< Ezekiel 44 >

1 Nang magkagayo'y ibinalik niya ako sa daan ng pintuan sa labas ng santuario, na nakaharap sa dakong silanganan; at ito'y nasara.
At dinala ako ng lalaki pabalik sa panlabas na santuwaryong tarangkahan na nakaharap sa silangan, mahigpit itong isinara.
2 At sinabi ng Panginoon sa akin, Ang pintuang-daang ito ay sasarhan, hindi bubuksan, o papasukan man ng sinoman, sapagka't pinasukan ng Panginoon, ng Dios ng Israel; kaya't ito'y masasara.
Sinabi sa akin ni Yahweh, “Mahigpit na isinara ang tarangkahang ito at hindi ito mabubuksan. Walang taong makakadaan dito, sapagkat dumaan dito si Yahweh na Diyos ng Israel, kaya mahigpit itong isinara.
3 Tungkol sa prinsipe, siya'y mauupo roon na pinaka prinsipe upang kumain ng tinapay sa harap ng Panginoon; siya'y papasok sa daan ng portiko ng pintuang-daan, at lalabas sa daan ding yaon.
Uupo sa loob nito ang pinuno ng Israel upang kumain sa harapan ni Yahweh. Papasok siya sa pamamagitan ng daan sa tarangkahan ng portiko at lalabas sa daan din na iyon.”
4 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa daan ng pintuang-daang hilagaan sa harap ng bahay: at ako'y tumingin, at, narito, napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon: at nasubasob ako.
Pagkatapos, dinala niya ako sa daanang nasa hilagang tarangkahan na nakaharap sa tahanan. Kaya tumingin ako at pinagmasdan, napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh ang kaniyang tahanan at nagpatirapa ako!
5 At ang Panginoon ay nagsabi sa akin, Anak ng tao, tandaan mong mabuti, at masdan mo ng iyong mga mata, at pakinggan mo ng iyong mga pakinig ang lahat na aking sinasabi sa iyo tungkol sa lahat ng alituntunin hinggil sa bahay ng Panginoon, at tungkol sa lahat ng kautusan doon; at tandaan mong mabuti ang pasukan ng bahay sangpu ng bawa't labasan sa santuario.
At sinabi sa akin ni Yahweh, “Anak ng tao, ihanda mo ang iyong puso, tumingin ka at makinig sa lahat ng mga ipipapahayag ko sa iyo, sa lahat ng mga batas sa tahanan ni Yahweh at sa lahat ng mga panuntunan nito. Isipin mo ang tungkol sa mga pasukan at mga labasan ng tahanan.
6 At iyong sasabihin sa mapanghimagsik, sa makatuwid baga'y sa sangbahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Oh kayong sangbahayan ni Israel, mangaglikat na kayo sa lahat ninyong kasuklamsuklam,
At sabihin mo sa mga suwail na sambahayan ng Israel, 'Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Itigil na ninyo ang inyong mga kasuklam-suklam na gawain, sambahayang Israel—
7 Sa inyong pagpapasok ng mga taga ibang lupa na hindi tuli sa puso at hindi tuli sa laman, upang malagay sa aking santuario, na lapastanganin yaon, sa makatuwid baga'y ang aking bahay, pagka inyong inihahandog ang aking tinapay, ang taba at ang dugo, at sinira nila ang aking tipan, upang idagdag sa lahat ninyong mga kasuklamsuklam.
na dinala ninyo ang mga dayuhang hindi tuli ang mga puso at hindi tuli sa laman upang pumunta sa aking santuwaryo at lapastanganin ito— ang aking tahanan! — Habang dinadala ninyo sa akin ang aking tinapay, taba at dugo— sinusuway ninyo ang aking tipan sa pamamagitan ng inyong mga kasuklam-suklam na gawain.
8 At hindi ninyo iningatan ang katungkulan sa aking mga banal na bagay; kundi kayo'y nangaglagay ng mga tagapangasiwa sa aking santuario sa ganang inyong sarili.
Hindi ninyo ginampanang mabuti ang inyong mga tungkulin sa akin. Sa halip, ibinigay ninyo sa iba ang tungkuling pangalagaan ang aking banal na lugar.
9 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Walang taga ibang lupa, na hindi tuli sa puso at hindi tuli sa laman na papasok sa aking santuario, kahit sinomang taga ibang lupa na nasa gitna ng mga anak ni Israel.
Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Walang maaaring pumasok sa aking santuwaryo sa sinuman sa mga dayuhang iyon na nasa kalagitnaan ng mga tao ng Israel na mga hindi tuli sa puso at laman.
10 Nguni't ang mga Levita na nagsilayo sa akin nang ang Israel ay maligaw sa akin sa pagsunod sa kanilang mga diosdiosan; mangagdadanas sila ng kanilang kasamaan.
Ngunit ang mga Levitang lumayo sa akin nang malihis ang Israel, mga taong lumihis sa akin upang sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan— ngayon magbabayad sila sa kanilang kasalanan.
