< Ezekiel 5 >

1 At ikaw, anak ng tao, magdala ka ng matalas na tabak; na parang pangahit ng manggugupit ang iyong dadalhin, at iyong pararaanin sa iyong ulo at sa iyong balbas: kung magkagayo'y kumuha ka ng timbangang panimbang, at bahagihin mo ang buhok.
At ikaw, anak ng tao, kumuha ka ng matalim na espada na parang isang pang-ahit ng barbero para sa iyong sarili. At padaanin mo ang pang-ahit sa iyong ulo at sa iyong balbas, at kumuha ka ng mga timbangan upang timbangin at hatiin ang iyong buhok.
2 Ang ikatlong bahagi ay iyong susunugin sa apoy sa gitna ng bayan, pagka ang mga araw ng pagkubkob ay naganap; at iyong kukunin ang ikatlong bahagi, at susugatan mo ng tabak sa palibot; at ang ikatlong bahagi ay iyong pangangalatin sa hangin, at ako'y magbubunot ng tabak sa likuran nila.
Sunugin ang ikatlong bahagi nito sa apoy sa gitna ng lungsod kapag natapos na ang mga araw ng paglusob. At kunin mo ang ikatlong bahagi ng buhok at ihampas mo ito sa pamamagitan ng espada sa buong palibot ng lungsod. At ikalat ang isang ikatlong bahagi nito sa hangin, at huhugot ako ng isang espada upang habulin ang mga tao.
3 At kukuha ka sa mga yaon ng kaunti sa bilang, at ipagtatali mo sa iyong mga tunika.
Ngunit kumuha ng kaunting buhok mula sa kanila at itali ang mga ito sa iyong manggas.
4 At sa mga ito'y kukuha ka uli, at ihahagis mo sa gitna ng apoy, at susunugin mo sa apoy; siyang panggagalingan ng apoy sa buong sangbahayan ni Israel.
At kumuha ng mas maraming buhok at ihagis ito sa gitna ng apoy; at sunugin ito sa apoy; mula roon ang apoy ay lalabas sa lahat ng sambahayan ng Israel.”
5 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ito ay Jerusalem; inilagay ko siya sa gitna ng mga bansa, at mga lupain ay nangasa palibot niya.
Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh, “Ito ang Jerusalem sa gitna ng mga bansa, kung saan ko siya inilagay, at kung saan pinalilibutan ko siya ng ibang mga lupain.
6 At siya'y nanghimagsik laban sa aking mga kahatulan sa paggawa ng kasamaan na higit kay sa ginawa ng mga bansa, at laban sa aking mga palatuntunan na higit kay sa mga lupain na nangasa palibot niya; sapagka't kanilang itinakuwil ang aking mga kahatulan, at tungkol sa aking mga palatuntunan, hindi nila nilakaran.
Ngunit tinanggihan niya ang aking mga kautusan sa pamamagitan ng kasamaan higit sa mga bansa, at ang aking mga palatuntunan higit pa sa mga bansang nakapalibot sa kaniya. At tinanggihan nila ang aking mga hatol at hindi lumalakad sa aking mga palatuntunan!”
7 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sapagka't kayo'y manggugulo na higit kay sa mga bansa na nangasa palibot ninyo, at hindi nagsilakad sa aking mga palatuntunan, o iningatan man ang aking mga kahatulan, o nagsigawa man ng ayon sa mga ayos sa mga bansa na nangasa palibot ninyo;
Kaya sinasabi ito ng Panginoong si Yahweh, “Sapagkat ikaw ay higit na mapanggulo kaysa mga bansang nakapalibot sa iyo at hindi lumakad sa aking mga utos o kumilos ayon sa aking mga kautusan, o kumilos ayon sa mga kautusan ng mga bansang nakapalibot sa iyo.”
8 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako, sa makatuwid baga'y ako, ay laban sa iyo; at ako'y maglalapat ng mga kahatulan sa gitna mo sa paningin ng mga bansa.
Kaya sinasabi ito ng Panginoong Yahweh, “Masdan ninyo! Ako mismo ay kikilos laban sa inyo! Isasagawa ko ang mga hatol sa inyong kalagitnaan upang makita ng mga bansa.
9 At aking gagawin sa iyo ang hindi ko ginawa, at hindi ko na gagawin pa ang kaparis, dahil sa iyong lahat na kasuklamsuklam.
Gagawin ko sa inyo kung ano ang hindi ko pa nagagawa at ang katulad nito na hindi ko na gagawing muli, dahil sa lahat ng inyong kasuklam-suklam na mga gawa.
