< Ezekiel 2 >
1 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, tumayo ka ng iyong mga paa, at ako'y makikipagsalitaan sa iyo.
Sinabi sa akin ng tinig, “Anak ng tao, tumayo ka at magsasalita ako sa iyo.”
2 At ang Espiritu ay sumaakin nang siya'y magsalita sa akin, at itinayo ako sa aking mga paa; at aking narinig siya na nagsasalita sa akin.
At dinala ako ng Espiritu habang siya ay nagsasalita sa akin at itinayo niya ako, at narinig ko siyang nagsasalita sa akin.
3 At kaniyang sinabi sa akin, Anak ng tao, sinusugo kita sa mga anak ni Israel, sa mga bansa na mapanghimagsik, na nanganghimagsik laban sa akin: sila at ang kanilang mga magulang ay nagsisalangsang laban sa akin, hanggang sa kaarawan ngang ito.
Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, sinusugo kita sa mga tao ng Israel, sa suwail na bansang naghimagsik laban sa akin—nagkasala sila at ng kanilang mga ninuno laban sa akin hanggang sa panahong ito!
4 At ang mga anak ay walang galang at mapagmatigas na loob; sinusugo kita sa kanila: at iyong sasabihin sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios.
Ang kanilang mga kaapu-apuhan ay may mga matitigas na mukha at mga matitigas na puso. Isinusugo kita sa kanila. At sasabihin mo sa kanila, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh.'
5 At sila sa didinggin man nila, o sa itatakuwil man nila (sapagka't sila'y mapanghimagsik na sangbahayan), gayon man ay matatalastas nila na nagkaroon ng propeta sa gitna nila.
Makinig man sila o hindi sila makikinig. Sila ay suwail na sambahayan, ngunit malalaman man lamang nila na isang propeta ang kabilang sa kanila.
6 At ikaw, anak ng tao, huwag matakot sa kanila, o matakot man sa kanilang mga salita, bagaman maging mga dawag at mga tinik ang kasama mo, at bagaman ikaw ay tumatahan sa gitna ng mga alakdan: huwag kang matakot sa kanilang mga salita, o manglupaypay man sa kanilang mga tingin, bagaman sila'y mapanghimagsik na sangbahayan.
At ikaw, anak ng tao, huwag kang matakot sa kanila o sa kanilang mga salita. Huwag kang matakot, kahit na kasama mo ang mga dawag at mga tinik, at kahit na ikaw ay namumuhay kasama ng mga alakdan. Huwag kang matakot sa kanilang mga salita o panghinaan ng loob sa kanilang mga mukha, sapagkat sila ay suwail na sambahayan.
7 At iyong sasalitain ang aking mga salita sa kanila, sa didinggin, o sa itatakuwil man; sapagka't sila'y totoong mapanghimagsik.
Ngunit sasabihin mo sa kanila ang aking mga salita, makinig man sila o hindi, dahil sila ay napakasuwail.
8 Nguni't ikaw, anak ng tao, dinggin mo kung ano ang sinasabi ko sa iyo; huwag kang mapanghimagsik na gaya niyaong mapanghimagsik na sangbahayan; ibuka mo ang iyong bibig, at iyong kanin ang ibinibigay ko sa iyo.
Ngunit ikaw, anak ng tao, makinig ka sa sinasabi ko sa iyo. Huwag kang maging suwail tulad ng suwail na sambahayang iyon. Buksan mo ang iyong bibig at kainin ang ibibigay ko sa iyo!”
9 At nang ako'y tumingin, narito, isang kamay ay nakaunat sa akin; at narito, isang balumbon ay nandoon;
Pagkatapos, tumingin ako at isang kamay ang nag-abot sa akin, dito ay may kasulatang binalumbon.
10 At ikinadkad niya sa harap ko: at nasusulatan sa loob at sa labas; at may nakasulat doon na mga taghoy, at panangis, at mga daing.
Inilatag niya ito sa aking harapan, nasulatan ang harap at ang likod nito, at mga panaghoy, pagluluksa, at kapighatian ang nakasulat dito.