11 Gayon ma'y magiging tagapangasiwa sila sa aking santuario, na sila ang mamamahala sa mga pintuang-daan ng bahay, at magsisipangasiwa sa bahay: kanilang papatayin ang handog na susunugin at ang hain para sa bayan, at sila'y magsisitayo sa harap ng mga yaon upang pangasiwaan nila.
Mga lingkod sila sa aking santuwaryo, nagbabantay sa mga tarangkahan at naglilingkod sa tahanan. Kinakatay nila ang mga alay na susunugin at mga handog ng mga tao; tumatayo sila sa harapan nila upang paglingkuran sila.
12 Sapagka't kanilang pinangasiwaan sila sa harap ng kanilang mga diosdiosan, at naging ikatitisod sila sa ikasasama ng sangbahayan ni Israel; kaya't itinaas ko ang aking kamay laban sa kanila, sabi ng Panginoong Dios, at dadanasin nila ang kanilang kasamaan.
Ngunit dahil nagsagawa sila ng mga paghahandog sa harapan ng kanilang mga diyus-diyosan, naging mga katitisuran sila nang kasalanan para sa sambahayan ng Israel. Kaya itataas ko ang aking kamay upang sumumpa nang isang pangako laban sa kanila na magbabayad sila para sa kanilang kasalanan! Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh.
13 At hindi sila magsisilapit sa akin upang magsagawa ng katungkulan ng saserdote sa akin, o magsisilapit man sa alin man sa mga banal na bagay ko, sa mga bagay na kabanalbanalan; kundi tataglayin nila ang kanilang kahihiyan, at ang kanilang mga kasuklamsuklam na kanilang ginawa.
Hindi sila makakalapit sa akin upang kumilos bilang aking mga pari o makakalapit sa anuman sa aking mga banal na bagay, sa mga kabanal-banalang mga bagay! Sa halip, dadalhin nila ang kanilang kahihiyan at ang kanilang mga pagkakasala dahil sa mga kasuklam-suklam na gawaing kanilang ginawa.
14 Gayon ma'y gagawin ko silang tagapangasiwa sa bahay, para sa buong paglilingkod doon, at sa lahat na gagawin doon.
Ngunit itatalaga ko sila bilang tagapangasiwa ng mga gawain sa tahanan para sa lahat ng mga tungkulin at lahat ng mga ginagawa rito.
15 Nguni't ang mga saserdoteng Levita na mga anak na lalake ni Sadoc, na nagiingat ng katungkulan sa aking santuario nang ang mga anak ni Israel ay magsihiwalay sa akin, sila'y magsisilapit sa akin upang magsipangasiwa sa akin; at sila'y magsisitayo sa harap ko upang mangaghandog sa akin ng taba at ng dugo, sabi ng Panginoong Dios:
At ang mga paring Levita na mga anak na lalaki ni Zadok ang tumupad sa mga tungkulin ng aking santuwaryo nang lumilihis sa pagsunod sa akin ang mga Israelita— lalapit sila sa akin upang sambahin ako at tatayo sa aking harapan upang magdala ng taba at dugo sa akin— ito ang pahayag ng Panginoong Yaweh.
16 Sila'y magsisipasok sa aking santuario, at sila'y magsisilapit sa aking dulang, upang magsipangasiwa sa akin, at iingatan nila ang kanilang katungkulan sa akin.
Pupunta sila sa aking santuwaryo; lalapit sila sa aking mesa upang sambahin ako at upang tuparin ang kanilang mga tungkulin sa akin.
17 At mangyayari, na pagka sila'y magsisipasok sa mga pintuang-daan ng lalong loob na looban, susuutan sila ng mga kayong linong kasuutan; at walang lanang dadaiti sa kanila, samantalang sila'y nagsisipangasiwa sa mga pintuang-daan ng lalong loob na looban, at sa loob.
Kaya mangyayari na kapag pumasok sila sa mga tarangkahan ng panloob na patyo, kailangan nilang magsuot ng mga linong damit, sapagkat hindi sila dapat pumasok sa loob na nakasuot ng lana sa mga tarangkahan ng panloob na patyo at sa tahanang ito.
18 Sila'y mangagpupugong ng kayong lino sa kanilang mga ulo, at mangagtatapi ng kayong lino sa kanilang mga balakang; hindi sila mangagbibigkis ng anomang nakapagpapapawis.
Kailangang mayroong mga linong turbante sa kanilang mga ulo at linong pamigkis sa kanilang mga balakang. Hindi sila dapat magsuot ng mga damit na nagpapapawis sa kanila.
19 At pagka kanilang lalabasin ang mga tao sa looban sa labas, ng bahay, kanilang huhubarin ang kanilang mga kasuutan na kanilang ipinangangasiwa, at ilalagay nila ang mga ito sa mga banal na silid; at mangagsusuot sila ng ibang mga kasuutan, upang huwag nilang banalin ang mga tao ng kanilang mga kasuutan.
Kapag lumabas sila sa panlabas na patyo upang pumunta sa mga tao, kailangan nilang hubarin ang damit na isinuot nila nang maglingkod sila; dapat nilang hubarin ang mga ito at ilagay sa isang banal na silid, upang hindi nila gawing banal ang ibang mga tao sa pamamagitan ng pagsagi sa kanilang natatanging kasuotan.
