< Exodo 37 >

1 At kahoy na akasia ang ginawang kaban ni Bezaleel: na may dalawang siko't kalahati ang haba niyaon, at may isang siko't kalahati ang luwang niyaon, at may isang siko't kalahati ang taas niyaon:
Gumawa si Bezalel ng kaban sa kahoy ng akasya. Ang haba nito ay dalawa at kalahating kubit; ang lapad nito ay isa at kalahating kubit at ang taas nito ay isa at kalahating kubit.
2 At kaniyang binalot ng taganas na ginto sa loob at sa labas, at iginawa ng isang kornisang ginto sa palibot.
Binalutan niya ang loob at labas nito ng purong ginto at ginawan niya ito ng gintong hangganan na nakapalibot sa ibabaw nito.
3 At ipinagbubo niya ng apat na argolyang ginto, sa apat na sulok niyaon; sa makatuwid baga'y dalawang argolya sa isang tagiliran.
Siya ay naghulma ng apat na mga singsing na ginto para sa apat na paa nito, na mayroong dalawang singsing sa isang gilid nito, at dalawang singsing sa kabilang gilid.
4 At siya'y gumawa ng mga pingga na kahoy na akasia, at pinagbalot ng ginto.
Gumawa siya ng mga poste sa kahoy ng akasya at binalutan ang mga ito ng ginto.
5 At isinuot ang mga pingga sa mga argolya, sa mga tagiliran ng kaban, upang mabuhat ang kaban.
Nilagay niya ang mga poste sa mga singsing na nasa mga gilid ng kaban, para mabuhat ang kaban.
6 At gumawa siya ng isang luklukan ng awa na taganas na ginto: na may dalawang siko at kalahati ang haba, at may isang siko't kalahati ang luwang.
Gumawa siya ng takip ng luklukan ng awa na purong ginto. Ang haba nito ay dalawa at kalahating kubit at ang lapad ay isa at kalahating kubit.
7 At siya'y gumawa ng dalawang querubing ginto; na niyari niya sa pamukpok sa dalawang dulo ng luklukan ng awa;
Gumawa si Bezalel ng dalawang kerubim na minartilyong ginto para sa dalawang dulo ng takip ng luklukan ng awa.
8 Isang querubin sa isang dulo, at isang querubin sa kabilang dulo: na kaputol ng luklukan ng awa, ginawa niya ang mga querubin sa dalawang dulo.
Isang kerubim ay para sa isang dulo ng takip ng luklukan ng awa, at ibang kerubin ay para sa ibang dulo. Ginawa sila bilang isang piraso kasama ng takip ng luklukan ng awa.
9 At ibinubuka ng mga querubin ang mga pakpak na paitaas, na nalililiman ng kanilang mga pakpak ang luklukan ng awa, na nagkakaharap ang kanilang mga mukha; sa dakong luklukan ng awa nakaharap ang mga mukha ng mga querubin.
Binuka ng kerubim ang kanilang mga pakpak pataas at nagbibigay lilim sa takip ng luklukan ng awa kasama nila. Nakaharap ang kerubim sa bawat isa at nakatingin patungo sa gitna ng takip ng luklukan ng awa.
10 At ginawa rin niya ang dulang na kahoy na akasia; na may dalawang siko ang haba niyaon, at isang siko ang luwang niyaon, at isang siko't kalahati ang taas niyaon:
Gumawa si Bezalel ng mesa sa kahoy ng akasya. Ang haba nito ay dalawang kubit, ang lapad nito ay isang kubit at ang taas nito ay isa at kalahating kubit.
11 At binalot niya ng taganas na ginto, at iginawa niya ng isang kornisang ginto sa palibot.
Binalutan niya ito ng purong ginto at nilagyan ng isang hangganan na purong ginto sa paligid ng ibabaw.
12 At iginawa niya ng isang gilid na may isang kamay ang luwang sa palibot, at iginawa ng isang ginintong kornisa ang gilid sa palibot.
Gumawa siya ng nakapaligid na balangkas nito na isang dapal ang lapad na mayroong kalapit na gintong hangganan para sa balangkas.
13 At ipinagbubo ng apat na argolyang ginto, at inilagay ang mga argolya sa apat na sulok na ukol sa apat na paa niyaon.
Nagmolde siya ng apat na singsing na ginto at ikinabit ang mga singsing sa apat na sulok, kung saan naroon ang apat na mga paa.
14 Malapit sa gilid ang mga argolya, na daraanan ng mga pingga, upang mabuhat ang dulang.
Ang mga singsing ay nakakabit sa balangkas para magbigay ng lugar para sa mga poste, para mabuhat ang mesa.
15 At ginawa niya ang mga pingga na kahoy na akasia, at pinagbalot ng ginto, upang mabuhat ang dulang.
Ginawa niya ang mga poste mula sa kahoy ng akasya at binalutan ang mga ito ng ginto, para mabuhat ang mesa.
16 At ginawa niyang taganas na ginto ang mga kasangkapang nasa ibabaw ng dulang, ang mga pinggan niyaon, at ang mga kutsara niyaon, at ang mga tasa niyaon, at ang mga kopa niyaon, na pagbubuhusan.
Gumawa siya ng mga bagay na dapat nasa mesa—ang mga pinggan, mga kutsara, ang mga mangkok at mga pitsel na gagamitin para ibuhos ang mga handog. Ginawa niya ang mga ito ng purong ginto.
