< Genesis 21 >

1 At dumalaw ang Panginoon kay Sara, ayon sa sinabi niya, at ginawa ng Panginoon kay Sara ang ayon sa kaniyang sinalita.
Binigyang pansin ni Yahweh si Sara gaya ng sinabi niya at tinupad ni Yahweh ang kanyang pangako kay Sara.
2 At si Sara ay naglihi at nagkaanak ng isang lalake kay Abraham sa kaniyang katandaan, sa tadhanang panahong sinabi ng Dios sa kaniya.
Nabuntis at nagsilang ng isang anak na lalaki si Sara para kay Abraham sa kanyang katandaan, sa itinakdang panahong sinabi ng Diyos sa kanya.
3 At tinawag na Isaac ni Abraham ang ngalan ng kaniyang anak na ipinanganak sa kaniya, na siyang ipinanganak ni Sara.
Pinangalanan ni Abraham bilang Isaac ang kanyang anak na lalaki, siya na isinilang sa kaniya, na isinilang ni Sara para sa kanya.
4 At tinuli ni Abraham si Isaac ng magkaroon ng walong araw gaya ng iniutos ng Dios sa kaniya.
Tinuli ni Abraham ang kanyang anak na si Isaac nang ito ay walong araw na gulang, ayon sa iniutos ng Diyos sa kanya.
5 At si Abraham ay may isang daang taon, nang sa kaniya'y ipanganak si Isaac na kaniyang anak.
Si Abraham ay isandaang taong gulang nang isilang si Isaac sa kanya.
6 At sinabi ni Sara, Pinatawa ako ng Dios, sinomang makarinig ay makikitawa.
Sinabi ni Sara, “Pinatawa ako ng Diyos; tatawa ang bawat isang makakarinig kasama ko.”
7 At sinabi niya, Sinong nakapagsabi kay Abraham na si Sara ay magpapasuso ng anak? sapagka't ako'y nagkaanak sa kaniya ng isang lalake sa kaniyang katandaan.
Sinabi rin niya, “Sinong makapagsasabi kay Abraham na si Sara ay magaalaga ng mga anak, at gayunpaman nagsilang ako sa kanya ng isang anak na lalaki sa kanyang katandaan!”
8 At lumaki ang sanggol, at inihiwalay sa suso; at nagpiging ng malaki si Abraham ng araw na ihiwalay sa suso si Isaac.
Lumaki ang bata at hiniwalay na sa kanyang ina, at naghanda si Abraham ng isang malaking pagdiriwang sa araw na hiniwalay na si Isaac sa kayang ina.
9 At nakita ni Sara ang anak ni Agar na taga Egipto, na ito'y nagkaanak kay Abraham, na tumutuya sa kaniya.
Nakita ni Sara na nangungutya ang anak ni Agar na taga-Ehipto, na isinilang niya kay Abraham.
10 Kaya't sinabi niya kay Abraham, Palayasin mo ang aliping ito at ang kaniyang anak: sapagka't hindi magmamana ang anak ng aliping ito na kahati ng aking anak, sa makatuwid baga'y ni Isaac.
Kaya sinabi niya kay Abraham, “Palayasin mo ang babaeng aliping ito kasama ang kanyang anak: dahil hindi magiging tagapagmana ang anak ng babaeng aliping iyan kasama ng anak kong si Isaac.”
11 At ang bagay na ito ay naging lubhang mabigat sa paningin ni Abraham dahil sa kaniyang anak.
Ang bagay na ito ay labis na nagpalungkot kay Abraham dahil sa kanyang anak.
12 At sinabi ng Dios kay Abraham, Huwag mong mabigatin ito sa iyong paningin dahil sa iyong alipin; sa lahat na sabihin sa iyo ni Sara, ay makinig ka sa kaniyang tinig, sapagka't kay Isaac tatawagin ang iyong lahi.
