< Exodo 35 >
1 At pinulong ni Moises ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel, at sinabi sa kanila, Ito ang mga salita na iniutos ng Panginoon, na inyong gagawin.
Tinipon ni Moises ang lahat ng mga mamamayang Israelita at sinabi sa kanila, “Ito ang mga bagay na iniutos ni Yahweh na gagawin ninyo.
2 Anim na araw na gagawa, datapuwa't ang ikapitong araw ay ipangingilin ninyo, isang sabbath na takdang kapahingahan sa Panginoon: sinomang gumawa ng anomang gawa sa araw na iyan ay papatayin.
Sa ikaanim na araw ang lahat ng gawain ay maaaring nagawa na, ngunit sa inyo, ang ikapitong araw ay dapat na banal na araw, ang Araw ng Pamamahinga ng ganap na pamamahinga, na banal kay Yahweh. Ang sinumang gagawa ng anumang gawain sa araw na iyon ay papatayin.
3 Huwag kayong magpapaningas ng apoy sa inyong buong tahanan sa araw ng sabbath.
Hindi kayo dapat magsisindi ng apoy saan man sa inyong mga tahanan sa Araw ng Pamamahinga.”
4 At sinalita ni Moises, sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, na sinasabi, Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon, na sinasabi,
Nangusap si Moises sa lahat ng mga mamamayang Israelita, sinabing, “Ito ang bagay na iniutos ni Yahweh.
5 Magsikuha kayo sa inyo ng isang handog na taan sa Panginoon; sinomang may kusang loob, ay magdala ng handog sa Panginoon; ginto, at pilak, at tanso;
Magdala ng handog para kay Yahweh, lahat kayo na may bukas na puso. Magdala ng handog kay Yahweh—ginto, pilak, tanso,
6 At kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at lino, at balahibo ng kambing;
asul, lila, at pulang tela at pinong lino; balahibo ng kambing;
7 At mga balat ng tupang lalake na tininang pula, at mga balat ng poka, at kahoy na akasia;
balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, balat ng dugong; kahoy na akasya;
8 At langis na pangilawan, at mga espesia sa langis na pangpahid, at sa mabangong kamangyan:
langis para sa ilawan ng santuwaryo, panghalo para sa langis na pampahid at ang mabangong insenso,
9 At mga batong onix, at mga batong pangkalupkop, na pang-epod, at pangpektoral.
batong onise at iba pang mahalagang bato na ilalagay sa efod at baluting pangdibdib.
10 At pumarito ang bawa't matalino sa inyo, at gawin ang lahat ng iniutos ng Panginoon;
Bawat bihasang lalaki sa inyo ay pumunta at gawin ang lahat na iniutos ni Yahweh—
11 Ang tabernakulo, ang tolda niyan, at ang takip niyan, ang mga kawit niyan, at ang mga tabla niyan, ang mga barakilan niyan, ang mga haligi niyan, at ang mga tungtungan niyan;
ang tabernakulo kasama ng tolda nito, ang pantakip nito, mga kawit nito, mga tabla, mga tukod, mga haligi at mga tuntungan;
12 Ang kaban, at ang mga pingga niyan, ang luklukan ng awa, at ang lambong ng tabing;
gayundin ang kaban kasama ng mga haligi nito, ang takip ng luklukan ng awa, at ang kurtina para matakpan ito.
13 Ang dulang at ang mga pingga niyan, at ang lahat ng kasangkapan niyan at ang tinapay na handog;
Dinala nila ang mesa kasama ng mga haligi nito, lahat ng mga kagamitan nito at ang tinapay ng presensya;
14 Ang kandelero rin naman na pangilaw, at ang mga kasangkapan niyan, at ang mga ilawan niyan, at ang langis na pangilawan;
ang ilawan para sa mga ilaw, mga palamuti nito, mga ilaw nito, at ang langis para sa mga ilaw;
15 At ang dambana ng kamangyan at ang mga pingga niyan, at ang langis na pangpahid, at ang mabangong kamangyan, at ang tabing na pangpintuan sa pintuan ng tabernakulo;
ang altar ng insenso at ang mga haligi nito, ang pampahid na langis at ang mabangong insenso; ang pambitin para sa pasukan ng tabernakulo;
16 Ang dambana ng handog na susunugin, sangpu ng salang tanso niyan, at lahat ng mga kasangkapan niyan, ang hugasan at ang tungtungan niyan;
ang altar para sa sinunog na handog na may rehas na bakal na tanso at ang haligi nito at mga kagamitan, at ang malaking palanggana kasama ng tuntungan nito.
17 Ang mga tabing sa looban, ang mga haligi niyan, at ang mga tungtungan ng mga iyan, at ang tabing sa pintuan ng looban;
Dinala nila ang mga pambitin para sa patyo kasama ng kaniyang mga haligi at mga tuntungan, at ang kurtina para sa pasukan ng patyo;
18 Ang mga tulos ng tabernakulo, at ang mga tulos ng looban, at ang mga panali ng mga iyan;
at ang mga tulos ng tolda para sa tabernakulo at patyo kasama ang mga lubid nito.
19 Ang mga mainam na yaring kasuutan sa pangangasiwa sa dakong banal, ang mga banal na kasuutan kay Aaron na saserdote, at ang mga kasuutan ng kaniyang mga anak, upang mangasiwa sa katungkulang saserdote.
Dinala nila ang mga mainam na hinabing kasuotan para sa paglilingkod sa banal na lugar, ang banal na kasuotan para kay Aaron na pari at kaniyang mga anak na lalaki para sila ay maglingkod bilang pari.”
20 At ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel ay umalis sa harap ni Moises.
Pagkatapos ang lahat ng mga lipi ng Israel ay umalis mula sa harapan ni Moises.
