< Deuteronomio 33 >
1 At ito ang basbas na ibinasbas ni Moises, tao ng Dios, sa mga anak ni Israel bago siya namatay.
2 At kaniyang sinabi, Ang Panginoo'y nanggaling sa Sinai, At bumangon mula sa Seir na patungo sa kanila; Siya'y lumiwanag mula sa bundok ng Paran, At siya'y nanggaling sa laksa-laksa ng mga banal: Sa kaniyang kanan, ay may hawak na isang mahigpit na kautusan sa kanila.
3 Oo't kaniyang iniibig ang bayan: Lahat ng kaniyang mga banal ay nasa iyong kamay: At sila'y umupo sa iyong paanan; Na bawa't isa'y tatanggap ng iyong mga salita.
4 Si Moises ay nagutos sa atin ng isang kautusan, Na mana sa kapisanan ng Jacob.
5 At siya'y hari sa Jeshurun, Nang magkatipon ang mga pangulo ng bayan, Sangpu ng lahat ng mga lipi ni Israel.
6 Mabuhay nawa ang Ruben, at huwag mamatay; Gayon ma'y kumaunti nawa ang kaniyang mga tao.
7 At ito ang basbas sa Juda; at kaniyang sinabi, Dinggin mo, Panginoon, ang tinig ng Juda, At padatnin mo sa kaniyang bayan: Sukat na sa kaniya ang kaniyang mga kamay; At ikaw ay maging tulong laban sa kaniyang mga kaalit.
8 At tungkol sa Levi ay kaniyang sinabi, Ang iyong Thummim at ang iyong Urim ay sumaiyong banal, Na siyang iyong sinubok sa Massa, Na siya mong kinatunggali sa tubig ng Meriba;
9 Na siyang nagsabi tungkol sa kaniyang ama, at tungkol sa kaniyang ina, Hindi ko siya nakita; Ni kinilala niya ang kaniyang mga kapatid, Ni kinilala niya ang kaniyang sariling mga anak; Sapagka't kanilang sinunod ang iyong salita, At ginaganap ang iyong tipan.
10 Sila'y magtuturo sa Jacob ng iyong mga kahatulan, At ng iyong mga kautusan, sa Israel; Sila'y maglalagay ng kamangyan sa harap mo, At ng buong handog na susunugin sa ibabaw ng iyong dambana.
11 Basbasan mo, Panginoon, ang kaniyang tinatangkilik, At tanggapin mo ang gawa ng kaniyang mga kamay; Saktan mo ang mga balakang niyaong nagsisibangon laban sa kaniya, At niyaong nangapopoot sa kaniya, upang sila'y huwag bumangon uli.
12 Tungkol sa Benjamin, ay kaniyang sinabi, Ang minamahal ng Panginoon ay tatahang ligtas sa siping niya; Siya'y kakanlungan niya buong araw, At siya'y mananahan sa pagitan ng kaniyang mga balikat.
13 At tungkol sa Jose ay kaniyang sinabi, Pagpalain nawa ng Panginoon ang kaniyang lupain, Sa mga mahalagang bagay ng langit, sa hamog, At sa kalaliman na nasa ilalim niya,
14 At sa mga mahalagang bagay na pinatubo ng araw, At sa mga mahalagang bagay na pinatubo ng buwan,
15 At sa pinakamarikit na mga bagay ng matandang bundok, At sa mga mahalagang bagay ng mga burol na walang hanggan,
16 At sa mga mahalagang bagay ng lupa at ng kapunuan niyaon, At ang mabuting kalooban niyaong tumahan sa mababang punong kahoy: Sumaulo nawa ni Jose ang kapalaran, At sa tuktok ng ulo niya na hiwalay sa kaniyang mga kapatid.
17 Ang panganay ng kaniyang baka, na may kamahalan; At ang mga sungay niyaon ay parang mga sungay ng mabangis na toro: Siya niyang ipantutulak sa mga bayan, lahat sa kanila, kahit na nasa mga hangganan ng lupa: At sila ang laksa-laksa ng Ephraim, At sila ang libolibo ng Manases.
18 At tungkol sa Zabulon ay kaniyang sinabi, Magalak ka, Zabulon, sa iyong paglabas; At ikaw, Issachar, sa iyong mga tolda.
19 Kanilang tatawagin ang mga bayan sa bundok; Doo'y maghahandog sila ng mga hain ng katuwiran: Sapagka't kanilang hihititin ang mga kasaganaan ng mga dagat, At ang natatagong kayamanan sa buhanginan.
20 At tungkol sa Gad, ay kaniyang sinabi, Pagpalain yaong magpalaki sa Gad: Siya'y tumatahan parang isang leona, At dudurog ng bisig, sangpu ng bao ng ulo.
21 At kaniyang inagap ang unang bahagi para sa kaniya, Sapagka't doon natago ang bahagi ng gumagawa ng kautusan; At siya'y pumaroong kasama ng mga pangulo ng bayan, Kaniyang isinagawa ang katuwiran ng Panginoon, At ang kaniyang mga kahatulan sa Israel.
22 At tungkol sa Dan ay kaniyang sinabi, Ang Dan ay anak ng leon, Na lumukso mula sa Basan.
23 At tungkol sa Nephtali ay kaniyang sinabi, Oh Nephtali, busog ng lingap, At puspos ng pagpapala ng Panginoon: Ariin mo ang kalunuran at ang timugan.
24 At tungkol sa Aser ay kaniyang sinabi, Pagpalain nawa sa mga anak ang Aser, Mahalin nawa siya ng kaniyang mga kapatid, At ilubog ang kaniyang paa sa langis.
25 Ang iyong mga halang ay magiging bakal at tanso; At kung paano ang iyong mga kaarawan ay magkagayon nawa ang iyong lakas.
26 Walang gaya ng Dios, Oh Jeshurun, Na sumasakay sa langit dahil sa pagtulong sa iyo, At sa himpapawid dahil sa kaniyang karangalan.
27 Ang walang hanggang Dios ay iyong dakong tahanan, At sa ibaba'y ang walang hanggang mga bisig: At kaniyang itinutulak sa harap mo ang kaaway, At sinabi, Lansagin mo.
28 At ang Israel ay tumatahang tiwala, Ang bukal ng Jacob na nagiisa, Sa isang lupain ng trigo at alak; Oo't, ang kaniyang mga langit ay nagbababa ng hamog.
29 Maginhawa ka, Oh Israel: Sino ang gaya mo, bayang iniligtas ng Panginoon, Ng kalasag na iyong tulong, At siyang tabak ng iyong karangalan! At ang iyong mga kaaway ay susuko sa iyo: At ikaw ay tutungtong sa kanilang mga matataas na dako.