< Genesis 3 >

1 Ang ahas nga ay lalong tuso kay sa alin man sa mga hayop sa parang na nilikha ng Panginoong Dios. At sinabi niya sa babae, Tunay bang sinabi ng Dios, Huwag kayong kakain sa alin mang punong kahoy sa halamanan?
Ngayon ang ahas ay higit na tuso kaysa sa anumang ibang mabangis na hayop sa bukid na ginawa ni Yahweh na Diyos. Sinabi niya sa babae, “Talaga bang sinabi ng Diyos, “Hindi kayo dapat kumain mula sa anumang puno ng hardin?”
2 At sinabi ng babae sa ahas, Sa bunga ng mga punong kahoy sa halamanan ay makakakain kami:
Sinabi ng babae sa ahas, “Maaari naming kainin ang bunga mula sa mga puno ng hardin,
3 Datapuwa't sa bunga ng punong kahoy na nasa gitna ng halamanan ay sinabi ng Dios, Huwag kayong kakain niyaon, ni huwag ninyong hihipuin, baka kayo'y mamatay.
pero tungkol sa bunga ng puno na nasa gitna ng hardin, sinabi ng Diyos, “Hindi ninyo maaaring kainin ito, ni hindi ninyo ito maaaring hawakan, o mamamatay kayo.'”
4 At sinabi ng ahas sa babae, Tunay na hindi kayo mamamatay:
Sinabi ng ahas sa babae, “Tiyak na hindi kayo mamamatay.
5 Sapagka't talastas ng Dios na sa araw na kayo'y kumain niyaon ay madidilat nga ang inyong mga mata, at kayo'y magiging parang Dios, na nakakakilala ng mabuti at masama.
Dahil alam ng Diyos na sa araw na kainin ninyo ito mabubuksan ang inyong mga mata, at kayo ay magiging tulad ng Diyos, na nakaaalam ng mabuti at masama.”
6 At nang makita ng babae, na ang bunga ng punong kahoy ay mabuting kanin, at nakalulugod sa mga mata, at kahoy na mananasa upang magpapantas sa tao, ay pumitas siya ng bunga niyaon at kinain; at binigyan din niya ang kaniyang asawang kasama niya, at ito'y kumain.
At nang nakita ng babae na ang puno ay mabuti para sa pagkain at kaaya-aya sa paningin, at ang puno ay kanais-nais para gawing matalino ang isang tao, kumuha siya ng bunga nito at kinain ito. At binigyan niya ang kanyang asawa na kasama niya, at kinain niya ito.
7 At nadilat kapuwa ang kanilang mga mata, at kanilang nakilalang sila'y mga hubad; at sila'y tumahi ng mga dahon ng puno ng igos, at kanilang ginawang panapi.
Parehong nabuksan ang kanilang mga mata, at nalaman nilang sila ay hubad. Pinagsama-sama nilang tinahi ang mga dahon ng igos at gumawa ng mga pantakip para sa kanilang mga sarili.
8 At narinig nila ang tinig ng Panginoong Dios na lumalakad sa halamanan sa kulimlim ng araw: at nagtago ang lalake at ang kaniyang asawa sa harapan ng Panginoong Dios sa pagitan ng mga punong kahoy sa halamanan.
Narinig nila ang tunog ni Yahweh na Diyos na naglalakad sa hardin sa kalamigan ng araw, kaya ang lalaki at ang kanyang asawa ay nagtago mula sa presensya ni Yahweh na Diyos sa mga punong-kahoy ng hardin.
9 At tinawag ng Panginoong Dios ang lalake at sa kaniya'y sinabi, Saan ka naroon?
Tinawag ni Yahweh na Diyos ang lalaki at sinabi sa kanya, “Nasaan ka?”
10 At sinabi niya, Narinig ko ang iyong tinig sa halamanan, at ako'y natakot, sapagka't ako'y hubad; at ako'y nagtago.
Sinabi ng lalaki, “Narinig kita sa hardin, at natakot ako, dahil ako ay hubad. Kaya itinago ko ang aking sarili.”
11 At sinabi niya, Sinong nagsabi sa iyong ikaw ay hubad? nakakain ka ba ng bunga ng punong kahoy, na iniutos ko sa iyong huwag mong kanin?
Sinabi ng Diyos, “Sinong nagsabi sa iyo na ikaw ay hubad? Kumain ka ba mula sa punong iniutos kong huwag mong kakainan?”
12 At sinabi ng lalake, Ang babaing ibinigay mong aking kasamahin, ay siyang nagbigay sa akin ng bunga ng punong kahoy at aking kinain.
Sinabi ng lalaki, “Ang babae na ibinigay mo sa akin, binigyan niya ako ng bunga mula sa puno at kinain ko ito.”
13 At sinabi ng Panginoong Dios sa babae, Ano itong iyong ginawa? At sinabi ng babae, Dinaya ako ng ahas, at ako'y kumain.
Sinabi ni Yahweh na Diyos sa babae, “Ano ba itong ginawa mo?” Sinabi ng babae, “Nilinlang ako ng ahas, at kumain ako.”