21 At sila'y lumapit, lahat ng tao na napukaw ang kalooban, at lahat na pinapagkusa ng sariling diwa, at nagdala ng panghandog sa Panginoon, sa gawain sa tabernakulo ng kapisanan, at sa buong ipaglilingkod at sa mga banal na kasuutan.
Bawat isa na ang puso ay napukaw at ang kaniyang espiritu ay naging handang pumunta at nagdala ng handog kay Yahweh para sa paggawa ng tabernakulo, lahat ng bagay na gagamitin sa paglilingkod nito, at para sa banal na kasuotan.
22 At sila'y naparoon, mga lalake at mga babae, yaong lahat na nagkaroon ng kusang loob, at nagdala ng mga espile, at ng mga hikaw, at ng mga singsing na panatak, at ng mga pulsera, ng madlang hiyas na ginto; sa makatuwid baga'y lahat na naghandog ng handog na ginto sa Panginoon.
Pumunta sila kasama ang mga lalaki at mga babae, lahat na may pusong handa. Nagdala sila ng mga panusok, mga hikaw, mga singsing, at mga palamuti, lahat ng uri ng gintong alahas. Iniharap nilang lahat ang mga alay na ginto kay Yahweh.
23 At bawa't taong may kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at lino, at balahibo ng mga kambing, at balat ng mga tupa na tininang pula, at ng mga balat ng poka, ay nangagdala.
Bawat isa na may asul, lila, o pulang tela, pinong lino, balahibo ng kambing, mga balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula o mga balat ng dugong ay dinala nila.
24 Ang lahat na naghandog ng handog na pilak at tanso, ay nagdala ng handog sa Panginoon: at lahat ng taong may kahoy na akasia na magagamit sa anomang gawa na paglilingkod ay nagdala.
Gumagawa ang bawat isa ng handog na pilak o tanso at dinala ito bilang handog kay Yahweh, at bawat isa na may kahoy na akasya para magamit sa anumang gawain ay dinala ito.
25 At lahat ng mga babaing matatalino ay nagsihabi ng kanilang mga kamay, at dinala ang kanilang mga hinabi, na kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at lino.
Ang bawat bihasang babae ay naghabi gamit ang kaniyang mga kamay at dinala ang kaniyang hinabi—asul, lila, o pulang sinulid, o pinong lino.
26 At lahat ng mga babae na napukaw ang kalooban, sa karunungan, ay nagsihabi ng balahibo ng mga kambing.
Lahat ng babae na ang mga puso ay pumukaw sa kanila at may kahusayan ay naghabi ng buhok ng kambing.
27 At ang mga pinuno ay nagdala ng mga batong onix, at ng mga batong pangkalupkop na gamit sa epod, at sa pektoral;
Ang mga pinuno ay nagdala ng batong oniks at iba pang mahalagang bato para ilagay sa epod at sa baluti;
28 At ng mga espesia, at ng langis; na pangilawan, at langis na pangpahid, at pangmabangong kamangyan.
Nagdala sila ng panghalo at langis para sa ilawan, para sa pangpahid na langis, at para sa mabangong insenso.
29 Ang mga anak ni Israel ay nagdala ng kusang handog sa Panginoon; bawa't lalake at babae, na ang puso'y nagkusang nagpadala ng magagamit sa lahat na gawain, na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises na gawin.
Ang mga Israelita ay kusang-loob na nagdala ng handog kay Yahweh; ang bawat lalaki at babae na may pusong handa ay nagdala ng mga kagamitan para sa lahat ng gawain na iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises na gagawin.
30 At sinabi ni Moises sa mga anak ni Israel, Tingnan ninyo, tinawag ng Panginoon sa pangalan si Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ni Juda;
Sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Tingnan ninyo, tinawag ni Yahweh sa pangalan si Bezalel na anak ni Uri, anak na lalaki ni Hur, mula sa lipi ni Juda.
31 At kaniyang pinuspos siya ng Espiritu ng Dios, tungkol sa karunungan, sa pagkakilala, at sa kaalaman, at sa lahat ng sarisaring gawain;
Pinuspos niya si Bezalel ng kaniyang Espiritu, para bigyan siya ng karunungan, pang-unawa at kaalaman sa lahat ng gawaing pansining,
32 At upang kumatha ng mga gawang kaayaaya, na gumawa sa ginto, at sa pilak, at sa tanso,
para gumawa ng masining na disenyo na gawa sa ginto, pilak at tanso;
33 At sa pagputol ng mga batong pangkalupkop, at sa pagukit sa kahoy, na gumawa sa lahat ng sarisaring maiinam na gawa.
gayundin ang pagputol at paglagay ng mga bato at pag-ukit sa kahoy—sa paggawa ng lahat ng uri ng disenyo at gawaing pansining.
34 At isinapuso niya ang katalinuhan, na siya'y makapagturo, siya at gayon din si Aholiab, na anak ni Ahisamac, sa lipi ni Dan.
Inilagay niya sa kaniyang puso para magturo, siya at si Oholiab na anak ni Ahisamac, mula sa lipi ni Dan.
35 Sila'y kaniyang pinuspos ng karunungan sa puso upang gumawa ng lahat na sarisaring gawa, ng taga-ukit, at tagakatha, at ng mangbuburda sa kayong bughaw, at sa kulay-ube, sa pula, at sa lino, at ng manghahabi, ng mga gumagawa ng anomang gawain, at ng mga kumakatha ng maiinam na gawa.
Sila ay pinuspos niya ng kakayahan para gumawa ng lahat ng uri ng gawain, para maging taga-gawa ng sining, mga mag-uukit, tagaburda ng asul, lila at pinong lino, at bilang manghahabi. Sila ay manggagawa ng sining sa lahat ng uri ng gawain at sila ay masining na mga taga-disenyo.