17 At kaniyang ginawa ang kandelero na taganas na ginto: niyari niya sa pamukpuk ang kandelero, ang tungtungan niyaon at ang haligi niyaon; ang mga kopa niyaon, ang mga globito niyaon, at ang mga bulaklak ay kaputol niyaon:
Gumawa siya ng ilawan na purong minartilyong ginto. Gumawa siya ng ilawan kasama ng tuntungan at baras nito. Ang mga baso nito, ang madahong tuntungan nito at mga bulaklak nito ay ginawa lahat sa isang piraso na kasama nito.
18 At may anim na sangang lumalabas sa dalawang tagiliran niyaon; tatlong sanga ng kandelero ay sa isang tagiliran, at tatlong sanga ng kandelero ay sa kabilang tagiliran:
Anim na mga sanga ang pinahaba mula sa gilid nito—tatlong mga sanga ang pinahaba sa isang gilid at tatlong sanga ng ilawan ang pinahaba mula sa kabilang gilid.
19 Tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa isang sanga, isang globito at isang bulaklak; at tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa kabilang sanga, isang globito at isang bulaklak; gayon sa anim na sangang lumalabas sa kandelero.
Ang unang sanga ay may tatlong baso na ginawa gaya ng bulaklak ng almendra, mayroong madahong tuntungan at bulaklak, at tatlong baso na ginawa katulad ng bulaklak ng almendra sa kabilang sanga na may madahong tuntungan at isang bulaklak. Ito ay katulad sa lahat ng anim na mga sangang pinahaba mula sa ilawan.
20 At sa kandelero'y may apat na kopang anyong bulaklak ng almendro, sangpu ng mga globito niyaon, at ng mga bulaklak niyaon:
Sa mismong ilawan, ang gitnang baras, mayroong apat na baso ginawa katulad ng mga bulaklak ng almendra kasama ng kanilang mga madahong tuntungan at ang mga bulaklak.
21 At may isang globito sa ilalim ng dalawa sa mga sanga na kaputol niyaon, at isang globito sa ilalim ng kabilang dalawa sa mga sanga na kaputol niyaon, at isang globito sa ilalim ng dalawang sanga na kaputol niyaon, sapagka't ang anim na sanga ay lumalabas doon.
Mayroong madahong tuntungan sa ilalim ng unang pares ng mga sanga—ginawang isang piraso ito, at isang madahong tuntungan sa pangalawang pares ng mga sanga—ginawa ring isang piraso ito. Sa parehong paraan ay mayroong madahong tuntungan sa ilalim ng pangatlong pares ng mga sanga, ginawang isang piraso ito. Magkatulad ito sa lahat ng anim na mga sangang pinahaba mula sa ilawan.
22 Ang mga globito at ang mga sanga ay kaputol ng kandelero: ang kabuoa'y isa lamang putol na yari sa pamukpok, taganas na ginto.
Ang kanilang mga madahong tuntungan at mga sanga lahat ay isang piraso ito, isang bahaging pinalong trabaho ng purong ginto.
23 At kaniyang ginawa ang mga ilawan niyaong pito, at ang mga pangipit niyaon, at ang mga pinggan niyaon, na taganas na ginto.
Gumawa si Bezalel ng ilawan at pitong mga ilawan nito, mga panipit nito at kanilang mga bandeha ng purong ginto.
24 Na isang talento na taganas na ginto ginawa niya, at ang lahat ng mga kasangkapan niyaon.
Ginawa niya ang ilawan at mga kagamitan sa isang talento ng purong ginto.
25 At kaniyang ginawa ang dambanang suuban na kahoy na akasia: isang siko ang haba niyaon, at isang siko ang luwang niyaon, parisukat at dalawang siko ang taas niyaon; ang mga anyong sungay niyaon ay kaputol din.
Gumawa si Bezalel ng altar ng insenso. Ginawa niya ito mula sa kahoy ng akasya. Ang haba nito ay isang kubit, at ang lapad ay isang kubit. Iyon ay parisukat at ang taas nito ay dalawang kubit. Ang mga sungay nito ay ginawa bilang isang piraso na kasama nito.
26 At kaniyang binalot ng taganas na ginto ang ibabaw niyaon, at ang mga tagiliran niyaon sa palibot, at ang mga anyong sungay niyaon: at kaniyang iginawa ng isang kornisang ginto sa palibot.
Binalutan niya ang altar ng insenso ng purong ginto—ang ibabaw, mga gilid nito, at mga sungay nito. Gumawa rin siya ng nakapalibot na gintong hangganan para dito.
27 At iginawa niya ng dalawang gintong argolya sa ilalim ng kornisa, sa dakong itaas ng dalawang panig, sa ibabaw ng dalawang panig, na pagsusuutan ng mga pingga upang mabuhat.
Gumawa siya ng dalawang gintong mga singsing para isama ito sa ilalim ng hangganan sa dalawang magkabilang mga gilid nito. Ang mga singsing ay tagahawak sa mga poste para mabuhat ang altar.
28 At kaniyang ginawa ang mga pingga na kahoy na akasia, at mga binalot na ginto.
Gumawa siya ng mga poste sa kahoy ng akasya at binalutan niya sila ng ginto.
29 At kaniyang ginawa ang banal na langis na pangpahid, at ang taganas na kamangyan na mainam na pabango ayon sa katha ng manggagawa ng pabango.
Ginawa niya ang banal na pangpahid na langis at ang purong pabango ng insenso, ang trabaho ng tagapagpabango.

< Exodo 37 >