< Deuteronomio 29 >

1 Ito ang mga salita ng tipan na iniutos ng Panginoon kay Moises na gawin sa mga anak ni Israel sa lupain ng Moab, bukod sa tipang kaniyang ginawa sa kanila sa Horeb.
Ito ang mga salita na inutos ni Yahweh kay Moises na sabihin sa mga tao ng Israel sa lupain ng Moab, mga salita na idinagdag sa tipan na kaniyang ginawa sa kanila sa Horeb.
2 At tinawag ni Moises ang buong Israel, at sinabi sa kanila, Inyong nakita yaong lahat na ginawa ng Panginoon sa harap ng inyong mga mata sa lupain ng Egipto, kay Faraon at sa lahat ng kaniyang lingkod at kaniyang buong lupain;
Ipinatawag ni Moises ang lahat ng mga Israelita at sinabi sa kanila, “Nakita ninyo ang lahat ng bagay na ginawa ni Yahweh sa harap ng inyong mga mata sa lupain ng Ehipto kay Paraon, sa lahat ng kaniyang mga lingkod, at sa lahat ng kanyang lupain—
3 Ang mga dakilang tukso na nakita ng iyong mga mata, ang mga tanda, at yaong mga dakilang kababalaghan:
ang matinding paghihirap na nakita ng inyong mga mata, ang mga pangitain, at yaong mga dakilang kababalaghan.
4 Nguni't hindi kayo binigyan ng Panginoon ng pusong ikakikilala at ng mga matang ikakikita, at ng mga pakinig na ikaririnig, hanggang sa araw na ito.
Pero hanggang ngayon hindi kayo binigyan ni Yahweh ng isang puso para makaalam, mga mata para makakita, o mga tainga para makarinig.
5 At aking pinatnubayan kayong apat na pung taon sa ilang: ang inyong mga damit ay hindi naluma sa inyo, at ang iyong panyapak ay hindi naluma sa iyong paa.
Pinamunuan ko kayo sa loob ng apatnapung taon sa ilang; ang inyong mga damit ay hindi naluma, at ang inyong mga sandalyas ay hindi napudpod sa inyong mga paa.
6 Hindi kayo kumain ng tinapay, ni uminom ng alak o inuming nakalalasing: upang inyong makilala na ako ang Panginoon ninyong Dios.
Hindi kayo kumain ng kahit na anong tinapay ni uminom ng kahit na anong alak o nakakalasing na mga inumin, para inyong malaman na ako si Yahweh na inyong Diyos.
7 At nang kayo'y dumating sa dakong ito, ay lumabas si Sehon na hari sa Hesbon at si Og na hari sa Basan, laban sa atin sa pakikibaka, at ating sinugatan sila;
Nang dumating kayo sa lugar na ito, si Sihon, ang hari ng Heshbon, at si Og, ang hari ng Bashan, ay lumabas laban sa atin para lumaban, at tinalo natin sila.
8 At ating sinakop ang kanilang lupain at ating ibinigay na pinaka mana sa mga Rubenita, at sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases.
Kinuha natin ang kanilang lupain at binigay ito bilang pamana sa mga lipi ni Reuben, sa mga lipi ni Gad, at sa kalahating lipi ni Manasses.
9 Ganapin nga ninyo ang mga salita ng tipang ito, at inyong gawin, upang kayo'y guminhawa sa lahat ng inyong ginagawa.
Kaya sundin ang mga salita ng tipang ito at gawin, para kayo ay sumagana sa lahat ng bagay na inyong gagawin.
10 Kayo'y tumatayong lahat sa araw na ito, sa harap ng Panginoon ninyong Dios; ang inyong mga pangulo, ang inyong mga lipi, ang inyong mga matanda, at ang inyong mga puno, sa makatuwid baga'y lahat ng mga lalake sa Israel,
Nakatayo kayo ngayong araw, kayong lahat, sa harapanni Yahweh na inyong Diyos; ang mga nangunguna sa inyo, ang inyong mga lipi, ang inyong mga nakatatanda, at ang inyong mga opisiyal—lahat ng mga kalalakihan ng Israel,
11 Ang inyong mga bata, ang inyong mga asawa at ang iyong taga ibang lupa na nasa gitna ng iyong mga kampamento mula sa iyong mangangahoy hanggang sa iyong mananalok:
ang inyong mga anak, ang inyong mga asawa, at ang dayuhan na kasama ninyo sa inyong kampo, mula sa mga tagaputol ng inyong kahoy hanggang sa mga tagasalok ng inyong tubig.