Ngunit sinabi ng Diyos kay Abraham, “Huwag kang malungkot dahil sa batang lalaki, at dahil sa iyong babaeng lingkod. Pakinggan mo ang lahat ng sinasabi niya tungkol sa bagay na ito, dahil sa pamamagitan ni Isaac makikilala ang mga kaapu-apuhan mo.
13 At ang anak din naman ng alipin ay gagawin kong isang bansa, sapagka't siya'y anak mo.
Gagawin ko ring isang bansa ang anak ng babaeng lingkod, dahil siya ay iyong anak.
14 At nagbangong maaga sa kinaumagahan si Abraham, at kumuha ng tinapay at ng isang bangang balat ng tubig, at ibinigay kay Agar, na ipinatong sa kaniyang balikat, at ang bata at siya ay pinapagpaalam, at siya'y nagpaalam at naggala sa ilang ng Beerseba.
Maagang bumangon si Abraham, kumuha siya ng tinapay at isang lalagyang tubig at nilagay ito sa balikat ni Agar. Dinala niya ang batang lalaki sa kanya at pinaalis siya. Umalis siya at nagpagala-gala sa ilang na lugar ng Beer-seba.
15 At naubos ang tubig sa bangang balat, at kaniyang inilapag ang bata sa ilalim ng isa sa mabababang punong kahoy.
Pagkaubos ng tubig sa lalagyang balat, iniwan niya ang bata sa ilalim ng isang mababang puno.
16 At yumaon at naupo sa tapat niya, na ang layo ay isang hilagpos ng pana; sapagka't sinabi niya, Huwag kong makita ang kamatayan ng bata. At naupo sa tapat, at naghihiyaw at umiyak.
Pagkatapos umalis siya at naupo sa di kalayuan mula sa kanya, na parang isang tudla ng pana ang layo, dahil ang sabi niya, “Huwag ko sanang makita ang kamatayan ng bata.” Habang nakaupo siya roon sa kabila ng bata, nilakasan niya ang kaniyang boses at humagulgol siya sa iyak.
17 At narinig ng Dios ang tinig ng bata; at tinawag ng anghel ng Dios si Agar, mula sa langit, at sa kaniya'y sinabi, Naano ka Agar? Huwag kang matakot; sapagka't narinig ng Dios ang tinig ng bata sa kinalalagyan.
Narinig ng Diyos ang boses ng bata, at tumawag ang anghel ng Diyos kay Agar mula sa langit, at sinabi sa kanya, “Anong gumagambala sa iyo, Agar? Huwag kang matakot, sapagkat narinig ng Diyos ang boses ng bata mula sa kanyang kinaroroonan.
18 Magtindig ka, iyong itayo ang bata, at alalayan mo siya ng iyong kamay; sapagka't siya'y gagawin kong isang bansang malaki.
Tumayo ka, ibangon mo ang bata at patatagin siya; sapagkat gagawin ko siyang isang dakilang bansa.”
19 At idinilat ng Dios ang kaniyang mga mata, at siya'y nakakita ng isang balon ng tubig: at naparoon at pinuno ng tubig ang bangang balat, at pinainom ang bata.
Pagkatapos minulat ng Diyos ang mga mata ni Agar at nakakita siya ng isang balon ng tubig. Pinuntahan niya ito at pinuno ng tubig ang lalagyang gawa sa balat at pinainom ang bata.
20 At ang Dios ay sumabata, at siya'y lumaki; at tumahan sa ilang at naging mamamana.
Sinamahan ng Diyos ang bata, at lumaki siya. Nanirahan siya sa ilang at naging isang mamamana.
21 At nanahan siya sa ilang ng Paran: at ikinuha siya ng kaniyang ina ng asawa sa lupain ng Egipto.
Namuhay siya sa ilang ng Paran, at kumuha ng mapapangasawa niya ang kaniyang ina mula sa lupain ng Ehipto.
22 At nangyari ng panahong yaon, na si Abimelech, at si Ficol na kapitan ng kaniyang hukbo ay nagsalita kay Abraham, na nagsasabi, Sumasaiyo ang Dios sa lahat mong ginagawa:
Sa panahong iyon kinausap nila Abimelek at Ficol na kapitan ng kanyang hukbo si Abraham at sinabing, “Kasama mo ang Diyos sa lahat ng iyong ginagawa.