10 Kaya't kakanin ng mga magulang ang mga anak sa gitna mo, at kakanin ng mga anak ang kanilang mga magulang; at ako'y maglalapat ng mga kahatulan sa iyo; at ang buong nalabi sa iyo ay aking pangangalatin sa lahat ng dako.
Kaya kakainin ng mga ama ang mga bata sa inyong kalagitnaan, at kakainin ng mga anak na lalaki ang kanilang mga ama, yamang magsasagawa ako ng paghatol sa inyo at ikakalat sa bawat dako kayong lahat na naiwan!
11 Kaya't buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, walang pagsala, na sapagka't iyong nilapastangan ang aking santuario ng lahat mong kasuklamsuklam na bagay, at ng lahat mong karumaldumal, kaya't akin namang babawasan ka; ni hindi magpapatawad ang aking mata, at ako nama'y hindi mahahabag.
Samakatuwid, habang ako ay buhay - ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh - tiyak ito sapagkat dinungisan ninyo ang aking santuwaryo sa pamamagitan ng lahat ng inyong kamuhi-muhing mga bagay at sa lahat ng inyong kasuklam-suklam na gawa, ako mismo ang babawas ng inyong bilang; hindi maaawa sa inyo ang aking mata at hindi ko kayo patatawarain.
12 Ang ikatlong bahagi mo ay mamamatay sa pamamagitan ng salot, at sa pamamagitan ng kagutom ay mauubos sila sa gitna mo; at ang isang ikatlong bahagi ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak sa palibot mo; at ang ikatlong bahagi ay aking pangangalatin sa lahat ng dako, at magbubunot ako ng tabak sa likuran.
Mamamatay sa salot ang ikatlong bahagi ninyo, at mauubos sila ng kagutuman sa inyong kalagitnaan. Ang ikatlong bahagi sa inyo ay mamamatay sa pamamagitan ng espada sa paligid ninyo. At ikakalat ko ang ikatlong bahagi sa inyo sa bawat dako, at huhugot ng espada upang habulin din sila.
13 Ganito magaganap ang aking galit, at aking lulubusin ang aking kapusukan sa kanila, at ako'y maaaliw: at kanilang malalaman na akong Panginoon ay nagsalita sa aking pagsisikap, pagka aking naganap ang aking kapusukan sa kanila.
At magiging ganap ang aking poot, at ititigil ko ang aking matinding galit sa kanila. Masisiyahan ako, at makilala nila na akong si Yahweh ang nagsasabi ng mga bagay na ito dahil sa aking poot nang matapos ko ang aking matinding galit laban sa kanila.
14 Bukod dito'y gagawin kitang kasiraan at kapulaan, sa gitna ng mga bansa na nangasa palibot mo, sa paningin ng lahat na nagsisidaan.
Gagawin ko kayong isang lagim at kahihiyan sa mga bansang nakapalibot sa inyo sa paningin ng bawat isa na dumadaan.
15 Sa gayo'y magiging kadustaan at kapulaan, aral at katigilan sa mga bansang nangasa palibot mo, pagka ako'y maglalapat ng mga kahatulan sa iyo sa galit at sa kapusukan, at sa mababagsik na pagsaway (akong Panginoon ang nagsalita);
Kaya magiging isang bagay ang Jerusalem para sa ibang tao upang isumpa at kutyain, isang babala at isang katatakutan para sa mga bansa na nakapaligid sa inyo. Isasagawa ko ang paghahatol laban sa inyo sa poot at matinding galit, at sa pamamagitan ng isang matinding pagsaway—Ako, si Yahweh ang nagpahayag nito!
16 Pagka ako'y magpapasapit sa kanila ng mga masamang pana ng kagutom na ikasisira nila, na siyang aking pasasapitin upang sirain kayo. At aking palalalain ang kagutom sa inyo, at aking babaliin ang inyong tungkod ng tinapay;
Magpapadala ako ng malulupit na mga pana ng taggutom laban sa inyo na magiging dahilan upang sirain ko kayo. Sapagkat dadagdagan ko ang taggutom sa inyo at babaliin ko ang inyong tungkod ng tinapay.
17 At ako'y magpapasapit sa inyo ng kagutom at mga masamang hayop, at kanilang aalisan ka ng anak; at salot at dugo ay daraan sa iyo; at aking pararatingin ang tabak sa iyo; ako ang Panginoon na nagsalita.
Magpapadala ako ng taggutom at mga sakuna laban sa inyo upang hindi kayo magkaanak. Dadaan sa inyo ang salot at dugo, at magdadala ako ng espada sa inyo—Ako, si Yahweh ang nagpahayag nito.

< Ezekiel 5 >