< Exodo 16 >
1 At sila'y naglakbay mula sa Elim, at ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel ay dumating sa ilang ng Sin, na nasa pagitan ng Elim at Sinai, nang ikalabing limang araw ng ikalawang buwan, pagkatapos na sila'y makaalis sa lupain ng Egipto.
Naglakbay ang mga tao mula sa Elim, at ang lahat ng komunidad ng mga Israelita ay nakarating sa ilang ng Sin, na nasa gitna ng Elim at Sinai, sa ikalabinlimang araw ng ikalawang buwan pagkatapos ng kanilang pag-alis sa lupain ng Ehipto.
2 At inupasala ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel si Moises at si Aaron sa ilang:
Ang buong komunidad ng mga Israelita ay nagreklamo laban kina Moises at Aaron sa ilang.
3 At sinabi sa kanila ng mga anak ni Israel, Namatay na sana kami sa pamamagitan ng kamay ng Panginoon sa lupain ng Egipto, nang kami ay nauupo sa tabi ng mga palyok ng karne, nang kami ay kumakain ng tinapay hanggang sa mabusog; sapagka't kami ay inyong dinala sa ilang na ito, upang patayin ng gutom ang buong kapisanang ito.
Sinabi sa kanila ng mga Israelita, “Kung namatay na lang sana kami sa kamay ni Yahweh sa lupain ng Ehipto nang kami ay nakaupo sa tabi ng mga palayok ng karne at kumakain ng tinapay hanggang sa mabusog. Pagkat dinala ninyo kami palabas dito sa ilang para patayin sa gutom ang aming buong komunidad.”
4 Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon kay Moises, Narito, kayo'y aking pauulanan ng pagkain mula sa langit; at lalabasin at pupulutin ng bayan araw-araw ang bahagi sa bawa't araw; upang aking masubok sila, kung sila'y lalakad ng ayon sa aking kautusan, o hindi.
Pagkatapos sinabi ni Yahweh kay Moises, “Magpapaulan ako ng tinapay mula sa langit para sa inyo. Ang mga tao ay lalabas at magtitipon ng pang isang araw na bahagi sa bawat araw para masubukan ko sila para makita kung sila ay lalakad o hindi sa aking batas.
5 At mangyayari sa ikaanim na araw, na sila'y maghahanda ng kanilang dala, na ibayo ng kanilang pinupulot sa araw-araw.
Mangyayari na sa ikaanim na araw, na magtitipon sila ng makalawang dami ng kung ano ang tinipon nila sa bawat naunang araw, at lulutuin nila kung ano ang dala nila.”
6 At sinabi ni Moises at ni Aaron sa lahat ng mga anak ni Israel, Sa kinahapunan, ay inyong malalaman, na ang Panginoon ay siyang naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto.
Pagkatapos ay sinabi nina Moises at Aaron sa lahat ng bayan ng Israel, “Sa gabi ay malalaman ninyong si Yahweh ang siyang nagdala sa inyo palabas mula sa lupain ng Ehipto.
7 At sa kinaumagahan, ay inyo ngang makikita ang kaluwalhatian ng Panginoon; sapagka't kaniyang naririnig ang inyong mga pagupasala laban sa Panginoon: at ano kami, na inyo kaming inuupasala?
Sa umaga ay makikita ninyo ang kaluwalhatian ni Yahweh, dahil naririnig niya ang inyong pagrereklamo laban sa kaniya. Sino ba kami para kayo ay magreklamo laban sa amin?”
8 At sinabi ni Moises, Ito'y mangyayari, pagbibigay ng Panginoon sa inyo sa kinahapunan ng karne na makakain, at sa kinaumagahan ng pagkain, na makabubusog; sapagka't naririnig ng Panginoon ang inyong mga pagupasala na inyong iniuupasala laban sa kaniya: at ano kami? ang inyong mga pagupasala ay hindi laban sa amin, kundi laban sa Panginoon.