23 Ngayon nga'y ipanumpa mo sa akin dito alangalang sa Dios, na di ka maglililo sa akin, kahit sa aking anak, kahit sa anak ng aking anak; kundi ayon sa kagandahang loob na ipinakita ko sa iyo, ay gayon ang gagawin mo sa akin, at sa lupaing iyong pinakipamayanan.
Kaya ngayon manumpa ka sa Diyos, na hindi mo ako gagawan ng masama, ni ang aking mga anak, ni ang aking mga kaapu-apuhan. Ipakita mo sa akin at sa lupain kung saan ka naninirahan ang parehong katapatan sa kasunduan na ipinakita ko sa iyo.”
24 At sinabi ni Abraham, Susumpa ako.
“Nangangako ako” sagot ni Abraham.
25 At pinagwikaan ni Abraham si Abimelech dahil sa isang balon ng tubig, na marahas na inalis sa kaniya ng mga bataan ni Abimelech.
Nagreklamo rin si Abraham kay Abimelek patungkol sa balon ng tubig na inagaw mula sa kanya ng mga lingkod ni Abimelek.
26 At sinabi ni Abimelech, Aywan, kung sinong gumawa ng bagay na ito: na di mo man sinabi sa akin, at hindi ko man nabalitaan kundi ngayon.
Sinabi ni Abimelek, “Hindi ko alam kung sino ang gumawa ng bagay na ito. Hindi mo ito sinabi sa akin liban ngayon; hindi ko ito narining kundi ngayon.”
27 At kumuha si Abraham ng mga tupa, at mga baka, at ibinigay kay Abimelech; at gumawa silang dalawa ng isang tipan.
Kaya kumuha si Abraham ng tupa at mga lalaking baka at binigay ang mga ito kay Abimelek, at gumawa ang dalawa ng isang kasunduan.
28 At ibinukod ni Abraham ang pitong korderong babae sa kawan.
Pagkatapos nagbukod si Abraham ng pitong mga babaeng tupa ng kawan.
29 At sinabi ni Abimelech kay Abraham, Anong kahulugan nitong pitong korderong babae na iyong ibinukod?
Sinabi ni Abimelek kay Abraham, “Anong kahulugan nitong pitong babaeng tupang ibinukod mo?”
30 At kaniyang sinabi, Itong pitong korderong babae ay iyong kukunin sa aking kamay, upang sa akin ay maging patotoo na hinukay ko ang balong ito.
Sumagot siya, “Matatanggap mo mula sa aking kamay itong pitong babaing tupa, upang maging saksi para sa akin, na hinukay ko ang balong ito.”
31 Kaya't tinawag niya ang dakong yaong Beerseba; sapagka't doon sila kapuwa nanumpa.
Kaya tinawag niya ang lugar na iyong Beer-seba, dahil doon sila kapwa nagsumpaan ng isang kasunduan.
32 Sa gayo'y gumawa sila ng isang tipan sa Beerseba: at nagtindig si Abimelech, at si Ficol na kapitan ng kaniyang hukbo at nagsipagbalik sa lupain ng mga Filisteo.
Gumawa sila ng isang kasunduan sa Beer-seba, at pagkatapos bumalik si Abimelek at Ficol, ang kapitan ng kanyang hukbo sa lupain ng mga Filisteo.
33 At nagtanim si Abraham ng isang punong kahoy na tamaring sa Beerseba, at sinambitla doon ang pangalan ng Panginoong Dios na walang hanggan.
Nagtanim si Abraham ng puno ng tamarisko sa Beer-seba. Doon sinamba niya si Yahweh, ang Diyos na walang hanggan.
34 At maraming araw na nakipamayan si Abraham sa lupain ng mga Filisteo.
Namalagi si Abraham bilang isang dayuhan sa lupain ng mga Filisteo nang maraming araw.

< Genesis 21 >