< Deuteronomio 18 >
1 Ang mga saserdote na mga Levita, ang buong lipi ni Levi, ay hindi magkakaroon ng bahagi ni mana na kasama ng Israel; sila'y kakain ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, at ng kaniyang mana.
2 At sila'y hindi magkakaroon ng mana na kasama ng kanilang mga kapatid; ang Panginoon ang kanilang mana, gaya ng sinalita niya sa kanila.
3 At ito ang magiging karampatan ng mga saserdote sa bayan, sa kanila na naghahandog ng hain, maging baka o tupa, na kanilang ibibigay sa saserdote ang balikat, at ang dalawang pisngi, at ang sikmura.
4 Ang mga unang bunga ng iyong trigo, ng iyong alak, at ng iyong langis, at ang unang balahibo ng iyong mga tupa, ay ibibigay mo sa kaniya.
5 Sapagka't pinili siya ng Panginoon mong Dios sa lahat ng iyong mga lipi, upang tumayong mangasiwa sa pangalan ng Panginoon, siya at ang kaniyang mga anak magpakailan man.
6 At kung ang isang Levita ay umalis sa alinman sa iyong mga pintuang-daan ng buong Israel na kaniyang pinakikipamayanan at pumaroon ng buong nasa ng kaniyang kaluluwa sa dakong pipiliin ng Panginoon;
7 Ay mangangasiwa nga siya sa pangalan ng Panginoon niyang Dios, na gaya ng ginagawa ng lahat ng kaniyang mga kapatid na mga Levita, na tumatayo roon sa harap ng Panginoon.
8 Sila'y magkakaroon ng magkakaparehong bahagi na kakanin, bukod sa magmumula sa pinagbilhan sa pamana ng kaniyang ama.
9 Pagpasok mo sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, ay huwag kang magaaral gumawa ng ayon sa mga karumaldumal ng mga bansang yaon.
10 Huwag makakasumpong sa iyo ng sinomang nagpaparaan sa apoy ng kaniyang anak na lalake o babae, o nanghuhula o nagmamasid ng mga pamahiin o enkantador, o manggagaway,
11 O enkantador ng mga ahas, o nakikipagsanggunian sa mga masamang espiritu, o mahiko, o sumasangguni sa mga patay.
12 Sapagka't sinomang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumaldumal sa Panginoon: at dahil sa mga karumaldumal na ito ay pinalalayas sila ng Panginoon mong Dios sa harap mo.
13 Ikaw ay magpapakasakdal sa Panginoon mong Dios.
14 Sapagka't ang mga bansang ito, na iyong aariin, ay nakikinig sa kanila na nagmamasid ng mga pamahiin, at sa mga manghuhula: nguni't tungkol sa iyo, ay hindi pumayag ang Panginoon mong Dios na gawin mo.
15 Palilitawin sa iyo ng Panginoon mong Dios ang isang propeta sa gitna mo, sa iyong mga kapatid, na gaya ko; sa kaniya kayo makikinig;
16 Ayon sa lahat ng iyong ninasa sa Panginoon mong Dios sa Horeb, sa araw ng kapulungan, na sinasabi, Huwag mong iparinig uli sa akin ang tinig ng Panginoon kong Dios, ni ipakita pa sa akin itong dakilang apoy, upang huwag akong mamatay.
17 At sinabi ng Panginoon sa akin, Mabuti ang kanilang pagkasabi ng kanilang salitain.
18 Aking palilitawin sa kanila ang isang propeta sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at aking ilalagay ang aking mga salita sa bibig niya, at kaniyang sasalitain sa kanila ang lahat ng aking iuutos sa kaniya.
19 At mangyayari, na sinomang hindi makikinig sa aking mga salita na kaniyang sasalitain sa aking pangalan, ay aking sisiyasatin yaon sa kaniya.
20 Nguni't ang propeta na magsasalita ng salitang may pagpapalalo sa aking pangalan, na hindi ko iniutos sa kaniyang salitain o magsasalita sa pangalan ng ibang mga dios, ay papatayin nga ang propetang yaon.
21 At kung iyong sasabihin sa iyong puso: Paanong malalaman namin ang salita na hindi sinalita ng Panginoon?
22 Pagka ang isang propeta ay nagsasalita sa pangalan ng Panginoon, kung ang bagay na sinasabi ay hindi sumunod ni mangyari, ay hindi sinalita ng Panginoon ang bagay na yaon: ang propetang yaon ay nagsalita ng kahambugan, huwag mong katatakutan siya.