< Exodo 22 >

1 Kung ang isang lalake ay magnakaw ng isang baka, o ng isang tupa at patayin, o ipagbili: ay kaniyang pagbabayaran ng limang baka ang isang baka, at ng apat na tupa ang isang tupa.
Kung magnakaw ang isang lalaki ng isang baka o isang tupa at pinatay niya o ipinagbili ito, pagkatapos dapat siyang magbayad ng limang baka para sa isang baka, at apat na tupa para sa isang tupa.
2 Kung ang isang magnanakaw ay masumpungan, na naninira, at masaktan na ano pa't namatay ay hindi aariing mamamataytao ang pumatay.
Kung ang magnanakaw ay natagpuang naninira, at kung nasaktan at siya ay namatay, sa ganoong kaso walang sinuman ang ituturing na may sala sa kaniyang kamatayan.
3 Kung sikatan siya ng araw, ay aariin siyang mamamataytao; siya'y dapat magsauli ng kabayaran: kung siya'y wala ay ipagbibili siya dahil sa kaniyang ninakaw.
Pero kung sumikat ang araw bago niya sinira, salang pagpatay ng tao ang ipapataw sa taong pumatay sa kaniya. Ang magnanakaw ay dapat gumawa ng pagbabayad-pinsala. Kung wala siyang pag-aari, pagkatapos dapat siyang ipagbili dahil sa kaniyang pagnanakaw.
4 Kung ang ninakaw ay masumpungang buhay sa kaniyang kamay, maging baka, o asno, o tupa, ay magbabayad siya ng ibayo.
Kung ang ninakaw na hayop ay natagpuang buhay sa kaniyang pag-aari, maging ito ay isang asno, o isang tupa, dapat siyang magbayad ng doble.
5 Kung ang sinoman ay magpastol sa isang bukid, o sa isang ubasan, at pawalan ang kaniyang hayop at pastulin sa bukid ng iba; sa pinakamainam sa kaniyang sariling parang, at sa pinakamainam sa kaniyang sariling ubasan, ay sasaulian niya.
Kung magpapastol ang isang lalaki ng kaniyang mga baka sa isang bukid o sa ubasan at hinayaang nakakawala ang kaniyang hayop, at kumain ito sa bukid ng ibang tao, dapat siyang gumawa ng pagbabayad-pinsala mula sa pinakamainam sa kaniyang sariling bukid at mula sa pinakamainam sa kaniyang sariling ubasan.
6 Kung may magningas na apoy, at magtangay ng mga tinik, na ano pa't ang mga mandala, o ang mga uhay, o ang bukid ay masunog, ay tunay na magbabayad yaong nagpaningas ng apoy.
Kung kumalat ang apoy at kumalat sa mga tinik kaya ang mga nakasalansan na butil, o nakatayo na butil, o ang bukid ay natupok, siya na nagsimula ng apoy ay dapat siguraduhing gumawa ng pagbabayad-pinsala.
7 Kung ang sinoman ay magpatago sa kaniyang kapuwa ng salapi o pag-aari, at nakawin sa bahay ng taong yaon; kung masumpungan ang magnanakaw, ay magbabayad ng ibayo.
Kung magbibigay ng pera o ari-arian ang isang lalaki sa kaniyang kapitbahay para sa ligtas na pag-iingat, at kung ito ay ninakaw mula sa bahay ng lalaki, kung natagpuan ang magnanakaw, ang magnanakaw na iyon ay dapat magbayad ng doble.
8 Kung hindi masumpungan ang magnanakaw, ay lalapit ang may-ari ng bahay sa Dios, upang maalaman kung hindi niya pinakialaman ang pag-aari ng kaniyang kapuwa.
Pero kung ang magnanakaw ay hindi natagpuan, pagkatapos ang may-ari ng bahay ay dapat humarap sa mga hukom para tingnan kung nilagay niya ang kaniyang sariling kamay sa pag-aari ng kaniyang kapitbahay.
9 Sapagka't lahat ng bagay na pagsalangsang, maging sa baka, sa asno, sa tupa, sa damit, o sa anomang bagay na nawala, na may magsabi, Ito nga ay akin; ay dadalhin sa harap ng Dios ang usap ng dalawa; yaong parurusahan ng Dios ay magbabayad ng ibayo sa kaniyang kapuwa.
