< Deuteronomio 9 >
1 Dinggin mo, Oh Israel, ikaw ay tatawid sa Jordan sa araw na ito, upang iyong pasukin na ariin ang mga bansang lalong dakila at lalong makapangyarihan kay sa iyo, na mga bayang malaki at nakukutaan hanggang sa himpapawid,
2 Isang bayang malaki at mataas ng mga anak ng Anaceo, na iyong nakikilala, at tungkol sa kanila ay narinig mong sinasabi, Sinong makatatayo sa harap ng mga anak ni Anac?
3 Talastasin mo nga sa araw na ito, na ang Panginoon mong Dios ay siyang mangunguna sa iyo na parang mamumugnaw na apoy; kaniyang lilipulin sila, at kaniyang payuyukurin sila sa harap mo; sa gayo'y iyong mapalalayas sila, at iyong malilipol silang madali, na gaya ng sinalita sa iyo ng Panginoon.
4 Huwag kang magsasalita sa iyong puso, pagkatapos na mapalayas sila ng Panginoon mong Dios sa harap mo, na iyong sasabihin, Dahil sa aking katuwiran ay ipinasok ako ng Panginoon upang ariin ang lupaing ito; na dahil sa kasamaan ng mga bansang ito ay pinalalayas ng Panginoon sila sa harap mo.
5 Hindi dahil sa iyong katuwiran o dahil sa pagtatapat ng iyong loob ay iyong pinapasok upang ariin ang kanilang lupain: kundi dahil sa kasamaan ng mga bansang ito ay pinalalayas sila ng Panginoong Dios sa harap mo, at upang kaniyang papagtibayin ang salita na isinumpa ng Panginoon sa iyong mga magulang kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob.
6 Talastasin mo nga na hindi ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios ang mabuting lupaing ito upang ariin ng dahil sa iyong katuwiran; sapagka't ikaw ay isang bayang matigas ang ulo.
7 Alalahanin mo, huwag mong kalimutan, kung paanong minungkahi mo sa galit ang Panginoon mong Dios sa ilang: mula nang araw na kayo'y umalis sa lupain ng Egipto, hanggang sa kayo'y dumating sa dakong ito ay naging mapanghimagsik kayo laban sa Panginoon.
8 Gayon din sa Horeb na inyong minungkahi ang Panginoon sa galit, at ang Panginoon ay nagalit sa inyo na kayo sana'y lilipulin.
9 Nang ako'y sumampa sa bundok upang tanggapin ang mga tapyas na bato, sa makatuwid baga'y ang mga tapyas ng tipan na ginawa ng Panginoon sa inyo, ay natira nga ako sa bundok na apat na pung araw at apat na pung gabi; hindi ako kumain ng tinapay ni uminom ng tubig.
10 At ibinigay sa akin ng Panginoon ang dalawang tapyas na bato na sinulatan ng daliri ng Dios; at sa mga yao'y nasusulat ang ayon sa lahat ng mga salita na sinalita ng Panginoon sa inyo sa bundok mula sa gitna ng apoy nang araw ng kapulungan.
11 At nangyari sa katapusan ng apat na pung araw at apat na pung gabi, na ibinigay sa akin ng Panginoon ang dalawang tapyas na bato, sa makatuwid baga'y ang mga tapyas ng tipan.
12 At sinabi ng Panginoon sa akin, Tumindig ka, manaog kang madali rito; sapagka't ang iyong bayan na iyong inilabas sa Egipto ay nangagpakasama; sila'y madaling lumihis sa daang aking iniutos sa kanila; sila'y nagsigawa para sa kanila ng isang larawang binubo.
13 Bukod dito'y sinalita sa akin ng Panginoon, na sinasabi, Aking nakita ang bayang ito, at, narito, isang bayang matigas ang ulo:
14 Bayaan mo ako na aking lipulin sila, at aking pawiin ang kanilang pangalan sa silong ng langit; at gagawin kita na isang bansang lalong makapangyarihan at lalong malaki kay sa kanila.
15 Sa gayo'y pumihit ako at bumaba ako mula sa bundok, at ang bundok ay nagniningas sa apoy, at ang dalawang tapyas ng tipan ay nasa aking dalawang kamay.
16 At tumingin ako, at, narito, kayo'y nakapagkasala na laban sa Panginoon ninyong Dios: kayo'y nagsigawa para sa inyo ng isang guyang binubo: kayo'y lumihis na madali sa daan na iniutos sa inyo ng Panginoon.
17 At aking tinangnan ang dalawang tapyas, at aking inihagis sa aking dalawang kamay, at aking iniwalat sa harap ng inyong mga mata.
18 At ako'y nagpatirapa sa harap ng Panginoon, gaya ng una, na apat na pung araw at apat na pung gabi; hindi ako kumain ng tinapay ni uminom ng tubig; dahil sa inyong buong kasalanan na inyong ipinagkasala sa paggawa ninyo ng masama sa paningin ng Panginoon na minungkahi ninyo siya sa galit;
19 Sapagka't natatakot ako dahil sa galit at maningas na poot, na ikinayamot ng Panginoon sa inyo, na lilipulin sana kayo. Nguni't dininig din naman ako noon ng Panginoon.
20 At ang Panginoo'y totoong nagalit kay Aaron na siya sana'y papatayin: at akin din namang idinalangin si Aaron nang panahon ding yaon.
21 At aking kinuha ang inyong kasalanan, ang guyang inyong ginawa, at aking sinunog sa apoy, at aking niyapakan, na dinurog na mainam, hanggang sa naging durog na parang alabok; at aking inihagis ang alabok niyaon sa batis na umaagos mula sa bundok.
22 At sa Tabera, at sa Massa, at sa Kibroth-hataa-vah, ay inyong minungkahi ang Panginoon sa galit.
23 At nang suguin kayo ng Panginoon mula sa Cades-barnea, na sabihin, Sumampa kayo at ariin ninyo ang lupain na ibinigay ko sa inyo; kayo nga'y nanghimagsik laban sa utos ng Panginoon ninyong Dios, at hindi ninyo pinanampalatayanan siya, ni dininig ang kaniyang tinig.
24 Kayo'y naging mapanghimagsik laban sa Panginoon, mula nang araw na kayo'y aking makilala.
25 Sa gayo'y nagpatirapa ako sa harap ng Panginoon na apat na pung araw at apat na pung gabi na ako'y nagpatirapa, sapagka't sinabi ng Panginoon, na kaniyang lilipulin kayo.
26 At aking ipinanalangin sa Panginoon, at sinabi, Oh Panginoong Dios, huwag mong lipulin ang iyong bayan at ang iyong mana, na iyong tinubos ng iyong kadakilaan na iyong inilabas sa Egipto ng makapangyarihang kamay.
27 Alalahanin mo ang iyong mga lingkod, si Abraham, si Isaac, at si Jacob; huwag mong masdan ang pagmamatigas ng bayang ito, ni ang kasamaan nila, ni ang kasalanan nila:
28 Baka sabihin ng mga taga lupaing pinaglabasan mo sa amin: Sapagka't hindi sila naipasok ng Panginoon sa lupain na ipinangako sa kanila, at sa kapootan niya sa kanila, ay inilabas sila upang patayin sa ilang.
29 Gayon man sila'y iyong bayan at iyong mana, na iyong inilabas ng iyong dakilang kapangyarihan at ng iyong unat na bisig.