12 Upang ikaw ay pumasok sa tipan ng Panginoon mong Dios, at sa kaniyang sumpa na ginagawa sa iyo ng Panginoon mong Dios sa araw na ito:
Narito kayong lahat para pumasok sa tipan ni Yahweh na inyong Diyos at sa pangakao na ginagawa ni Yahweh na inyong Diyos sa inyo ngayon,
13 Upang kaniyang itatag ka sa araw na ito na isang bayan, at upang siya'y maging iyong Dios, na gaya ng kaniyang sinalita sa iyo, at gaya ng kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob.
para ngayon ay maaari niya kayong gawing isang bayan para sa kaniyang sarili, at sa ganoon siya ay maging Diyos para sa inyo, gaya ng sinabi niya sa inyo, at gaya ng sinumpa niya sa inyong mga ninuno, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob.
14 At hindi lamang sa inyo ginagawa ko ang tipang ito at ang sumpang ito;
At hindi ko lamang ginagawa para inyo ang tipang ito at itong panunumpa,
15 Kundi doon sa nakatayo ritong kasama natin sa araw na ito sa harap ng Panginoon nating Dios, at gayon din sa hindi natin kasama sa araw na ito:
—kasama ng lahat ng nakatayo ngayon na narito kasama natin sa harapan ni Yahweh na ating Diyos, pero pati narin sa mga kasama natin na wala rito ngayon.
16 (Sapagka't talastas ninyo kung paanong tumahan tayo sa lupain ng Egipto; at kung paanong tayo'y pumasok sa gitna ng mga bansang inyong dinaanan;
Alam ninyo kung paano tayo namuhay sa lupain ng Ehipto, at kung paano tayo pumasok sa gitna ng mga bansa na inyong dinaanan.
17 At inyong nakita ang kanilang mga karumaldumal, at ang kanilang mga idolo, na kahoy at bato, pilak at ginto na nasa gitna nila: )
Nakita ninyo ang kanilang mga nakasusuklam na mga bagay: kanilang mga diyus-diyosan na kahoy at bato, pilak at ginto, na nabibilang sa kanila,
18 Baka magkaroon sa gitna ninyo ng lalake, o babae, o angkan, o lipi, na ang puso'y humiwalay sa araw na ito, sa Panginoon nating Dios, na yumaong maglingkod sa mga dios ng mga bansang yaon; baka magkaroon sa gitna ninyo ng isang ugat na nagbubunga ng nakakalason at ng ajenjo;
kung kaya't marapat na wala sinumang sa inyo, lalaki, babae, pamilya, o lipi na ang puso ay tatalikod ngayon mula kay Yahweh na ating Diyos, para sumamba sa mga diyus-diyosan ng mga bansang iyon—kung kaya't marapat na wala sa inyo ang anumang ugat na nagbubunga ng apdo at halamang mapait,
19 At mangyari, na pagka kaniyang narinig ang mga salita ng sumpang ito, na kaniyang basbasan ang kaniyang sarili sa kaniyang puso, na magsabi, Ako'y magkakaroon ng kapayapaan, bagaman ako'y lumalakad sa pagmamatigas ng aking puso upang ilakip ang paglalasing sa kauhawan:
para kapag marinig ng taong iyon ang mga salita ng sumpang ito, hindi niya dapat basbasan ang kaniyang sarili sa kaniyang puso at sabihing, 'magkakaroon ako ng kapayapaan, kahit na maglalakad ako sa katigasan ng aking puso.' Sisirain nito ang basa kasama ang tuyo.
20 Ay hindi siya patatawarin ng Panginoon, kundi ang galit nga ng Panginoon at ang kaniyang paninibugho ay maguusok laban sa taong yaon, at ang lahat ng sumpa na nasusulat sa aklat na ito ay hihilig sa kaniya, at papawiin ng Panginoon ang kaniyang pangalan sa silong ng langit.
Hindi siya papatawarin ni Yahweh, pero sa halip, ang galit ni Yahweh at kanyang pagseselos ay mag-iinit laban sa taong iyon, at ang lahat ng mga sumpa na nakasulat sa aklat na ito ay mapapasakanya, at tatanggalin ni Yahweh ang kanyang pangalan mula sa ilalim ng langit.
