< Ezekiel 32 >
1 At nangyari, nang ikalabing dalawang taon, nang ikalabing dalawang buwan, nang unang araw ng buwan, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi:
2 Anak ng tao, panaghuyan mo si Faraong hari sa Egipto, at sabihin mo sa kaniya, Ikaw ay kawangis ng isang batang leon sa mga bansa; gayon man ikaw ay parang malaking hayop sa mga dagat; at ikaw ay sumagupa sa iyong mga ilog, at nilabo mo ng iyong mga paa ang tubig, at dinumhan mo ang kanilang mga ilog.
3 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Aking ilaladlad ang aking lambat sa iyo na kasama ng isang pulutong ng maraming tao; at iaahon ka nila sa aking lambat.
4 At iiwan kita sa lupain, ihahagis kita sa luwal na parang, at aking padadapuin sa iyo ang lahat ng mga ibon sa himpapawid, at aking bubusugin sa iyo ang mga hayop ng buong lupa.
5 At aking ilalagay ang iyong laman sa ibabaw ng mga bundok, at pupunuin ko ang mga libis ng iyong kataasan.
6 Akin namang didiligin ng iyong dugo ang lupain na iyong nilalanguyan, hanggang sa mga bundok; at ang mga daan ng tubig ay mapupuno.
7 At pagka ikaw ay aking nautas, aking tatakpan ang langit, at padidilimin ko ang mga bituin niyaon; aking tatakpan ng alapaap ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag.
8 Lahat na maningning na liwanag sa langit ay aking padidilimin sa iyo, at tatakpan ko ng kadiliman ang iyong lupain, sabi ng Panginoong Dios.
9 Akin namang papaghihirapin ang puso ng maraming bayan, pagka aking dadalhin ang iyong kagibaan sa gitna ng mga bansa, sa mga lupain na hindi mo nakilala.
10 Oo, aking papanggigilalasin ang maraming bayan sa iyo, at ang kanilang mga hari ay lubhang matatakot sa iyo, pagka aking ikinumpas ang aking tabak sa harap nila; at sila'y manginginig tuwituwina, bawa't tao dahil sa kaniyang sariling buhay sa kaarawan ng iyong pagkabuwal.
11 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ang tabak ng hari sa Babilonia ay darating sa iyo.
12 Sa pamamagitan ng mga tabak ng makapangyarihan ay aking ipabubuwal ang iyong karamihan; kakilakilabot sa mga bansa silang lahat: at kanilang wawalaing halaga ang kapalaluan ng Egipto, at ang buong karamihan niyao'y malilipol.
13 Akin din namang lilipuling lahat ang mga hayop niyaon mula sa siping ng maraming tubig; at hindi na lalabukawin pa man ng paa ng tao, o ang kuko man ng mga hayop ay magsisilabukaw sa mga yaon.
14 Kung magkagayo'y aking palilinawin ang kanilang tubig, at aking paaagusin ang kanilang mga ilog na parang langis, sabi ng Panginoong Dios.
15 Pagka aking gagawin ang lupain ng Egipto na sira at giba, na lupaing iniwan ng lahat na nangandoon, pagka aking sasaktan silang lahat na nagsisitahan doon kung magkagayon ay kanila ngang malalaman na ako ang Panginoon.
16 Ito nga ang panaghoy na kanilang itataghoy; na itataghoy ng mga anak na babae ng mga bansa; sa Egipto, at sa lahat na kaniyang karamihan ay itataghoy nila, sabi ng Panginoong Dios.
17 Nangyari rin nang ikalabing dalawang taon, nang ikalabing limang araw ng buwan, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin na nagsasabi,
18 Anak ng tao, taghuyan mo ang karamihan ng Egipto, at ibaba mo sila, sa makatuwid baga'y siya, at ang mga anak na babae ng mga bantog na bansa, hanggang sa pinakamalalim na bahagi ng lupa, na kasama ng nagsibaba sa hukay.
19 Sinong iyong dinadaig sa kagandahan? bumaba ka, at malagay kang kasama ng mga di tuli.
20 Sila'y mangabubuwal sa gitna nila na nangapatay ng tabak: siya'y nabigay sa tabak: ilabas mo siya at ang lahat niyang karamihan.
