< Ester 1 >
1 Nangyari nga, sa mga kaarawan ni Assuero, (ito ang Assuero na naghari, mula sa India hanggang sa Etiopia, sa isang daan at dalawang pu't pitong lalawigan: )
2 Na sa mga kaarawang yaon, nang maupo ang haring Assuero sa luklukan ng kaniyang kaharian, na nasa Susan na bahay-hari,
3 Sa ikatlong taon ng kaniyang paghahari, siya'y gumawa ng isang kapistahan sa kaniyang lahat na mga prinsipe, at mga lingkod niya; ang kapangyarihan ng Persia at Media, ang mga mahal na tao at mga prinsipe, ng mga lalawigan ay nangasa harap nga niya:
4 Nang kaniyang ipakita ang mga kayamanan ng kaniyang maluwalhating kaharian at ang karangalan ng kaniyang marilag na kamahalan na malaong araw, na isang daan at walong pung araw.
5 At nang maganap ang mga kaarawang ito, ang hari ay nagdaos ng isang kapistahan sa buong bayan na nangasa Susan na bahay-hari sa mataas at gayon din sa mababa, na pitong araw, sa looban ng halamanan ng bahay ng hari;
6 Na may tabing na kayong puti, verde, at bughaw, na naiipit ng mga panaling mainam na lino at ng kulay ube sa mga singsing na pilak at mga haliging marmol: na ang mga hiligan ay ginto at pilak, sa isang lapag na mapula, at maputi, at madilaw, at maitim na marmol.
7 At sila'y nangagbigay sa kanila ng inumin sa mga sisidlang ginto, (na ang mga sisidlan ay magkakaiba, ) at saganang alak hari, ayon sa kasaganaan ng hari.
8 At ang paginom ay ayon sa kautusan; walang pagpilit: sapagka't gayon ibinilin ng hari sa lahat na pinuno ng kaniyang bahay, na kanilang gawin ayon sa kalooban ng bawa't isa.
9 Si Vasthi na reina naman ay nagdaos ng kapistahan sa mga babae sa bahay-hari na ukol sa haring Assuero.
10 Nang ikapitong araw, nang masayahan ang puso ng hari sa pamamagitan ng alak, kaniyang iniutos kay Mehuman, kay Biztha, kay Harbona, kay Bigtha, at kay Abagtha, kay Zetar, at kay Carcas, na pitong kamarero na nangaglilingkod sa harapan ng haring Assuero.
11 Na dalhin si Vasthi na reina na may putong pagkareina sa harap ng hari, upang ipakita sa mga tao at sa mga prinsipe ang kaniyang kagandahan: sapagka't siya'y may magandang anyo.
12 Nguni't ang reinang si Vasthi ay tumanggi na pumaroon sa utos ng hari sa pamamagitan ng mga kamarero: kaya't ang hari ay lubhang naginit, at ang kaniyang galit ay nagalab sa kaniya.
13 Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa mga pantas na nakakaalam ng mga panahon (sapagka't gayon ang paraan ng hari sa lahat na nakakaalam ng kautusan at ng kahatulan.
14 At ang sumusunod sa kaniya ay si Carsena, si Sethar, si Admatha, si Tharsis, si Meres, si Marsena, at si Memucan, na pitong prinsipe sa Persia at Media, na nangakakita ng mukha ng hari, at nangaupong una sa kaharian,
15 Anong ating gagawin sa reinang si Vasthi ayon sa kautusan, sapagka't hindi niya sinunod ang bilin ng haring Assuero sa pamamagitan ng mga kamarero?
16 At si Memucan ay sumagot sa harap ng hari at ng mga prinsipe: Ang reinang si Vasthi ay hindi lamang sa hari nagkasala, kundi pati sa lahat na prinsipe, at sa lahat ng mga bayan na nangasa lahat na lalawigan ng haring Assuero.
17 Sapagka't ang gawang ito ng reina ay kakalat sa lahat ng babae, upang hamakin ang kanilang mga asawa sa harap ng kanilang mga mata, pagka nabalitaan: Ang haring Assuero ay nagpautos kay Vasthi na reina, na dalhin sa harap niya, nguni't hindi siya naparoon.
18 At sa araw na ito ay lahat na asawa ng mga prinsipe sa Persia at Media, na nangakabalita ng gawang ito ng reina ay mangagsasabi ng gayon sa lahat na prinsipe ng hari. Na anopa't kasasanghian ng maraming pagkahamak at pagkapoot.
19 Kung kalulugdan ng hari, maglabas ng utos hari sa ganang hari, at isulat sa mga kautusan ng mga taga Persia at mga Medo, upang huwag mabago, na si Vasthi ay huwag nang pumaroon sa harap ng haring Assuero; at ibigay ng hari ang kaniyang kalagayang reina sa iba na maigi kay sa kaniya.
20 At pagka ang pasiya ng hari na kaniyang isasagawa ay mahahayag sa lahat niyang kaharian, (sapagka't dakila, ) lahat ng babae ay mangagbibigay sa kanilang mga asawa ng karangalan, sa mataas at gayon din sa mababa.
21 At ang sabi ay nakalugod sa hari at sa mga prinsipe; at ginawa ng hari ang ayon sa salita ni Memucan:
22 Sapagka't siya'y nagpadala ng mga sulat sa lahat ng mga lalawigan ng hari, sa bawa't lalawigan, ayon sa sulat noon, at sa bawa't bayan ayon sa kanilang wika, na ang bawa't lalake ay magpupuno sa kaniyang sariling bahay at mahahayag ayon sa wika ng kaniyang bayan.