< Genesis 3 >
1 Ang ahas nga ay lalong tuso kay sa alin man sa mga hayop sa parang na nilikha ng Panginoong Dios. At sinabi niya sa babae, Tunay bang sinabi ng Dios, Huwag kayong kakain sa alin mang punong kahoy sa halamanan?
2 At sinabi ng babae sa ahas, Sa bunga ng mga punong kahoy sa halamanan ay makakakain kami:
3 Datapuwa't sa bunga ng punong kahoy na nasa gitna ng halamanan ay sinabi ng Dios, Huwag kayong kakain niyaon, ni huwag ninyong hihipuin, baka kayo'y mamatay.
4 At sinabi ng ahas sa babae, Tunay na hindi kayo mamamatay:
5 Sapagka't talastas ng Dios na sa araw na kayo'y kumain niyaon ay madidilat nga ang inyong mga mata, at kayo'y magiging parang Dios, na nakakakilala ng mabuti at masama.
6 At nang makita ng babae, na ang bunga ng punong kahoy ay mabuting kanin, at nakalulugod sa mga mata, at kahoy na mananasa upang magpapantas sa tao, ay pumitas siya ng bunga niyaon at kinain; at binigyan din niya ang kaniyang asawang kasama niya, at ito'y kumain.
7 At nadilat kapuwa ang kanilang mga mata, at kanilang nakilalang sila'y mga hubad; at sila'y tumahi ng mga dahon ng puno ng igos, at kanilang ginawang panapi.
8 At narinig nila ang tinig ng Panginoong Dios na lumalakad sa halamanan sa kulimlim ng araw: at nagtago ang lalake at ang kaniyang asawa sa harapan ng Panginoong Dios sa pagitan ng mga punong kahoy sa halamanan.
9 At tinawag ng Panginoong Dios ang lalake at sa kaniya'y sinabi, Saan ka naroon?
10 At sinabi niya, Narinig ko ang iyong tinig sa halamanan, at ako'y natakot, sapagka't ako'y hubad; at ako'y nagtago.
11 At sinabi niya, Sinong nagsabi sa iyong ikaw ay hubad? nakakain ka ba ng bunga ng punong kahoy, na iniutos ko sa iyong huwag mong kanin?
12 At sinabi ng lalake, Ang babaing ibinigay mong aking kasamahin, ay siyang nagbigay sa akin ng bunga ng punong kahoy at aking kinain.
13 At sinabi ng Panginoong Dios sa babae, Ano itong iyong ginawa? At sinabi ng babae, Dinaya ako ng ahas, at ako'y kumain.
14 At sinabi ng Panginoong Dios sa ahas, Sapagka't ginawa mo ito, ay sumpain ka ng higit sa lahat ng hayop, at ng higit sa bawa't ganid sa parang; ang iyong tiyan ang ilalakad mo, at alabok ang iyong kakanin sa lahat ng mga araw ng iyong buhay:
15 At papagaalitin ko ikaw at ang babae, at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi: ito ang dudurog ng iyong ulo, at ikaw ang dudurog ng kaniyang sakong.
16 Sinabi niya sa babae, Pararamihin kong lubha ang iyong kalumbayan at ang iyong paglilihi; manganganak kang may kahirapan; at sa iyong asawa ay pahihinuhod ang iyong kalooban, at siya'y papapanginoon sa iyo.
17 At kay Adam ay sinabi, Sapagka't iyong dininig ang tinig ng iyong asawa, at kumain ka ng bunga ng punong kahoy na aking iniutos sa iyo na sinabi, Huwag kang kakain niyaon; sumpain ang lupa dahil sa iyo; kakain ka sa kaniya sa pamamagitan ng iyong pagpapagal sa lahat ng mga araw ng iyong buhay;
18 Ang isisibol niyaon sa iyo ay mga tinik at mga dawag; at kakain ka ng pananim sa parang;
19 Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang sa ikaw ay mauwi sa lupa; sapagka't diyan ka kinuha: sapagka't ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.
20 At tinawag na Eva ng lalake ang kaniyang asawa, sapagka't siya ang naging ina ng lahat ng mga nabubuhay.
21 At iginawa ng Panginoong Dios si Adam at ang kaniyang asawa ng mga kasuutang balat at sila'y dinamitan.
22 At sinabi ng Panginoong Dios, Narito't ang tao'y naging parang isa sa atin, na nakakakilala ng mabuti at ng masama; at baka ngayo'y iunat ang kaniyang kamay at pumitas naman ng bunga ng punong kahoy ng buhay, at kumain at mabuhay magpakailan man:
23 Kaya pinalayas siya ng Panginoong Dios sa halamanan ng Eden, upang kaniyang bukirin ang lupaing pinagkunan sa kaniya.
24 Ano pa't itinaboy ang lalake; at inilagay sa silanganan ng halamanan ng Eden ang mga Querubin at ang isang nagniningas na tabak na umiikot, upang ingatan ang daang patungo sa kahoy ng buhay.