Sa bawat pagtatalo tungkol sa isang bagay, maging ito ay baka, asno, tupa, damit o anumang nawawalang bagay tungkol sa kung alin ang sinasabi ng isa, “Kabilang ito sa akin,” ang pag-aangkin ng dalawang panig ay kailangang humarap sa mga hukom. Ang taong makitaan ng mga hukom na siyang may sala ay dapat magbayad ng doble sa kaniyang kapitbahay.
10 Kung ang sinoman ay maghabilin sa kaniyang kapuwa ng isang asno, o ng isang baka, o ng isang tupa, o ng anomang hayop; at mamatay, o masasaktan, o maagaw, na walang nakakakitang sinoman:
Kung magbibigay ng isang asno, isang baka, isang tupa o anumang hayop ang isang lalaki sa kaniyang kapitbahay para pangalagaan, at kung ito ay namatay o nasaktan o natangay ito nang walang sinumang nakakita,
11 Ay pamamagitanan silang dalawa ng pagsumpa sa Panginoon kung hindi niya pinakialaman ang pag-aari ng kaniyang kapuwa; at tatanggapin ng may-ari, at siya'y hindi magsasauli.
isang panunumpa kay Yahweh ang dapat nilang gawin, kung walang isang tao na naglagay sa kaniyang kamay sa pagmamay-ari ng kaniyang kapitbahay. Kailangang tanggapin ng may-ari ito at ang isa ay hindi na kailangang gumawa ng pagbabayad-pinsala.
12 Datapuwa't kung kaniyang ninakaw sa kaniya ay sasaulian niya ang may-ari niyaon.
Pero kung ninakaw ito mula sa kaniya, ang isa ay dapat gumawa ng pagbabayad-pinsala sa may-ari para dito.
13 Kung nalapa ay dadalhing pinakapatotoo, at hindi sasaulian ang nalapa.
Kung ang hayop ay nagkagutay-gutay, hayaan na dalhin ng isang tao ang hayop bilang katibayan. Hindi siya kailangang magbayad kung anuman ang nasira.
14 At kung ang sinoman ay humiram ng anoman sa kaniyang kapuwa, at masaktan, o mamatay, na hindi kaharap ang may-ari, ay walang pagsala na siya'y magsasauli.
Kung hihiram ang isang tao ng anumang hayop mula sa kaniyang kapitbahay at ang hayop ay nasaktan o namatay na hindi ito kasama ng may-ari, ang ibang tao ay dapat siguraduhing gumawa ng pagbabayad-pinsala.
15 Kung ang may-ari niyaon ay kaharap, ay hindi niya sasaulian; kung isang bagay na pinauupahan ay ihuhulog sa kaniyang kaupahan.
Pero kung ang may-ari ay kasama nito, ang ibang tao ay hindi na kailangan magbayad; kung inupahan ang hayop, ito ay babayaran sa pamamagitan ng kaniyang bayad paupahan.
16 At kung dayain ng isang lalake ang isang dalaga, na hindi pa niya nagiging asawa at kaniyang sipingan, ay tunay na kaniyang ipagbabayad ng bigay-kaya upang maging asawa niya.
Kung inaakit ng isang lalaki ang isang babaeng birhen na wala pang kasunduang magpakasal at kung siya ay kaniyang sinipingan, dapat siguraduhin niyang gawing asawa ang babae sa pamamagitan ng pagbabayad ng kasal-kayamanan na kinakailangan para dito.
17 Kung itangging mainam ng kaniyang ama na ibigay sa kaniya, ay magbabayad siya ng salapi, ayon sa bigay-kaya sa mga dalaga.
Kung ang kaniyang ama ay ganap na tumangging ibigay siya sa lalaki, ang lalaki ay dapat magbayad ng pera katumbas sa bayad-kayamanan ng mga birhen.
18 Huwag mong babatahing mabuhay ang isang babaing manggagaway.
Hindi ninyo dapat hayaang mabuhay ang isang babaeng mangkukulam.
19 Sinomang makiapid sa isang hayop ay papataying walang pagsala.
Sinumang sumiping sa isang hayop ay dapat siguradong malalagay sa kamatayan.