21 Ang malakas sa gitna ng makapangyarihan ay magsasalita sa kaniya na mula sa gitna ng Sheol na kasama ng nagsitulong sa kaniya: sila'y nagsibaba, sila'y nangakatigil, sa makatuwid baga'y ang mga hindi tuli, na nangapatay ng tabak. (Sheol )
22 Ang Assur ay nandoon at ang buo niyang pulutong; ang kaniyang mga libingan ay nangasa palibot niya: silang lahat na nangapatay, na nangabuwal sa pamamagitan ng tabak;
23 Na ang mga libingan ay nangalalagay sa pinakamalalim na bahagi ng hukay, at ang kaniyang pulutong ay nasa palibot ng kaniyang libingan; silang lahat na nangapatay, na nangabuwal sa pamamagitan ng tabak, na nakapangingilabot sa lupain ng buhay.
24 Nandoon ang Elam at ang buo niyang karamihan sa palibot ng kaniyang libingan; silang lahat na nangapatay na nangabuwal sa pamamagitan ng tabak, na nagsibabang hindi mga tuli sa pinakamalalim na bahagi ng lupa, na nakapagpangilabot sila sa lupain ng buhay, at dinala ang kanilang kahihiyan na kasama ng nagsibaba sa hukay.
25 Inilagay nila ang kaniyang higaan sa gitna ng mga patay na kasama ng buong karamihan niya; ang kaniyang mga libingan ay nangasa palibot niya; silang lahat na di tuli na nangapatay sa pamamagitan ng tabak; sapagka't nakapagpangilabot sila sa lupain ng buhay, at dinala nila ang kanilang kahihiyan na kasama ng nagsibaba sa hukay: siya'y nalagay sa gitna niyaong nangapatay.
26 Nandoon ang Mesech, ang Tubal, at ang buo niyang karamihan; ang mga libingan niya ay nangasa palibot niya; silang lahat na hindi tuli, na nangapatay sa pamamagitan ng tabak; sapagka't sila'y nakapagpangilabot sa lupain ng buhay.
27 At sila'y hindi mangahihiga na kasama ng makapangyarihan na nangabuwal sa mga di tuli, na nagsibaba sa Sheol na may kanilang mga almas na pangdigma, at nangaglagay ng kanilang mga tabak sa ilalim ng kanilang mga ulo, at ang kanilang mga kasamaan ay nangasa kanilang mga buto; sapagka't sila ang kakilabutan ng makapangyarihan sa lupain ng buhay. (Sheol )
28 Nguni't ikaw ay mabubuwal sa gitna ng mga di tuli, at ikaw ay mahihiga na kasama nila na nangapatay sa pamamagitan ng tabak.
29 Nandoon ang Edom, ang kaniyang mga hari at lahat niyang prinsipe, na sa kanilang kapangyarihan ay nangahiga na kasama ng nangapatay ng tabak: sila'y mangahihiga na kasama ng mga di tuli, at niyaong nagsibaba sa hukay.
30 Nandoon ang mga prinsipe sa hilagaan, silang lahat, at lahat ng mga taga Sidon, na nagsibabang kasama ng nangapatay; sa kakilabutan na kanilang ipinangilabot ng kanilang kapangyarihan sila'y nangapahiya; at sila'y nangahihigang hindi tuli na kasama ng nangapapatay sa pamamagitan ng tabak, at taglay ang kanilang kahihiyan na kasama ng nagsibaba sa hukay.
31 Makikita sila ni Faraon, at maaaliw sa lahat niyang karamihan, sa makatuwid baga'y ni Faraon at ng buo niyang hukbo, na nangapatay ng tabak, sabi ng Panginoong Dios.
32 Sapagka't inilagay ko ang kaniyang kakilabutan sa lupain ng buhay; at siya'y ihihiga sa gitna ng mga di tuli, na kasama ng nangapatay ng tabak, si Faraon at ang buong karamihan niya, sabi ng Panginoong Dios.