< Mga Galacia 5 >
1 Sa kalayaan ay pinalaya tayo ni Cristo: magsitibay nga kayo, at huwag na kayong pasakop na muli sa pamatok ng pagkaalipin.
Para sa kalayaan kaya pinalaya tayo ni Cristo. Kaya magpakatatag kayo at huwag kayong magpabitag muli sa ilalim ng kapangyarihan ng pagkabihag.
2 Narito, akong si Pablo ay nagsasabi sa inyo, na, kung inyong tinatanggap ang pagtutuli, ay wala kayong mapapakinabang na anoman kay Cristo.
Makinig kayo, ako si Pablo, ay nagsasabi sa inyo na kung kayo ay magiging tuli, walang kayong mapapakinabangan na anuman kay Cristo.
3 Oo, pinatotohanan kong muli sa bawa't taong tumatanggap ng pagtutuli, na siya'y may kautangang tumupad ng buong kautusan.
Muli, pinatotohanan ko sa bawat tao na tuli, na mapipilitan kayong sundin ang buong kautusan.
4 Kayo'y hiwalay kay Cristo, kayong nangagiibig na ariing-ganap ng kautusan; nangahulog kayo mula sa biyaya.
Nahiwalay kayo kay Cristo, kayong lahat na “pinawalang sala” sa pamamagitan ng kautusan. Lamayo kayo mula sa biyaya.
5 Sapagka't tayo sa pamamagitan ng Espiritu sa pananampalataya ay naghihintay ng pangako ng katuwiran.
Sapagkat sa pamamagitan ng Espiritu, sa pananampalataya, naghihintay tayo sa pag-asang tayo ay magiging matuwid.
6 Sapagka't kay Cristo Jesus, kahit ang pagtutuli ay walang kabuluhan, kahit man ang di-pagtutuli; kundi ang pananampalataya na gumagawa sa pamamagitan ng pagibig.
Hindi mahalaga kay Cristo ang pagtutuli. Ang pananampalataya lamang na gumagawa sa pamamagitan pag-ibig ang may halaga.
7 Nagsisitakbo kayong mabuti nang una; sino ang gumambala sa inyo upang kayo'y huwag magsisunod sa katotohanan?
Maganda ang pagtakbo ninyo noon. Sino ang pumipigil sa inyo sa pagtupad sa katotohanan?
8 Ang paghikayat na ito ay hindi nagmula doon sa tumawag sa inyo.
Ang paghikayat na gawin iyan ay hindi galing sa kaniya na tumawag sa inyo.
9 Ang kaunting lebadura ay nagpapakumbo sa buong limpak.
Ang kaunting lebadura ay nakakaapekto sa buong minasang harina.
10 Ako'y may pagkakatiwala sa inyo sa Panginoon, na hindi kayo nagsipagisip ng ibang paraan: datapuwa't ang gumagambala sa inyo ay magtataglay ng kaniyang kahatulan, maging sinoman siya.
May pananalig ako sa inyo sa Panginoon na hindi kayo mag-iisip ng kung ano pa man. Siya na nagdudulot ng kalituhan sa inyo ay magdadala ng kaniyang sariling hatol, sinuman siya.
11 Nguni't ako, mga kapatid, kung ipinangangaral ko pa ang pagtutuli, bakit ako'y pinaguusig pa? kung gayon ay natapos na ang katitisuran sa krus.
Mga kapatid, kung ipinahahayag ko parin ang pagtutuli, bakit inuusig parin ako? Kung ganoon nawasak na ang katitisuran ng krus.
12 Ibig ko sana na ang mga nagsisigulo sa inyo ay gumawa ng higit sa pagtutuli.
Nais ko sana na ang mga nangligaw sa inyo ay kapunin nila ang mga sarili nila.
13 Sapagka't kayo, mga kapatid, ay tinawag sa kalayaan; huwag lamang gamitin ang inyong kalayaan, upang magbigay kadahilanan sa laman, kundi sa pamamagitan ng pagibig ay mangaglingkuran kayo.