20 Yaong maghain sa anomang dios, maliban sa Panginoon lamang, ay lubos na papatayin.
Sinumang magsasakripisyo sa anumang diyos maliban kay Yahweh ay dapat ganap na wasakin.
21 At ang taga ibang lupa ay huwag mong aapihin, o pipighatiin man; sapagka't kayo'y naging taga ibang lupa sa lupain ng Egipto.
Huwag dapat ninyong gawan ng masama ang isang dayuhan o pagmalupitan siya, dahil naging mga dayuhan din kayo sa lupain ng Ehipto.
22 Huwag mong papagdadalamhatiin ang sinomang babaing bao, o ulila.
Huwag dapat ninyong apihin ang sinumang balo o mga batang ulila sa ama.
23 Kung iyong dalamhatiin sila sa anomang paraan, at sila'y dumaing sa akin, ay walang pagsala, na aking didinggin ang kanilang daing;
Kung sasaktan ninyo sila, at kung tumawag sila sa akin, na si Yahweh, siguradong pakikinggan ko ang kanilang tawag.
24 At ang aking pagiinit ay magaalab, at aking papatayin kayo ng tabak; at ang inyong mga asawa ay magiging mga bao, at ang inyong mga anak ay mga ulila.
Magliliyab ang aking galit, at papatayin ko kayo sa pamamagitan ng espada; ang inyong mga asawa ay magiging balo, at ang inyong mga anak ay magiging ulila sa ama.
25 Kung magpautang ka ng salapi sa kanino man sa aking bayan na kasama mo na dukha, huwag kang magpapakamanunubo sa kaniya ni hihingan mo man siya ng tubo.
Kung magpapahiram kayo ng pera sa sinuman sa aking mga tao sa gitna ninyo na mga mahihirap, hindi kayo dapat matulad sa isang nagpapatubo sa kaniya o singilin siya ng may tubo.
26 Kung iyong tanggapin sa anoman ang damit ng iyong kapuwa na pinakasangla, ay iyong isasauli sa kaniya bago lumubog ang araw;
Kung kukunin ninyo ang damit ng inyong kapitbahay bilang pangako, dapat ninyong isauli ito sa kaniya bago lumubog ang araw,
27 Sapagka't iyan ang kaniya lamang pangbihis, siyang kaniyang pangdamit sa kaniyang balat: ano ngang kaniyang ipangtutulog? at mangyayari, na pagka siya'y dumaing sa akin, ay aking didinggin; sapagka't ako'y mapagbiyaya.
dahil iyon lamang ang kaniyang tanging pantakip; ito ay ang kaniyang damit para sa kaniyang katawan. Ano pa ang kaniyang ipangtutulog? Kapag tumawag siya sa akin, pakikinggan ko siya, dahil ako ay mahabagin.
28 Huwag mong lalapastanganin ang Dios, ni susumpain man ang pinuno sa iyong bayan.
Hindi dapat ninyo ako nilalapastangan, ako na inyong Diyos, ni sumpain ang namumuno sa inyong bayan.
29 Huwag kang magmamakupad ng paghahandog ng iyong mga ani, at ng tulo ng iyong mga pigaan. Ang panganay sa iyong mga anak na lalake ay ibibigay mo sa akin.
Hindi dapat ninyo ipagkait ang inyong mga handog mula sa inyong ani o sa inyong pisaan ng ubas. Dapat ninyong ibigay sa akin ang panganay ng inyong mga anak na lalaki.
30 Gayon din ang gagawin mo sa iyong mga baka, at sa iyong mga tupa: pitong araw na mapapa sa kaniyang ina; sa ikawalong araw ay ibibigay mo sa akin.
Dapat din ninyong gawin sa inyong mga baka at sa inyong tupa. Dahil sa loob ng pitong araw mananatili sila sa kanilang mga ina, pero sa loob ng ikawalong araw dapat ninyong ibigay sila sa akin.
31 At kayo'y magpapakabanal na tao sa akin: na ano pa't huwag kayong kakain ng anomang laman, na nalapa ng ganid sa parang; inyong ihahagis sa mga asno.
Kayo ay magiging bayan na ibubukod para sa akin. Kaya huwag dapat kayong kumain ng anumang karne na ginutay-gutay ng mga hayop sa bukid. Sa halip, dapat ninyong itapon ito sa mga aso.

< Exodo 22 >