< Exodo 31 >
1 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,
2 Tingnan mo aking tinawag sa pangalan si Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ni Juda:
3 At aking pinuspos siya ng Espiritu ng Dios, sa karunungan at pagkakilala, at kaalaman, at sa lahat ng sarisaring gawain,
4 Upang kumatha ng mga gawang kaayaaya, upang gumawa sa ginto, at sa pilak, at sa tanso,
5 At upang umukit ng mga batong pangkalupkop, upang gumawa ng mga nililok na kahoy, at upang gumawa sa lahat na sarisaring gawain.
6 At ako, narito, aking inihalal na kasama niya si Aholiab, na anak ni Ahisamac sa lipi ni Dan; at sa puso ng lahat na maalam na puso, ay aking isinilid ang karunungan, upang magawa nila ang lahat ng aking iniutos sa iyo:
7 Ang tabernakulo ng kapisanan at ang kaban ng patotoo, at ang luklukan ng awa na nasa ibabaw niyaon, at ang lahat ng kasangkapan ng Tolda:
8 At ang dulang at ang mga sisidlan niyaon at ang kandelerong dalisay, sangpu ng lahat na mga sisidlan; at ang dambana ng kamangyan;
9 At ang dambana ng handog na susunugin sangpu ng lahat ng mga sisidlan niyaon, at ang hugasan at ang tungtungan niyaon;
10 At ang mga kasuutang mabuting yari, at ang mga banal na kasuutan na pangsuot kay Aarong saserdote, at ang mga kasuutan sa kaniyang mga anak, upang mangasiwa sa katungkulang saserdote;
11 At ang langis na pangpahid, at ang kamangyan na mabangong mga kamangyan na itataan sa dakong banal: ayon sa lahat na iniutos ko sa iyo ay kanilang gagawin.
12 At ang Panginoo'y nagsalita kay Moises, na sinasabi,
13 Salitain mo rin sa mga anak ni Israel, na iyong sabihin, Katotohanang ipangingilin ninyo ang aking mga sabbath; sapagka't isang tanda sa akin at sa inyo sa buong panahon ng inyong mga lahi, upang inyong makilala na ako ang Panginoon na nagpapabanal sa inyo.
14 Inyong ipangingilin ang sabbath nga; sapagka't yao'y pangilin sa inyo: bawa't lumapastangan ay walang pagsalang papatayin: sapagka't sinomang gumawa ng anomang gawa sa araw na yaon, ay ihihiwalay ang taong yaon sa kaniyang bayan.
15 Anim na araw na gagawin ang gawain; datapuwa't ang ikapitong araw ay sabbath na takdang kapahingahan, pangilin sa Panginoon: sinomang gumawa ng anomang gawa sa araw ng sabbath, ay walang pagsalang papatayin.
16 Kaya't ang mga anak ni Israel ay mangingilin ng sabbath, na tutuparin ang sabbath sa buong panahon ng kanilang mga lahi, na pinakapalaging tipan.
17 Ito'y isang tanda sa akin at sa mga anak ni Israel magpakailan man: sapagka't sa anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, at sa ikapitong araw, ay nagpahinga at naginhawahan.
18 At kaniyang ibinigay kay Moises, pagkatapos na makipagsalitaan sa kaniya sa ibabaw ng bundok ng Sinai, ang dalawang tapyas ng patotoo, na mga tapyas na bato, na sinulatan ng daliri ng Dios.