Sinabi rin ni Moises, “Malalaman ninyo ito kapag binigyan kayo ni Yahweh ng karne sa gabi at tinapay sa umaga na sagana—dahil narinig niya ang mga reklamo na sinabi ninyo laban sa kanya. Sino ba si Aaron at ako? Ang inyong mga reklamo ay hindi laban sa amin; ang mga iyon ay laban kay Yahweh.”
9 At sinabi ni Moises kay Aaron, Sabihin mo sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, Lumapit kayo sa harap ng Panginoon; sapagka't kaniyang narinig ang inyong mga pagupasala.
Sinabi ni Moises kay Aaron, “Sabihin mo sa lahat ng komunidad ng bayan ng Israel, 'Lumapit kayo kay Yahweh, dahil narinig niya ang inyong mga reklamo.'”
10 At nangyari, pagkapagsalita ni Aaron sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, na sila'y tumingin sa dakong ilang, at, narito, ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa ulap.
Nangyari na habang nagsasalita si Aaron sa buong komunidad ng bayan ng Israel, tumingin sila sa dako ng ilang, at pagmasdan, ang kaluwalhatian ni Yahweh ay lumitaw sa ulap.
11 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,
Pagkatapos sinabi ni Yahweh kay Moises,
12 Aking narinig ang mga pagupasala ng mga anak ni Israel: salitain mo sa kanila, na iyong sasabihin, Sa kinahapunan ay kakain kayo ng karne, at sa kinaumagahan, ay magpapakabusog kayo ng tinapay; at inyong makikilala na ako ang Panginoon ninyong Dios.
“Narinig ko ang mga reklamo ng bayan ng Israel. Kausapin mo sila at sabihin, 'Sa gabi ay kakain kayo ng karne, at sa umaga ay mabubusog kayo ng tinapay. Pagkatapos malalaman ninyong ako ay si Yahweh, na inyong Diyos.'”
13 At nangyari sa kinahapunan na ang mga pugo ay nagsiahon at tinakpan ang kampamento at sa kinaumagahan, ay nalalatag sa palibot ng kampamento ang hamog.
Nangyari sa gabi na may dumating na mga pugo at natabunan ang kampo. Sa umaga ang hamog ay nalatag sa palibot ng kampo.
14 At nang paitaas na ang hamog na nalalatag na, narito, sa balat ng ilang ay may munting bagay na mabilog at munti na gaya ng namuong hamog sa ibabaw ng lupa.
Pagkawala ng hamog, doon sa ibabaw ng ilang ay may mga manipis na mumunting piraso na parang namuong hamog sa lupa.
15 At nang makita ng mga anak ni Israel, ay nagsangusapan, Ano ito? sapagka't hindi nila nalalaman kung ano yaon. At sinabi ni Moises sa kanila, Ito ang pagkain na ibinigay ng Panginoon sa inyo upang kanin.
Nang makita iyon ng bayan ng Israel, sinabi nila sa isa't isa, “Ano ito?” Hindi nila alam kung ano iyon. Sinabi ni Moises sa kanila, “Iyan ang tinapay na bigay ni Yahweh sa inyo para kainin.
16 Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon, Pumulot ang bawa't tao ayon sa kaniyang kain; isang omer sa bawa't ulo, ayon sa bilang ng inyong mga tao, ang kukunin ng bawa't tao para sa mga nasa kaniyang tolda.
Ito ang utos na ibinigay ni Yahweh sa inyo: 'Kayo ay dapat magtipon, bawat isa sa inyo, ng dami na kailangan ninyong kainin, isang omer sa bawat tao mula sa bilang ng inyong mga tao. Ganito ninyo titipunin iyon: Magtipon ng tama lang para kainin ng bawat taong naninirahan sa inyong tolda.'”
17 At gayon ginawa ng mga anak ni Israel, at may namulot ng marami, at may kaunti.
Ginawa iyon ng bayan ng Israel. Ang ilan ay nagtipon ng mas marami, ang ilan ay nagtipon ng mas kaunti.