14 At sinabi ng Panginoong Dios sa ahas, Sapagka't ginawa mo ito, ay sumpain ka ng higit sa lahat ng hayop, at ng higit sa bawa't ganid sa parang; ang iyong tiyan ang ilalakad mo, at alabok ang iyong kakanin sa lahat ng mga araw ng iyong buhay:
Sinabi ni Yahweh na Diyos sa ahas, “Dahil ginawa mo ito, sumpain ka sa lahat ng mga hayop at sa lahat ng mababangis na hayop sa bukid. Gagapang ka sa pamamagitan ng iyong tiyan at alikabok ang iyong kakainin sa lahat ng araw ng iyong buhay.
15 At papagaalitin ko ikaw at ang babae, at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi: ito ang dudurog ng iyong ulo, at ikaw ang dudurog ng kaniyang sakong.
Maglalagay ako ng poot sa pagitan mo at ng babae, at sa pagitan ng iyong binhi at ng kanyang binhi. Dudurugin niya ang iyong ulo, at tutuklawin mo ang kanyang sakong.”
16 Sinabi niya sa babae, Pararamihin kong lubha ang iyong kalumbayan at ang iyong paglilihi; manganganak kang may kahirapan; at sa iyong asawa ay pahihinuhod ang iyong kalooban, at siya'y papapanginoon sa iyo.
Sinabi niya sa babae, “Higit kong patitindihin ang sakit mo sa panganganak; sa sakit ka magsisilang ng mga anak. Ang iyong pagnanais ay para sa iyong asawa, subalit pamumunuan ka niya.”
17 At kay Adam ay sinabi, Sapagka't iyong dininig ang tinig ng iyong asawa, at kumain ka ng bunga ng punong kahoy na aking iniutos sa iyo na sinabi, Huwag kang kakain niyaon; sumpain ang lupa dahil sa iyo; kakain ka sa kaniya sa pamamagitan ng iyong pagpapagal sa lahat ng mga araw ng iyong buhay;
Sinabi niya kay Adan, “Dahil nakinig ka sa boses ng iyong asawa, at kumain mula sa puno, kung alin ay iniutos ko sa iyo, nang sinabi kong, “Hindi kayo maaaring kumain mula rito,' sinumpa ang lupa dahil sa iyo; sa matinding pagpapagal kakain ka mula rito sa lahat ng mga araw ng iyong buhay.
18 Ang isisibol niyaon sa iyo ay mga tinik at mga dawag; at kakain ka ng pananim sa parang;
Ito ay tutubuan ng mga tinik at mga damo para sa iyo, at kakainin mo ang mga pananim sa bukid.
19 Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang sa ikaw ay mauwi sa lupa; sapagka't diyan ka kinuha: sapagka't ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.
Kakain ka ng tinapay sa pamamagitan ng pawis ng iyong mukha, hanggang ikaw ay bumalik sa lupa, dahil kinuha ka mula rito. Dahil ikaw ay alikabok, at sa alikabok ka rin babalik.”
20 At tinawag na Eva ng lalake ang kaniyang asawa, sapagka't siya ang naging ina ng lahat ng mga nabubuhay.
Tinawag ng lalaki ang kanyang asawa sa pangalang Eva dahil siya ang ina ng lahat ng mga nabubuhay.
21 At iginawa ng Panginoong Dios si Adam at ang kaniyang asawa ng mga kasuutang balat at sila'y dinamitan.
Gumawa si Yahweh na Diyos ng mga kasuotang balat para kay Adan at para sa kanyang asawa at dinamitan sila.
22 At sinabi ng Panginoong Dios, Narito't ang tao'y naging parang isa sa atin, na nakakakilala ng mabuti at ng masama; at baka ngayo'y iunat ang kaniyang kamay at pumitas naman ng bunga ng punong kahoy ng buhay, at kumain at mabuhay magpakailan man:
Sinabi ni Yahweh na Diyos, “Ngayon ang tao ay naging tulad na natin, na nakaaaalam ng mabuti at masama. Ngayon hindi siya dapat pahintulutang abutin ng kanyang kamay, at kumuha mula sa puno ng buhay at kumain nito, at mabuhay nang walang hanggan.”
23 Kaya pinalayas siya ng Panginoong Dios sa halamanan ng Eden, upang kaniyang bukirin ang lupaing pinagkunan sa kaniya.
Kaya pinalabas sila ni Yahweh na Diyos mula sa hardin ng Eden, para bungkalin ang lupa kung saan siya kinuha.
24 Ano pa't itinaboy ang lalake; at inilagay sa silanganan ng halamanan ng Eden ang mga Querubin at ang isang nagniningas na tabak na umiikot, upang ingatan ang daang patungo sa kahoy ng buhay.
Kaya pinalabas ng Diyos ang lalaki mula sa hardin, at nilagay niya ang querubin sa silangan ng hardin ng Eden, at isang nagliliyab na espada na umiikot sa bawat panig, upang bantayan ang daan patungo sa puno ng buhay.

< Genesis 3 >