< Ezekiel 12 >

1 Ang salita rin ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
Dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi,
2 Anak ng tao, ikaw ay tumatahan sa gitna ng mapanghimagsik na sangbahayan, na may mga mata na maititingin, at hindi nagsisitingin, na may mga pakinig na maipakikinig, at hindi nangakikinig; sapagka't sila'y isang mapanghimagsik na sangbahayan.
“Anak ng tao, naninirahan ka sa kalagitnaan ng mapanghimagsik na sambahayan kung saan may mga mata sila upang makakita ngunit hindi sila nakakakita at kung saan may mga tainga sila upang makarinig ngunit hindi nakikinig dahil mapanghimagsik sila na sambahayan!
3 Kaya't ikaw na anak ng tao, maghanda ka ng daladalahan sa paglipat, at ikaw ay lumipat sa araw sa kanilang paningin; at ikaw ay lumipat mula sa iyong dako hanggang sa ibang dako sa kanilang paningin: baka sakaling sila'y magbulay, bagaman sila'y mapanghimagsik na sangbahayan.
Kaya ikaw, anak ng tao, ihanda mo ang iyong mga gamit para sa pagkakapatapon at simulan mong umalis sa umaga sa kanilang mga paningin, sapagkat sa kanilang mga paningin, ipapatapon kita mula sa iyong lugar patungo sa isa pang lugar. Marahil masisimulan nilang makita kahit pa mapanghimagsik sila na sambahayan.
4 At iyong ilalabas ang iyong daladalahan sa araw sa kanilang paningin, na parang daladalahan sa paglipat; at ikaw ay lalabas sa hapon sa kanilang paningin, na gaya ng kung ang mga tao ay nangapasasa pagkatapon.
At ilalabas mo sa umaga ang iyong mga gamit para sa pagkakatapon sa kanilang mga paningin, lumabas ka sa gabi sa kanilang mga paningin sa paraan kung paano maipapatapon ang sinuman.
5 Bumutas ka sa pader sa kanilang paningin, at iyong ilabas doon.
Maghukay ka ng isang butas sa pader sa kanilang mga paningin at lumabas ka sa pamamagitan nito.
6 Sa kanilang paningin ay iyong papasanin sa iyong balikat, at ilalabas sa pagdilim; iyong tatakpan ang iyong mukha, upang huwag mong makita ang lupa: sapagka't inilagay kita na pinakatanda sa sangbahayan ni Israel.
Sa kanilang mga paningin, pasanin mo ang iyong mga gamit sa iyong balikat at ilabas ang mga ito sa kadiliman. Takpan mo ang iyong mukha sapagkat hindi mo dapat makita ang lupain, yamang itinalaga kita bilang isang tanda sa sambahayan ng Israel.”
7 At aking ginawang gayon na gaya ng iniutos sa akin: aking inilabas ang aking daladalahan sa araw, na gaya ng daladalahan sa paglipat, at sa hapon ay bumutas ako ng aking kamay sa pader; aking inilabas sa dilim, at pinasan ko sa aking balikat sa kanilang paningin.
Kaya ginawa ko ito gaya ng inutos sa akin. Inilabas ko ang aking mga gamit ng pagkakatapon sa umaga at sa gabi naghukay ako ng butas sa pader gamit ang aking kamay. Inilabas ko sa kadiliman ang aking mga gamit at pinasan ko ang mga ito sa aking balikat sa kanilang mga paningin.
8 At nang kinaumagahan ay dumating ang salita ng Panginoon sa akin, na nagsasabi,
At noong madaling araw, dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi,
9 Anak ng tao, hindi baga ang sangbahayan ni Israel na mapanghimagsik na sangbahayan, ay nagsabi sa iyo, Anong ginagawa mo?
“Anak ng tao, hindi ba nagtatanong sa iyo ang sambahayan ng Israel, ang mapanghimagsik na sambahayang iyon kung, 'Ano ang iyong ginagawa?'
10 Sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ang hulang ito ay tungkol sa prinsipe sa Jerusalem, at sa buong sangbahayan ni Israel na kinalalakipan nila.
Sabihin mo sa kanila, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: para sa prinsipe ng Jerusalem ang gawain ng pagpapahayag na ito at sa lahat ng sambahayan ng Israel na kinalalakipan nila.'
11 Sabihin mo, Ako'y inyong tanda: kung ano ang aking ginawa, gayon ang gagawin sa kanila: sila'y mapapasa pagkatapon, sa pagkabihag.
Sabihin mo, 'Isa akong tanda sa inyo. Tulad ng aking ginawa, gayundin ang mangyayari sa kanila, maipapatapon sila at malalagay sa pagkabihag.
12 At ang prinsipe na nasa gitna nila ay magpapasan sa kaniyang balikat sa pagdilim, at lalabas: sila'y magsisibutas sa pader upang ilabas doon: siya'y magtatakip ng kaniyang mukha, sapagka't hindi niya makikita ang lupa ng kaniyang mga mata.
Papasanin ng kasama nilang prinsipe sa kaniyang mga balikat ang kaniyang mga gamit sa kadiliman at lalabas sa pamamagitan ng pader. Maghuhukay sila sa pader at ilalabas ang kanilang mga gamit. Tatakpan niya ang kaniyang mukha upang hindi niya makita ang lupain gamit ang kaniyang mga mata.'
13 Ang akin namang panilo ay aking ilaladlad sa kaniya, at siya'y mahuhuli sa aking silo; at aking dadalhin siya sa Babilonia sa lupain ng mga Caldeo; gayon ma'y hindi niya makikita, bagaman siya'y mamamatay roon.
Sasakluban ko siya ng aking lambat at mahuhuli siya sa aking bitag at dadalhin ko siya sa Babilonia, ang lupain ng mga Caldeo, ngunit hindi niya ito makikita. Doon siya mamamatay.