20 Ni aahitan man nila ang kanilang mga ulo, ni titiisin man ang kanilang buhok ay humaba; kanila lamang gugupitan ang kanilang mga ulo.
Hindi rin nila dapat ahitin ang kanilang mga ulo, ni hayaang nakalugay ang kanilang buhok, ngunit dapat nilang gupitin ang kanilang buhok sa kanilang mga ulo.
21 Ni iinom ng alak ang sinomang saserdote pagka sila'y magsisipasok sa lalong loob na looban.
Walang pari ang maaaring uminom ng alak kapag pumunta siya sa panloob na patyo,
22 Ni mangagaasawa man sa babaing bao, o sa inihiwalay man: kundi sila'y magaasawa ng mga dalaga sa lahi ng sangbahayan ni Israel, o ng babaing bao na nabao sa saserdote.
ni kumuha ng isang balo o isang babaeng hiwalay sa asawa bilang kaniyang asawa, ngunit isang birhen lamang mula sa hanay ng sambahayan ng Israel o isang balo na dating asawa ng isang pari.
23 At kanilang ituturo sa aking bayan ang pagkakaiba ng banal at ng karaniwan, at ipakikilala nila sa kanila ang marumi at malinis.
Sapagkat ituturo nila sa aking mga tao ang pagkakaiba sa pagitan ng banal at hindi banal. Ipapaalam nila sa kanila ang pagkakaiba ng marumi at malinis.
24 At sa pagtatalo ay magsisitayo sila upang magsihatol; ayon sa aking mga kahatulan ay kanilang hahatulan: at kanilang iingatan ang aking mga kautusan at ang aking mga palatuntunan sa lahat kong takdang kapistahan; at kanilang ipangingilin ang aking mga sabbath.
Sa isang alitan, mamamagitan sila upang humatol sa pamamagitan ng aking mga atas at dapat silang maging makatarungan. At pananatilihin nila ang aking mga kautusan at ang aking mga batas sa bawat pista at ipagdiriwang nila ang aking mga banal na Araw ng Pamamahinga.
25 At hindi sila magsisilapit sa alin mang patay na tao na mangagpakahawa; nguni't sa ama, o sa ina, o sa anak na lalake, o babae, sa kapatid na lalake, o babae na hindi nagkaasawa, maaaring mangagpakahawa sila.
Hindi sila dapat pumunta sa isang patay na tao upang maging marumi, maliban lamang kung ama o ina nila ito, anak na lalaki o anak na babae, kapatid na lalaki o kapatid na babae na hindi pa nakisiping sa isang lalaki; dahil kung hindi, magiging marumi sila.
26 At pagkatapos na siya'y malinis, sila'y bibilang sa kaniya ng pitong araw.
Pagkatapos maging marumi ng isang pari, magbibilang ang mga tao ng pitong araw para sa kaniya.
27 At sa kaarawan na siya'y pumasok sa santuario, sa lalong loob na looban upang mangasiwa sa santuario, siya'y maghahandog ng kaniyang handog dahil sa kasalanan, sabi ng Panginoong Dios.
Bago ang araw ng pagpunta niya sa banal na lugar, sa panloob na patyo upang maglingkod sa banal na lugar, dapat siyang magdala ng isang handog dahil sa kasalanan para sa kaniyang sarili— Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh.
28 At sila'y mangagkakaroon ng mana; ako'y kanilang mana; at hindi ninyo bibigyan sila ng pag-aari sa Israel; ako'y kanilang pag-aari.
At ito ang kanilang mana: Ako ang magiging mana nila! Kaya hindi ninyo dapat sila bigyan ng ari-arian sa Israel; Ako ang kanilang ari-arian!
29 Sila'y magsisikain ng handog na harina, at ng handog dahil sa kasalanan, at ng handog dahil sa pagkakasala; at bawa't bagay na itinalaga sa Israel ay magiging kanila.
Kakainin nila ang mga handog na pagkain, ang mga handog dahil sa kasalanan at ang mga handog dahil sa pagkakasala; magiging pag-aari nila ang lahat ng mga bagay na inilaan kay Yahweh sa Israel.
30 At ang una sa lahat na unang bunga ng bawa't bagay, at lahat na alay na bawa't bagay, sa lahat ninyong mga alay ay magiging sa saserdote: inyo rin namang ibibigay sa mga saserdote ang una sa inyong masa upang pagpalain ang inyong bahay.
Ang pinakamainam na mga unang bunga ng lahat ng mga bagay at ang bawat ambag, anumang bagay na magmumula sa lahat ng inyong mga ambag ay magiging pag-aari ng mga pari, at ibibigay ninyo ang pinakamainam ninyong handog na pagkain sa mga pari upang manatili ang pagpapala sa inyong tahanan.
31 Ang mga saserdote ay hindi kakain ng anomang bagay na namamatay sa kaniyang sarili, o nalapa, maging ibon o hayop man.
Hindi kakain ang mga pari ng anumang patay na hayop o hayop na ginutay-gutay ng mabangis na hayop, maging ibon o mabangis na hayop.

< Ezekiel 44 >