< Exodo 10 >
1 At sinabi ng Panginoon kay Moises: Pasukin mo si Faraon, sapagka't aking pinapagmatigas ang kaniyang puso, at ang puso ng kaniyang mga lingkod; upang aking maipakilala itong aking mga tanda sa gitna nila:
Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Puntahan mo ang Paraon, dahil pinatigas ko ang kaniyang puso at ang mga puso ng kaniyang mga lingkod. Ginawa ko ito para maipakita ang mga palatandaan ng aking kapangyarihan sa kanila.
2 At upang iyong maisaysay sa mga pakinig ng iyong anak, at sa anak ng iyong anak, kung anong mga bagay ang ginawa ko sa Egipto, at ang aking mga tandang ginawa sa gitna nila; upang inyong maalaman, na ako ang Panginoon.
Ginawa ko rin ito para maikuwento mo sa iyong mga anak at mga apo ang mga bagay na ginawa ko, kung paano ko pinagmalupitan ang Ehipto, at kung paano ko binigay ang iba't-ibang mga palatandaan ng aking kapangyarihan sa kanila. Sa ganitong paraan malalaman mo na ako si Yahweh.”
3 At pinasok ni Moises at ni Aaron si Faraon at sinabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga Hebreo, Hanggang kailan tatanggi kang mangayupapa sa harap ko? payaunin mo ang aking bayan, upang ako'y mapaglingkuran nila.
Kaya pumunta sina Moises at Aaron sa Paraon at sinabi sa kaniya, “Sinabi ito ni Yahweh, ang Diyos ng mga Hebreo: 'Hanggang kailan mo tatanggihan ang pagpapakumbaba ng iyong sarili sa aking harapan? Hayaan mo nang umalis ang aking bayan para sumamba sila sa akin.
4 O kung tatanggihan mong payaunin ang aking bayan, ay narito, bukas ay magdadala ako ng mga balang sa iyong hangganan:
Pero kung tatanggihan mo na paalisin ang aking bayan, makinig ka, bukas magpapadala ako ng mga balang sa iyong lupain.
5 At kanilang tatakpan ang ibabaw ng lupa, na walang makakakita ng ibabaw ng lupa: at kanilang kakanin ang naiwan sa nangaligtas, na itinira sa inyo ng granizo, at kanilang kakanin ang bawa't kahoy na itinutubo sa inyo ng parang:
Tatakpan nila ang ibabaw ng lupain nang wala ni isang makakakita ng lupa. Kakainin nila ang mga tira ng anumang nakaligtas mula sa ulang may yelo. Kakainin din nila ang bawat puno na tumutubo para sa inyo sa mga bukid.
6 At ang inyong mga bahay ay mapupuno, at ang mga bahay ng lahat mong lingkod, at ang mga bahay ng mga Egipcio: na hindi nakita ng inyong mga magulang, mula nang araw na sila'y mapasa lupa hanggang sa araw na ito. At siya'y pumihit at nilisan si Faraon.
Pupunuin nila ang inyong mga tahanan, iyong lahat ng mga lingkod, at lahat ng mga taga-Ehipto—bagay na hindi pa kailanman nakita ng iyong ama maging ng iyong lolo, hindi pa kailanman nasaksihan mula noong araw na nasa mundo na sila hanggang sa kasalukuyan.'” Pagkatapos umalis si Moises at lumabas mula sa harap ni Paraon.
7 At sinabi sa kaniya ng mga lingkod ni Faraon, Hanggang kailan magiging isang silo sa atin ang taong ito? payaunin mo ang mga taong iyan upang sila'y makapaglingkod sa Panginoon nilang Dios: hindi mo pa ba natatalastas, na ang Egipto'y giba na?
Sinabi ng mga lingkod ni Paraon sa kaniya, “Gaano ba katagal na magiging pahamak ang taong ito sa atin? Hayaan mo nang umalis ang mga Israelita para makasamba kay Yahweh na kanilang Diyos. Hindi mo pa ba napagtanto na wasak na ang Ehipto?”
8 At si Moises at si Aaron ay pinapagbalik kay Faraon, at kaniyang sinabi sa kanila, Kayo'y yumaon, maglingkod kayo sa Panginoon ninyong Dios: datapuwa't sino sino yaong magsisiyaon?
Muling dinala sina Moises at Aaron sa Paraon, na siyang nagsabi sa kanila, “Sige, sambahin ninyo si Yahweh na inyong Diyos. Pero anong klaseng mga tao ba ang aalis?”