21 At ihihiwalay siya ng Panginoon sa lahat ng mga lipi sa Israel sa kasamaan, ayon sa lahat ng mga sumpa ng tipan na nasusulat sa aklat na ito ng kautusan.
Ibubukod siya ni Yahweh para sa sakuna na mula sa lahat ng mga lipi ng Israel, sa pagsunod sa lahat ng mga sumpa ng tipan na nakasulat sa aklat ng batas na ito.
22 At ang mga lahing darating, ang inyong mga anak na magsisibangon pagkamatay ninyo, at ang taga ibang bayan na magmumula sa malayong lupain, ay magsasabi, pagka nakita nila ang mga salot ng lupaing yaon, at ang sakit na inilagay ng Panginoon, na ipinagkasakit;
Ang darating na salinlahi, ang mga anak ninyo na lilitaw pagkatapos ninyo, at ang dayuhan na nagmula sa isang malayong lupain, ay magsasalita kapag nakita nila ang mga salot sa lupaing ito at ang mga karamdaman na ginawa ni Yahweh —
23 At ang buong lupaing yaon ay asupre, at asin, at sunog, na hindi nahahasikan, at walang ibubunga, ni walang tumutubong damo, na gaya ng nangyari sa pagkagiba ng Sodoma at Gomorra, Adma at Seboim, na giniba ng Panginoon sa kaniyang kagalitan at sa kaniyang maningas na pagiinit;
at kapag nakita nila ang buong lupain na naging asupre at nasusunog na asin, kung saan walang ipinunla ni namumunga, kung saan walang mga halaman ang tumutubo, katulad ng pagkabagsak ng Sodom at Gomorra, Adma at Zeboiim, na winasak ni Yahweh sa kaniyang galit at matinding poot—
24 Na anopa't lahat ng mga bansa ay magsasabi, Bakit ginawa ito ng Panginoon sa lupaing ito? ano ang kahulugan ng init nitong malaking kagalitan?
sasabihin nilang lahat kasama ng lahat ng ibang mga bansa, 'Bakit ito ginawa ni Yahweh sa lupaing ito? Ano ang kahulugan ng init ng labis na galit na ito?'
25 Kung magkagayo'y sasabihin ng mga tao, Sapagka't kanilang pinabayaan ang tipan ng Panginoon, ng Dios ng kanilang mga magulang, na kaniyang ginawa sa kanila, nang kaniyang kunin sila sa lupain ng Egipto;
Pagkatapos sasabihin ng mga tao, 'Ito ay dahil pinabayaan nila ang tipan ni Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, na ginawa niya sa kanila noong sila ay inilabas niya mula sa lupain ng Ehipto,
26 At sila'y yumaon at naglingkod sa ibang mga dios, at sinamba nila, na mga dios na hindi nila nakilala, at hindi niya ibinigay sa kanila:
at dahil sila ay pumunta at sumamba sa ibang diyus-diyosan at yumukod sa kanilang, diyus-diyosan na hindi nila kilala at ang mga hindi niya binigay sa kanila.
27 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nagalab laban sa lupaing ito, upang dalhin sa kaniya ang buong sumpa na nasusulat sa aklat na ito:
Kaya ang galit ni Yahweh ay sumiklab laban sa lupaing ito, para magdala doon ng lahat ng mga sumpa na nasusulat sa aklat na ito.
28 At sila'y binunot ng Panginoon sa kanilang lupain, sa kagalitan, at sa pagiinit, at sa malaking pagkagalit, at sila'y itinaboy sa ibang lupain gaya sa araw na ito.
Binunot sila ni Yahweh mula sa kanilang lupain sa galit, sa poot, at sa matinding galit, at itinapon sila sa ibang lupain, gaya ng ngayon.'
29 Ang mga bagay na lihim ay nauukol sa Panginoon nating Dios: nguni't ang mga bagay na hayag ay nauukol sa atin at sa ating mga anak magpakailan man, upang ating magawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.
Ang mga bagay na lihim ay nabibilang lamang kay Yahweh na ating Diyos; pero ang mga bagay na inihayag ay nabibilang magpakailanman sa atin at sa ating mga kaapu-apuhan, para gawin natin ang lahat ng mga salita ng batas na ito.

< Deuteronomio 29 >