18 At nang timbangin sa omer, ang namulot ng marami ay walang higit, at ang namulot ng kaunti ay hindi nagkulang; bawa't tao ay pumulot ng ayon sa kaniyang kain.
Nang sukatin nila iyon sa sukat ng omer, ang mga nagtipon ng mas marami ay walang anumang natira, ang mga nagtipon ng mas kaunti ay hindi nagkulang. Bawat tao ay nagtipon ng tama lamang para mapunan ang kanilang pangangailangan.
19 At sinabi ni Moises sa kanila, Huwag magtira niyaon ang sinoman ng hanggang sa umaga.
Pagkatapos sinabi ni Moises sa kanila, “Walang isa sa inyo ang dapat magtira ng anuman niyon hanggang umaga.
20 Gayon ma'y hindi sila nakinig kay Moises; kungdi ang iba sa kanila ay nagtira niyaon hanggang sa umaga, at inuod at bumaho; at naginit sa kanila si Moises.
“Pero hindi sila nakinig kay Moises. Ang ilan sa kanila ay nagtira ng kaunti nito hanggang umaga, pero ito ay inuod at bumaho. Kaya nagalit sa kanila si Moises.
21 At sila'y namumulot tuwing umaga, bawa't tao ayon sa kaniyang kain: at pagka ang araw ay umiinit na, ay natutunaw.
Sila ay nagtipon niyon kada umaga. Bawat tao ay nagtipon ng tama lang kainin para sa araw na iyon. Nang uminit ang araw, ito ay natunaw.
22 At nangyari, na nang ikaanim na araw, ay pumulot sila ng pagkain na ibayo ang dami, dalawang omer sa bawa't isa: at lahat ng puno sa kapisanan ay naparoon at nagsaysay kay Moises.
Nangyari na sa ikaanim na araw nagtipon sila ng dobleng dami ng tinapay, dalawang omer para sa bawat tao. Lahat ng mga pinuno ng komunidad ay pumunta at sinabi ito kay Moises.
23 At kaniyang sinabi sa kanila, Ito ang sinalita ng Panginoon, Bukas ay takdang kapahingahan, banal na sabbath sa Panginoon: ihawin ninyo ang inyong iihawin, at lutuin ninyo ang inyong lulutuin; at lahat na lalabis ay itago ninyo sa ganang inyo, na inyong itira hanggang sa kinabukasan.
Sinabi niya sa kanila, “Ito ang sinabi ni Yahweh: 'Bukas ay isang taimtim na pamamahinga, isang banal na Araw ng Pamamahinga para sa karangalan ni Yahweh. Maghurno kayo ng gusto ninyong hurnuin at maglaga ng gusto ninyong ilaga. Ang lahat nang matira, itabi ninyo para sa inyong mga sarili hanggang umaga.'”
24 At kanilang itinago hanggang sa kinaumagahan, gaya ng iniutos ni Moises: at hindi bumaho, ni nagkaroon ng anomang uod.
Kaya itinabi nila ito hanggang umaga, katulad ng tagubilin ni Moises. Ito ay hindi bumaho ni nagkaroon ng anumang uod.
25 At sinabi ni Moises, Kanin ninyo yaon ngayon; sapagka't ngayo'y sabbath na ipinangingilin sa Panginoon: ngayo'y hindi kayo makakasumpong sa parang.
Sinabi ni Moises, “Kainin ang pagkaing ito ngayon, pagkat ngayon ay isang araw na inilaan bilang Araw ng Pamamahinga para parangalan si Yahweh. Ngayon hindi kayo makakahanap nito sa mga bukid.
26 Anim na araw na inyong pupulutin; datapuwa't sa ikapitong araw ay sabbath, hindi magkakaroon.
Magtitipon kayo nito sa loob ng anim na araw, pero ang ikapitong araw ay Araw ng Pamamahinga. Sa Araw ng Pamamahinga ay walang manna.”
