< Deuteronomio 3 >
1 Nang magkagayo'y pumihit tayo, at ating sinampa ang daang patungo sa Basan: at si Og na hari sa Basan ay lumabas laban sa atin, siya at ang buong bayan niya, sa pakikipagbaka sa Edrei.
2 At sinabi sa akin ng Panginoon, Huwag mong katakutan siya, sapagka't aking ibinigay sa iyong kamay siya, at ang kaniyang buong bayan, at ang kaniyang lupain; at iyong gagawin sa kaniya ang gaya ng iyong ginawa kay Sehon na hari ng mga Amorrheo, na tumahan sa Hesbon.
3 Gayon din ibinigay ng Panginoon nating Dios sa ating kamay si Og, na hari sa Basan, at ang buong bayan niya; at ating sinaktan siya hanggang sa walang natira sa kaniya.
4 At ating sinakop ang lahat niyang mga bayan nang panahong yaon; walang bayan na di sinakop natin sa kanila; anim na pung bayan ang buong lupain ng Argob, ang kaharian ni Og, sa Basan.
5 Ang lahat ng ito'y mga bayang nakukutaan ng matataas na kuta, na may mga pintuang-bayan at mga halang; bukod pa ang napakaraming mga bayan na walang kuta.
6 At ating lubos na nilipol, na gaya ng ating ginawa kay Sehon na hari sa Hesbon, na lubos nating nilipol bawa't bayan na tinatahanan, sangpu ng mga babae at ng mga bata.
7 Nguni't ang madlang kawan at ang nasamsam sa mga bayan ay ating dinala.
8 At ating sinakop ang lupain nang panahong yaon sa kamay ng dalawang hari ng mga Amorrheo na nasa dako roon ng Jordan, mula sa libis ng Arnon hanggang sa bundok ng Hermon;
9 (Na siyang Hermon ay tinatawag ng mga taga Sidon na Sirion, at tinatawag ng mga Amorrheo na Senir):
10 Lahat ng mga bayan ng kapatagan, at ang buong Galaad, at ang buong Basan, hanggang Salcha at Edrei, na mga bayan ng kaharian ni Og sa Basan.
11 (Sapagka't si Og lamang na hari sa Basan ang nalalabi sa natira sa mga Rephaim; narito, ang kaniyang higaan ay higaang bakal; wala ba ito sa Rabbath ng mga anak ni Ammon? siyam na siko ang haba niyaon at apat na siko ang luwang niyaon, ayon sa siko ng isang lalake).
12 At ang lupaing ito'y ating sinakop na pinakaari nang panahong yaon; mula sa Aroer, na nasa tabi ng libis ng Arnon, at kalahati ng lupaing maburol ng Galaad, at ang mga bayan niyaon, ay aking ibinigay sa mga Rubenita at sa mga Gadita:
13 At ang labis ng Galaad, at ang buong Basan, na kaharian ni Og, ay aking ibinigay sa kalahating lipi ni Manases; ang buong lupain ng Argob, sa makatuwid baga'y ang buong Basan. (Siya ring tinatawag na lupain ng mga Rephaim.
14 Sinakop ni Jair na anak ni Manases ang buong lupain ng Argob, hanggang sa hangganan ng mga Gessureo at ng mga Machateo; at mga tinawag niya ng Basan ayon sa kaniyang pangalang Havot-jair hanggang sa araw na ito.)
15 At aking ibinigay ang Galaad kay Machir.
16 At sa mga Rubenita at sa mga Gadita ay aking ibinigay ang mula sa Galaad hanggang sa libis ng Arnon, na siyang kalahatian ng libis, na pinaka hangganan niyaon hanggang sa ilog Jaboc, na siyang hangganan ng mga anak ni Ammon;
17 Pati ng Araba at ng Jordan at ng hangganan niyaon, mula sa Cinereth hanggang sa Dagat ng Araba na Dagat na Alat, sa ibaba ng gulod ng Pisga sa dakong silanganan.
18 At kayo'y aking inutusan nang panahong yaon, na sinasabi, Ibinigay sa inyo ng Panginoon ninyong Dios ang lupaing ito upang ariin: kayo'y daraang may sakbat sa harap ng inyong mga kapatid na mga anak ni Israel, lahat ng taong matapang.
19 Nguni't ang inyong mga asawa at ang inyong mga bata, at ang inyong mga hayop, (aking talastas na kayo'y mayroong maraming hayop), ay mangatitira sa inyong mga bayan na aking ibinigay sa inyo;
20 Hanggang sa bigyan ng Panginoon ng kapahingahan ang inyong mga kapatid, na gaya ninyo, at kanilang ariin naman ang lupain na ibinigay sa kanila ng Panginoon ninyong Dios, sa dako roon ng Jordan; kung magkagayon ay babalik ang bawa't lalake sa inyo sa kaniyang pag-aari, na aking ibinigay sa inyo.
21 At aking iniutos kay Josue nang panahong yaon, na sinasabi, Nakita ng iyong mga mata ang lahat ng ginawa ng Panginoon mong Dios sa dalawang haring ito; gayon ang gagawin ng Panginoon sa lahat ng mga kahariang iyong daraanan.
22 Huwag kayong matakot sa kanila: sapagka't ipinakikipaglaban kayo ng Panginoon ninyong Dios.
23 At ako'y dumalangin sa Panginoon nang panahong yaon, na sinasabi,
24 Oh Panginoong Dios, iyong minulang ipinakilala sa iyong lingkod ang iyong kadakilaan at ang iyong kamay na makapangyarihan: ano ngang Dios sa langit o sa lupa ang makagagawa ng ayon sa iyong mga gawa, at ayon sa iyong mga makapangyarihang kilos?
25 Paraanin mo nga ako, isinasamo ko sa iyo, at aking makita ang mabuting lupain na nasa dako roon ng Jordan, yaong mainam na bundok, at ang Libano.
26 Nguni't ang Panginoon ay nagalit sa akin dahil sa inyo, at hindi ako dininig; at sinabi sa akin ng Panginoon, Siya na; huwag ka nang magsalita pa sa akin ng tungkol sa bagay na ito.
27 Sumampa ka sa taluktok ng Pisga at ilingap mo ang iyong mga mata sa dakong kalunuran, at sa dakong hilagaan, at sa dakong timugan, at sa dakong silanganan, at masdan mo ng iyong mga mata; sapagka't hindi ka makatatawid sa Jordang ito.
28 Nguni't pagbilinan mo si Josue, at palakasin mo ang kaniyang loob at palakasin mo siya: sapagka't siya'y daraan sa harap ng bayang ito, at kaniyang ipamamana sa kanila ang lupain na iyong makikita.
29 Sa gayo'y tumahan tayo sa libis, na nasa tapat ng Beth-peor.