ang ibabayad ko sa iyo?” Sinabi ni Jacob, “Hindi mo ako bibigyan ng anumang bagay. Kung gagawin mo ang bagay na ito para sa akin, pakakainin ko ulit at iingatan ang iyong mga kawan.
32 Dadaanan ko ang lahat mong kawan ngayon, na aking ihihiwalay doon ang lahat ng batikbatik at may dungis, at ang lahat na maitim sa mga tupa, at ang may dungis at batikbatik sa mga kambing: at siyang magiging aking kaupahan.
Hayaan mo akong lumakad doon sa iyong mga kawan ngayon, aalisin ko ang bawat may batik at may dungis na tupa, at lahat ng mga itim sa iyong mga tupa, at ang mga may dungis at batik sa mga kambing. Ito ang aking magiging kabayaran.
33 Gayon ako sasagutan ng aking katuwiran sa haharapin, pagparito mo, tungkol sa aking kaupahan, na nasa harap mo; yaong lahat na walang batik at walang dungis sa mga kambing, at hindi maitim sa mga tupa, na masusumpungan sa akin, ay maibibilang mong nakaw.
Ang aking katapatan ang magpapatunay para sa akin kalaunan, kapag pupunta ka para tingnan ang aking kabayaran. Lahat na mga walang batik, walang dungis sa mga kambing, at itim sa mga tupa, kung mayroon mang makita na nasa akin, ay ituturing na ninakaw.”
34 At sinabi ni Laban, Narito, mangyari nawa ayon sa iyong sabi.
Sinabi ni Laban, “Pumapayag ako. Mangyayari ang mga ito ayon sa sinabi mo.”
35 At inihiwalay ni Laban ng araw ding yaon ang mga lalaking kambing na may batik at may dungis, at ang lahat ng babaing kambing na may batik at may dungis, lahat ng mayroong kaunting puti, at lahat ng maitim sa mga tupa, at ibinigay sa mga kamay ng kaniyang mga anak;
Sa araw na iyon inalis ni Laban ang lahat ng mga lalaking kambing na may guhit at dungis, at ang lahat ng mga babaeng kambing na may batik at dungis, ang lahat na may puti, at ang lahat ng mga itim sa mga tupa, at ibinigay niya ito sa kamay ng kanyang mga anak na lalaki.
36 At siya'y naglakad ng tatlong araw ang pagitan kay Jacob; at pinakain ni Jacob ang nalabi sa mga kawan ni Laban.
Naglagay din si Laban ng tatlong araw na paglalakbay sa pagitan ng kanyang sarili at kay Jacob. Kaya si Jacob ay nagsikap na alagaan ang natitirang kawan ni Laban.
37 At kumuha si Jacob ng mga sanga ng alamo, at almendro at kastano; at pinagbabakbakan ng mga batik na mapuputi, at kaniyang pinalitaw na gayon ang puti na nasa mga sanga.
Kumuha si Jacob ng sariwang pinutol na mga sanga ng sariwang alamo, at ng almendro at ng kastanong punongkahoy, at binalatan sila ng puting guhit, at pinalitaw ang puting loob ng kahoy na nasa mga patpat.
38 At kaniyang inilagay ang mga sangang kaniyang binakbakan sa mga bangbang, sa harap ng kawan, sa mga pinagpapainuman; na pinaparoonan ng mga kawan upang uminom; at nangaglilihi pagka nagsisiparoon upang uminom.
Pagkatapos inilagay niya ang binalatang patpat sa harap ng mga kawan, sa harap ng patubigan kung saan ang mga kawan ay umiinom. Nabubuntis sila sa tuwing sila ay umiinom.
39 At nangaglilihi ang mga kawan sa harap ng mga sanga at nanganganak ang mga kawan ng mga may guhit, may batik at may dungis.
Ang mga kawan ay nagparami sa harap ng mga patpat; at ang mga kawan ay nanganak ng may guhit, may batik, at may dungis na bata.
40 At ang mga korderong ito ay inihihiwalay ni Jacob, at inihaharap ang kawan sa dakong may batik, at ang lahat ng maitim sa kawan ni Laban; sa kaniyang ibinukod ang mga kawan niya rin, at hindi isinama sa kawan ni Laban.
Si Jacob ay naghiwalay sa mga babaeng tupa, at hinarap ang kanilang mga mukha sa mga hayop na may guhit at lahat ng itim na tupa sa kawan ni Laban. Pagkatapos, ihiniwalay niya ang kaniyang mga kawan at hindi na sila isinama kailanman sa kawan ni Laban.
41 At nangyari, na kailan ma't maglilihi ang mga malakas sa kawan, ay inilalagay ni Jacob ang mga sanga sa harap ng mga mata ng kawan sa mga bangbang, upang sila'y papaglihihin sa gitna ng mga sanga.
Sa tuwing nagpaparami ang mga malalakas na tupa sa kawan, nilalagay ni Jacob ang mga patpat sa may patubigan sa harapan ng mga mata ng kawan, para mabuntis sila sa gitna ng mga patpat.
42 Datapuwa't pagka ang kawan ay mahina ay hindi niya inilalagay, kaya't ang mahina ay nagiging kay Laban at ang malakas ay kay Jacob.
Pero kapag dumating ang mahihinang hayop sa kawan, hindi niya inilalagay ang mga patpat sa kanilang harapan. Kaya ang mga mahihinang hayop ay kay Laban, at ang mga malalakas ay kay Jacob.
43 At ang lalake ay lumagong mainam; at nagkaroon ng malalaking kawan, at ng mga aliping babae at lalake, at ng mga kamelyo at ng mga asno.
Naging masagana ang lalaki. Mayroon siyang maraming mga kawan, mga babaeng at lalaking lingkod, mga kamelyo at mga asno.

< Genesis 30 >