27 At nangyari sa ikapitong araw, na lumabas ang iba sa bayan upang mamulot, at walang nasumpungan.
Nangyari na sa ikapitong araw may ilan sa mga tao ang lumabas para magtipon ng manna, pero wala silang nahanap.
28 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Hanggang kailan tatanggihan ninyo ganapin ang aking mga utos at ang aking mga kautusan?
Pagkatapos sinabi ni Yahweh kay Moises, “Gaano katagal kayong tatangging sundin ang aking mga kautusan at mga batas?
29 Tingnan ninyo, na sapagka't ibinigay ng Panginoon sa inyo ang sabbath, kung kaya't kaniyang ibinibigay sa inyo sa ikaanim na araw ang pagkain ng sa dalawang araw; matira ang bawa't tao sa kaniyang kinaroroonan, huwag umalis ang sinoman sa kaniyang kinaroroonan, sa ikapitong araw.
Tingnan ninyo, Ako, si Yahweh ang nagbigay ng Araw ng Pamamahinga sa inyo. Kaya sa ikaanim na araw ay binibigyan ko kayo ng tinapay para sa dalawang araw. Bawat isa sa inyo ay dapat manatili sa kanyang sariling lugar; walang dapat lumabas mula sa kaniyang lugar sa ikapitong araw.”
30 Kaya ang bayan ay nagpahinga sa ikapitong araw.
Kaya nagpahinga ang mga tao sa ikapitong araw.
31 At yao'y pinanganlan ng sangbahayan ng Israel na Mana: at kaparis ng buto ng kulantro, maputi; at ang lasa niyaon ay kasinglasa ng manipis na tinapay na may pulot.
Tinawag ng mga tao ng Israel ang pagkaing iyon na “manna.” Ito ay maputi tulad ng buto ng kulantro at ang lasa ay parang apa na ginawang may pulot.
32 At sinabi ni Moises, Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon, Punuin ninyo ang isang omer ng mana, na inyong ingatan sa buong panahon ng inyong mga lahi; upang kanilang makita ang pagkain, na aking ipinakain sa inyo sa ilang nang kayo'y aking ilabas sa lupain ng Egipto.
Sinabi ni Moises, “Ito ang inutos ni Yahweh: 'Hayaang itago ang isang omer na manna para sa kabuuan ng salinlahi ng inyong bayan para ang inyong mga kaapu-apuhan ay maaring makita ang tinapay na pinakain ko sa inyo sa ilang, matapos na ilabas ko kayo mula sa lupain ng Ehipto.'”
33 At sinabi ni Moises kay Aaron, Kumuha ka ng isang palyok at sidlan mo ng isang omer na puno ng mana, at ilagay mo sa harap ng Panginoon, upang maingatan sa buong panahon ng inyong mga lahi.
Sinabi ni Moises kay Aaron, “Kumuha ka ng palayok at maglagay ng isang omer ng manna sa loob nito. Panatilihin ito sa harap ni Yahweh para itago para sa buong salinlahi ng bayan.
34 Kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises, ay gayon inilagay ni Aaron sa harap ng Patotoo upang ingatan.
Katulad ng inutos ni Yahweh kay Moises, itinago iyon ni Aaron katabi ng mga kautusang tipan sa loob ng kaban.
35 At ang mga anak ni Israel ay kumain ng mana na apat na pung taon, hanggang sa sila'y dumating sa lupaing tinatahanan; sila'y kumain ng mana hanggang sa sila'y dumating sa mga hangganan ng lupain ng Canaan.
Kumain ng manna ang bayan ng Israel sa loob ng apatnapung taon hanggang sa makarating sila sa lupaing may naninirahan. Kumain sila nito hanggang sa makarating sila sa mga hangganan ng lupain ng Canaan.
36 Ang isang omer nga ay ikasangpung bahagi ng isang efa.
Ngayon ang omer ay ikasampung bahagi ng epa.