14 At aking pangangalatin sa bawa't dako ang lahat na nangasa palibot niya na nagsisitulong sa kaniya, at ang lahat niyang mga pulutong; at aking huhugutin ang tabak sa likuran nila.
Ikakalat ko rin sa lahat ng dako ang lahat ng mga nakapalibot sa kaniya na tutulong sa kaniya at ng kaniyang buong hukbo at magpapadala ako ng espada sa kanilang likuran.
15 At kanilang malalaman na ako ang Panginoon, pagka sila'y aking pinanabog sa gitna ng mga bansa, at aking pinangalat sa mga lupain.
At malalaman nila na Ako si Yahweh, kapag ikinalat ko sila sa mga bansa at pinaghiwa-hiwalay ko sila sa buong lupain.
16 Nguni't magiiwan ako ng kaunting lalake sa kanila, na maiiwan ng tabak, ng kagutom, at ng salot, upang kanilang maipahayag ang lahat na kanilang kasuklamsuklam sa gitna ng mga bansa na kanilang pinaroroonan; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.
Ngunit magtitira ako ng ilang mga kalalakihan sa kanila mula sa espada, taggutom at salot nang sa gayon ay maitala nila ang lahat ng kanilang mga kasuklam-suklam na mga gawain sa lupain kung saan ko sila dinala upang malaman nila na Ako si Yahweh!”
17 Bukod dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
Dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi,
18 Anak ng tao, kanin mo ang iyong tinapay na may panginginig, at inumin mo ang iyong tubig na may pangangatal at may pagkatakot;
“Anak ng tao, kainin mo ang iyong tinapay nang may panginginig at inumin mo ang iyong tubig nang may pangangatal at pag-aalala.
19 At sabihin mo sa bayan ng lupain, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios tungkol sa mga nananahan sa Jerusalem, at sa lupain ng Israel. Sila'y magsisikain ng kanilang tinapay na may pagkatakot, at nanglulupaypay na iinom ng tubig, upang ang kaniyang lupain ay masira na mawawalan ng lahat na nandoon, dahil sa pangdadahas nilang lahat na nagsisitahan doon.
At sabihin mo sa mga tao sa lupain, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh para sa mga naninirahan sa Jerusalem at sa lupain ng Israel: Kakainin nila ang kanilang tinapay nang may panginginig at iinumin ang kanilang tubig habang nangangatal, yamang masasamsam ang lupain at kabuuan nito dahil sa karahasan ng lahat ng mga naninirahan doon.
20 At ang mga bayan na tinatahanan ay mawawasak, at ang lupain ay masisira; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.
Kaya mapapabayaan ang mga pinaninirahang lungsod at magiging kaparangan ang lupain; kaya malalaman ninyo na Ako si Yahweh!'”
21 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
Muling dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi,
22 Anak ng tao, ano ang kawikaang ito na sinasambit ninyo sa lupain ng Israel, na sinasabi, Ang mga kaarawan ay tumatagal, at ang bawa't pangitain ay nabubulaanan?
“Anak ng tao, ano itong kasabihang mayroon kayo sa lupain ng Israel na nagsasabing, 'Matagal pa ang mga araw at hindi natutupad ang bawat pangitain?'
23 Saysayin mo nga sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Aking papaglilikatin ang kawikaang ito, at hindi na sasambitin pang parang kawikaan sa Israel; kundi sabihin mo nga sa kanila, Ang mga kaarawan ay malapit na, at ang pagtupad ng lahat na pangitain.
Kaya sabihin mo sa kanila, 'Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Lalagyan ko ng katapusan ang kasabihang ito upang hindi na ito magamit pa ng mga Israelita kailanman.' At ipahayag mo sa kanila, 'Nalalapit na ang mga araw at maihahayag ang bawat pangitain!'
24 Sapagka't hindi na magkakaroon pa ng walang kabuluhang pangitain o ng di tunay na panghuhula sa loob ng sangbahayan ni Israel.
Sapagkat hindi na magkakaroon ng anumang mga pangitaing hindi totoo o mga pagtatanging panghuhula sa loob ng sambahayan ng Israel.
25 Sapagka't ako ang Panginoon: ako'y magsasalita, at ang salita na aking sasalitain ay matutupad: hindi na magluluwat pa: sapagka't sa inyong mga kaarawan, Oh mapanghimagsik na sangbahayan, aking sasalitain ang salita, at aking tutuparin, sabi ng Panginoong Dios.
Sapagkat ako si Yahweh! Nagsasalita ako at isinasagawa ko ang lahat ng mga salitang sinasabi ko. Hindi na magtatagal ang bagay na ito. Sapagkat ihahayag ko ang mga salitang ito sa inyong mga araw, kayo na mga mapanghimagsik na sambahayan, at isasagawa ko ang mga ito! —Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh.”
26 Muling ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
Muling dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi,
27 Anak ng tao, narito, silang nasa sangbahayan ni Israel ay nagsasabi, Ang pangitain na kaniyang nakikita ay sa malaong mga araw na darating, at nanghuhula ng mga panahong malayo.
“Anak ng tao, tingnan mo! 'Sinabi ng sambahayan ng Israel, 'Matagal pang mangyayari mula sa araw na ito ang pangitain na kaniyang nakikita at matatagalan pa ang kaniyang mga ipinahayag.'
28 Kaya't sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Wala nang magluluwat pa sa aking mga salita, kundi ang salita na aking sasalitain ay matutupad, sabi ng Panginoon.
Kaya sabihin mo sa kanila, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Hindi na maaantala ang aking mga salita ngunit mangyayari ang mga salitang sinabi ko! —Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh!'”

< Ezekiel 12 >