9 At sinabi ni Moises: Kami ay yayaon sangpu ng aming mga bata at sangpu ng mga matanda, sangpu ng aming mga anak na lalake at babae, sangpu ng aming mga kawan at sangpu ng aming mga bakahan, kami ay yayaon; sapagka't kami ay nararapat magdiwang ng isang pista sa Panginoon.
Sinabi ni Moises, “Aalis kami na kasama ang aming mga kabataan at ang aming mga matatanda, kasama ang aming mga anak na lalaki at mga anak na babae. Dadalhin din namin ang mga kawan at mga baka, dahil kailangan naming magdiwang para kay Yahweh.”
10 At kaniyang sinabi sa kanila, Sumainyo nawa ang Panginoon, na gaya ng aking pagpapayaon sa inyo, at sa inyong mga bata: magingat kayo; sapagka't ang kasamaan ay nasa harap ninyo.
Sinabi ng Paraon sa kanila, “Nawa'y samahan nga kayo ni Yahweh, kung sakali na paaalisin ko kayo at ang inyong maliliit na mga bata. Tingnan niyo, may sa kasamaan kayong iniisip.
11 Huwag ganyan: yumaon kayong mga lalake, at maglingkod sa Panginoon; sapagka't iyan ang inyong ninanasa. At sila'y pinaalis sa harap ni Faraon.
Hindi! Lumakad kayo, ang mga lalaki lamang na nasa inyo at sambahin si Yahweh, dahil iyan ang gusto ninyo.” Pagkatapos pinaalis sina Moises at Aaron sa harapan ni Paraon.
12 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Iunat mo ang iyong kamay sa lupain ng Egipto, upang magdala ng mga balang, at bumaba sa lupain ng Egipto, at kumain ng lahat na halaman sa lupain, yaong lahat na iniwan ng granizo.
Pagkatapos sinabi ni Yahweh kay Moises, “Iunat mo ang iyong mga kamay at ituon sa buong lupain ng Ehipto, at sa mga balang para lusubin nila ang lupain ng Ehipto at kainin ang bawat tanim na naroroon, lahat ng mga natira mula sa ulang may yelo.”
13 At iniunat ni Moises ang kaniyang tungkod sa lupain ng Egipto, at ang Panginoo'y nagpahihip ng hanging silanganan sa lupain ng buong araw na yaon, at ng buong gabi; at nang maumaga, ang hanging silanganan ay nagdala ng mga balang.
Iniunat ni Moises ng kaniyang tungkod sa buong lupain ng Ehipto, at nagdala si Yahweh ng silangang hangin sa lupain sa buong araw na iyon at sa buong gabi. Kinaumagahan, nagdala ang silangang hangin ng mga balang.
14 At ang mga balang ay bumaba sa buong lupain ng Egipto, at nagsipagpahinga sa lahat ng hangganan ng Egipto; totoong napakakapal; bago noon ay hindi nagkaroon ng gayong balang, at hindi na magkakaroon pa, pagkatapos noon, ng gayon.
Pumunta ang mga balang sa buong lupain ng Ehipto at pinugaran ang lahat ng bahagi nito. Napakaraming mga balang na kailanman ay hindi pa nakarating sa lupain at hindi na mauulit pa.
15 Sapagka't tinakpan ng mga yaon ang balat ng buong lupa, na ano pa't ang lupain ay nagdilim; at kinain ang lahat na halaman sa lupain, at ang lahat na bunga ng mga kahoy na iniwan ng granizo; at walang natirang anomang sariwang bagay, maging sa punong kahoy o sa halaman sa parang, sa buong lupain ng Egipto.
Tinakpan nila ang ibabaw ng buong lupain sa gayon nagdilim ito. Kinain nila ang bawat halaman na nasa lupain at ang lahat ng bunga ng mga punongkahoy na natira ng ulang may yelo. Walang natirang buhay na berdeng halaman o anumang punongkahoy o halaman sa mga bukid sa lahat ng lupain ng Ehipto.
16 Nang magkagayo'y tinawag na madali ni Faraon si Moises at si Aaron, at kaniyang sinabi, Ako'y nagkasala laban sa Panginoon ninyong Dios, at laban sa inyo.
Pagkatapos mabilis na pinatawag ng Paraon sina Moises at Aaron at sinabing, “Nagkasala ako laban kay Yahweh na inyong Diyos at laban sa inyo.
17 Ngayon nga'y ipatawad mo, isinasamo ko sa iyo, ang aking kasalanan, na ngayon na lamang at idalangin ninyo sa Panginoon ninyong Dios, na kaniya lamang ilayo sa akin ang kamatayang ito.
Kaya ngayon, patawarin ninyo ako sa aking kasalanan sa oras na ito, at idalangin ninyo kay Yahweh na inyong Diyos na kaniyang alisin ang kamatayang ito mula sa akin.”