Sapagkat tinawag kayo ng Diyos, mga kapatid, sa kalayaan. Lamang ay huwag ninyong gamitin ang iyong kalayaan bilang pagkakataon para sa laman. Sa halip sa pamamagitan ng pag-ibig paglingkuran ninyo ang bawat isa.
14 Sapagka't ang buong kautusan ay natutupad sa isang salita, sa makatuwid ay dito: Iibigin mo ang inyong kapuwa na gaya ng inyong sarili.
Sapagkat ang buong kautusan ay natupad sa isang utos; na “Dapat mong mahalin ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.”
15 Nguni't kung kayo-kayo rin ang nangagkakagatan at nangagsasakmalan, magsipagingat kayo na baka kayo'y mangaglipulan sa isa't isa.
Ngunit kung magkakagatan at magsasakmalan kayo, tingnan ninyo na hindi ninyo sinisira ang isa't isa.
16 Sinasabi ko nga, Magsilakad kayo ayon sa Espiritu, at hindi ninyo gagawin ang mga pita ng laman.
Sinasabi ko na, lumakad kayo sa Espiritu, at hindi ninyo matutupad ang hilig ng laman.
17 Sapagka't ang laman ay nagnanasa ng laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay laban sa laman; sapagka't ang mga ito ay nagkakalaban; upang huwag ninyong gawin ang bagay na inyong ibigin.
Sapagkat malakas ang nasa ng laman laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay may malakas na nasa laban sa laman. Sapagkat ang mga ito ay laban sa isa't isa. Ang kinahinatnan ay hindi ninyo ginawa ang mga bagay ninais ninyong gawin.
18 Datapuwa't kung kayo'y pinapatnubayan ng Espiritu, ay wala kayo sa ilalim ng kautusan.
Ngunit kung ang Espiritu ang nangunguna sa inyo, wala na kayo sa ilalim ng kautusan.
19 At hayag ang mga gawa ng laman, sa makatuwid ay ang mga ito: pakikiapid, karumihan, kalibugan,
Ngayon ang mga gawa ng laman ay nakikita. Ang mga ito ay ang sekswal na imoralidad, kalaswaan, kahalayan,
20 Pagsamba sa diosdiosan, pangkukulam, mga pagtataniman, mga pagtatalo, mga paninibugho, mga pagkakaalitan, mga pagkakampikampi, mga pagkakabahabahagi, mga hidwang pananampalataya,
pagsamba sa mga diyus- diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aalitan, paninibugho, silkbo ng galit, pagkakatunggali, pagtatalo, pagkakahiwahiwalay sa mga sekta,
21 Mga kapanaghilian, mga paglalasing, mga kalayawan, at ang mga katulad nito; tungkol sa mga bagay na ito ay aking ipinagpapaunang ipaalaala sa inyo, tulad sa aking pagpapaalaala nang una sa inyo, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios.
pagka-inggit, paglalasing, kaguluhan ng dahil sa paglalasing, at iba pang mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, tulad ng pagbabala ko sa inyo noon, na ang gumagawa ng mga ito ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.
22 Datapuwa't ang bunga ng Espiritu ay pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat,
Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabutihan, kabaitan, pananampalataya,
23 Kaamuan, pagpipigil; laban sa mga gayong bagay ay walang kautusan.
pagkamahinahon, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito.
24 At ipinako sa krus ng mga na kay Cristo Jesus ang laman na kasama ang mga masasamang pita at mga kahalayan nito.
Sila na nakay Cristo Jesus ay ipinako ang laman na kasama ang silakbo nito at masamang mga pagnanasa.
25 Kung tayo'y nangabubuhay sa pamamagitan ng Espiritu, ay mangagsilakad naman tayo ayon sa Espiritu.
Kung tayo ay nabubuhay sa pamamagitan ng Espiritu, tayo rin naman ay lumakad sa pamamagitan ng Espiritu.
26 Huwag tayong maging mga palalo, na tayo-tayo'y nangagmumungkahian sa isa't isa, nangagiinggitan sa isa't isa.
Huwag tayong maging mapagpahalaga sa sarili, galitin ang isa't isa o mainggit sa isa't isa.