18 At nilisan niya si Faraon, at nanalangin sa Panginoon.
Kaya lumabas si Moises mula sa harap ng Paraon at nanalangin kay Yahweh.
19 At pinapagbalik ng Panginoon ang isang napakalakas na hanging kalunuran, na siyang nagpaitaas sa mga balang, at tumangay ng mga yaon sa Dagat na Mapula; walang natira kahit isang balang sa buong hangganan ng Egipto.
Dinala ni Yahweh ang napakalakas na kanlurang hangin na dumampot sa mga balang at itinangay sila patungo sa Dagat ng mga Tambo; Wala ni isang balang ang natira sa buong lupain ng Ehipto.
20 Datapuwa't pinapagmatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon, at hindi niya pinayaon ang mga anak ni Israel.
Pero pinatigas ni Yahweh ang puso ni Paraon, at hindi pinaalis ni Paraon ang mga Israelita.
21 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Iunat mo ang iyong kamay sa dakong langit, upang magdilim sa lupain ng Egipto, ng kadiliman na mahihipo.
Pagkatapos sinabi ni Yahweh kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay patungo sa kalangitan, para magkaroon ng kadiliman sa buong lupain ng Ehipto, kadiliman na maaaring madama.”
22 At iniunat ni Moises ang kaniyang kamay sa dakong langit; at nagsalimuutan ang dilim sa buong lupain ng Egipto, na tatlong araw;
Iniunat ni Moises ang kaniyang kamay patungo sa kalangitan at nagkaroon ng makapal na kadiliman sa buong lupain ng Ehipto sa loob ng tatlong araw.
23 Sila'y hindi nagkikita, at walang tumindig na sinoman sa kinaroroonan sa loob ng tatlong araw; kundi lahat ng mga anak ni Israel ay nagilaw sa kanikaniyang tahanan.
Wala ni isang nakakakita ng sinuman; wala ni isang lumisan sa kanilang mga tirahan sa loob ng tatlong araw. Pero, mayroong ilaw ang lahat ng mga Israelita, sa lugar kung saan sila nakatira.
24 At tinawag ni Faraon si Moises, at sinabi, Yumaon kayo, maglingkod kayo sa Panginoon; inyo lamang iwan ang inyong mga kawan at ang inyong mga bakahan; isama rin naman ninyo ang inyong mga bata.
Pinatawag ng Paraon si Moises at sinabing, “Lumakad kayo at sambahin si Yahweh. Maaari na ring sumama sa inyo maging ang inyong mga pamilya, pero dapat maiwan ang inyong mga kawan at mga grupo ng mga hayop.”
25 At sinabi ni Moises, ikaw ay nararapat ding magbigay sa aming kamay ng mga hain at mga handog na susunugin, upang aming maihain sa Panginoon naming Dios.
Pero sinabi ni Moises, “Kailangan mo rin magbigay ng mga hayop para sa mga alay at sunog na mga handog para maihandog namin kay Yahweh na aming Diyos.
26 Ang aming hayop man ay yayaong kasama namin; wala kahit isang paa na maiiwan; sapagka't sa kanila kami nararapat kumuha ng aming ipaglilingkod sa Panginoon naming Dios; at hindi namin nalalaman kung ano ang aming nararapat ipaglingkod sa Panginoon, hanggang sa kami ay dumating doon.
Kailangan din naming isama ang aming mga baka; wala ni isang paa nila ang maiiwan, dahil kailangan namin silang dalhin para sa pagsamba kay Yahweh na aming Diyos. Dahil hindi namin alam kung ano ang aming kakailanganin sa pagsamba kay Yahweh hanggang sa makarating kami roon.”
27 Datapuwa't pinapagmatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon, at hindi niya pinayaon sila.
Pero pinatigas ni Yahweh ang puso ng Paraon at hindi niya sila hinayaang umalis. Sinabi ng Paraon kay Moises,
28 At sinabi ni Faraon sa kaniya, Umalis ka sa harap ko, iyong pagingatang huwag mo nang makitang muli ang aking mukha; sapagka't sa araw na iyong makita ang aking mukha ay mamamatay ka.
“Lumayo kayo sa akin! Mag-ingat sa isang bagay, nang hindi mo na ako muling makita, dahil sa araw na makita mo ang aking mukha, mamamatay ka.”
29 At sinabi ni Moises, Mabuti ang sabi mo, hindi ko na muling makikita ang iyong mukha.
Sinabi ni Moises, “Ikaw na mismo ang nagsalita. Hindi ko na muling makikita ang iyong mukha.”